Ang Iyong Tainga—Ang Kahanga-hangang Tagapagpatalastas
MAAARI mong ipikit ang iyong mga mata kung ayaw mong makakita. Maaari mong pigilin ang iyong paghinga kung ayaw mong makaamoy. Ngunit hindi mo maaaring pigilan ang iyong mga tainga kung ayaw mong makarinig. Ang kasabihang “taingang kawali” ay isang metapora lamang. Ang iyong pandinig, katulad ng tibok ng iyong puso, ay nagpapatuloy bagaman ikaw ay natutulog.
Sa katunayan, ang ating mga tainga ay nakakarinig sa lahat ng panahon upang tayo ay magkaroon ng kabatiran sa daigdig sa paligid natin. Kanilang pinipili, sinusuri, at inuunawa ang naririnig natin at ipinatatalastas ito sa ating utak. Sa loob ng nakukulong na dako ng halos labing-anim na centimetro kubiko, ginagamit ng ating mga tainga ang mga simulain ng akustika, mekaniko, haydroliko, elektroniko, at mataas na antas ng matematika upang magampanan ang ginagawa nito. Kung walang diperensiya ang ating pandinig, isaalang-alang ang ilan lamang sa mga nagagawa ng ating mga tainga.
◻ Mula sa pinakamahinang bulong hanggang sa dumadagundong na ingay ng isang papalipad na eruplanong jet, nakakayanan ng ating mga tainga ang sindami ng 10,000,000,000,000 mga pagkakaiba-iba ng ingay. Sa siyentipikong termino, ito’y umaabot ng halos 130 decibels.
◻ Ang ating mga tainga ay nakasasagap at nakapagtutuon ng pansin sa isang usapan sa kabilang panig ng silid na punô ng tao o napupuna ang isang maling nota ng isang instrumento sa isang orkestra ng isang daang manunugtog.
◻ Maaaring mapansin ng tainga ng tao ang isang pagbabago ng kahit dalawang digri lamang sa direksiyon ng pinagmumulan ng isang tunog. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pagpansin sa maliit na pagkakaiba sa oras at tindi ng pagdating sa dalawang tainga. Ang pagkakaiba sa panahon ay maaaring sinliit ng sampu sa isang milyong bahagi ng isang segundo, subalit napapansin ito ng mga tainga at inihahatid ito sa utak.
◻ Nakikilala at nadidistinggi ng ating mga tainga ang kaibahan sa pagitan ng halos 400,000 mga tunog. Automatikong sinusuri ng mga mekanismo sa tainga ang sound wave at itinutugma ito sa anumang nakaimbak sa ating alaala. Kaya masasabi mo kung ang isang nota ng musika ay tinugtog sa biyolin o sa plauta, o kung sino ang tumatawag sa iyo sa telepono.
Ang “tainga” na ating nakikita sa tagiliran ng ating ulo ay tunay na isang bahagi lamang, ang pinakanakikitang bahagi, ng ating tainga. Marahil ay natatandaan pa ng marami sa atin noong tayo’y nag-aaral pa na ang tainga ay binubuo ng tatlong bahagi: panlabas, gitna at panloob na mga tainga, katulad ng tawag sa kanila. Ang panlabas na tainga ay binubuo ng pangkaraniwang “tainga” na may balat at kartilago at ng kanal ng tainga na patungo sa loob sa salamin ng tainga (eardrum). Sa gitnang tainga, ang tatlong pinakamaliit na buto sa katawan ng tao—ang malleus, incus at stapes, pangkaraniwang tinatawag na hammer, anvil at stirrup—ay bumubuo ng kawing na nagdurugtong sa salamin ng tainga at sa oval window, ang pasukan patungo sa panloob na tainga. At ang panloob na tainga ay binubuo ng dalawang di-pangkaraniwang mga bahagi: ang kumpol ng tatlong hatimbilog na mga kanal at hugis-susông cochlea.
Ang Panlabas na Tainga—Nakatonong Tagatanggap
Maliwanag, ang panlabas na tainga ay nangongolekta ng sound waves sa hangin at ipinadadaloy ang mga ito sa panloob na mga bahagi ng tainga. Subalit higit pa riyan ang ginagawa nito.
Napag-isipan mo na ba kung may anumang tiyak na layunin ang likaw na hugis ng panlabas na tainga? Napag-alaman ng mga siyentipiko na ang butas sa gitna ng panlabas na tainga at ang kanal ng tainga ay gayon ang hugis upang pagandahin ang tunog o patagintingin ito, sa loob ng isang frequency range. Ano ang bentaha nito sa atin? Nagkataong ang karamihan ng mahalagang mga katangian ng tunog ng pananalita ng tao ay bumabagsak sa halos katulad na frequency range.a Habang naglalakbay ang mga tunog na ito sa panlabas na tainga at sa kanal ng tainga, lumalakas ito hanggang halos dalawang ulit ng orihinal na lakas nito. Ito ang pinakamataas na uri ng akustikong inhenyeria!
May mahalagang bahagi ring ginagampanan ang panlabas na tainga sa ating kakayahang hanapin ang pinanggagalingan ng tunog. Gaya ng nabanggit na, nakikilala ang mga tunog na nagmumula sa kaliwa o kanan ng ating ulo ayon sa kaibahan ng lakas at ng oras ng dating nito sa dalawang tainga. Ngunit papaano naman ang mga tunog na nanggagaling sa likuran? Minsan pa, ang hugis ng tainga ay may kinalaman dito. Ang gilid ng ating tainga ay hinugis sa paraan na ito’y tumutugon sa tunog na nanggagaling sa likuran, na nagpapangyari ng kawalan sa pagitan ng 3,000- hanggang 6,000-Hz. Binabago nito ang katangian ng tunog, at ipinaliliwanag ng utak na ito ay nanggagaling sa likuran. Ang mga tunog na galing sa ibabaw ng ulo ay nababago rin ngunit sa ibang frequency band.
Gitnang Tainga—Pangarap ng Isang Mekaniko
Ang gawain ng gitnang tainga ay baguhin ang yanig akustika ng isang sound wave tungo sa isang yanig mekanikal at dalhin ito sa panloob na tainga. Kung ano ang nangyayari sa ga-gisantes na bahaging ito ay tunay na pangarap ng isang mekaniko.
Kabaligtaran ng palagay na ang malalakas na tunog ay nagdudulot ng labis na paggalaw sa salamin ng tainga, sa aktuwal ay may bahagyang epekto lamang ang sound waves. Ang katiting na galaw ay hindi sapat upang ang panloob na tainga na punô ng likido ay tumugon. Kung paano napagtagumpayan ang ganitong hadlang ay isa pang matalinong disenyo ng tainga.
Ang pagkakawing ng tatlong maliliit na buto ng gitnang tainga ay hindi lamang sensitibo kundi mahusay pa. Gumagana bilang isang lever system, pinalalaki nito ng 30 porsiyento ang anumang padating na puwersa. Karagdagan pa, ang salamin ng tainga ay halos 20 ulit ang laki sa dakong iyon kaysa sa footplate ng stirrup. Kaya, ang puwersa na ginagamit sa salamin ng tainga ay natitipon sa mas maliit na dako sa oval window. Pinalalakas ng dalawang salik na ito ang presyon sa yumayanig na salamin ng tainga ng 25 hanggang 30 ulit gayundin sa oval window, na sapat lamang upang pagalawin ang likido sa cochlea.
Nasumpungan mo ba kung minsan na naaapektuhan ng pagkakaroon ng sipon ang iyong pandinig? Ito ay dahil sa ang wastong pagkilos ng salamin ng tainga ay nangangailangan ng pantay na presyon sa magkabilang panig nito. Karaniwan nang pinananatili ito ng isang maliit na butas, tinatawag na Eustachian tube, na pinagdurugtong ang gitnang tainga sa gawing likuran ng nasal passage. Ang tubong ito ay bumubukas tuwing lumulunok tayo at inaalis ang anumang tumitinding presyon sa gitnang tainga.
Panloob na Tainga—Ang Magawaing Bahagi ng Tainga
Mula sa oval window, tumungo tayo sa panloob na tainga. Ang tatlong magkakahanay na ikid, tinatawag na mga hatimbilog na kanal, ang nagpapanatili ng ating pagkakatimbang at koordinasyon. Ngunit, sa cochlea talaga nag-uumpisa ang pandinig.
Ang cochlea (mula sa salitang Griego na ko·khliʹas, susô) ay isang bungkos ng tatlong anuran, o kanal na punô ng likido, na nakaikid na papilipit tulad ng balat ng isang susô. Ang dalawa sa mga kanal ay nakakonekta sa tuktok ng pilipit. Kapag ang oval window, sa ibaba ng pilipit, ay pinagalaw ng stirrup, labas-pasok ito na tulad ng piston, inihahanda ang hydraulic pressure waves sa likido. Habang ang mga alon na ito ay paroo’t parito sa tuktok, pinangyayari nitong umalun-alon ang mga kalamnan na nagbubukod sa mga kanal.
Sa isa sa mga kalamnang ito, na tinatawag na basilar membrane, ay narito ang napakasensitibong sangkap na Corti, pinanganlan kay Alfonso Corti, na siyang nakatuklas sa tunay na sentrong ito ng pandinig noong 1851. Ang pinaka-susing bahagi nito ay kinapapalooban ng mga hanay ng pandamang mga selula ng buhok, mga 15,000 o higit pa. Mula sa mga selula ng buhok na ito, libu-libong hibla ng nerbiyos ang nagdadala ng impormasyon tungkol sa dalas, lakas, at taginting ng tunog patungo sa utak, kung saan nagaganap ang pandinig.
Nalutas ang Hiwaga
Kung paano ipinatatalastas ng sangkap na Corti ang masalimuot na impormasyon sa utak ay nanatiling hiwaga sa loob ng mahabang panahon. Isang bagay na batid ng mga siyentipiko ay na ang utak ay hindi tumutugon sa mekanikal na mga yanig kundi sa elektro-kemikal na mga pagbabago lamang. Maaaring sa ibang paraan ay napapalitan ng sangkap na Corti ang paalun-along pagkilos ng basilar membrane tungo sa katugmang elektrikong bugso at dalhin ito sa utak.
Gumugol ng mga 25 taon ang Hungaryanong siyentipikong si Georg von Békésy upang lutasin ang hiwaga ng maliit na sangkap na ito. Ang isang bagay na kaniyang natuklasan ay na habang naglalakbay ang hydraulic pressure waves sa mga kanal sa cochlea, may lugar na naaabot nito ang taluktok at itinutulak ang basilar membrane. Itinutulak ng mga alon na likha ng tunog na high frequency ang lamad na malapit sa ibaba ng cochlea, at itinutulak ng mga alon mula sa low-frequency na mga tunog ang lamad sa taluktok. Kaya, naghinuha si Békésy na ang tunog ng isang espesipikong frequency ay lumilikha ng mga alon na bumabaluktot sa basilar membrane sa isang tiyak na dako, na nagpapangyari naman na ang mga selula ng buhok ay tumugon at magpadala ng mga hudyat sa utak. Ang kinalalagyan ng mga selula ng buhok ay tutugon sa frequency, at ang bilang ng mga selula ng buhok na naapektuhan ay tutugon sa tindi.
Ang paliwanag na ito ay totoo sa mga payak na tono. Gayunman, ang mga tunog na nanggagaling sa kalikasan ay bihirang payak. Ang pagkokak ng isang palaka ay iba sa tunog ng tambol kahit na maaaring pareho ang kanilang frequency. Ito’y dahilan sa ang bawat tunog ay binubuo ng isang fundamental tone at maraming overtones. Ang dami ng overtones at ang kaukulang lakas nito ang nagbibigay sa bawat tunog ng kakaibang taginting, o katangian. Sa ganito natin nakikilala ang mga tunog na ating naririnig.
Ang basilar membrane ay maaaring tumugon nang sabay-sabay sa lahat ng mga overtones ng isang tunog at tantiyahin kung ilan at anong overtones ang naroroon, sa gayo’y nakikilala ang tunog. Ang pamamaraang ito ay tinatawag ng mga matematiko na Fourier analysis, hango sa matalinong matematikong Pranses noong ika-19 na siglo na si Jean-Baptiste-Joseph Fourier. Gayunman, matagal nang ginagamit ng ating mga tainga ang makabagong matematikal na pamamaraang ito upang suriin ang mga tunog na naririnig at ihatid ang impormasyon sa utak.
Kahit sa ngayon, hindi pa rin nakatitiyak ang mga siyentipiko kung anong uri ng mga hudyat ang dinadala ng panloob ng tainga sa utak. Ipinakikita ng mga pagsisiyasat na ang mga hudyat na ipinadadala ng lahat ng mga selula ng buhok ay may kaparehong tagal at lakas. Kaya, naniniwala ang mga siyentipiko na hindi ang nilalaman ng mga hudyat kundi ang payak na mga hudyat mismo ang naghahatid ng mensahe sa utak.
Upang maintindihan ang katuturan nito, alalahanin ang isang larong pambata kung saan isang kuwento ang ipinapasa mula sa unang bata hanggang sa batang nasa dulo ng linya. Ang naririnig ng bata sa pinakahuli ay karaniwan nang hindi katulad ng orihinal. Kung ang isang kodigo, katulad ng isang numero, ang ipinasa sa halip na isang masalimuot na kuwento, malamang na ito’y hindi mabago. At yaon, mismo, ang ginagawa ng panloob na tainga.
Kawili-wili, ang isang pamamaraan na ginagamit ngayon sa makabagong sistema ng pakikipagtalastasan, na tinatawag na pulse code modulation, ay gumagana sa gayunding simulain. Sa halip na ipadala ang mga detalye ng isang pangyayari, isang kodigo lamang na kumakatawan sa pangyayaring iyon ang ipinadadala. Sa ganitong paraan ipinadala sa lupa ang mga larawan ng Mars, sa pamamagitan ng binary bits, o kung papaanong ang mga tunog ay maaaring kumbertihin sa mga piraso para sa pagsasaplaka at playback. Subalit, muli, ang tainga ang siyang nauna!
Isang Obra Maestra ng Paglalang
Maaaring ang ating mga tainga ay hindi naman siyang pinakamatalas o pinakasensitibo sa mga tainga, ngunit ang mga ito ang pinakaangkop upang masapatan ang isa sa ating pinakamalaking pangangailangan—ang pangangailangan na makipagtalastasan. Ang mga ito ay dinisenyo upang maiging tugunan yaong mga katangian ng mga tunog sa pakikipag-usap ng tao. Kailangang marinig ng mga sanggol ang tinig ng kanilang ina upang lumaki nang maayos. Habang sila’y lumalaki, kailangang marinig nila ang tunog ng iba pang tao upang sumulong ang kanilang kakayahang magsalita. Ipinahihintulot ng kanilang mga tainga na maunawaan nang wasto ang bahagyang pagbabago ng tono ng bawat wika anupa’t sila’y lumalaking sinasalita iyon na gaya ng magagawa lamang ng isang katutubo.
Ang lahat ng ito’y hindi bunga ng bulag na ebolusyon. Sa halip, ang ating kahanga-hangang aparato ng pandinig ay utang natin sa ating maibiging Maylika, si Jehova. (Kawikaan 20:12) Tunay na ang ating mga tainga ay mga obra maestra ng paglalang at mga kapahayagan ng karunungan at pag-ibig ng ating Maylalang. Sa pamamagitan nito maaari tayong makipagtalastasan sa ating kapuwa tao. Subalit higit sa lahat, ating gamitin ang mga ito upang pakinggan ang karunungang mula sa Salita ng Diyos, upang tayo’y matuto mula sa ating makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova.
[Talababa]
a Karamihan sa mga tampok na katangian ng tunog ng pananalita ng tao ay bumabagsak sa pagitan ng 2,000 hanggang 5,000 Hz (siklo bawat segundo), at ang mga ito ang tinatayang mga frequency kung kailan ang kanal ng tainga at ang sentrong butas ng panlabas na tainga ay tumataginting.
[Dayagram sa pahina 19]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
PANLABAS NA TAINGA
Kanal ng tainga
Salamin ng tainga
Tainga
GITNANG TAINGA
Hammer
Anvil
Stirrup
Eustachian tube
PANLOOB NA TAINGA
Hatimbilog na mga kanal
Oval window
Cochlea
[Dayagram sa pahina 20]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang larawan ay nagpapakita ng tatlong nakaladlad na mga kanal
COCHLEA
Vestibular canal
Kanal na Cochlear
Kanal na Tympanic