Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 8/22 p. 21-24
  • “Sinabi Nilang Hindi Na Ako Muling Makalalakad!”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Sinabi Nilang Hindi Na Ako Muling Makalalakad!”
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Unang Reaksiyon
  • Ang Pangangailangang Harapin ang Hamon
  • Pagbata ng mga Kahirapan
  • Ano ang Maaaring Gawin?
  • Makukuhang Tulong
  • Isang Tunay na Lunas
  • Paglaban sa mga Balakid sa Pamamagitan ng Pagtatakda ng mga Tunguhin
    Gumising!—2001
  • May Kapansanan—Ngunit Nakapagmamaneho
    Gumising!—1996
  • Paano Ko Mapagtitiisan ang Aking Kapansanan?
    Gumising!—1993
  • Bakit Pa Kasi Ako Nagkasakit?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 8/22 p. 21-24

“Sinabi Nilang Hindi Na Ako Muling Makalalakad!”

SA GULANG na 20 taon, si Ed ay nasangkot sa isang grabeng aksidente ng kotse. Nang siya’y magkamalay, hindi siya makabangon. Natalos niya na siya ay nalumpo subalit inaakala niyang ito’y pansamantala lamang. Nagunita pa ni Ed kung ano ang nangyari nang maglaon sa ospital: “Sinabi nilang hindi na ako muling makalalakad!” Siya’y nalumpo mula dibdib pababa.

“Sirang-sira ang loob ko nang mapinsala ang aking anak,” gunita ng ama ni Ed. “Siya ay isang malusog na binata, ngunit ngayon hindi na siya makalakad. Basta nito inihinto ang kaniyang buhay.” Itinataguyod ni Ed ang buong-panahong ministeryo, na tinatawag na pagpapayunir ng mga Saksi ni Jehova.

Isa pang binata sa gulang na 20’s, si Bill, ay mapaglarong sumisid sa alon at tumama ang ulo niya sa isang sandbar. Pagdaka, hindi siya makakilos o makahinga. Sa tulong ng mga kaibigan na kalapit niya, hindi nalunod si Bill. Gayunman, siya ay nalumpo mula leeg pababa. Sinabi ng mga doktor kay Bill na siya man ay hindi na muling makalalakad pa.

Unang Reaksiyon

“Nais kong magpakamatay,” sabi ni Bill, “subalit hindi ko magawa iyon sa kama sa ospital.” Si Bill ay naglingkod sa Digmaan sa Vietnam at nagbabalak maging isang piloto ng eruplano. Nang siya ay mapinsala noong 1969, lahat ng kaniyang pangarap ay nawasak, at wala siyang nakitang dahilan upang mabuhay.

Kakaiba naman ang unang reaksiyon ni Ed nang siya ay sabihan na siya ay permanenteng malulumpo. “Hindi ako nasiraan ng loob, dahil sa aking pananampalataya sa mga pangako ng Diyos sa Bibliya. Natalos ko na ang aking kalagayan ay maaaring maging permanente ngayon ngunit hindi ito magiging permanente magpakailanman.” Dahil sa pag-asang taglay niya, matagumpay na naharap ni Ed ang kaniyang kapansanan sa loob ng mahigit 25 taon na.

Ang Pangangailangang Harapin ang Hamon

Sa kabilang dako, hindi alam ni Bill ang mga pangako ng Diyos. Gayunman, may nangyari isang araw na nagpakilos sa kaniya na gumawa ng isang bagay para sa kaniyang sarili.

Pagkaraan na basta umiral sa ospital sa loob ng walong buwan, si Bill ay isinakay sa silyang de gulong tungo sa banyo upang ahitan ng isang nars na lalaki. “Pagtingin ko sa salamin,” aniya, “hindi ko nakilala ang aking sarili!”

Si Bill ay isang malakas na 90 kilo, 185 centimetrong lalaki, subalit ngayon siya ay isang 40 kilong kalansay. Hindi siya makapaniwalang ang nakikita niyang larawan sa salamin ay siya. Ang karanasang ito ang nagpasigla sa kaniya na tanggapin ang hamon ng kaniyang kapansanan. “Ang unang taon ng iyong kapansanan ang mahirap na panahon,” sabi ni Bill, “sapagkat iyan ang panahon na ika’y magpapasiya kung aling daan ang iyong lalakaran.”

Pagbata ng mga Kahirapan

Si Ed ay hindi nerbiyoso, subalit inaamin niyang dumanas siya ng mabuti’t masamang damdamin. “Kung minsan hindi ko magawa ang simpleng mga bagay gaya ng pag-abot ng isang bagay,” sabi ni Ed, “at ako’y nanlulumo.”

Hirap na hirap si Bill na pakitunguhan ang isang katawan na limitado ang kilos at isang utak na hindi. “Para itong pagkakaroon ng isang utak na pinatatakbo ng jet sa isang katawan na hila-hila ng kariton,” sabi niya.

Mayroon ding pisikal na mga komplikasyon na kaugnay ng pinsala sa spinal cord, gaya ng hindi na mapigil ang pag-ihi at pagdumi, mga sugat sa kahihiga, at mga problema sa palahingahan. Si Ed ay may problema sa bato mula nang siya’y mapinsala at may mga panahon mula anim hanggang pitong araw na ang kaniyang temperatura ay 40° Celsius. Talagang nakasisiphayo kay Bill ang bagay na hindi makontrol ang pag-ihi at pagdumi. Gaya ng sabi niya: “Kailanma’y hindi mo mapakikibagayan ang pagkakaroon ng katawan na parang sanggol.”

Hinihimok ni Ed ang lahat ng mga may kapansanan na hangga’t maaari’y maging independiyente. “Sikapin mong gawin ito sa ganang sarili,” aniya, “at mas bubuti ang pakiramdam mo.” Iyan ang dahilan, paglabas niya sa ospital, ang unang bagay na ginawa niya ay sangkapan ang kaniyang kotse ng mga hand control upang siya’y makapagmaneho. Ngayon ay gumagamit pa nga si Ed ng isang trak na pantanging nasasangkapan sa kaniyang matagumpay na negosyo ng paglilinis.

“Sikapin mong kalimutan ang iyong kapansanan,” payo ni Bill, “at lumabas ka at mamuhay ka ng pinakamabuting buhay na magagawa mo. Kung hindi ka kikilos na parang taong may kapansanan, hindi ka pakikitunguhan na gayon ng mga tao.” Ginagawa ni Bill ang kaniyang sinasabi. Siya ay matagumpay na nagmamay-ari at nagpapatakbo ng isang negosyo, kumikilos paroo’t parito sakay ng kaniyang golf cart, ng kaniyang silyang de gulong, at mga saklay.

Ano ang Maaaring Gawin?

Isang hadlang sa taong may kapansanan ay masasabing naroon sa isipan niyaong mga walang kapansanan. Ang pinakamagaling na paraan upang alisin ang hadlang na ito ay sa pamamagitan ng pag-unawa. Nais ng mga may kapansanan ang katulad na konsiderasyon at pang-unawa na ipinakikita sa isang tao na walang kapansanan sa katawan.

Inaakala ng ibang tao na sila’y nanganganib o asiwa kapag kaharap ang isa na may kapansanan. Sabi ni Bill: “Sa katunayan lahat tayo ay may pinsala sa paano man. Ang iba ay mas malala kaysa iba.” Yaong mga may kapansanan ay basta mga tao na nagkataon, halimbawa, na hindi nakalalakad, nakakikita, o nakaririnig na gaya ng ibang tao. Mahalaga na malasin ang anumang pinsala na ayon sa kalagayan at tingnan ang tao sa kabuuan.

“Pinahahalagahan ko kung ako’y itinuturing ng mga tao na hindi naiiba,” sabi ni Ed. “Tingnan mo ako. Huwag mong tingnan ang silya.” Saka niya inilahad ang isang karanasan nilang mag-asawa sa isang restauran: “Kinuha ng serbidora ang order ng misis ko at saka siya tinanong, sa halip na ako, kung ano ang gusto ko. Hindi ako bingi! Hindi lang ako makalakad.”

“Karamihan ng mga tao ay nais magpakita ng konsiderasyon sa mga may kapansanan,” sabi ni Ed, “pero hindi nila alam kung ano ang gagawin.” Ang payo niya: “Ang pinakamabuting gawin ay maghintay at alamin kung ano ang magagawa mo bago ka gumawa ng isang bagay.”

Kaya tiyaking magtanong muna, “Maaari ba akong tumulong?” O, “May maitutulong ba ako?” Huwag mong ipalagay na nais ng may kapansanan ang iyong tulong; baka hindi niya gusto.

“Ang pinakamagaling na papuri sa isang may kapansanan,” payo ni Bill, “ay tratuhin siya na gaya ng normal na tao, makipag-usap sa kaniya na gaya ng ginagawa mo sa iba.” Totoo, maaaring mahirap ito para sa iba. Baka may personal na hadlang sa isipan o damdamin sa pagitan nila at ng may kapansanan. Gayunman, mientras mas kilala natin ang mga ito bilang mga indibiduwal, lalo nating hindi pag-iisipan ang tungkol sa kanilang kapansanan.

Ganito ang sabi ni Ed, na kabilang sa kongregasyon ding iyon ng mga Saksi ni Jehova sa loob ng maraming taon: “Karamihan ng mga kaibigan ko ay hindi ako itinuturing na may kapansanan. Sa katunayan, sa aming pangmadlang gawaing pangangaral, isinusugo nila ako sa isang pagbabalik-muli sa isang bahay na may sampung baitang na hagdan! Pagkatapos ako ay bumabalik at sinasabi ko sa kanila na magpadala ng iba.”

Nagagalit ba si Ed kung nakalilimutan ng kaniyang mga kaibigan ang tungkol sa kaniyang mga limitasyon? Hindi. Gaya ng sabi niya: “Mabuti naman at inaakala nilang hindi ko kailangan ng tulong. Pinahahalagahan ko iyan, sapagkat nadarama ko na para sa kanila ako’y walang kapansanan, kundi isa lamang karaniwang tao.”

Makukuhang Tulong

Nito lamang nakalipas na mga taon malaking pagsulong ang ginawa sa maraming bansa sa pagbibigay ng tulong sa napinsala ang katawan. Napakaraming organisasyon, mga produkto, at mga paglilingkod ang makukuha upang tulungan silang magtamasa ng independiyenteng buhay. Sa maraming dako, kailangan lamang tumingin sa direktoryo ng telepono para sa impormasyon tungkol sa mga organisasyon at mga paglilingkod na ito.

Maraming gusali at pasilidad na pampubliko ang ngayo’y idinisenyo para sa mga may kapansanan. Ang ibang mga airline at mga ahensiya sa paglalakbay ay nag-aalok ng pantanging mga pamamasyal para sa may kapansanan. At ang mga lumpo ang kamay at paa ay maaaring masiyahan na kumilos na mag-isa sa pantanging sinangkapang mga kotse at van.

Ang modernong teknolohiya, na sa ilang pagkakataon ay ginawa ng posible na lampasan ang gawain ng napinsalang mga nerbiyos, ay nagpangyari sa ilang lumpo na lumakad. Gayunman, inaamin ni Dr. J. Petrofsky, isang nangunang mananaliksik sa larangang ito, na baka asahan ng mga tao ang mga palsong pag-asa tungkol sa gayong teknolohiya. Baka maniwala sila na gagawin nitong makalakad na muli ang lahat ng lumpo. “Ang magagawa mo lamang ay maging tapat,” sabi ni Dr. Petrofsky, “at sikaping sabihin sa kanila kung ano talaga ang kalagayan ng pananaliksik. Alam mo, wala kaming ginagamot na anuman.”

Isang Tunay na Lunas

Gayunman, ang tunay at permanenteng lunas sa lahat ng kawalang-lakas ng katawan ay, sa takdang panahon, matutupad. Ang tiyak na pag-asang ito na makalakad na muli ay nagpalakas kay Ed at tumulong sa kaniya na batahin ang kawalan ng lakas sa lahat ng panahong ito. Ang pangako ng Bibliya ay: “Kung magkagayo’y madidilat ang mga mata ng bulag, at ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan. Kung magkagayo’y lulukso ang pilay na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit na may kagalakan.”​—Isaias 35:​5, 6.

Ang pagpapagaling sa lahat ng karamdaman ay matutupad dito mismo sa lupa kapag hinalinhan na ng Kaharian ng Diyos ang pamamahala ng lahat ng gobyerno ng tao. (Daniel 2:44) Oo, ang Kaharian ng Diyos, na itinuro ni Jesus na idalangin ng kaniyang mga tagasunod, ay magdadala ng isang bagong sanlibutan kung saan matutupad din ang pangako ng Bibliya na: “Walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’”​—Isaias 33:24; Mateo 6:9, 10.

Noong maaksidente siya, hindi alam ni Bill ang kahulugan ng mga pangakong ito ng Bibliya, bagaman sa tuwina’y may taimtim na paggalang siya sa Bibliya. Sa nakalipas na unang limang taon ng kaniyang kapansanan, nalulong siya sa paggamit ng bawal na gamot. “Gumamit ako ng mga droga sa Vietnam upang takasan ang mga kakilabutan,” aniya, “at nang magtagal ay ginamit ko ito upang matiis ko ang buhay sa isang silyang de gulong.”

Gayunman, noong 1974, sa tulong ng mga Saksi ni Jehova, si Bill ay naniwala na ang Bibliya nga ay totoo at na ang mga pangako nito ay lubusang maaasahan. “Mula noon patuloy,” sabi niya, “para bang nahulog ang mga kaliskis sa aking mga mata!” Pagkalipas ng pitong buwan inialay ni Bill ang kaniyang buhay sa Diyos na Jehova, at di-nagtagal siya at ang kaniyang asawa ay magkasamang nagsimula sa buong-panahong ministeryo bilang mga payunir.

Ginugunita ang kaniyang nakaraang karanasan, sabi ni Bill na ang kaniyang aksidente at ang kasunod na kapansanan ay masakit. “Ngunit,” idiniriin niya, “marami akong natutuhan buhat sa kapansanan.” Bakit niya sinabi iyon?

“Ewan ko lang kung magiging isang tunay na Kristiyano ako ngayon kung hindi dahil sa aking kapansanan,” sabi niya. “Dati, napakayabang ko, masyadong ambisyoso, at marahil hindi ako nagtatagal sa isang lugar upang tanggapin ang mensaheng Kristiyano.”

Kaya ngayon, gaya ni Ed, si Bill ay may matibay na pananampalataya na sa malapit na hinaharap sa bagong sanlibutan ng Diyos, lubusan niyang magagamit na muli ang kaniyang katawan. At anuman ang nakikitang kawalan ng pag-asa ng kalagayan, maaaring taglayin ng sinumang may kapansanan ang pagtitiwala ring iyon sa kapangyarihan ng Diyos na magpagaling. Ang puso ng taong iyon ay mapatitibay sa araw-araw ng paniniwalang: “Alam kong ako’y muling makalalakad!”​—Isinulat.

[Larawan sa pahina 23]

Sa kabila ng kaniyang kapansanan, si Ed ay lubusang nakikibahagi sa ministeryong Kristiyano

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share