Magkakaroon Pa Kaya ng Kapayapaan at Katahimikan?
NANG tanungin kung ano ang hinahanap nila sa pagbabakasyon sa ibang bansa, halos 3 sa bawat 4 na turistang Britano ang tumugon, “Kapayapaan at katahimikan.” Subalit dahil sa isang pambuong daigdig na problema ang polusyong ingay, naniniwala ang marami na ang tunay na kapayapaan at katahimikan ay isa lamang ilusyon.
Sa kabila ng puspusang pagsisikap na bawasan ang polusyong ingay, marahil ay mag-iisip-isip ka kung makatotohanan bang maniwala na magkakaroon pa nga ng ganap na tagumpay. Kumusta naman ang iba na hindi naman nababahalang gaya mo?
Mga Balakid na Dapat Daigin
Hindi madaling makipag-usap sa mga taong laging salungat, lalo na nga kung ipauunawa mo pa sa kanila ang iyong pangmalas. Nang magtipon ang maiingay na pangkat ng mga tin-edyer sa labas ng gusali kung saan nakatira si Ron, siya ang gumawa ng unang hakbang upang kaibiganin sila. Inalam niya ang kanilang mga pangalan. Tumulong pa nga siya na kumpunihin ang isa sa kanilang mga bisikleta. Mula noon, wala na siyang naging problema sa kanila.
Isaalang-alang ang kaso ni Marjorie, isang nagsosolong magulang na may tin-edyer na anak na babae, na nakatira sa isang apartment na napagitnaan ng maiingay na kapitbahay. Ang mga nakatira sa itaas ay walang alpombra sa kanilang sahig. Dahil dito, nasusumpungan ni Marjorie na ang ingay mula sa mga batang nagro-roller skate sa sahig, nagpapatalbog ng bola, o lumulundag pa nga sa kama ay nakagagambala sa kaniya. Bukod pa riyan, ang kanilang nanay ay nakasapatos na mataas ang takong sa loob ng bahay. May-kabaitang lumapit si Marjorie upang hilingin sa kaniyang kapitbahay na medyo tumahimik naman, subalit ang problema sa wika sa pagitan nila ay nagdulot ng pagkasiphayo. Ang konseho ng munisipyo roon ay nag-alok na magpadala ng isang interprete upang lutasin ang problema, kaya si Marjorie ay naghihintay ng mabuting resulta.
Sa silong naman niya ay nakatira ang isang lalaking nagpapatugtog nang malakas na musika sa pagitan ng alas siyete at alas otso tuwing umaga, na ang kumpas ng bajo ay patuloy na kumakalabog. Ang kaniyang mataktikang paglapit sa lalaki ay tinugon na kailangan nito ang kaniyang musika upang ‘ikondisyon ang sarili para sa kaniyang trabaho.’ Paano ito nababata ni Marjorie?
“Nililinang ko ang pagpipigil-sa-sarili at pagtitiis,” aniya. “Muli kong isinaayos ang aking programa, at ako’y nauupo upang magbasa sa kabila ng ingay. Nasusumpungan kong agad na buhos na buhos ang isip ko sa aking aklat. Sa gayon ay hindi ko na gaanong napapansin ang ingay.”
Sa kabilang dako naman, si Heather na nakatira sa isang apartment na nakatunghay sa isang nightclub, na, pagkatapos ng isang napakaingay na gabi, ay nagsasara nang mga bandang alas sais ng umaga. Bagaman sa wakas ay nagreklamo siya sa lokal na mga awtoridad, walang gaanong nagawa upang mapahinto ang paggambala.
Isang Wakas sa Ingay?
“Nasusumpungan ng maraming tao ang ganap na katahimikan na lubhang nakagagambala at nakatatakot,” ang sabi ni Dr. Ross Coles ng Medical Research Council’s Institute of Hearing Research ng Britanya. Ang maririkit na awit ng mga ibon, ang marahang hampas ng alon sa mabuhanging dalampasigan, ang sigawan ng mga bata dahil sa tuwa—ang mga ito at ang iba pang tunog ay nakalulugod sa atin. Bagaman maaaring inaasam-asam natin sa ngayon ang ilang ginhawa mula sa ingay, tayo’y natutuwang makapiling ang mabubuting kasama na nakikipag-usap sa atin. Ang Diyos ay nangako ng kapayapaan at katahimikan para sa kaniyang tapat na mga lingkod.
Ganito ang sabi ng salmista sa Bibliya: “Ang maaamo mismo ang magmamay-ari sa lupa, at sila’y tunay na makasusumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:11) Malapit nang makialam ang makalangit na pamahalaan ng Kaharian ng Diyos sa mga gawain ng tao. (Daniel 2:44) Pagkatapos, sa ilalim ng pamamahala ni Kristo Jesus, magkakaroon ng “saganang kapayapaan hanggang sa mawala ang buwan.”—Awit 72:7; Isaias 9:6, 7.
Makatitiyak ka na dahil sa pakikialam ng Diyos ay matatamo ang kapayapaan at katahimikan na ninanais nating lahat, gaya ng inihula ng propeta ng Diyos na si Isaias: “Ang gawain ng tunay na katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang bunga ng tunay na katuwiran ay katahimikan at katiwasayan hanggang sa panahong walang takda. At ang bayan ko ay tatahan . . . sa mga tahimik na dakong pahingahan.”—Isaias 32:17, 18.
Kahit na ngayon, matutuklasan mo ang espirituwal na kapayapaan at katahimikan sa mga pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar. Bagaman kung minsan ay sampu-sampung libo ang nagkakatipon para sa pagsamba sa malalaking kombensiyon—at ang mga pagtitipong ito ay tunay na ‘maingay dahil sa mga lalaki, mga babae, at mga bata’—ang tunog ay hindi nakagagambala kundi kaayaaya. (Mikas 2:12) Mararanasan mo ito mismo sa pamamagitan ng pakikipagtipon sa mga Saksi sa inyong lugar o sa pamamagitan ng pagsulat sa isa sa mga direksiyon sa pahina 5 ng magasing ito upang makipagkita sa kanila. Tamasahin ang tunay na kapayapaan at katahimikan sa piling nila ngayon at marahil magpakailanman.