Posible ba ang Isang Daigdig na Walang Digmaan?
GUNIGUNIHIN na kailanma’y hindi mo na makikita o mararanasan pa ang kalagim-lagim na katotohanan ng digmaan at ang resulta nito. Gunigunihin na kailanma’y hindi na maririnig ang putok ng baril o mga bomba, kailanma’y hindi na mamamasdan ang nagkakatipong halos-gutóm na mga refugee na tumatakas, kailanma’y hindi na mag-aalala kung ikaw ba o ang isang minamahal ay mamamatay sa isang malupit at walang-kabuluhang alitan. Anong pagkaganda-ganda ngang mabuhay sa isang daigdig na wala nang digmaan!
‘Malamang na hindi mangyari iyan,’ maaaring sabihin mo. Subalit, ang pangitain tungkol sa isang mapayapang sanlibutan ay maningning na nag-aalab mga ilang taon lamang ang nakalipas. Noong 1990 at 1991, marami ang nagsasabing ang mga bansa ay nasa bungad na ng isang bagong panahon ng katiwasayan at pagtutulungan. Ipinababanaag ang kalagayan ng mga panahon, si George Bush, na siyang pangulo ng Estados Unidos noon, ay nagsalita sa maraming okasyon tungkol sa isang dumarating na “bagong sanlibutang kaayusan.”
Bakit gayon na lamang kung umasa? Nagwakas na ang Cold War. Sa loob ng mahigit na 40 taon, ang banta ng digmaang nuklear ay nakatatakot na nakabitin sa sangkatauhan na parang isang tabak na nakabitin sa pamamagitan ng isang manipis na sinulid. Subalit sa pagkamatay ng Komunismo at sa pagkabuwag ng Unyong Sobyet, ang banta ng isang nuklear na pagkatupok ay waring naglaho. Nakahinga nang maluwag ang daigdig.
May isa pang mahalagang dahilan kung bakit minamalas ng mga tao ang kinabukasan na may pagtitiwala, at kung bakit marami pa rin ang nagtitiwala. Ang apat na dekada ng labanan sa pagitan ng Silangan at Kanluran ay gumawa sa United Nations na maging isang lipunan na doon nagaganap ang mga debate. Ngunit pinalaya ng Cold War ang UN na gawin kung ano ang layunin sa paglikha rito—magkaroon ng internasyonal na kapayapaan at katiwasayan.
Pinag-ibayo ng UN nitong nakalipas na mga taon ang mga pagsisikap na hadlangan ang digmaan. Nasasangkapan ng mga sundalo mula sa mga miyembrong bansa, ang United Nations ay lumahok sa mas maraming misyon sa pagpapanatili ng kapayapaan sa loob ng 4 na taon bago ang 1994 kaysa nakalipas na 44 na taon. Mga 70,000 sibilyan at mga tauhang militar ang naglingkod sa 17 misyon sa buong daigdig. Sa loob lamang ng dalawang taon, ang gastos sa pagpapanatili ng kapayapaan ay mahigit na dumoble tungo sa $3.3 bilyon noong 1994.
Si Boutros Boutros-Ghali, panlahat na kalihim ng UN, ay sumulat kamakailan: “May mga palatandaan na ang sistema ng sama-samang katiwasayan na itinatag sa San Francisco halos 50 taon na ang nakalipas [sa pagtatatag ng UN] ay sa wakas nagsimulang kumilos gaya ng nilayon dito . . . Tayo’y sumusulong tungo sa pagtatamo ng gumaganang internasyonal na sistema.” Sa kabila ng mga pagsulong na ito, ang pangitain tungkol sa isang bagong sanlibutang kaayusan ay mabilis na naglalaho. Ano ang nangyari upang padilimin ang mga pag-asa para sa isang daigdig na walang digmaan? May dahilan bang maniwala na makikita natin kailanman ang isang pangglobong kapayapaan? Isasaalang-alang ng susunod na mga artikulo ang mga tanong na ito.
[Picture Credit Lines sa pahina 3]
Mga eruplanong pandigma: Larawan ng USAF
Mga baril laban sa eruplano: Larawan ng U.S. National Archives