‘Magkakasalot sa Iba’t Ibang Dako’
ANG mga salot na walang katulad ang lawak ay inihulang isang bahagi ng “tanda ng pagkanaririto ni [Jesu-Kristo] at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3) Ang manunulat ng Ebanghelyong si Lucas ay nagsususog ng detalyeng ito na hindi binanggit sa pag-uulat ni Mateo at ni Marcos. (Mateo, kabanata 24 at 25; Marcos, kabanata 13) Magkakaroon ng epidemiya at ng sumasalantang mga sakit “sa iba’t ibang dako” sa mga huling araw. (Lucas 1:3; 21:11) Saan maaaring manggaling ang gayong mga sakit?
“Kilala ng mga siyentipiko ang ilang mga virus na nangungubli sa tropiko na—sa bahagyang tulong buhat sa kalikasan—ay makasasalanta ng lalong maraming buhay kaysa malamang na maging resulta ng epidemiya ng AIDS,” ang sabi ng lathalaing Science News. “Kahit na kung ang imbentaryo ng mga virus sa daigdig ay nananatiling matatag, ang sabi ng mga mananaliksik, ang tropiko ay may sapat na potensiyal ng virus upang makalipol sa malaking bahagi ng populasyon ng Lupa.”
Ang isang dahilan kung bakit madaling tumalab ngayon ang salot ay dahil sa mabilis na lumalaking populasyon ng lupa at sa lalong lumalaking pangangailangan ng isang siksikang daigdig. “Ipinakikita ng kasaysayan na ang nagsasapanganib-buhay na mga salot ng virus ay kalimitang nagaganap pagka ang mga tao ay lumipat sa mga lugar na hindi pa nagagalugad o pagka ang mga kalagayan ng pamumuhay sa mga siyudad ay sumamâ na nang sumamâ sa mga paraan na kung saan naaakit ang mga bagong virus na magkakalat ng sakit.” ang sabi ng Science News. Habang ang mga tao ay pumupuslit hanggang sa kumalat sa mga lugar na may virus at dati’y hindi nararating, mga bagong salot ng virus ang kalimitang kasunod. Ganiyan din ang nangyayari samantalang ang mga insekto ay nagpapalawak ng kanilang mga dakong nararating pagka nagkaroon ng pagbabago ang klima sa buong mundo. “Karagdagan pa,” ang sabi ng magasin, “ang modernong medikal na teknolohiya gaya ng pagsasalin ng dugo at transplantation ay nakapagbigay sa mga virus ng mga bagong paraan ng paglilipatan sa pagitan ng mga taong binibiktima nito. Gayundin ang sarisaring mga pagbabago sa lipunan at sa paggawi, buhat sa paglalakbay sa buong mundo para sa mayayaman at sa mga tanyag hanggang sa paggamit sa iisang karayom ng mga drug addict.”
“Ang kamakailang kasaysayan ay nagbibigay ng malinaw na mga halimbawa ng pakikibaka sa mga virus sa mga nakabukod na lugar na maaaring mga anino ng lalong malaganap na salot sa hinaharap,” isinusog pa ng artikulo. Ang mga halimbawa ay: ang dating di-kilalang Marburg virus, isang nakamamatay na virus sa tropiko na bumiktima sa dose-dosenang mga siyentipiko sa Kanlurang Alemanya noong dulo ng dekada ng 1960; ang virus na sanhi ng Rift Valley fever na nagdala ng impeksiyon sa angaw-angaw at pumatay ng libu-libo sa Ehipto noong 1977; ang tropikal na Ebola virus na nagdala ng impeksiyon sa mahigit na isang libong katao sa Zaire at Sudan noong 1976 at pumatay ng humigit-kumulang 500, na marami sa kanila ay mga doktor at nars na gumagamot sa mga biktima.
Ang sumasalantang mga pag-atake ng virus ay pambihirang nasasabi nang patiuna. “Noong 1918, halimbawa, isang natatanging makamandag na bagong lahi ng trangkasong dumarapo sa tao ang lumaganap sa buong mundo, pumatay ng tinatayang 20 milyong katao,” ang sabi ng Science News. “Hindi pa gaanong natatagalan, ang pagsipot sa mga tao ng isang virus na marahil doon lamang matatagpuan noon sa mga matsing sa Aprika ang muli na namang lumaganap sa daigdig na walang kamalay-malay. Ngayon ay impektado na ng AIDS virus ang 5 milyon hanggang 10 milyon katao sa 149 mga bansa, sang-ayon sa tantiya ng World Health Organization. Subalit sa kabila ng lahat ng atensiyon na ibinibigay sa pinakahuling salot na ito, lalong nakapangingilabot na mga bagay ang naghihintay sa atin, ang ipinangangamba ng maraming mga dalubhasa sa virus.”
Sa kabila ng mga kahirapang dulot ng mga salot, ang mga ito ay bahagi ng maramihang-bahaging tanda ng pagkanaririto ni Jesus sa kaluwalhatian ng Kaharian, kasama ang mga digmaan, taggutom, at malalakas na lindol. (Marcos 13:8; Lucas 21:10, 11) Ang mga huling banggit na ito ay isa ring dahilan para ikagalak, sapagkat isinusog pa ni Lucas ang mga salita ni Jesus: “Ngunit sa pagsisimula ng mga bagay na ito, tumayo na kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan.”—Lucas 21:28.