Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 12/22 p. 7-9
  • Trangkaso—Ang Alam na Natin Ngayon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Trangkaso—Ang Alam na Natin Ngayon
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Virus na Maaaring Makamatay
  • Bakit Kaya Napakabagsik Nito?
  • Babalik Kaya Ito?
  • Anu-ano Na ang Panggamot Dito?
  • Protektahan ang Iyong Pamilya Laban sa Trangkaso
    Gumising!—2010
  • Pangglobong mga Epidemya—Ang Kinabukasan
    Gumising!—2005
  • Ang Pinakamatinding Salot sa Kasaysayan
    Gumising!—2005
  • Kung Bakit ang AIDS ay Lubhang Nakamamatay
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 12/22 p. 7-9

Trangkaso​—Ang Alam na Natin Ngayon

ANG taon ay 1997. Isang siyentipiko ang nakaupo sa nagyeyelong kapatagan sa isang maliit na nayon ng mga Eskimo sa Brevig sa Seward Peninsula sa Alaska. Nasa harap niya ang bangkay ng isang kabataang babae na hinukay niya at ng kaniyang apat na kasamang Eskimo mula sa nagyeyelong lupa. Naging biktima ito ng trangkaso noong 1918, at mula noon ay nakahimlay na roon at nanigas sa yelo.

Ano naman ang pakinabang ng pagsusuri sa bangkay niya ngayon? Umaasa ang siyentipiko na nasa baga pa rin nito ang virus na nagdulot ng trangkaso at na maihihiwalay at matutukoy ito sa pamamagitan ng makabagong mga pamamaraan ng pagsusuri sa mga gene. Bakit naman makatutulong ang kaalamang iyan? Upang masagot ito, kailangan muna nating maunawaan nang bahagya kung paano kumikilos ang mga virus at kung bakit mapanganib ang mga ito.

Virus na Maaaring Makamatay

Alam na natin ngayon na ang trangkaso ay dulot ng virus at naikakalat ito sa mga tao sa pamamagitan ng plema na naibubuga kapag umuubo, bumabahin, at nakikipag-usap.a Ito ay nasa buong daigdig, maging sa Tropiko, kung saan maaari itong sumalakay anumang panahon ng taon. Sa Hilagang Hemisperyo, ang panahon ng trangkaso ay mula Nobyembre hanggang Marso; at sa Timugang Hemisperyo, mula Abril hanggang Setyembre.

Ang influenza type A, ang pinakamapanganib na uri ng virus ng trangkaso, ay maliit kung ihahambing sa maraming iba pang virus. Karaniwan nang pabilog ito, na may umuusling mga hibla mula sa ibabaw nito. Kapag sinalakay nito ang selula ng tao, napakabilis nitong dumami anupat madalas na sa loob ng mga sampung oras, isang kulupong may bilang na 100,000 hanggang isang milyong “kopya” ng bagong mga virus ng trangkaso ang sumasambulat mula sa selula.

Ang nakatatakot na katangian ng simpleng organismong ito ay ang kakayahan nitong magbago nang mabilis. Dahil napakabilis dumami ng virus na ito (mas mabilis pa kaysa sa virus ng HIV), hindi eksaktung-eksakto ang maraming “kopya” nito. Ang ilan ay may maliit na pagkakaiba lamang anupat nakaaalpas sa sistema ng imyunidad. Kaya naman taun-taon ay iba-iba ang nakakaharap nating virus ng trangkaso, na may iba’t ibang antigen kung kaya mahirap para sa sistema ng imyunidad natin na makilala at masalakay ang mga ito. Kung sapat ang pagbabago ng antigen, halos walang pandepensa ang ating sistema ng imyunidad laban dito at may panganib na magkaroon ng pangglobong epidemya.

Bukod dito, dumadapo rin sa mga hayop ang mga virus ng trangkaso, at nagdudulot ito ng problema. Ipinalalagay na ang baboy ay maaaring pamahayan ng mga virus na dumadapo sa mga ibon na tulad ng manok at bibi. Subalit maaari rin itong pamahayan ng iba pang virus na dumadapo sa tao.

Kung gayon, kapag ang baboy ay nadapuan ng dalawang uri ng virus​—isa na dumadapo sa mga hayop at isa pa na karaniwan sa tao​—maaaring maghalo ang mga gene ng dalawang uri ng virus na ito. Ang maaaring maging bunga nito ay panibagong uri ng trangkaso na hindi kayang labanan ng sistema ng imyunidad ng tao. Iniisip ng ilan na ang mga pamayanan ng mga magbubukid kung saan ang mga manok at baboy ay malapit sa tirahan ng mga tao​—gaya ng karaniwan sa Asia, bilang halimbawa​—ay malamang na pagmulan ng bagong uri ng virus ng trangkaso.

Bakit Kaya Napakabagsik Nito?

Ang tanong ay, Ano kaya ang dahilan kung bakit ang virus ng trangkaso noong 1918-19 ay nagdulot ng nakamamatay na pulmonya na kumitil sa buhay ng mga tao? Bagaman wala nang virus mula sa panahong iyon ang nananatiling buháy hanggang sa ngayon, matagal nang iniisip ng mga siyentipiko na kapag may nahanap silang nagyelong ispesimen nito, baka maihiwalay nila nang buo ang RNA at matuklasan nila kung bakit nakamamatay ang uri ng virus na ito. Ang totoo, nagtagumpay sila nang bahagya.

Dahil sa nagyelong ispesimen sa Alaska na inilahad sa simula ng artikulong ito, natukoy ng isang pangkat ng mga siyentipiko ang karamihan sa mga gene ng virus ng trangkaso noong 1918-19, at nalaman nila ang pagkakasunud-sunod ng kombinasyon ng mga elemento nito. Gayunman, hindi pa rin malaman ng mga siyentipiko kung bakit naging gayon katinding mamamatay-tao ang trangkasong iyon. Pero lumilitaw na kauri ng virus ng trangkasong ito yaong dumadapo sa mga baboy at ibon.

Babalik Kaya Ito?

Ayon sa maraming eksperto, ang tanong dapat ay hindi kung babalik ba o hindi ang matinding virus na ito ng trangkaso kundi kung kailan at kung paano ito babalik. Sa katunayan, inaasahan ng ilan ang laganap na pagkalat ng bagong trangkaso tuwing humigit-kumulang ika-11 taon at ng matinding trangkaso tuwing mga ika-30 taon. Ayon sa mga pagtayang ito, matagal nang dapat sumalot sa sangkatauhan ang susunod na pangglobong epidemya.

Ganito ang iniulat noong 2003 ng babasahing pangmedisina na Vaccine: “Lumipas na ang 35 taon mula nang maganap ang huling pangglobong epidemya ng trangkaso, at ayon sa maaasahang rekord, ang pinakamatagal na pagitan ng dalawang pangglobong epidemya ay 39 na taon.” Ipinagpatuloy pa ng artikulo: “Ang virus ng pangglobong epidemya ay maaaring lumitaw sa Tsina o sa kalapit na bansa at maaaring kasama nito ang mga surface antigen o mababagsik na elemento mula sa mga virus ng trangkaso sa hayop.”

Inihula ng artikulong Vaccine may kinalaman sa virus: “Mabilis itong kakalat sa buong daigdig. Magiging paulit-ulit ang epidemyang ito. Mabilis at laganap ang pagkalat nito sa lahat ng tao anuman ang edad, at lubha itong makaaapekto sa gawaing panlipunan at pang-ekonomiya ng lahat ng bansa. Pagkarami-rami ang mamamatay sa karamihan kung hindi man sa lahat ng grupo ng tao ayon sa edad. Ang mga sistema sa pangangalaga ng kalusugan maging sa mga bansang may pinakamaunlad na ekonomiya ay malamang na hindi makatutugon sa kinakailangang serbisyong pangkalusugan.”

Gaano kapanganib ang ganitong pangyayari? Ganito ang sabi ni John M. Barry, awtor ng aklat na The Great Influenza: “Ang teroristang may nuklear na sandata ay kinatatakutan ng bawat pambansang pulitiko. Gayundin dapat ang madama hinggil sa bagong pangglobong epidemya ng trangkaso.”

Anu-ano Na ang Panggamot Dito?

Baka itanong mo, ‘Hindi ba’t may mabibisang panggamot na ngayon?’ Ang sagot ay nagsasangkot kapuwa ng mabuti at masamang balita. Dahil sa mga antibiyotiko, nababawasan ang mga namamatay mula sa mga pulmonyang dulot ng baktirya na komplikasyon ng trangkaso, at maaaring mabisa ang ilang gamot laban sa ilang uri ng mga virus ng trangkaso. May mga bakuna na makatutulong upang sugpuin ang virus ng trangkaso kung matutukoy ang tamang uri nito at kung magagawa ang bakuna sa tamang panahon. Iyan ang mabuting balita. Ang masamang balita?

Hindi maganda ang kasaysayan ng bakuna sa trangkaso​—mula sa kontrobersiyal na trangkaso sa baboy noong 1976 hanggang sa kakulangan ng bakuna noong 2004. Bagaman malaki ang pagsulong ng medisina mula noong Digmaang Pandaigdig I, wala pa ring alam na lunas ang mga doktor sa matinding virus.

Kung gayon, ito ang nakababahalang tanong: Maulit kaya ang nangyari noong 1918-19? Pansinin ang sinasabi ng isang sanaysay mula sa National Institute for Medical Research ng London: “Sa ilang paraan, ang mga kalagayan sa ngayon ay tulad din noong 1918: napakaraming naglalakbay sa iba’t ibang bansa dahil sa pagsulong ng transportasyon, may mga dako ng digmaan kung saan suliranin ang malnutrisyon at kakulangan ng kalinisan, lumaki na ang populasyon ng daigdig at naging anim at kalahating bilyon, at malaking porsiyento ng populasyong ito ang nakatira sa mga lunsod na marami sa mga ito ay may kakulangan sa sistema ng pagtatapon ng basura at paglilinis ng dumi.”

Ganito ang konklusyon ng isang iginagalang na awtoridad sa Estados Unidos: “Sa maikling salita, papalapit tayo nang papalapit sa susunod na pangglobong epidemya sa paglipas ng bawat taon.” Gayunman, nangangahulugan ba ang lahat ng ito na malabo na ang hinaharap, wala man lamang pag-asa? Hindi!

[Talababa]

a Ito ang sinasabi ng aklat na Viruses, Plagues, and History: “Ginamit ng mga Italyano ang terminong influenza [trangkaso] noong mga 1500 [C.E.] para sa mga sakit na inaakalang dahil sa ‘impluwensiya’ ng mga bituin.”

[Larawan sa pahina 8]

Maaaring magsimula ang bagong mga uri ng virus ng trangkaso sa mga pamayanan ng mga magbubukid

[Credit Line]

BAY ISMOYO/AFP/Getty Images

[Larawan sa pahina 8, 9]

Virus na “influenza type A”

[Credit Line]

© Science Source/ Photo Researchers, Inc

[Larawan sa pahina 9]

Sinuri ng mga mananaliksik ang mga ispesimen ng virus noong 1918-19

[Credit Line]

© TOUHIG SION/CORBIS SYGMA

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share