Ang Iyong Pandinig—Isang Kaloob na Dapat Pahalagahan
ANG isang tahimik na gabi sa lalawigan, malayo sa mga ingay ng kabihasnan, ay nagbibigay ng pagkakataong tamasahin ang katahimikan ng gabi. Banayad ang simoy ng hangin na pumapagaspas sa mga dahon. Idinaragdag dito ng mga insekto, mga ibon, at mga hayop ang kanilang panawagan sa malayo. Kaysarap marinig ang gayong mahihinang tunog! Naririnig mo ba ang mga yaon?
Ang kakayahan ng sistema ng pandinig ng tao ay tunay na kataka-taka. Gumugol ka ng kalahating oras sa isang silid na walang kaingay-ingay—sa isang akustikong nabubukod na silid na ang lahat ng panig ay dinisenyo upang sagapin ang lahat ng tunog—at ang iyong kakayahan sa pandinig ay unti-unting ‘palalakasin’ hanggang sa makarinig ka ng di-karaniwang mga tunog na nagmumula sa inyong sariling katawan. Ang siyentipiko sa akustik na si F. Alton Everest ay naglalarawan sa ganitong karanasan sa The Master Handbook of Acoustics. Una, ang tibok ng puso mo ay lumalakas hanggang sa ito’y malinaw na marinig. Pagkatapos sa loob ng humigit-kumulang isang oras ng pananatili sa silid, naririnig mong dumadaloy ang iyong dugo sa mga ugat. Sa dakong huli, kung may matalas kang pandinig, ang “iyong pagtitiyaga ay gagantimpalaan ng isang kakaibang tunog na sumasagitsit sa pagitan ng pintig ng puso at ng tilamsik ng dugo. Ano ito? Ito ang tunog ng maliliit na partikula ng hangin na bumabayo sa salamin ng tainga mo,” ang paliwanag ni Everest. “Ang paggalaw ng salamin ng tainga dulot ng sumasagitsit na tunog ay totoong napakaliit—mga 1/100 lamang ng ikaisang milyon ng isang centimetro!” Dito “nagsisimula ang pandinig,” ang iyong sukdulang kakayahan na makarinig ng tunog. Ang pagiging mas sensitibo pa sa tunog ay magiging walang silbi sa iyo dahil ang mas mahihinang tunog ay matatabunan ng ingay bunga ng pagbangga ng maliliit na partikula ng hangin sa iyong salamin ng tainga.
Ang pandinig ay nagiging posible dahilan sa pagtutulungan ng panlabas, panggitna, at panloob na tainga lakip na ang pagkilos at ang kakayahan ng ating sistema ng nerbiyo at ng utak na kumilala ng tunog. Ang tunog ay naglalakbay sa hangin tulad ng mga alon na may iba’t ibang pagyanig. Pinagagalaw ng mga along ito ang ating salamin ng tainga nang urong-sulong, at ang mosyong ito naman ay naihahatid sa panggitnang tainga tungo sa panloob na tainga. Ang mosyong ito ay binabago tungo sa pagiging mga impulso ng nerbiyo, na binibigyang-kahulugan ng utak bilang tunog.a
Ang Iyong Mahalagang Panlabas na Tainga
Ang nababaluktot at medyo kulubot na panlabas na bahagi ng iyong tainga ay tinatawag na tupi ng tainga (pinna). Sinasagap ng tupi ng tainga ang tunog, subalit higit pa ang ginagawa nito. Naisip mo na ba kung bakit may mumunting tupi ang iyong tainga? Ang tumatamang tunog sa iba’t ibang bahagi ng tupi ng tainga ay inaayos na mabuti ayon sa anggulo ng kanilang pagdating. Naipaliliwanag ng utak ang ganitong maliliit na pagbabago at nalalaman ang pinagmulan ng tunog. Ito’y ginagawa ng utak bukod pa sa paghahambing sa panahon at lakas ng isang tunog habang ito’y pumapasok sa bawat tainga mo.
Upang maitanghal ito, papitikin ang iyong mga daliri habang itinataas at ibinababa mo ang iyong kamay sa harap ng isang taong nakapikit. Bagaman ang iyong mga daliri ay nananatili sa iisang distansiya mula sa bawat tainga niya, masasabi niya sa iyo kung ang tunog ay nagmumula sa itaas, sa ibaba, o saanmang dako sa pagitan nito. Sa katunayan, maging ang isang tao na may iisa lamang gumaganang tainga ay madaling makaalam kung saan nagmumula ang tunog.
Ang Iyong Panggitnang Tainga—Isang Kamangha-manghang Mekanismo
Ang pangunahing gawain ng iyong panggitnang tainga ay ang maghatid ng paggalaw ng iyong salamin ng tainga tungo sa likido na nasa iyong panloob na tainga. Ang likidong ito ay higit na mabigat kaysa hangin. Kaya, katulad ng isang nakasakay sa bisikleta na umaakyat sa matarik na burol, kailangan ang wastong ‘pagkambiyo’ upang maihatid ang enerhiya sa pinakamabisang paraan hangga’t maaari. Sa panggitnang tainga, ang lakas ay naihahatid sa pamamagitan ng tatlong maliliit na buto, na karaniwang tinatawag na pinakamartilyo (hammer), pinakapalihan (anvil), at pinakaestribo (stirrup) dahilan sa kanilang hugis. Ang pagsasama ng maliit na mekanikal na kawing na ito ay nagpapangyari ng isang ‘pagkambiyo’ na halos perpekto para sa panloob na tainga. Tinataya na kung wala ito, 97 porsiyento ng lakas ng tunog ang mawawala!
May dalawang maselan na kalamnan na nakakabit sa kawing ng iyong panggitnang tainga. Sa ikasandaan ng isang segundong pagkahantad ng isang tainga sa isang malakas na tunog na may mababang frequency, ang mga kalamnang ito ay kusang humihigpit, anupat lubhang hinahadlangan ang pagkilos ng kawing upang maiwasan ang anumang pinsala na posibleng maganap. Ang pagkilos na ito ay napakabilis upang ipagsanggalang ka mula sa lahat halos ng malalakas na tunog na nangyayari sa kalikasan, bagaman hindi mula sa lahat na likha ng mekanikal at elektronikong kagamitan. Bukod doon, mapananatili ng maliliit na kalamnan ang ganitong proteksiyon hanggang sampung minuto lamang. Subalit ito’y nagbibigay sa iyo ng sapat na pagkakataong tumakas mula sa nakapipinsalang tunog. Kawili-wiling malaman, kapag ikaw ay nagsasalita, ang iyong utak ay nagpapadala ng hudyat sa mga kalamnang ito upang bawasan ang pagkasensitibo ng iyong pandinig, anupat ang iyong sariling tinig ay hindi magiging masyadong malakas para sa iyo.
Ang Iyong Kagila-gilalas na Panloob na Tainga
Ang bahagi ng iyong panloob na tainga na may kinalaman sa pagdinig ay nasa loob ng cochlea, na tinawag ng gayon dahilan sa pagiging hugis-susô nito. Ang kaha nito na nagbibigay ng proteksiyon sa maselan na mekanismo nito ang siyang pinakamatigas na buto sa iyong katawan. Sa loob ng labyrinth nito ay masusumpungan ang lamad basilar, isa sa ilang himaymay na humahati sa kahabaan ng cochlea tungo sa pagiging mga kanal. Naroroon sa kahabaan ng lamad basilar ang sangkap na Corti, na sumusuporta sa libu-libong hair cell—mga selula ng nerbiyo na may dulong tulad-buhok na umaabot hanggang sa likido na nasa cochlea.
Kapag nayayanig ang oval window ng cochlea dahilan sa paggalaw ng mga buto sa panggitnang tainga, ito’y lumilikha ng mga alon sa likido. Ang mga along ito ay nagpapagalaw sa mga lamad, kung paanong pinagagalaw ng mumunting alon sa isang lawa ang nakalutang na mga dahon nang pataas at pababa. Hinuhutok ng mga alon ang lamad basilar sa mga dako na kaayon ng espesipikong mga frequency. Pagkatapos sa mga lugar na iyon ay sinasagi ng mga tila buhok na mga selula ang lamad tektoryal na nasa ibabaw nito. Ang pagdadaiting ito ay nagpapagalaw sa mga tila buhok na mga selula, anupat sila ay lumilikha ng mga impulso at ipinadadala iyon sa iyong utak. Mientras lumalakas ang tunog, mas maraming tila buhok na mga selula ang napagagalaw at mas mabilis na sila’y napagagalaw. Kaya, nauunawaan ng utak ang isang mas malakas na tunog.
Ang Iyong Utak at Pandinig
Ang utak mo ang pinakamahalagang bahagi ng iyong sistema sa pandinig. Nagtataglay ito ng kahanga-hangang kakayahang baguhin ang napakaraming impormasyon na natatanggap nito sa anyong mga impulso ng nerbiyo tungo sa tunog na nauunawaan ng isip. Ang pangunahing papel na ito ay nagpapakita ng pantanging kawing sa pagitan ng kaisipan at pandinig, isang koneksiyon na itinataguyod sa larangan na kilala bilang psychoacoustics. Bilang halimbawa, ang iyong utak ang nagpapangyaring makarinig ka ng isang usapan kahit na maraming nag-uusap sa isang siksikang silid. Ang isang mikropono ay hindi nagtataglay ng kakayahang ito kung kaya ang pagre-rekord ng tape na ginawa sa silid ding iyon ay maaaring hindi halos maunawaan.
Ang pagkainis na likha ng di-kanais-nais na ingay ay nagpapakita ng isa pang aspekto ng kawing na ito. Gaano mang kahina ng tunog, kung naririnig mo ito sa panahong ayaw mo nito, ito’y maaaring nakaiinis. Halimbawa, ang tunog na likha ng pumapatak na gripo ay napakahina. Subalit maaaring makayamot ito sa iyo nang husto kung ayaw kang patulugin nito sa kalaliman ng gabi!
Tunay, ang ating mga emosyon ay malapit ang kaugnayan sa ating pandinig. Isipin na lamang ang nakahahawang epekto ng malakas na tawanan, o ng kasiglahang dulot ng isang taimtim na salita ng pagmamahal o papuri. Gayundin, ang malaking bahagi na natututuhan ng ating isip ay nakukuha sa pamamagitan ng ating mga tainga.
Isang Kaloob na Dapat Pagyamanin
Marami sa kaakit-akit na lihim ng ating pandinig ay nananatiling hindi nahahayag. Subalit ang natamong makasiyentipikong kaunawaan ay nagpapalalim ng ating pagpapahalaga sa katalinuhan at pag-ibig na inihahayag nito. “Sa pagsasaalang-alang sa sistema ng pandinig ng tao sa anumang lalim,” sulat ng mananaliksik ng akustik na si F. Alton Everest, “mahirap takasan ang konklusyon na ang masalimuot na mga gawain at mga balangkas nito ay nagpapahiwatig na may mapagbigay na kamay na nasa disenyo nito.”
Si Haring David ng sinaunang Israel ay kapos sa makasiyentipikong kaalaman sa ngayon hinggil sa nangyayari sa loob ng ating pandinig. Gayunman, siya’y nagnilay-nilay sa kaniyang sariling katawan at sa maraming kaloob na taglay nito at umawit sa kaniyang Maylikha: “Kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa.” (Awit 139:14) Ang makasiyentipikong pagsasaliksik sa mga kababalaghan at mga misteryo ng katawan, lakip na ang pandinig, ay karagdagang patotoo na tama si David—tayo ay kagila-gilalas na idinisenyo ng isang matalino at maibiging Maylalang!
[Talababa]
a Tingnan ang Gumising! ng Enero 22, 1990, pahina 18-21.
[Kahon/Larawan sa pahina 24]
Tulong Para sa mga Nasira ang Pandinig
Ang patuloy na pagkahantad sa malakas na tunog ay nagbubunga ng permanenteng pagkasira ng pandinig. Ang pagpapasailalim ng iyong sarili sa musikang sobra ang lakas o sa pagtatrabaho sa palibot ng maingay na makinarya nang walang proteksiyon ay sadyang di-sulit sa pagkawala nito. Ang mga hearing aid ay maaaring makatulong sa mga napinsala ang pandinig, at maging sa mga ipinanganak na bingi. Para sa marami, ang gayong aparato ay nagpapanumbalik sa gamundong karanasan. Pagkatapos na masukatan ng hearing aid sa unang pagkakataon, isang babae ang nakapansin ng kakatwang tunog sa labas ng bintana ng kaniyang kusina. “Yao’y mga ibon!” ang kaniyang bulalas. “Hindi ko narinig ang mga ibon sa maraming taon!”
Kahit na walang masyadong pinsala, ang edad ay karaniwan nang nagpapahina sa ating kakayahang makarinig ng matitinis na tunog. Nakalulungkot, kalakip dito ang frequency ng mga katinig—ang tunog na kadalasang mahalaga upang maunawaan ang pagsasalita. Kung gayon, maaaring masumpungan ng matatandang tao na ang bibigang pag-uusap ay maaaring gambalain ng karaniwang mga tunog sa tahanan, gaya ng dumadaloy na tubig o nilalamukos na papel, palibhasa ang mga ito ay may matataas na frequency na gumugulo sa mga katinig. Ang mga hearing aid ay maaaring maglaan ng bahagyang ginhawa, pero ang mga ito ay may sariling mga balakid. Pangunahin na, ang mahuhusay na hearing aid ay maaaring napakamahal—hindi makakayanan ng karaniwang tao sa maraming lupain. At sa anumang kaso, walang hearing aid na lubusang makapagpapanumbalik sa iyong normal na pandinig. Kaya, ano ang maaaring gawin?
Ang pagpapakita ng konsiderasyon ay kapaki-pakinabang. Bago makipag-usap sa isang nawalan ng pandinig, tiyaking alam niya na may sasabihin ka sa kaniya. Sikaping humarap sa tao. Ito’y magpapahintulot sa kaniyang makita ang galaw ng iyong katawan at labi at upang lubusang makuha ang lakas ng mga katinig sa iyong salita. Lumapit sa tao, hangga’t maaari, at magsalita nang marahan at maliwanag; huwag sisigaw. Ang malalakas na tunog sa katunayan ay masakit sa maraming taong napinsala ang pandinig. Kapag hindi naunawaan ang isang salita, sikaping sabihin sa ibang pananalita sa halip na ulitin iyon. Gayundin, kung ang iyong pandinig ay hindi kagaya ng dati, maaari mong mapadali ang pakikipag-usap sa iyo ng iba sa pamamagitan ng paglapit sa isang nagsasalita at sa pagiging matiyaga. Ang karagdagang mga pagsisikap na ito ay maaaring magbunga ng mas mabuting kaugnayan at makatutulong sa iyo na makibagay sa mga nasa paligid mo.
[Larawan]
Kapag nakikipag-usap sa isang taong nawalan ng pandinig, humarap sa kaniya at magsalita nang marahan at maliwanag
[Mga dayagram sa pahina 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Tainga mo
Tupi ng tainga
Oval Window
Nerbiyo awditori
Pinakamartilyo (malleus)
Pinakapalihan (incus)
Pinakaestribo (stapes)
Kanal awditori
Salamin ng tainga
Cochlea
Sangkap na Corti
Round Window
Nerbiyo awditori
Hair cells
Lamad tektoryal
Mga himaymay ng nerbiyo
Lamad basilar