Ang Sumasayaw na mga Diyablo sa Yare
KALAGITNAAN pa lamang ng umaga, subalit napakainit na. Habang minamasdan namin ang isang grupo ng mga lalaking nakasuot ng kumpletong tradisyonal na kostiyum, nagtataka kami kung paano kaya nila natitiis ang nakapapasong init! Dinadalaw namin ang isang maliit na bayang pang-agrikultura sa San Francisco de Yare, Venezuela. Ang mga lalaking nakakostiyum ay ang kilalang Diablos Danzantes de Yare, ang Sumasayaw na mga Diyablo sa Yare.
Karamihan ng mga tao sa Venezuela ay Katoliko at nagsasabing naniniwala sa Bibliya. Gayunman, sa loob ng mga salinlahi ang ritwal na mga sayaw na prominenteng nagtatampok ng paglalarawan ng mga demonyo ay gumanap ng mahalagang bahagi sa lokal na kultura. Hindi lamang ipinahihintulot na Simbahang Katoliko ang mga sayaw kundi aktuwal na itinataguyod pa nga ang mga ito. Ganito ang kalagayan sa Sumasayaw na mga Diyablo sa Yare.
Pagdating sa Yare, nagulat kaming makita na ang lokal na punung-tanggapan ng Kapatiran ng Santisimo Sakramento, isang organisasyong Katoliko, ay siya ring punung-tanggapan ng sumasayaw na mga diyablo. Ang gusali ay kilala bilang ang Casa de Los Diablos (Bahay ng mga Diyablo). Miyerkules noon, bisperas ng kapistahang Katoliko ng Corpus Christi, at maraming propesyonal na litratista ang nakapuwesto sa labas ng gusali. Walang anu-ano, malakas na tumunog ang tambol, at nagsayawan ang ilang kalalakihan na nadaramtan na parang mga demonyo.
Ang Kostiyum ng mga Diyablong Mananayaw
Ang bawat mananayaw ay nakasuot ng pulang kamisadentro, pulang pantalon, pulang medyas, at mga sandalyas. Ang bawat isa’y may rosaryo, krus, at isang medalyong Katoliko na nakasabit sa kaniyang leeg. Ang isa pang krus ay nakakabit sa kaniyang kostiyum. Ang isang kamay ay may hawak na mukhang-diyablong marakas at sa kabilang kamay naman ay isang maigsing latigo. Subalit ang kapansin-pansin ay ang pagkalaki-laki at kakatwang mga maskarang may iba’t ibang kulay, na may mga sungay, prominenteng mga mata at, kadalasan, litaw na mga ngipin. Ang bawat maskara ay nakakabit sa isang mahaba at pulang, telang talukbong.
Napag-alaman namin na may iba’t ibang uri ng mga mananayaw. Ang pangunahin ay ang capataz, o tagapangasiwa, na kilala rin bilang ang diablo mayor, o punong diyablo. Ang kaniyang maskara ay may apat na sungay. Siya’y karaniwang pinipili dahil sa kaniyang katandaan. Ang katulong na tagapangasiwa, o segundo capataz, ay may tatlong sungay at ang karaniwang mga mananayaw na walang ranggo ay may dalawang sungay lamang. Ang ilan sa mga mananayaw ay mga promesero, mga taong tumutupad sa isang pangakong sasayaw minsan sa isang taon para sa isang tiyak na bilang ng mga taon, o marahil habang-buhay. Ang pangakong ito, o panata, ay karaniwang ginagawa ng mga indibiduwal na naniniwalang ipinagkaloob sa kanila ng Diyos ang isang pantanging kahilingan nila.
Patungo sa Simbahan
Noong tanghali, iniwan ng mga mananayaw ang kanilang punung-tanggapan at nagtungo sa lokal na simbahan upang kamtin ang pahintulot ng pari sa kanilang natitirang prusisyon. Sinalubong ng sumasayaw na mga diyablo ang pari sa labas ng simbahan. Doon ay lumuhod sila upang tanggapin ang kaniyang basbas. Pagkatapos ay nagsayaw sila sa mga lansangan ng bayan, kung minsan sa bahay-bahay. Kadalasan ay binibigyan ng mga maybahay ang sumasayaw na mga diyablo ng mga kendi, inumin, at iba pang pagkain. Ang prusisyong ito ay nagpapatuloy sa buong maghapon.
Kinaumagahan habang nagsisimula ang Misa sa simbahan, ang mga mananayaw ay nagtatagpong muli sa likod sa Casa de Los Diablos. Habang inaalog ang kanilang marakas nang sabay-sabay, mula roon ay sumasayaw sila hanggang sa sementeryo, sa indayog ng mga tambol. Isang altar ang itinayo sa sementeryo, at sa harap nito ay pinararangalan nila ang namatay na mga kaibigan. Sa panahon ng seremonyang ito ang indayog ng mga tambol ay mabagal. Pagkatapos, dahil sa mapamahiing takot, lumalabas sila ng sementeryo nang patalikod, na tinitiyak na hindi sila tatalikod sa altar. Mula roon ay nagtutungo sila sa simbahan at naghihintay na matapos ang Misa.
Basbas ng Pari
Sa pagtatapos ng Misa, ang pari’y lumalabas at binabasbasan ang mga mananayaw, na nakaluhod at nakayuko ang mga ulo, ang kanilang mga maskara ay nakabitin sa talukbong, na sumasagisag sa tagumpay ng mabuti sa masama. Ang pari ay nauupo sa tabi ng punong diyablo. Pinakikinggan nilang dalawa ang mga panata ng bagong mga promesero, na nagpapaliwanag kung bakit sila nangangakong sasayaw at kung ilang taon.
Pinapalo ng mga manunugtog ng tambol ang kanilang mga tambol nang mas mabilis, at ang sumasayaw na mga diyablo ay umaalinsabay sa pamamagitan ng pag-alog nang husto ng kanilang mga katawan at ng kanilang mga marakas sa indayog ng mabilis na kumpas. Sumasayaw rin ang mga babae subalit hindi sa kasuutang diyablo. Nakasuot sila ng pulang palda, puting blusa, at puti o pulang bandana sa kanilang ulo. Sa isang bahagi ng prusisyon, pasan-pasan ng ilan sa sumasayaw na mga diyablo ang kanilang santong patron. Tinatapos ng mga mananayaw ang kanilang prusisyon sa pamamagitan ng pagpaparada sa harap ng simbahan, pagkatapos magpitagan sa isang prominenteng krus sa bayan.
Hindi Para sa mga Saksi ni Jehova
Ito’y isang kawili-wiling karanasan para sa amin bilang mga turista. Noong panahon ng aming pagdalaw sa maliit na bayan ng Yare, hindi namin maiwasang mamasdan ang pangmadlang pangyayaring naganap sa pamamagitan ng sumasayaw na mga diyablo. Gayunman, bilang mga Kristiyano kami, tulad ng mahigit na 70,000 pang Saksi ni Jehova sa Venezuela, ay hindi sumasali sa kapistahan ng Sumasayaw na mga Diyablo sa Yare o sa kahawig na mga prusisyon.
Bakit hindi? Sapagkat sinusunod namin ang mga salita ni apostol Pablo: “Hindi ko ibig na makibahagi kayo sa mga demonyo. Hindi ninyo maiinuman ang saro ng Panginoon at gayundin ang saro ng mga demonyo. Hindi kayo maaaring makibahagi sa mesa ng Panginoon at gayundin sa mesa ng mga demonyo.” (1 Corinto 10:20, 21, New American Bible)—Isinulat.