Paglaban sa mga Balakid sa Pamamagitan ng Pagtatakda ng mga Tunguhin
ISANG apartment na malapit sa LaGuardia Airport sa New York ang tahanan ni William (Bill) Meiners at ng kaniyang asawang si Rose. Doon masayang tinanggap ni Rose, isang magiliw na punong-abala na nasa kalagitnaan ng edad 70, ang kaniyang bisita. Sa loob ng apartment ay agad na mapapansin na ipinaaaninaw ng maalwang sala ang kaniyang pagiging masayahin. Ang kaakit-akit na ayos ng mga bulaklak na malapit sa pintuan at ang makukulay na ipinintang larawan sa mga dingding ay nagbabadya ng damdamin ng kagalakan at kasiyahan sa buhay.
Katabi ng sala ang isang maaliwalas na silid kung saan nakahiga sa kama si Bill, 77 taóng gulang, habang ang kaniyang likod ay sinusuportahan ng isang naihihilig na kutson. Sa pagkakita sa kaniyang bisita, nangislap ang kaniyang maaamong mata at napangiti nang husto ang kaniyang mga labi. Gusto sana niyang tumayo, makipagkamay, at yumakap, ngunit hindi niya ito magawa. Maliban sa kaniyang kaliwang braso, si Bill ay paralisado mula sa kaniyang leeg pababa.
Sa dahilang napaharap na si Bill sa mga suliranin sa kalusugan mula pa nang siya’y 26 na taóng gulang, tinanong siya kung ano ang nakatulong sa kaniya upang maharap ang kaniyang mga sakit sa loob ng mahigit na kalahating siglo. Nagkatinginan sina Bill at Rose na parang natatawa. “Wala kaming kilalang maysakit!” ang sabi ni Rose, at napuno ang silid ng kaniyang malakas na halakhak. Kumislap ang mga mata ni Bill sa katuwaan; tahimik siyang napatawa at tumangu-tango sa pagsang-ayon. “Walang maysakit dito,” ang paputul-putol niyang sinabi sa mababang tinig. Patuloy pang nagbiruan sina Rose at Bill, at di-nagtagal ay napuno ang silid ng tawanan. Kitang-kita na ang pag-ibig na nadama nina Bill at Rose para sa isa’t isa nang magkita sila noong Setyembre 1945 ay buháy na buháy pa rin. Tinanong muli si Bill: “Ngunit, walang halong biro, anong mga balakid ang napaharap sa iyo? At ano ang nakatulong sa iyo na maharap ito at mapanatili ang isang masayahing saloobin sa buhay?” Matapos ang malumanay na panghihikayat, pumayag si Bill na isalaysay ang kaniyang buhay. Ang sumusunod ay sinipi mula sa ilang pakikipag-usap ng Gumising! kay Bill at sa kaniyang maybahay.
Nagsimula ang mga Balakid
Noong Oktubre 1949—tatlong taon matapos pakasalan si Rose at tatlong buwan matapos nitong isilang ang kanilang anak na babae, si Vicki—ipinagbigay-alam kay Bill na may tumutubong kanser sa isa sa kaniyang mga kuwerdas bokales, at ang tumor ay inalis. Makalipas ang ilang buwan, sinabi ng doktor ni Bill sa kaniya ang isa pang balakid—naapektuhan na ng kanser ang buong larynx. “Sinabihan ako na kung hindi ako magpapa-laryngectomy—ang pagpapatanggal sa buong larynx—dalawang taon na lamang akong mabubuhay.”
Sinabi kina Bill at Rose kung ano ang magiging resulta ng operasyong ito. Ang larynx, o voice box, ay mula sa pinakapunò ng dila hanggang sa bungad ng windpipe. Sa loob ng larynx ay may dalawang kuwerdas bokales. Kapag ang hanging lumalabas mula sa mga baga ay dumaraan sa mga kuwerdas na ito, nanginginig ang mga ito at naglalabas ng mga tunog sa pagsasalita. Kapag inalis ang larynx, ang dulo ng windpipe sa bandang itaas ay idinurugtong sa isang permanenteng butas na ginawa sa harapang bahagi ng leeg. Pagkatapos ng operasyon, sa butas na ito hihinga ang pasyente—ngunit wala na siyang boses.
“Nang marinig ko ang paliwanag na ito, nagalit ako,” sabi ni Bill. “May maliit kaming anak na babae, maganda ang trabaho ko, marami kaming pangarap sa buhay, at ngayon ay nawala nang lahat ang aming inaasahan.” Ngunit yamang ang laryngectomy ay makapagliligtas ng kaniyang buhay, pumayag si Bill na magpaopera. “Pagkatapos ng operasyon,” ang kuwento ni Bill, “hindi ako makalulon. Ni isang salita ay hindi ako makabigkas. Naging pipi ako.” Nang dalawin ni Rose si Bill, maaari lamang siyang makipag-usap sa pamamagitan ng pagsulat sa isang pad ng papel. Iyon ay isang nakapipighating panahon. Upang mapaglabanan ang balakid na ito, kinailangan nilang magtakda ng mga bagong tunguhin.
Hindi Makapagsalita at Walang Trabaho
Hindi lamang naging pipi si Bill dahil sa laryngectomy kundi nawalan din siya ng trabaho. Nagtatrabaho siya sa isang machine shop, ngunit ngayon na nakakahinga na lamang siya sa pamamagitan ng butas sa kaniyang leeg, maaaring isapanganib ng alikabok at usok ang kaniyang mga baga. Kailangan niyang makahanap ng ibang trabaho. Bagaman hindi pa rin makapagsalita, nagpatala siya sa isang paaralan upang matutong gumawa ng relo. “Katulad din ito ng dati kong trabaho,” sabi ni Bill. “Alam ko kung paano bumuo ng mga makina, at sa paggawa ng mga relo, pinagkakabit-kabit mo rin ang mga piyesa. Iyon nga lamang, ang mga piyesa ay hindi 50 libra!” Nang magtapos siya sa pag-aaral ng paggawa ng relo, agad siyang nakakita ng trabaho bilang isang manggagawa ng relo. Isang tunguhin na ang naabot.
Samantala, nagsimula ring pumasok si Bill sa isang klase sa esophageal-speech. Sa esophageal speech, nililikha ang tunog hindi sa pamamagitan ng mga kuwerdas bokales kundi sa pamamagitan ng pagpapanginig sa esophagus, ang tubo na dinaraanan ng pagkain mula sa lalamunan patungo sa sikmura. Una, pinag-aaralan ng isa na lumulon ng hangin at pilitin itong bumaba sa esophagus. Pagkatapos, ididighay niya ang hangin sa kontroladong paraan. Habang lumalabas ang hangin, pinanginginig nito ang mga gilid ng esophagus. Nakalilikha ito ng mababang tunog, na maaaring bigkasin sa pamamagitan ng kaniyang bibig at mga labi upang makabuo ng pananalita.
“Dati, dumidighay lamang ako kapag nakakain ako ng marami,” ang pangiting sinabi ni Bill, “ngunit ngayon ay kailangan kong pag-aralang dumighay nang tuluy-tuloy. Noong una, kaya ko lamang lumikha ng paisa-isang salita, gaya nito: ‘[Hinga, lulon, dighay] Kumusta [hinga, lulon, dighay] ka [hinga, lulon, dighay] na?’ Hindi ito madali. Pagkatapos, sinabi sa akin ng aking guro na uminom ako ng maraming ginger ale dahil ang bula ay makatutulong sa akin na dumighay. Kaya tuwing lalabas si Rose upang maglakad-lakad kasama si Vicki, umiinom ako at dumidighay, iinom at didighay. Pinag-aralan ko ito nang husto!”
Bagaman mga 60 porsiyento sa lahat ng mga pasyente ng laryngectomy ang nabibigong matutuhan nang lubusan ang esophageal speech, si Bill naman ay sumulong. Sa di-sinasadya ay naudyukan siya ni Vicki, na dalawang taóng gulang na noon. Ganito ang paliwanag ni Bill: “Kakausapin ako ni Vicki at pagkatapos ay titingnan ako, anupat naghihintay ng sagot. Ngunit hindi ako makasagot ni isang salita man. Magsasalita pa siya, ngunit wala na namang sagot. Sa pagkayamot, babaling si Vicki sa asawa ko at sasabihin: ‘Pagsalitain mo po si Daddy sa akin!’ Naantig ako sa kaniyang mga salita kaya naging determinado ako na makapagsalitang muli.” Laking tuwa nina Vicki, Rose, at ng iba pa nang magtagumpay si Bill. Isa pang tunguhin ang naabot.
Tinamaan ng Isa Pang Dagok
Sa pagtatapos ng 1951, napaharap sina Bill at Rose sa panibagong problema. Ang mga doktor, sa takot na bumalik ang kanser, ay nagpayo kay Bill na sumailalim sa paggamot sa pamamagitan ng radyasyon. Pumayag si Bill. Nang matapos ang paggamot na ito, sabik siyang magpatuloy sa kaniyang buhay. Wala siyang kamalay-malay na isa pang dagok sa kaniyang kalusugan ang paparating na!
Mga isang taon ang lumipas. Pagkatapos, isang araw ay namanhid ang mga daliri ni Bill. Sumunod, hindi na siya makaakyat sa hagdan. Di-nagtagal, bumagsak siya habang naglalakad at hindi na siya makatayo. Lumitaw sa mga pagsusuri na ang paggamot sa pamamagitan ng radyasyon na tinanggap ni Bill (nang panahong iyon kung ihahambing ay hindi kasinghusay nang gaya sa ngayon) ay nakapinsala sa kaniyang gulugod. Sinabihan siya na ang kaniyang kalagayan ay lulubha pa. Sinabi pa nga sa kaniya ng isang doktor na hindi niya ito maliligtasan. Nanlupaypay sina Bill at Rose.
Gayunman, sa pagsisikap na daigin ang balakid na ito, nagpaospital si Bill nang anim na buwan para sa physical therapy. Bagaman hindi nabago ng paggamot ang kalagayan niya sa pisikal, ang paglagi niya sa ospital ay talagang bumago sa landas ng kaniyang buhay—isang pagbabago na sa dakong huli ay umakay sa kaniya upang makilala si Jehova. Paano nangyari iyon?
Pinatibay ng Pagkaunawa sa Sanhi ng mga Balakid
Sa loob ng anim na buwang iyon, kasama ni Bill sa isang silid sa isang ospital ng mga Judio ang 19 na paralisadong lalaki—lahat ay mga Ortodoksong Judio. Tuwing hapon ay pinag-uusapan ng mga lalaking ito ang Bibliya. Si Bill, na isang Baptist na palasimba, ay nakikinig lamang. Ngunit nang panahong lumabas na siya sa ospital, sapat na ang kaniyang narinig upang maipasiya niya na ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay iisang persona lamang at na ang doktrina ng Trinidad ay salungat sa Bibliya. Dahil dito, hindi na kailanman bumalik si Bill sa kaniyang simbahan. Sa kabila nito, nakadama siya ng pangangailangan para sa espirituwal na patnubay upang maharap ang mga balakid sa buhay. “Patuloy akong humiling ng tulong sa Diyos,” sabi ni Bill, “at sinagot ang mga panalangin ko.”
Isang Sabado noong 1953, si Roy Douglas, isang may-edad nang lalaki na dati niyang kapitbahay at nakabalita sa nangyari kay Bill, ay dumalaw. Si Roy, na isang Saksi ni Jehova, ay nag-alok kay Bill na makipag-aral ng Bibliya sa kaniya, at pumayag naman si Bill. Ang nabasa ni Bill sa Bibliya at sa aklat na “Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat”a ay nagmulat sa kaniyang mga mata. Ibinahagi niya kay Rose ang kaniyang natutuhan, at sumama ito sa pag-aaral. Ginugunita ni Rose: “Sa simbahan ay sinasabi sa amin na ang sakit ay isang parusa mula sa Diyos, ngunit ipinakita ng aming pag-aaral ng Bibliya na hindi iyon totoo. Lubha kaming naginhawahan.” Dagdag pa ni Bill: “Ang natutuhan ko mula sa Bibliya na sanhi ng lahat ng mga kabagabagan, kabilang na ang sakit ko, at ang pagkaalam na darating ang isang mas mabuting hinaharap ay tumulong sa amin na tanggapin ang aking kalagayan.” Noong 1954, naabot nina Bill at Rose ang isa pang tunguhin. Kapuwa sila nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova.
Paggawa ng Karagdagan Pang mga Pagbabago
Samantala, ang pagkaparalisa ni Bill ay kumalat na anupat hindi na siya makapagtrabaho. Upang makapaglaan para sa kanilang ikabubuhay, nagpalit ng papel sina Bill at Rose: Naiwan sa bahay si Bill kasama ni Vicki, at nagsimulang magtrabaho si Rose sa kompanya ng pagawaan ng relo—na naging trabaho niya sa loob ng 35 taon!
“Ang pag-aalaga sa aming anak ay nagdulot sa akin ng labis na kagalakan,” sabi ni Bill. “Nasiyahan din dito ang musmos na si Vicki. May pagmamalaki niyang sinasabi sa lahat ng makausap niya: ‘Inaalagaan ko si Daddy!’ Nang maglaon, noong nag-aaral na siya, tinutulungan ko siya sa kaniyang mga araling-bahay, at madalas kaming maglaro. Bukod diyan, nagkaroon ako ng mainam na pagkakataon upang turuan siya sa Bibliya.”
Ang pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong sa Kingdom Hall ay isa pang pinagmumulan ng kagalakan para kay Bill at sa kaniyang pamilya. Isang oras siyang iika-ika mula sa kaniyang bahay hanggang sa Kingdom Hall, ngunit hindi siya pumapalya sa mga pulong. Nang maglaon, matapos lumipat sa ibang bahagi ng lunsod na iyon, bumili sina Bill at Rose ng isang maliit na kotse, at ipinagmamaneho ni Rose ang kaniyang pamilya patungo sa pinagpupulungan. Bagaman nakapagsasalita si Bill sa maiikling yugto lamang ng panahon, nagpatala siya bilang isang estudyante sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Ganito ang paliwanag ni Bill: “Isinusulat ko ang aking pahayag, at ipinapahayag ito ng ibang kapatid. Pagkatapos ng pahayag, pinapayuhan ako ng tagapangasiwa ng paaralan sa nilalaman nito.”
Iba’t ibang kapatid sa kongregasyon ang tumutulong din kay Bill upang regular siyang makabahagi sa gawaing pangangaral. At, hindi kataka-taka sa mga nakakakita sa kaniyang debosyon, nang maglaon ay hinirang si Bill bilang isang ministeryal na lingkod sa kongregasyon. Pagkatapos, nang hindi na makakilos ang kaniyang mga binti at lalo pa siyang naparalisa, nanatili na lamang siya sa kaniyang apartment at sa kalaunan ay naratay sa kama. Madaraig kaya niya ang balakid na ito?
Isang Nakasisiyang Libangan
“Yamang nasa bahay lamang ako buong araw, humanap ako ng mapaglilibangan,” sabi ni Bill. “Nasisiyahan ako sa pagkuha ng mga larawan bago ako naparalisa. Kaya naisip kong subukang magpinta ng mga larawan, bagaman kailanma’y wala pa akong naipipintang anuman sa buong buhay ko. Gayundin, kanang kamay ang ginagamit ko, ngunit ang buong kanang kamay ko at ang dalawang daliri sa aking kaliwang kamay ay paralisado. Magkagayunman, bumili si Rose ng maraming aklat tungkol sa pagpipinta. Pinag-aralan ko ang mga ito at nagsimulang magpinta na ginagamit ang aking kaliwang kamay. Marami sa mga ipininta ko ang nauwi lamang sa sunugan, ngunit sa kalaunan ay natuto rin ako.”
Ang magandang koleksiyon ng mga watercolor na larawan na nakapalamuti ngayon sa apartment nina Bill at Rose ay nagpapakita na nagtagumpay si Bill nang higit sa kaniyang inaasahan. “Mga limang taon na ang nakararaan,” ang dagdag ni Bill, “nagsimulang manginig nang husto ang kaliwa kong kamay anupat kinailangan kong tuluyang ihinto ang aking pagpipinta, ngunit sa loob ng maraming taon, ang libangang ito ay nagdulot sa akin ng labis na kasiyahan.”
Isang Nalalabi Pang Tunguhin
Nagbabalik-tanaw si Bill: “Mahigit sa 50 taon na ngayon ang lumipas buhat nang magsimula ang mga problema ko sa kalusugan. Patuloy pa rin akong naaaliw sa pagbabasa ng Bibliya, lalo na kapag binabasa ko ang Mga Awit at ang aklat ng Job. At nasisiyahan ako sa pagbabasa ng mga publikasyon ng Samahang Watch Tower. Nakatatanggap din ako ng maraming pampatibay-loob kapag ang mga miyembro ng aming kongregasyon at ang mga naglalakbay na tagapangasiwa ay dumadalaw at ibinabahagi nila ang nakapagpapasiglang mga karanasan. Bukod diyan, konektado ang aking telepono sa Kingdom Hall upang makapakinig ako sa mga pulong, at tumatanggap pa nga ako ng mga videotape ng mga programa sa kombensiyon.
“Nagpapasalamat ako na pinagpala akong magkaroon ng isang maibiging asawa. Sa lumipas na mga taon, siya ang aking pinakamatalik na kasama. Gayundin, ang aming anak, na naglilingkod ngayon kay Jehova kasama ng kaniyang sariling pamilya, ay isa pa ring bukal ng labis na kagalakan. Lalo nang pinasasalamatan ko si Jehova sa pagtulong sa akin na manatiling malapít sa kaniya. Sa ngayon, habang patuloy na humihina ang aking katawan at ang aking boses, madalas kong isinasaisip ang mga salita ni apostol Pablo: ‘Hindi kami nanghihimagod, kundi kahit ang pagkatao namin sa labas ay nanghihina, tiyak namang ang pagkatao namin sa loob ay nababago sa araw-araw.’ (2 Corinto 4:16) Oo, ang manatiling gising sa espirituwal hangga’t ako’y nabubuhay—iyan ang nalalabi pang tunguhin ko.”
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.; hindi na inilalathala ngayon.
[Blurb sa pahina 12]
“Pagkatapos ng operasyon, hindi ako makalulon. Ni isang salita ay hindi ako makabigkas. Naging pipi ako”
[Larawan sa pahina 13]
Sina Bill at Rose sa ngayon