Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 5/8 p. 23-25
  • Sinalot ng Nakamamatay na Virus ang Zaire

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sinalot ng Nakamamatay na Virus ang Zaire
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Nakamamatay na Sakit
  • Pagsugpo sa Biglang Paglitaw ng Sakit
  • Paghahanap sa Pinagmulan
  • Naglalaho ang Epidemya
  • Ang Puwede Mong Gawin Kapag May Kumakalat na Virus
    Iba Pang Paksa
  • Kung Bakit ang AIDS ay Lubhang Nakamamatay
    Gumising!—1988
  • Ano ang Lunas?
    Gumising!—1996
  • ‘Magkakasalot sa Iba’t Ibang Dako’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 5/8 p. 23-25

Sinalot ng Nakamamatay na Virus ang Zaire

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA APRIKA

ANG Kikwit, Zaire ay isang lumalawak na bayan sa gilid ng tropikal na kagubatan. Ang apatnapu’t-dalawang-taóng-gulang na si Gaspard Menga Kitambala, na nakatira sa labas ng lungsod, ang tanging Saksi ni Jehova sa kaniyang pamilya. Si Menga ay nagtitinda ng uling. Inihanda niya ang kaniyang mga uling sa pinakapusod ng kagubatan, ibinigkis ito, at isinunong patungo sa Kikwit.

Noong Enero 6, 1995, siya’y nagkasakit. Dalawang beses siyang tumimbuwang habang siya’y papauwi mula sa kagubatan. Nang siya’y makarating sa kaniyang bahay, sinabi niyang masakit ang kaniyang ulo at siya’y nilalagnat.

Sa loob ng sumunod na ilang araw, lumala ang kaniyang kalagayan. Noong Enero 12, dinala siya ng kaniyang pamilya sa Kikwit General Hospital. Ang mga Saksi sa kongregasyon ni Menga ay tumulong sa pamilya sa pangangalaga sa kaniya sa ospital. Nakalulungkot naman, lumubha ang kaniyang kalagayan. Nagsimula siyang sumuka ng dugo. Hindi maampat ang pagtulo ng dugo sa kaniyang ilong at tainga. Noong Enero 15, siya’y namatay.

Hindi nagtagal ang iba pa sa pamilya ni Menga na humawak sa kaniyang bangkay ay nagkasakit. Noong pasimula ng Marso, 12 katao na kamag-anak ni Menga ang namatay, kasali na ang kaniyang maybahay at dalawa sa kanilang anim na anak.

Noong kalagitnaan ng Abril, ang kawani ng ospital at iba pa ay nagkasakit at namatay gaya ng pagkamatay ni Menga at ng kaniyang pamilya. Mabilis na kumalat ang sakit sa dalawa pang bayan sa rehiyon. Maliwanag, kailangan ang tulong ng iba.

Si Propesor Muyembe, ang nangungunang virologist sa Zaire, ay nagtungo sa Kikwit noong Mayo 1. Pagkatapos ay sinabi niya sa Gumising!: “Hininuha namin na ang Kikwit ay nakararanas ng dalawang epidemya: isa ay ang diarrhea na dala ng baktirya, at ang isa ay malubhang pagdurugo na may kasamang lagnat (hemorrhagic fever) na dala ng virus. Mangyari pa, kailangan naming matiyak ang pagsusuring ito. Kaya tinipon namin ang mga dugo mula sa mga pasyente at ipinadala ito upang suriin sa Centers for Disease Control (CDC) sa Atlanta, E.U.A.”

Tiniyak ng CDC ang pinaghihinalaan na nina Muyembe at ng iba pang doktor sa Zaire. Ang sakit ay Ebola.

Isang Nakamamatay na Sakit

Ang virus ng Ebola ay napakalupit. Mabilis ito kung pumatay. Walang bakuna na panlaban dito, at wala pang alam na paggamot para sa mga biktima nito.

Ang Ebola ay unang nakilala noong 1976. Ipinangalan sa isang ilog sa Zaire, ang sakit na ito ang sumalot sa gawing timog ng Sudan at pagkatapos sa maikling panahon naman sa gawing hilaga ng Zaire. Ang mas maliit na biglang paglitaw ng sakit ay naganap muli noong 1979 sa Sudan. Pagkatapos niyan, maliban sa iilang nabubukod na kaso ng mga tao na namamatay na may mga sintomas na gaya sa Ebola, ang sakit ay naglaho sa loob ng mga taon.

Gayon na lamang kapanganib ang virus ng Ebola anupat ang mga siyentipiko na nagsusuri nito sa Atlanta ay gumagawa sa isang itinayong laboratoryo na may napakahigpit na seguridad na may sistema ng bentilasyon na humahadlang sa anumang mikrobyo na nadadala ng hangin na makaalpas. Bago pumasok sa laboratoryo, ang mga siyentipiko ay nagsusuot ng pananggalang na gaya ng “space suits.” Sila’y naliligo ng pandisimpekta kapag sila’y lumalabas ng laboratoryo. Ang mga pangkat ng mga doktor na nagtungo sa Kikwit ay nagdala ng kanilang pananggalang na mga gamit​—itinatapong mga guwantes at mga kap, mga salamin na proteksiyon sa mata, at pantanging mga damit na balot ang buong katawan na hindi mapapasok ng virus.

Kabaligtaran naman, ang karamihan ng mga naninirahan sa Kikwit ay kapuwa kulang sa kaalaman at kagamitan upang maingatan ang kanilang mga sarili. Isinapanganib ng iba ang kanilang buhay o namatay dahil sa pangangalaga sa kanilang may sakit na mga mahal sa buhay. Ipinapasan ng mga kaibigan at pamilya ang maysakit at ang patay sa kanilang likod o balikat nang wala man lamang pananggalang. Ang kinalabasan ay pagkarami-raming nasawi; nilipol ng virus ang buong pami-pamilya.

Pagsugpo sa Biglang Paglitaw ng Sakit

Ang pamayanan sa buong daigdig ay tumugon sa pagdulog ng tulong ng Kikwit para sa donasyong salapi at kagamitan sa paggamot. Ang mga pangkat ng mga imbestigador ay lumipad mula sa Europa, Timog Aprika, at Estados Unidos. Ang layunin ng kanilang pagpunta ay dalawa: una, upang tumulong sa pagsugpo sa biglang paglitaw ng sakit; at ang ikalawa, upang matuklasan kung saan nanirahan ang virus bago at sa panahon ng epidemya.

Upang makatulong sa pagsugpo ng epidemya, ang mga manggagawa sa kalusugan ay nagsagawa ng pananaliksik sa bawat lansangan upang masumpungan ang sinuman na nakikitaan ng mga sintomas ng sakit. Ang mga maysakit ay dinala sa ospital, kung saan sila’y maaaring ikuwarentenas at mapangalagaan nang ligtas. Yaong mga namatay ay binalot sa mga plastik at inilibing agad.

Ang malawakang kampanya ay inilunsad upang maglaan ng tamang impormasyon tungkol sa sakit sa mga manggagawang nangangalaga ng kalusugan at sa publiko sa pangkalahatan. Ang bahagi ng mensahe ay mahigpit na nagbabala laban sa tradisyunal na paglilibing, kung saan hinahawakan at pinapaliguan ng mga pamilya ang patay sa seremonyal na paraan.

Paghahanap sa Pinagmulan

Ibig ng mga siyentipiko na matuklasan kung saan nagmula ang virus. Ang nabatid ay: Ang mga virus ay mga organismo na hindi nabubuhay sa sarili mismo nito, maaaring kumain, uminom, at dumarami sa sarili mismo nito. Upang mabuhay at makapagparami, kailangang salakayin at samantalahin ng mga ito ang masalimuot na kayarian ng nabubuhay na mga selula.

Kapag nahawahan ng virus ang isang hayop, kalimitan ang ugnayan ay may pagtutulungan sa pag-iral ng isa’t isa​—hindi pinapatay ng hayop ang virus, at hindi pinapatay ng virus ang hayop. Subalit kapag napalapit ang tao sa nahawahang hayop at ang virus sa paano man ay nailipat sa tao, ang virus ay nagiging nakamamatay.

Yamang ang virus ng Ebola ay pumapatay ng tao at mga unggoy, ng gayon na lamang kabilis, ipinalagay ng mga siyentipiko na ang virus ay dapat na mabuhay sa ibang organismo. Kung matuklasan ng mga opisyal ng kalusugan kung anong uri ng organismo ang nagdadala ng virus, kung gayon maaari silang makagawa ng mabisang pagsugpo at mga paraan ng paghadlang upang maiwasan ang biglang paglitaw sa hinaharap. Ang hindi pa nasasagot na mga katanungan tungkol sa Ebola ay, Saan nagtatago ang virus bago at nang kumalat ang epidemya sa tao?

Upang masagot ang mga katanungang ito, kailangang matunton ng mga mananaliksik ang pinagmulan ng virus. Ang mga pagsisikap na matunton ang pinagtataguang hayop kasunod ng naunang biglang paglitaw ay napatunayang hindi matagumpay. Subalit ang epidemya sa Kikwit ay nagbigay ng bagong pagkakataon.

Ipinalagay ng mga siyentipiko na ang unang biktima ng epidemya sa Kikwit ay si Gaspard Menga. Subalit paano siya nahawahan? Kung ito ay dahil sa isang hayop, anong uri ng hayop ito? Makatuwiran lamang, ang sagot ay masusumpungan sa kagubatan kung saan nagtrabaho si Menga. Ang sama-samang pangkat ay nagtayo ng 350 bitag sa mga lugar kung saan inihahanda ni Menga ang kaniyang uling. Nakahuli sila ng mga daga, shrew, palaka, butiki, ahas, lamok, sumisipsip ng dugo na langaw, garapata, surot, kuto, chigger, at mga pulgas​—isang kabuuang bilang na 2,200 maliliit na hayop at 15,000 insekto. Pinatay ng mga siyentipiko, na nakasuot ng pananggalang na damit, ang mga hayop ng anesthetic gas. Pagkatapos ay kanilang ipinadadala ang mga sampol ng himaymay sa Estados Unidos, kung saan susuriin sa mga ito ang virus.

Yamang ang posibleng pinagtataguan ng virus ay halos walang limitasyon, walang katiyakan na matatagpuan ang pinagmulan. Si Dr. C. J. Peters, na siyang nangunguna sa sangay ng special pathogens sa CDC, ay nagsabi: “Sa palagay ko ang tsansa natin na masumpungan ang pinagtataguan ng virus ng Ebola ay hindi hihigit sa 50-50 sa pagkakataong ito.”

Naglalaho ang Epidemya

Noong Agosto 25, ang epidemya ay opisyal na ipinahayag na nagwakas na, walang anumang bagong kaso sa loob ng 42 araw, na dalawang ulit ang kahigitan sa yugto ng inkubasyon nito. Bakit ang sakit ay hindi kumalat nang malawakan? Ang isang salik ay ang pambuong daigdig na pagsisikap sa paggamot na isinagawa upang masugpo ang epidemya. Ang isa pang salik na nagpaikli sa epidemya ay ang kalubhaan ng sakit mismo. Dahil sa lumitaw ito at pumatay ng gayon na lamang kabilis at nailipat lamang sa pamamagitan ng pagkadaiti, hindi ito kumalat sa maraming tao.

Ang opisyal na ulat ay nagpapakita na 315 katao ang nahawahan ng sakit at na 244 sa kanila ang namatay​—77 porsiyento ng bilang ang namatay. Ang Ebola ay nananahimik sa ngayon. Sa bagong sanlibutan ni Jehova, ito’y patatahimikin magpakailanman. (Tingnan ang Isaias 33:24.) Samantala, ang mga tao ay nag-iisip, ‘Bumalik kayang muli ang Ebola upang pumatay muli?’ Marahil. Subalit walang nakaaalam kung saan o kailan.

[Kahon sa pahina 25]

Ang Epidemya sa Pangkalahatang Anggulo

Ang Ebola ay pumapatay, subalit ang higit na nagbabanta sa mga Aprikano ay sanhi ng di-gaanong nahahalatang sakit. Noong panahon ng biglang paglitaw ng sakit, ang iba pang sakit ay pumatay rin naman. Iniulat na ilang daang kilometro ang layo sa silangan ng Kikwit, 250 katao ang kamakailan ay dinapuan ng polio. Sa bandang hilaga-kanluran naman, isang nakamamatay na uri ng kolera ang sumalot sa Mali. Sa bandang timog, sa Angola, 30,000 katao ang dinapuan ng sleeping sickness. Sa ibayo ng malawak na lugar ng Kanlurang Aprika, libu-libo ang namatay dahil sa epidemya ng meningitis. Ganito ang sabi ng The New York Times: “Para sa mga Aprikano, bumabangon ang nakalilitong katanungan kung bakit wala isa man sa pang-araw-araw, nakamamatay na pakikipaglaban ng [Aprika] sa karamihan ng maiiwasang sakit ang umantig man lamang sa budhi ng daigdig.”

[Larawan sa pahina 24]

Tinutuklas ng mga siyentipiko ang pinagmulan ng pumapatay na virus

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share