May Kapansanan—Ngunit Nakapagmamaneho
“NAKAPAGMAMANEHO ako ng kotse!” Ang mga salitang ito ay maaaring hindi nakagugulat para sa iyo, subalit matindi ang epekto nito sa akin. Ang 50-taóng-gulang na lalaki na nagsalita nito ay nasa lupa sa unahan ko. Dahil sa nagkaroon siya ng polio noong siya’y sanggol pa, ang kaniyang mga binti ay hindi halos lumaki. Palibhasa’y maliit at walang silbi, ang mga ito ay nakabaluktot sa ilalim ng kaniyang katawan. Gayunman, nagkaroon siya ng malalakas na braso at balikat mula sa mga taon ng pagkilos niya na gamit ang kaniyang mga kamay. At ang lubusang kawalan niya ng pagkahabag sa sarili ang humiya sa akin—lalo na ang maligayang pagmamalaki sa kaniyang tinig nang sabihin niya na nakapagmamaneho siya.
Alam mo, ako’y nagkaroon mismo ng polio sa edad kong 28 taóng gulang. Sirang-sira ang loob ko dahil sa balitang iyon anupat hindi na ako makalakad kung walang mga saklay. Ang simpleng mga salita ng lalaking ito ang nakatulong sa akin na madaig ang aking panlulumo anupat nangatuwiran ako sa aking sarili na kung siya, bagaman mas malala ang pagkabalda kaysa sa akin, ay nadaig ang kaniyang mapait na sinapit, kung gayon bakit hindi ko magagawa ang gayon din? Ipinasiya ko simula noon na magmamaneho rin akong muli ng kotse!
Hindi Gayong Kadali
Iyan ay halos 40 taon na ang nakalilipas. Noon, ang pagmamaneho ng kotse ng isang may kapansanang tao ay hindi para sa mahihina ang loob. Ang binagong kotse ko ay isang napakagaling na kagamitan! May saklay na akmang-akma sa kaliwang kilikili ko, humahangga pababa sa pedal ng klats. Idinidiin ko ang klats sa pamamagitan ng pagtulak sa aking kaliwang balikat. Ang silinyador ay pingga na pinagagana ng kamay mula sa sinaunang Model T Ford, at ang preno ay pinagagana rin ng pingga sa kamay. Nailalarawan mo ba sa iyong isip ang aking pagmamaneho? Ang aking balikat ang gumagalaw nang pasulong at paatras, ang aking kaliwang kamay ang ginagamit ko kapuwa sa manibela at preno, at ang aking kanang kamay ay abala sa manibela, silinyador, at pagsenyas! (Sa Australia kami’y nagmamaneho sa gawing kaliwa ng daan.) Ang mga kotse noon ay wala pang mga pansenyas na ilaw na kumukurap-kurap.
Ako’y nagpapasalamat na ang pagmamaneho noon na may napakahirap na mga kagamitang nakakabit ay lumipas na. Sa ngayon, taglay ang awtomatikong transmisyon at pinipindot na pansenyas na ilaw, ang pagmamaneho ay naging napakasimple. Ang mga pag-unlad sa teknolohiya ay nagpangyari sa mga may kapansanang tao na makapagmaneho. Ang ilang kagamitan na karaniwang ginagamit na inilarawan sa kahon sa pahina 14.
Ang Aking Personal na mga Mungkahi
Kung ikaw ay may kapansanan at nag-iisip na ipabago ang iyong kotse para makapagmaneho ka, mahigpit na ipinapayo ko sa iyo na lumapit ka sa isang dalubhasa sa larangang ito. Maaari niyang suriing mabuti ang buong makina upang maingatan ka bilang isang nagmamaneho at gayundin naman ang iyong mga pasahero. Dahil sa posibilidad ng aksidente, mahalaga na magkaroon ng comprehensive insurance mula sa isang kilalang kompanya ng seguro.
Sa pangkalahatan, makabubuting magkaroon ng kasama kapag nagmamaneho. Isang sinaunang kawikaan ang makatuwirang nagpapayo: “Ang dalawa ay mas maigi kaysa isa, dahil ang dalawa ay makagagawa nang mas mabisa. Kung mabuwal ang isa sa kanila, matutulungan siya ng isa na bumangon. Subalit kung siya ay nag-iisa at nabuwal, sa aba niya, sapagkat walang tutulong sa kaniya.” (Eclesiastes 4:9, 10, Today’s English Version) Malaki ang maitutulong ng isang kasama sa iyo sakaling magkaroon ka ng aksidente, masiraan ng makina, o ma-flat ang gulong. Ang ilang may kapansanang nagmamaneho ay may teleponong cellular sa kotse. Kaya sila’y nakapagmamaneho nang mag-isa, kung kinakailangan, na may higit na pagtitiwala.
Makatuwiran din para sa may kapansanang nagmamaneho na sumali sa isang samahan na tumutulong sa mga motorista sa tabing-daan upang ang paghingi ng tulong ay madaling matugunan, araw man o gabi. Ang taunang bayarin ay karaniwang katamtaman—maliit na halaga para ibayad sa katiwasayan ng isip na maibibigay nito.
Mauunawaan naman na kaming mga may kapansanan na nagmamaneho ay dapat na kumilala sa aming mga limitasyon at magmaneho nang nararapat. Hindi namin kailangang magmaneho nang may kapusukan upang patunayan na makapagmamaneho rin kami na gaya ng iba. Sa halip, maraming nagmamaneho na may kapansanan ang may babala sa kanilang mga sasakyan na kababasahan ng ganito: “May Kapansanan ang Nagmamaneho—Mag-ingat,” o isa na may katulad na mga pananalita. Ito’y isang babala lamang na ang nagmamaneho na may kapansanan ay maaaring nag-iingat at nagmamaneho nang may kabagalan kaysa iba. Hindi naman ipinahihiwatig nito na kailangang umiwas ang iba. Sa katunayan, sa aking karanasan, bihira sa taong may kapansanan ang mas natatagalang magpreno kaysa walang kapansanan na nagmamaneho, lalo na sapol nang pagdating ng makabagong mga kagamitan.
Magmamaneho o Hindi—Isang May Pananagutang Pagpapasiya
Kung ikaw ay may kapansanan at ibig mong magmaneho ng kotse, dapat mong isaalang-alang ang bagay na ito na may lubusang pagkaseryoso. Una, sumangguni sa inyong doktor at mga miyembro ng pamilya. Baka ibig mo ring isaalang-alang ang mga katanungang gaya nito: Kailangan ko ba talagang magmaneho? Mapangangasiwaan ko ba ang posibilidad ng aksidente? Madaraig ko ba ang anumang takot na mayroon ako? Anu-ano ang bentaha? Ang kakayahan ko bang magmaneho ay magpapahintulot sa akin na makabalik sa aking trabaho? Makatutulong ba ito sa akin na makasama nang higit ang iba pang mga tao?
Ang malaman kung kailan hihinto ay mahalaga rin. Maaaring dumating ang araw para sa sinumang nagmamaneho, may kapansanan man o wala, kapag ang humihinang pagpapasiya at bumabagal na kilos ang magpapangyaring gawin ang gayong pagpapasiya. Kung dumating ang panahong iyon sa iyo, tandaan na hindi lamang ang sarili mo ang isasaalang-alang mo. Kumusta ang iyong mga mahal sa buhay—ang iyong pamilya at gayundin ang iyong kapitbahay, ang iyong kapuwa na nasa lansangan? Ang iyo kayang huminang pagmamaneho ay magdudulot ng tunay na panganib sa kaniya?
Sa ibang bansa, gaya ng aking lupang tinubuan, ang Australia, ang bawat nagmamaneho na may kapansanan na mahigit ng 65 taóng gulang ay maaari lamang makapagpabago muli ng kaniyang lisensiya sa pagmamaneho nang minsan sa isang taon—at ito’y pagkatapos na makakuha muna ng sertipiko mula sa doktor na nagsasabi na siya’y walang problema sa kalusugan na maaaring makapinsala ng higit sa kaniyang kakayahang magmaneho.
Ang Aking Kotse at ang Aking Ministeryo
Sa apurahang panahong ito, ang kotse ay naging totoong pangangailangan para sa mga Kristiyano sa ilang bansa. Ang mga kotse ay nakatulong sa kanila na marating ang libu-libo, marahil ay milyun-milyong tao taglay ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Ito’y lalo nang totoo para sa mga may kapansanang gaya ko. Ang aking sasakyan, binago para sa aking personal na pangangailangan, ay nagpapangyari sa akin na sabihin sa iba ang aking paninindigan na may isang bagong daigdig na malapit nang dumating na wala nang mga aksidente, sakit, at lahat ng kapansanan. (Isaias 35:5, 6) Ang ilang may kapansanang tao ay nakapaglilingkod pa nga bilang mga buong-panahong ebanghelisador.
Nagagawa ito ng isa sa mga Saksi ni Jehova na nakasilyang de gulong sa Iowa, E.U.A., sa loob ng maraming taon. Ikinukuwento niya na ang kaniyang van ay nakatulong sa kaniya nang malaki; isang kapuwa Saksi ang nagdisenyo ng pantanging mga kontrol nito, gaya ng kagamitan na nagtataas sa kaniya sa van. Minsang siya’y makapasok, lumilipat siya mula sa silyang de gulong tungo sa upuan ng tsuper. Ganito ang sabi niya: “Sa ganitong paraan nakalalabas ako at regular na nakadadalaw sa mga taong nasa kanilang tahanan, at karaniwang nakapagdaraos ako ng maraming pag-aaral sa Bibliya.”
Sa sarili kong kalagayan, bagaman hindi ako nakagagawa ng buong-panahon sa ministeryo, ang aking binagong sasakyan ay naging isang napakahalagang pag-aari naman sa gawaing pangangaral. Sa loob ng maraming taon ako’y nagbabahay-bahay na nakasaklay, subalit habang lumilipas ang panahon, napupuwersa nang husto ang aking mga braso at mga balikat. Kaya kailangan kong isagawa ito sa di-gaanong mahirap na paraan. Ako man ay gumagawa sa ministeryo sa bayan o sa lalawigan, pinipili ko ang mga bahay na may mga driveway na nagpapangyari sa aking makapagmaneho nang malapit sa pinto.
Sa una kong pagdalaw, karaniwang lumalabas ako sa kotse, nakasaklay na nagtutungo sa pinto, at maikling nagpapaliwanag sa layunin ng aking pagdalaw. Kung ang maybahay ay magpakita ng interes sa mensahe, sinisikap kong itatag ang pakikipagkaibigan para sa susunod na mga pagdalaw ay malaya akong makabubusina upang ipaalam sa kanila na naroroon na ako—pagkatapos lalabas sila patungo sa akin.
Naging mabisa ang paraan na ito. Dahil sa hindi nakaaabala, maraming maybahay ang pumapayag na umupo sa kotse kasama ko sa loob ng ilang sandali upang kami’y makapag-usap nang maalwan, naiingatan mula sa masamang kalagayan ng panahon. Sa tuwina’y may mga taong tumatanggap sa aking pagdalaw at umaasam-asam sa pagtalakay sa nakapagpapasiglang mensahe sa Bibliya at kumukuha ng pinakabagong mga magasin na Bantayan at Gumising!
Mangyari pa, nagkakaiba-iba ang kalagayan ng bawat may kapansanang tao. Subalit marahil ang pagmamaneho ay magdudulot sa iyo ng parehong mga pakinabang na idinulot sa akin—napanumbalik na pagtitiwala, pagsasarili, ang pagkakataon na makatulong sa iba, at ubod ng laking kaluguran sa pagsasabing, “Magmamaneho ako!”—Gaya ng inilahad ni Cecil W. Bruhn.
[Kahon sa pahina 14]
Kung Paano Binabago ang mga Kotse Para sa May Kapansanan
GINAGAMIT ng karamihan ng mga nagmamaneho na may kapansanan ang kanilang mga kamay upang gawin kung ano ang hindi magagawa ng kanilang mga paa. Ang isang uri ng kontrol sa kamay ay talagang maalwan. Ito’y isang pingga na agpang na agpang sa ilalim ng manibela at nakausli mula sa pinakakatawan ng manibela. Isang baras na bakal ang nakakonekta sa pingga na ito hanggang sa pedal ng preno. Ang pagtulak nang pasulong sa pingga ang nakapagpapapreno.
Mula sa kasangkapan ding ito, isang kable ang nakakabit sa silinyador. Ang pingga ay may dalawahang kilos: ang pasulong ay para sa preno at ang pataas ay para sa silinyador. Kailangan nito ang kaunting lakas. Ang tiyak na bentaha ng uri ng kontrol na ito sa kamay ay na hindi ito humahadlang sa iba sa anumang paraan sa pagmamaneho ng sasakyan sa karaniwang paraan. Karagdagan pa, ang kasangkapan ay madaling ilipat sa ibang kotse.
Para sa mga nabawasan na ang lakas sa kanilang mga kamay, ang sari-saring kontrol na ito sa kamay ay maaaring makuha. Gayundin ito kung gumana, pasulong ang galaw para sa preno, subalit tulak pababa para sa silinyador upang ang bigat ng kamay ang magpagana sa silinyador.
Kumusta Naman ang mga Silyang de Gulong?
Isa pang problema ang nakakaharap ng nagmamanehong may kapansanan: Ano ang dapat niyang gawin sa silyang de gulong? Maraming kabataang nagmamaneho ang bumibili ng dalawang pinto na coupe na nagpapahintulot sa kanila na buhatin ang silyang de gulong sa lugar sa likuran ng upuan ng nagmamaneho. Mangyari pa, ito’y nangangailangan ng totoong malalakas na braso at balikat. Yaong mga di-gaanong malakas ay dapat na maghintay ng isang palakaibigang nagdaraan upang buhatin ang kanilang silyang de gulong sa loob ng sasakyan.
Ang isa pang mapagpipilian ay ang bumubuhat ng silyang de gulong (wheelchair loader), isang malaking fiberglass na kahon na nakakabit sa bubungan ng kotse. Sa isang pindot ng buton, isang maliit na motor ang dahan-dahang magtatayo sa kahon upang ang silyang de gulong ay maikarga rito sa tulong ng mga kalo. Minsang maikarga, ang kahon ay natitiklop muli. Ang isang gayong bumubuhat na kasangkapan na makukuha sa Australia ay may kaalwanang nakakabit sa pansindi ng sigarilyo sa kotse.
Ang isang disbentaha sa bumubuhat ng silyang de gulong ay na may nagpapabigat sa kotse dahil may humahadlang sa hangin, na nagpapalakas ng gamit ng gasolina ng 15 hanggang 20 porsiyento. Karagdagan pa, ang halaga ng kagamitan mismo ay sobrang mahal. Gayunman, ipinalalagay pa rin ng marami na sulit naman ang mga kagamitan na kumakarga para sa ibinibigay nitong kalayaang makakilos. Ganito ang sabi ng isang may kapansanang babae: “Ngayon ay makapupunta ako saanman nang ako lamang nang walang sinumang kailangang isasama ko o magtungo sa aking kinaroroonan upang tumulong sa pagbaba ng aking silyang de gulong.”
[Larawan sa pahina 13]
Nakapagpapatotoo ako mula sa aking kotse