Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 5/8 p. 26-27
  • Ang Pagsasayaw ba ay Para sa mga Kristiyano?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagsasayaw ba ay Para sa mga Kristiyano?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pagsasayaw ay Komunikasyon
  • Pagsasayaw​—Wasto at Hindi Wasto
  • Wasto o Hindi Wasto​—Kung Paano Matitiyak
  • Pagsasayaw
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Paano Ko ba Dapat Malasin ang mga Disco?
    Gumising!—2004
  • Saan Ito Nagmula?
    Gumising!—1987
  • Ang Sumasayaw na mga Diyablo sa Yare
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 5/8 p. 26-27

Ang Pangmalas ng Bibliya

Ang Pagsasayaw ba ay Para sa mga Kristiyano?

“HINDI ko kayang panoorin ito. Kailangan kong umalis,” bulong ng isang kabataang lalaki sa kaniyang asawa habang siya’y tumatayo mula sa kaniyang upuan at lumisan sa silid upang maglakad-lakad para magpahangin. Hiyang-hiya siya.

Silang mag-asawa ay inanyayahan ng kanilang mga kaibigan sa isang sosyal na pagtitipon. Ipinasiya ng mga nag-imbita na magtanghal ng palabas kasali ang tatlong babaing nagsasayaw. Ang kalakhan ng mga nanonood ay waring hindi naman nababalisa. Siya ba’y labis lamang na sensitibo? Hindi ba’t ang mga mananayaw ay nagpapahayag lamang ng kanilang niloloob at nagsasaya sa kalayaang magsayaw? Sikapin nating unawain ang sayaw mula sa pangmalas ng Kristiyano.

Ang Pagsasayaw ay Komunikasyon

Ang isa sa mga paraan ng komunikasyon ng mga tao ay sa pamamagitan ng kumpas o kilos. Halimbawa, kapag nasa isang banyagang bansa, maraming dumadalaw ang nagugulat na malaman na ang isang kilos na inaakala nilang walang anuman ay may kakaibang kahulugan doon​—marahil ay masagwa pa nga. Isang dating misyonero sa Solomon Islands, Malaysia, at sa Papua New Guinea ang nagkomento: “Sa ilang lugar ang mga seksuwal na pahiwatig ay nauugnay sa ilang kilos ng katawan. Halimbawa, kapag ang isang babae ay nakaupo sa sahig, ipinalalagay na masagwa para sa isang lalaki na humakbang sa kaniyang mga binti. Gayundin naman, kawalang-ingat para sa isang babae na lumakad sa harap ng isang lalaki na nakaupo sa sahig. Sa dalawang kalagayan ang mga pahiwatig sa sekso ay agad na nauunawaan.” Alam man natin ito o hindi, ang mga kilos ng ating mga katawan ay nangungusap. Kaya hindi dapat na makabigla sa atin na malaman na sa buong kasaysayan ang pagsasayaw ay ginamit bilang isang anyo ng komunikasyon.

Ang buong pagkakaiba-iba ng emosyon ay maaaring ipahayag sa sayaw​—mula sa kagalakan at kasiyahan ng pagdiriwang hanggang sa kataimtiman ng relihiyosong ritwal at tradisyon. (2 Samuel 6:14-17; Awit 149:1, 3) Ganito ang sabi ng The New Encyclopœdia Britannica: “Ang mananayaw ay nakikipagkomunikasyon sa tagapanood sa dalawang magkaibang paraan, alin sa pagbubuhos ng emosyon sa pamamagitan ng katawan gayundin ng mukha o sa pamamagitan ng masalimuot na wika ng pagtulad at kumpas.” Sa ilang sayaw ang komunikasyon ay waring madaling maunawaan. Sa ibang mga anyo ng sayaw, ang wika ay mauunawaan lamang ng iilang nakaiintindi. Halimbawa, sa mga classical ballet ang kamay na nasa puso ay nagpapahiwatig ng pag-ibig, samantalang ang pagturo sa ikaapat na daliri sa kaliwang kamay ay nangangahulugan ng kasal. Ang paglalakad nang paikot sa Intsik na opera ay nagpapahiwatig ng paglalakbay, samantalang ang pag-ikot sa entablado habang hawak nang pahalang ang isang latigo ay nagpapahiwatig ng pagsakay sa kabayo; ang itim na watawat na itinawid sa ibayo ng entablado ay nangangahulugan ng bagyo, samantalang ang mapusyaw na bughaw naman ay nagpapahiwatig ng simoy ng hangin. Kaya ang katawan ay nakikipagkomunikasyon sa mga kilos at kumpas sa sayaw. Subalit ang mensahe ba ay laging angkop?

Pagsasayaw​—Wasto at Hindi Wasto

Ang pagsasayaw ay maaaring maging isang nakasisiyang anyo ng paglilibang at ehersisyo. Ito’y maaaring maging isang malinis at hayag na pahiwatig, nagpapakita ng isang maligayang pisikal na pagtugon sa ganap na kaluguran ng pamumuhay o pagpapahalaga sa kabutihan ni Jehova. (Exodo 15:20; Hukom 11:34) Ang ilang panggrupong sayaw at katutubong sayaw ay maaaring kasiya-siya. Tinukoy pa nga ni Jesus, sa kaniyang ilustrasyon ng alibughang anak, ang isang grupo ng mga mananayaw, maliwanag na isang upahang tropa ng mananayaw, bilang bahagi ng kasayahan. (Lucas 15:25) Kaya, maliwanag, hindi hinahatulan ng Bibliya ang pagsasayaw mismo. Gayunman, ito’y talagang nagbababala laban sa pagpukaw ng maling kaisipan at pagnanasa. Sa bagay na ito na ang ilang uri ng pagsasayaw ay maituturing na masagwa, mapanganib pa nga sa espirituwalidad ng isa. (Colosas 3:5) Mula pa noong sinaunang panahon ang pagsasayaw kung minsan ay naging erotik at ginamit mismo sa masasamang layunin.​—Ihambing ang Mateo 14:3-11.

Batid ng ating Kaaway, si Satanas na Diyablo, na ang pagsasama ng kilos sa sayaw at mahalay na kaisipan ay mabisang sandata sa kaniyang mga kamay. (Ihambing ang Santiago 1:14, 15.) Alam na alam niya ang makalamang pang-akit ng kilos ng katawan at kung paano ito makapupukaw ng erotik na kaisipan. Nagbabala si apostol Pablo na si Satanas ay determinadong tuksuhin tayo upang ang ating “mga isipan ay mapasamâ nang palayo sa kataimtiman at sa kalinisan na nauukol sa Kristo.” (2 Corinto 11:3) Isip-isipin kung gaano kasaya ang Diyablo kung pahihintulutan natin na mabulid ang ating mga isip sa mahahalay na mga kaisipan dahil sa panonood o pakikisali sa mahalay na pagsasayaw. Higit na magiging masaya pa siya kung ang ating di-masupil na pagnanasa ay humilagpos at tayo’y mapulupot sa tinik ng imoral na paggawi. Ginamit na niya ang kilos at sayaw sa layuning iyan noon pa man.​—Ihambing ang Exodo 32:6, 17-19.

Wasto o Hindi Wasto​—Kung Paano Matitiyak

Kaya, kung ang isang sayaw ay itinatanghal man ng grupo, ng dalawang tao, o isang tao lamang, kung ang kilos ay pumupukaw ng mahalay na kaisipan sa iyo, kung gayon ay nakasasamâ ang sayaw sa iyo, bagaman hindi naman gayon para sa iba.

Napansin ng ilan na sa maraming modernong sayaw, ang magkapareha ay hindi man lamang naghahawakan. Gayunman, ang paghahawakan ba ang pinag-uusapan? Binuod ng Britannica ang bagay na ito sa pagsasabing “ang kalalabasan ay pareho rin​—pisikal na kaluguran sa pagsasayaw at seksuwal na pagkapukaw sa kapareha, magkayakap man o di-gaanong nakatutok sa isa’t isa.” Ang “seksuwal na pagkapukaw [ba] sa kapareha” ay katalinuhan sa labas ng buklod ng pag-aasawa? Hindi ayon sa sinabi ni Jesus na “ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nakagawa na ng pangangalunya sa kaniya sa kaniyang puso.”​—Mateo 5:28.

Ikaw ang magpapasiya kung sasayaw ka o hindi. Ang pagninilay-nilay sa sumusunod na katanungan ay maaaring makatulong sa iyo na makapagpasiya nang may katalinuhan. Ano ang layunin ng sayaw na ito? Sa anong bagay kilala ito? Ano ang itinatampok ng mga kilos ng sayaw? Anong mga kaisipan at damdamin ang pinupukaw nito sa akin? Anong mga pagnanasa ang ginigising ng mga ito sa aking kapareha o sa mga nanonood? Totoo naman, ang isa ay dapat na kumilos ayon sa budhi ng isa, gaya ng kabataang asawang lalaki sa ating pambungad, anuman ang gawin ng iba.

Ipinakikita ng Bibliya na ibig ng ating Maylikha na tayo’y masiyahan sa kaloob na kagandahan, ritmo, at magandang kilos. Oo, masiyahan sa mga ito​—subalit dapat na isaisip na kapag ikaw ay nagsasayaw, ang iyong katawan ay nangungusap. Tandaan ang mga alituntunin ni Pablo sa Filipos 4:8: “Anumang mga bagay na totoo, anumang mga bagay na seryosong pag-isipan, anumang mga bagay na matuwid, anumang mga bagay na malinis, anumang mga bagay na kaibig-ibig, anumang mga bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.”

[Picture Credit Line sa pahina 26]

Picture Fund/Sa kagandahang-loob ng, Museum of Fine Arts, Boston

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share