Ingatan ang Iyong Pandinig!
“Mahigit sa 120 milyon katao sa buong daigdig ang may kapansanan sa pandinig.”—World Health Organization.
ANG ating kakayahang makarinig ay isang kaloob na dapat pahalagahan. Gayunman, unti-unting humihina ang ating pandinig habang tayo’y nagkakaedad. Ang prosesong ito ay waring pinabilis ng makabagong lipunan, kasama na ang marami at sari-saring tunog at ingay na nililikha nito. Isang siyentipikong may mataas na posisyon sa Central Institute for the Deaf, sa St. Louis, Missouri, E.U.A., ang nagsabi: “Mga 75 porsiyento ng pagkabingi ng pangkaraniwang Amerikano ay hindi lamang dahil sa proseso ng pagtanda kundi dahil din sa kung saan mo inihantad ang iyong mga tainga sa buong buhay mo.”
Ang matindi at saglit na pagkahantad sa malalakas na tunog ay maaaring makapinsala sa maseselan na kayarian ng panloob na tainga. Gayunman, ang pagkabingi ay kadalasang bunga ng “sunud-sunod na epekto ng maiingay na trabaho, maiingay na libangan, maiingay na dibersiyon,” sabi ng dalubhasa sa pandinig na si Dr. Margaret Cheesman. Ano ang magagawa mo upang maingatan ang iyong pandinig? Upang malaman ang sagot, makatutulong na alamin muna ang ilang bagay kung paano gumagana ang iyong pandinig.
Ang mga Tunog na Ating Naririnig
Ang kapaligirang kinabubuhayan natin ay waring paingay nang paingay. Sa araw-araw ay marami ang naririndi sa mga tunog na may iba’t ibang antas mula sa ingay ng mga kotse, bus, at trak sa mga lansangan hanggang sa malalakas at walang-patíd na ingay ng mga kagamitang de-kuryente sa lugar ng trabaho.
Pinalulubha pa nga natin kung minsan ang suliranin sa pamamagitan ng malakas na pagpapatugtog. Ang isang popular na paraan ng pakikinig sa musika ay sa pamamagitan ng mga headphone na nakakabit sa isang nabibitbit na CD o cassette player. Ayon kay Marshall Chasin, isa sa mga tagapagtatag ng Musicians’ Clinics of Canada, ipinakikita ng mga surbey na isinagawa sa Canada at sa Estados Unidos na parami nang parami ang mga kabataang nabibingi dahil sa malakas na pagpapatugtog na gamit ang mga headphone.
Subalit kailan ba masasabing sobrang lakas na ang tunog? Ang tunog ay inilalarawan sa tatlong paraan—sa pamamagitan ng haba, frequency, at lakas. Ang haba ay karaniwang tumutukoy sa tagal ng panahon na naririnig ang isang tunog. Ang frequency ng isang tunog, o tinis, ay inilalarawan sa pamamagitan ng siklo bawat segundo, o hertz. Ang antas ng naririnig na frequency ng tunog para sa normal at malusog na pandinig ay mula 20 hanggang 20,000 siklo bawat segundo.
Ang lakas, o tindi ng isang tunog, ay sinusukat sa yunit na tinatawag na decibel (dB). Ang normal na usapan ay may antas ng tunog na halos 60 decibel. Sinasabi ng mga audiologist na habang tumatagal ang pagkakahantad mo sa anumang ingay na mas malakas sa 85 decibel, lalong tumataas ang tsansa ng pagkabingi sa dakong huli. Habang lumalakas ang tunog, lalong bumibilis ang pinsala sa pandinig. Isang ulat sa magasing Newsweek ang nagsabi: “Maaaring ligtas na makayanan ng iyong tainga ang dalawang oras na ingay ng isang barenang de-kuryente (100 dB), subalit hindi ang mahigit na 30 minutong ingay sa loob ng video arcade (110 dB). Bawat 10-decibel na pagtaas sa antas ng tunog ay nangangahulugan ng 10 ulit na mas nakaririndi-sa-taingang ingay.” Pinatutunayan ng mga pagsusuri na ang tunog ay nagsisimulang magdulot ng kirot sa lakas na halos 120 decibel. Hindi kapani-paniwala, ang ilang stereo sa bahay ay maaaring lumikha ng tunog na mahigit 140 decibel!—Tingnan ang kalakip na kahon.
Upang tulungan kang maunawaan kung bakit nakapipinsala ang malalakas na tunog sa iyong pandinig, isaalang-alang natin kung ano ang nangyayari kapag umabot na ang mga alon ng tunog (sound wave) sa iyong mga tainga.
Kung Paano Gumagana ang Ating Pandinig
Ang hugis ng malamáng bahagi ng ating panlabas na tainga, na tinatawag na auricle, o pinna, ay dinisenyo upang magtipon at maghatid ng mga alon ng tunog patungo sa kanal ng tainga, hanggang sa makarating ang mga ito sa salamin ng tainga (eardrum). Yayanigin ng mga alon ng tunog sa pagkakataong ito ang salamin ng tainga, at yayanigin naman ng salamin ng tainga ang tatlong buto na nasa panggitnang tainga. Pagkatapos, ang mga pagyanig ay lilipat sa panloob na tainga, isang hugis-supot na sisidlang punô ng likidong nakapaloob sa buto. Dito ang mga pagyanig ay tumatawid sa likidong nasa cochlea, ang hugis-susóng bahagi ng panloob na tainga na may mga tulad-buhok na selula. Pinakikilos ng likido na nasa cochlea ang dulong bahagi ng mga tulad-buhok na selula upang lumikha ng mga naiintindihang hudyat ng nerbiyo. Pagkatapos ay ihahatid ang mga hudyat na ito sa utak, kung saan ang mga ito ay ipaliliwanag at bibigyang-kahulugan bilang tunog.
Tinutulungan ng limbic system ang utak na magpasiya kung aling tunog ang pakikinggan at kung alin ang hindi. Halimbawa, maaaring hindi pinapansin ng isang ina ang normal na mga ingay ng isang batang naglalaro, subalit siya ay mabilis na tutugon kapag may umiyak dahil sa biglang pagkatakot. Ang pakikinig sa pamamagitan ng dalawang tainga ay nagpapangyaring makarinig tayo sa paraang stereo, na lubhang kapaki-pakinabang. Tumutulong ito sa atin na malaman kung saan nanggagaling ang mga tunog. Gayunman, kung ang tunog ay binubuo ng mga salita, paisa-isang mensahe lamang ang mauunawaan ng utak. Sinabi ng aklat na The Senses: “Ito ang dahilan kung bakit hindi kaagad maintindihan ng isang taong nakikipag-usap sa telepono ang sinasabi ng kaniyang katabi.”
Kung Paano Pinipinsala ng Ingay ang Ating Pandinig
Upang maguniguni kung paano pinipinsala ng malalakas na tunog ang ating pandinig, isaalang-alang ang sumusunod na paghahalintulad. Inihahalintulad ng isang dokumento hinggil sa ligtas na pagtatrabaho ang mga lamad ng buhok ng ating panloob na tainga sa mga trigo sa bukid at ang tunog na pumapasok sa tainga ay inihalintulad naman sa hangin. Ang banayad na simoy ng hangin, gaya ng isang mahinang tunog, ay magpapagalaw sa dulong bahagi ng mga trigo, subalit hindi mapipinsala ang trigo. Gayunman, kapag lumakas ang hangin, lubha nitong inuuga ang tangkay ng trigo. Ang bigla at napakalakas na hangin o ang walang-patíd at matagal na pagkahantad sa mas mahinang hangin ay maaaring lubusang puminsala sa tangkay at sumalanta rito.
Ito ay maihahalintulad sa ingay at sa maliliit, maseselan na tulad-buhok na selula sa panloob na tainga. Ang bigla at malakas na pagsabog ay maaaring makasugat sa mga himaymay ng panloob na tainga at mag-iwan ng mga pilat na sanhi ng permanenteng pagkabingi. Karagdagan pa, ang matagal na pagkahantad sa mapanganib na mga antas ng ingay ay maaaring permanenteng puminsala sa maseselang tulad-buhok na selula. Minsang mapinsala, hindi na muling pakikinabangan ang mga ito. Maaari itong magdulot ng tinnitus—ang pag-ugong, paghiging o pagdagundong sa loob ng tainga o ng ulo.
Ingatan at Patagalin ang Iyong Pandinig
Bagaman ang pagmamana o ilang di-inaasahang aksidente ay maaaring magbunga ng pagkabingi, makagagawa tayo ng mga hakbang upang ingatan at patagalin ang ating mahalagang pandinig. Isang katalinuhan na patiunang alamin ang potensiyal na mga panganib sa pandinig. Gaya ng sinabi ng isang audiologist, “ang paghihintay na lumitaw ang suliranin bago kumilos ay gaya ng pagpapahid ng suntan lotion pagkatapos na ikaw ay masunog sa araw.”
Kadalasan, ang nasasangkot ay kung paano tayo nakikinig at hindi kung ano ang ating pinakikinggan. Halimbawa, kung gumagamit ka ng stereo headphone, baka naisin mong hinaan ang tunog nito sa antas na maririnig mo pa rin ang mga tunog sa iyong palibot. Kung ang iyong stereo sa sasakyan o tahanan ay napakalakas anupat hindi mo na marinig ang pangkaraniwang usapan, isa itong mainam na palatandaan na napakalakas na rin nito upang pinsalain ang iyong pandinig. Nagbababala ang mga dalubhasa na ang pagkahantad sa 90 decibel nang dalawa hanggang tatlong oras ay makapipinsala sa iyong mga tainga. Ang mga earplug o iba pang kasangkapang dinisenyo upang ingatan ang pandinig ay inirerekomenda kung ikaw ay nasa isang maingay na kapaligiran.
Dapat na tandaan ng mga magulang na mas madaling mapinsala ang pandinig ng mga bata kaysa sa mga adulto. Tandaan ang potensiyal na panganib ng maiingay na laruan. Aba, ang isang laruang kuliling ay maaaring umabot nang 110 decibel!
Ang ating mga tainga ay maseselan, maliliit, at kamangha-manghang mga mekanismo. Sa pamamagitan ng mga ito ay maaari nating marinig ang lahat ng sari-sari at magagandang tunog sa daigdig sa palibot natin. Tunay ngang karapat-dapat pangalagaan ang mahalagang kaloob na ito ng pandinig.
[Kahon sa pahina 20]
Humigit-Kumulang na Antas ng Decibel ng Ilang Karaniwang Tunog
• Paghinga—10 decibel
• Pagbulong—20 decibel
• Pag-uusap—60 decibel
• Buhul-buhol na trapiko—80 decibel
• Blender ng pagkain—90 decibel
• Nagdaraang tren—100 decibel
• Lagaring de-motor—110 decibel
• Nagdaraang eroplanong jet—120 decibel
• Pagsabog ng shotgun—140 decibel
[Kahon sa pahina 21]
Maaaring Nabibingi Ka Na Kung
• Nilalakasan mo pa ang tunog ng radyo o TV gayong nayayamot na ang iba sa ingay nito
• Lagi mong ipinauulit sa iba ang kanilang sinabi
• Madalas kang nagkukunot ng noo, lumalapit, at nagkikiling ng iyong ulo upang marinig ang nakikipag-usap sa iyo
• Nahihirapan kang makarinig sa pampublikong mga pagtitipon o kapag maingay sa likuran, gaya sa sosyal na mga pagtitipon o sa isang tindahan na maraming tao
• Lagi kang umaasa sa iba na sabihin sa iyo kung ano ang nabanggit na
[Dayagram sa pahina 20]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Auricle
Tatlong buto sa panggitnang tainga
Salamin ng tainga
Cochlea
Mga nerbiyo patungo sa utak