Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 12/22 p. 10-11
  • Pangglobong mga Epidemya—Ang Kinabukasan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pangglobong mga Epidemya—Ang Kinabukasan
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hula sa Bibliya at mga Salot
  • Nagbabanta Pa Rin
  • Ang Kinabukasan​—Malabo o Maaliwalas?
  • Trangkaso—Ang Alam na Natin Ngayon
    Gumising!—2005
  • Ang Pinakamatinding Salot sa Kasaysayan
    Gumising!—2005
  • Protektahan ang Iyong Pamilya Laban sa Trangkaso
    Gumising!—2010
  • Isang Daigdig na Ligtas sa Sakit
    Gumising!—2004
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 12/22 p. 10-11

Pangglobong mga Epidemya​—Ang Kinabukasan

NAALALA ng ilang estudyanteng nag-aral hinggil sa pangglobong epidemya ng trangkaso noong 1918-19 ang mga hula sa Bibliya. Halimbawa, ganito ang sabi ni Gina Kolata sa kaniyang aklat na Flu​—The Story of the Great Influenza Pandemic of 1918 and the Search for the Virus that Caused It: “Tinawag nilang trangkaso ang salot noong 1918, pero naiiba ito sa anumang trangkaso na nasaksihan kailanman. Para itong isang natupad na hula sa Bibliya.”

May sinasabi ba talaga ang Bibliya tungkol sa kalamidad na ito na sumapit sa tao? Ang totoo, mayroon.

Hula sa Bibliya at mga Salot

Ang mga alagad ni Jesu-Kristo ay humingi sa kaniya ng tanda ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3) Sumagot si Jesus: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakaroon ng malalakas na lindol, at sa iba’t ibang dako ay mga salot.” (Lucas 21:7, 10, 11) Inihuhula rin ng Bibliya na sa panahon ng kawakasan, magkakaroon ng “nakamamatay na salot.”​—Apocalipsis 6:8.

Ang epidemyang trangkaso Espanyola ay nagsimula noong patapos na ang Malaking Digmaan (1914-18), na tinawag na Digmaang Pandaigdig I nang maglaon. Nagsimula sa yugtong iyan ang katuparan ng mga hula sa Bibliya hinggil sa “mga huling araw.” Binabanggit ng mga hulang ito ang matitinding kakapusan sa pagkain, malalakas na lindol, paglago ng katampalasanan, at kapansin-pansing pagbaba ng pamantayang moral ng tao. Tiyak na nakikita mo ang mga kalagayang ito mismo sa daigdig sa ngayon.​—Mateo 24:3-​14; 2 Timoteo 3:1-5.

Ang katuparan ng mga hula tungkol sa “mga salot” at “nakamamatay na salot” ay nagdudulot ng matinding takot, hapis, at kamatayan. At ayon sa babasahing Microbes and Infection, “walang dahilan para ipagpalagay na hindi mangyayari ang isa pang pangglobong epidemya sa hinaharap. Waring tiyak na mangyayari ito.”

Nagbabanta Pa Rin

Ganito ang sabi ng Abril 2005 isyu ng babasahing Emerging Infectious Diseases: “Inakala ng mga taong optimistiko na ang banta ng malala at nakahahawang sakit ay mawawala na sa panahong ito.” Gayunman, idinagdag pa ng magasing ito na “ang nakahahawang mga sakit ay bumabalik at nagpapabalik-balik pa rin.” Binanggit ng magasing Nature ng Hulyo 8, 2004 ang resulta nito: “Mga 15 milyong . . . kaso ng pagkamatay taun-taon sa buong daigdig ang ipinapalagay na tuwirang nauugnay sa nakahahawang mga sakit.”

“Dahil sa paglitaw ng AIDS, muling naipaalaala sa mga tao na hindi maiiwasan ang paglitaw ng nakahahawang mga sakit pati na ang mga resulta nito,” ang paliwanag ng Nature. “Sa 45 pinakaapektadong bansa,” ang ulat ng UNAIDS, isang programa hinggil sa AIDS na inisponsor ng United Nations at iba pang grupo, “inaasahan na, sa pagitan ng 2000 at 2020, 68 milyon katao ang maagang mamamatay dahil sa AIDS.”

Sa nakalipas na 25 taon, naging kapaha-pahamak na salot ang AIDS, anupat pumatay ng mahigit 20 milyon katao. Subalit kumitil ng milyun-milyong buhay ang trangkaso Espanyola sa loob lamang ng mahigit isang taon. Sa ngayon, ayon sa paulit-ulit na mga babala, waring matagal na dapat muling lumitaw ang isang mabagsik na anyo ng trangkaso na hindi pa napaghandaan ng daigdig.

Noong Mayo 19, 2005, nagbabala ang Reuters Alert Net hinggil sa patuloy na paglitaw ng bagong mga virus ng trangkaso, at idinagdag pa nito na ang mga ito ay “naghaharap pa rin ng tumitinding banta na magkakaroon ng pangglobong epidemya.” Sinabi ng The Wall Street Journal isang araw bago nito: “Ang bird-flu virus na aktibo ngayon sa Asia ay kilala bilang H5N1 at unang natuklasan sa mga tindahan ng mga manok sa Hong Kong noong 1997. Kakaiba ang bagsik nito​—namamatay ang hanggang 80% ng dinadapuan nito.” Naililipat diumano ang virus sa mga taong lumalapit sa mga hayop na mayroon na nito.

Ang Kinabukasan​—Malabo o Maaliwalas?

Waring malabo ang ating pag-asa na magkaroon ng mabuting kalusugan sa hinaharap. Nang banggitin ni Jesu-Kristo ang mga salot sa mga huling araw, tiyak na ipinahiwatig niyang may dahilan naman para mabahala. Gayunman, binibigyan din tayo ng pag-asa ng Bibliya. Halimbawa, nangako ang Diyos kay Noe at sa kaniyang pamilya bago ang pangglobong Baha. Binabalaan niya muna si Noe na darating ang pagwasak, subalit tinagubilinan niya si Noe na magtayo ng arka, kung saan siya at ang iba pa ay manganganlong. (Genesis 6:13, 14; 7:1) Ipinaliwanag ni apostol Pedro na “ang pagtitiis ng Diyos ay naghihintay noong mga araw ni Noe, habang itinatayo ang arka,” at nang matapos ang arka, ang mga natirang buháy ay “dinalang ligtas sa tubig.”​—1 Pedro 3:20.

Si Jesu-Kristo, na maraming inihula hinggil sa kalagayan ng daigdig na nakikita natin sa ngayon, ay nagsabi na ang ating panahon ay katulad niyaong kay Noe. Ang mga nagtitiwala sa Diyos gaya ni Noe ay may pag-asang makaligtas mula sa malaking pagkawasak. (Lucas 17:26, 27) Sumulat si Juan, apostol ni Jesus: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”​—1 Juan 2:17.

Kung gayon, magwawakas ang kasalukuyang sistema ng sanlibutan. Ano ang magiging buhay ng mga makaliligtas? Binigyan si apostol Juan ng pangitain hinggil sa kamangha-manghang mga kalagayan na iiral sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos: “Tatahan [ang Diyos] kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”​—Apocalipsis 21:3, 4.

Hindi naman kailangang maging malabo ang iyong kinabukasan. Kung matututo ka hinggil sa Diyos at lubos na magtitiwala sa kaniya, magiging maaliwalas ang iyong kinabukasan. Mapanghahawakan ang pangako ng Diyos na sa kaniyang bagong sanlibutan, bubuhaying muli ang mga patay. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) At mawawala na magpakailanman ang salot. Sa hula na matutupad sa bagong sanlibutan, ipinangangako ng Bibliya: “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ”​—Isaias 33:24.

[Larawan sa pahina 10]

Ipinangangako ng Bibliya ang isang bagong sanlibutan kung saan “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit’ ”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share