Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Bata at Digmaan Taglay ang matinding lungkot, binasa ko ang seryeng “Ang Nagagawa ng Digmaan sa mga Bata.” (Oktubre 22, 1997) Isa rin akong bata ng digmaan. Noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, ginugol ko ang apat at kalahating taon sa mga kampong piitan ng mga Hapon sa Ngawi at Bandung. Sa edad na sampu, napahiwalay ako sa aming pamilya at nagtrabaho nang pitong araw bawat linggo sa ilalim ng matinding init—kulang sa pagkain at maysakit na beriberi at disintirya. Gayunman, ang mga karanasan ko’y parang paglilibang lamang kung ihahambing sa di-mailarawang kalupitan na dinaranas ng milyun-milyong bata sa ngayon. Huwag sana tayong panghinaan ng loob sa pagpapahintulot ni Jehova ng panahon upang ang mga tao sa buong mundo, pati na ang mga bata ng digmaan, ay matuto ng kaniyang nakaaaliw na mga pangako!
R. B., Estados Unidos
Palayok ng Pinagmantikaan Nalulungkot at naaawa ako para sa aking sarili. Noong isang taon ipinasiya ng mister ko na hindi niya kailangan ang isang Kristiyano para maging asawa, at pinalayas niya kami ng aking anak na lalaki mula sa magandang bahay na ang sabi niya’y binili niya para sa akin. Naghirap ako. Tila wala nang pag-asa ang buhay ko, at ako’y humingi ng tulong kay Jehova. Buweno, tumanggap ako ng aral mula sa artikulong “Isang Aral Mula sa Isang Palayok ng Pinagmantikaan.” (Oktubre 22, 1997) Ipinaalaala nito sa akin na maging kontento sa pagkain at pananamit at laging unahin ang mga kapakanan ng Kaharian.
K. P., Estados Unidos
Mga Suliranin sa Kapatid Ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Nasa Kapatid Ko na Lamang ang Lahat ng Atensiyon?” (Oktubre 22, 1997) ay tamang-tamang dumating kung kailan kinakailangan namin ito. Tinulungan kami nitong maunawaan na ang di-parehong pakikitungo ay hindi laging kawalan ng katarungan. Naiintindihan na namin ngayon na may mabubuting dahilan ang aming mga magulang sa pagbibigay ng higit na atensiyon sa aming mga kapatid. Totoong sang-ayon kami sa artikulo.
B. K., H. K., at G. U. O., Nigeria
Polusyon sa Ingay Nagtatrabaho ako sa isang malaking pabrika sa loob ng maraming taon, at kami ng ilan sa aking mga kasamahan ay nagdurusa sa mga epekto ng malakas na ingay roon. Dinala ko ang isyu ng Nobyembre 8, 1997, sa dako ng aking trabaho (“Ingay—Ang Ating Pinakagrabeng Polusyon?”), at ipinasiya ng pangasiwaan na gumawa ng kinakailangang mga hakbang upang maingatan ang kalusugan ng lahat ng manggagawa.
R. P., Italya
Naiinis ako sa loob ng maraming taon dahil sa ingay na ginagawa ng kapitbahay ko. Nagpapatakbo siya ng negosyo hanggang sa gabing-gabi na. Kung minsan ay galit na galit ako. Subalit napatibay akong malaman na may mga Kristiyanong kapatid na mga biktima rin ng ingay subalit nadaraig ito dahil sa pagpipigil sa sarili.
T. O., Hapon
Mayroon akong kapitbahay na nakagagambala sa akin dahil sa mga pagtawag sa telepono nang napakaaga. Ang mga artikulong ito ay nagbigay sa akin ng mahuhusay na paraan kung paano haharapin ang bagay na ito sa isang maibigin at Kristiyanong paraan.
J. R., Inglatera
Magellan Totoong pinahahalagahan ko at nasiyahan ako sa artikulo tungkol kay Ferdinand Magellan na pinamagatang “Ang Taong Nagbukas sa Daigdig.” (Nobyembre 8, 1997) Nang ilabas ang artikulo, kasalukuyan naming pinag-aaralan ang tungkol sa kaniya sa aming klase sa ikalimang grado. Mas marami akong natutuhan tungkol sa kaniya mula sa artikulo kaysa sa aking aklat sa araling panlipunan. Ibinigay ko sa aking guro ang aking personal na kopya ng magasin, at naibigan niya ito! Pagkaraan ng dalawang araw, isinauli niya ang magasin, at may maikling sulat iyon na muli akong pinasasalamatan.
B. V., Estados Unidos
Nakasisiyang magunita kung paanong si Ferdinand Magellan, isang may tibay-loob na tao, ay nagtagumpay sa labanan at iba’t ibang kahirapan upang maabot ang isa sa mga pinakadakilang tagumpay sa kasaysayan. Salamat sa pagsusulat ng isang kawili-wiling paksa.
M. E., Italya