Pagmamasid sa Daigdig
Dumarami ang Sakit sa Isip
Nagbabala ang isang pangkat ng mga dalubhasa sa kalusugan sa buong mundo tungkol sa “isang nakababahalang antas ng sakit sa isip sa nagpapaunlad na bansa,” sabi ng babasahing First Call for Children. Iniulat ng mga mananaliksik sa Harvard Medical School ang mataas na bilang ng mga nagkakasakit sa isip na “sanhi ng digmaan, likas na kasakunaan, pag-abuso at pagpaslang sa mga babae at mga bata, at nagbabagong kalagayan ng demograpiko, pulitika, at ekonomiya.” Karagdagan pa, ang dami ng may diperensiya sa isip at epilepsi ay natuklasan na mas mataas ng tatlo hanggang limang ulit sa lipunan ng mga mabababa ang sahod, at ang pagpapatiwakal ang kitang-kitang pangunahing sanhi ng kamatayan sa mga kabataan. Ayon kay Dr. Arthur Kleinman, na siyang nangunguna sa pangkat, ang kalusugan sa isip ay dapat mabigyan ng pansin ng buong mundo. “Kapuwa ang mahihirap at mayayamang bansa ay nabigong maglagak ng mga kinakailangang bagay upang mapanumbalik at maingatan ang kalusugan sa isip,” aniya.
Isang Pinagkasunduang Bagay
“Ang mga lider ng Rusong Ortodokso at Muslim mula sa apat na pangunahing mga republikang Muslim ng dating Unyong Sobyet—ang Kazakhstan, Tajikistan, Turkmenistan, at Uzbekistan—ay humantong sa isang walang katulad na pagkakasundo ng nagsama-samang iba’t ibang relihiyon na sugpuin ang mga denominasyon at naiibang relihiyosong mga grupo na nakaiimpluwensiya sa gitnang Asia,” sabi ng magasing Christianity Today. Nagpulung-pulong sa Tashkent, ang kabisera ng Uzbekistan, ang mga relihiyosong lider ay “nanumpa na magtutulungan sa paghadlang sa impluwensiya ng nag-eebanghelyong mga Kristiyano, Baptists, Mormons, at mga Saksi ni Jehova,” sabi ng ulat.
Walang Pagpapakundangan sa Konserbasyon
Ang red-necked phalarope, isang pambihirang ibon, ay namataan sa isang malaking imbakan ng tubig sa Leicestershire, Inglatera, at ang mahihilig sa ibon sa buong Britanya ay naglakbay upang makita ito. Subalit kahindik-hindik na nakita nila ang isang pagkalaki-laki, apat na talampakang isdang pike na nilulon sa isang sagpang ang nandarayuhang ibon. “Para iyong eksena sa Jaws,” sabi ng isang twitcher, gaya ng tawag sa mahihilig sa ibon. “Sa isang sandali ang ibon ay lumalangoy—sumunod ay narinig na ang isang sakmal at saboy ng tubig at naglaho ito.” “Iilan lamang balahibo ang naiwan upang patunayan na ang pambihirang ibong tubig na ito ay dumalaw sa malaking imbakan ng tubig sa Leicestershire,” sabi ng ulat ng Reuters.
“Ang Bibliya ay Hindi Dapat Masensura”
Sa ilalim ng pamagat na ito, binatikos ng isang editoryal sa pahayagang The Weekend Australian “ang pagtatangka na bigyang-pakahulugan at baguhin ang mga bahagi ng Bibliya upang matugunan ang mga pangangailangan sa kasalukuyan.” Bagaman ang karamihan ng pinakabagong mga salin “ay mga gawa ng dalubhasa, sinasamantala ang mga bagong tuklas ng sinaunang mga teksto at makasaysayang pananaliksik,” ang editoryal ay nagbabala laban sa “bagay na maipagkamali ang pagsasalin sa pagpapakahulugan.” Ang pinagtatalunan ay ang mga alituntunin para sa mga klero at mga guro na inilathala ng Konseho ng mga Kristiyano at mga Judio sa isang pagtatangka na maiwasan ang anumang impresyon laban sa mga Judio. Ang mga pananalitang gaya ng “ang mga Judio,” na ginamit may kaugnayan sa paglilitis at kamatayan ni Jesus, ay papalitan ng “mga mamamayan ng Jerusalem,” at ang pananalitang “ang mga Fariseo,” ay magiging “mga relihiyosong lider.” Ganito pa ang sabi ng editoryal: “Ang mga dokumento ng Bagong Tipan ay hindi mga kapahayagan ng opinyon. . . . Ang pakikialam sa mga salita at mga pagbabago sa mga teksto ay maaaring madaling dumagsa at humantong sa di-tapat na paghaharap ng dula ng buhay ni Kristo. Ang panlipunang kalagayan ng kaniyang buhay ay dapat na manatiling totoo sa kaniyang kapanahunan.”
Pag-iwas sa Kasakunaan sa Klima
Makakaharap ng klima ng lupa ang kasakunaan sa loob ng susunod na 25 hanggang 30 taon kung hindi kikilos agad, babala ng Scientific Advisory Board ng Alemanya. “Ang mga dalubhasa ay humihiling ng buong daigdig na pagbabawas sa paglalabas ng nakamamatay na carbon dioxide (CO2) ng di-kukulangin sa 1 porsiyento sa bawat taon,” ulat ng pahayagang Süddeutsche Zeitung. “Ang pag-init ng temperatura ay hindi dapat lumampas sa 0.2 digri Celsius sa bawat sampung taon.” Ang pangunahing may kagagawan, siyang may pananagutan sa 80 porsiyento ng pinsala sa klima ng daigdig, ay ang industriyalisadong mga bansa. Halimbawa, isang mamamayan sa Alemanya ang gumagawa ng, sa katamtaman, 20 ulit ang dami ng carbon dioxide kaysa isang mamamayan sa India. Ang iba pang malaking mga problema sa kapaligiran na dulot ng tao diumano’y pagkaagnas ng lupa, kakulangan ng malinis na tubig, at pag-unti ng pagkakasari-sari ng halaman at hayop.
“Baguhin-muli ang Pamilya”
Ang pagpapabaya sa mga bata at pagmamalupit sa kanila ay dumarami, ulat ng pahayagang O Estado de S. Paulo sa Brazil. Bagaman ang panlipunang kabuhayang mga suliranin ay maaaring isang salik, ang pagmamalupit sa bata ay hindi lamang nangyayari sa mahihirap na kapaligiran. Ayon kay Lia Junqueira, tagapag-ugnay ng Reference Center for Children and Adolescents, ‘walang anumang pagkakaiba sa pagitan ng mayayaman at mahihirap—maliban sa mga barungbarong o magkakadikit na gusali ng mga bahay, lahat ay nakaririnig ng iyak ng bata; samantalang sa mga mansiyon, napahihina ng mga pader ang iyak.’ Ipinalalagay ni Paulo Victor Sapienza, direktor ng SOS Child, na ang pagpapatibay sa buklod ng pamilya ang pinakamabuting paraan upang masugpo ang problema. “Walang nagagawa ang paglalagak sa bata sa isang institusyon kung saan walang pag-ibig o pagmamahal,” aniya. “Mahalaga na baguhin-muli ang pamilya upang ang mga bata ay magkaroon ng pagmamahal at pag-ibig sa loob mismo ng tahanan.”
Mga Batang Caffeine
Ang mga batang hindi nakikinig, di-mapakali, madaling magambala, at mapusok ay maaaring pinahihirapan dahil sa sobrang pag-inom ng caffeine, sabi ng Tufts University Diet & Nutrition Letter. Para sa isang 18-kilo na bata, “ang isang lata ng cola dagdagan pa ng kalahating tasa lamang ng iced tea ay katumbas na ng tatlong tasa ng kape” para sa isang nasa hustong gulang. Ang artikulo na tinukoy ng pananaliksik ni Mitchell Schare, isang propesor ng sikologo sa Hofstra University, na nagpakita na “marami sa sintomas ng sobrang pag-inom ng caffeine sa mga bata ay nahahawig sa mga sintomas na gaya sa mga kalagayan ng attention deficit/hyperactivity disorder.” “Bago mo ipasiyang may gayon ngang problema ang iyong di-mapakali o maligalig na anak,” sinabi pa nito, “maaaring masumpungan mo na ang solusyon sa pagkadi-mapakali ay kasinsimple ng basta pagbawas sa pag-inom ng cola at tsaa.”
Paalaala sa Mahihilig sa Hayop
Mahilig ka ba sa hayop? Kung mahilig ka, malamang na isang magiliw na aso ang humimod na sa iyong mukha o sa iyong mga kamay. Gayunman, ayon kay Lane Graham, isang dalubhasa sa parasito sa University of Manitoba, lumilitaw ang posibilidad na maaaring magkaroon ka ng mga uod na parasito o mga roundworm. “Pinakamabuti na huwag ilapit nang husto ang bibig ng iyong aso sa iyong bibig,” ulat ng Winnipeg Free Press. Ginagamit ng mga aso ang kanilang mga dila upang linisin ang mga sarili nito; at yamang ang mga dila nito ay tulad ng mga tabla kung saan iniiskoba ang maruruming damit, nadadampot nito ang napakaraming bagay, kasali na ang dumi. Ang mga tuta ay “kilala sa pagiging mabalahibo na punô ng mikrobyo,” sabi ng pahayagan. Bagaman ang mga tsansa ng pagkakasakit ay maliit, ang payo ay “maghugas ng iyong mga kamay at mukha, at gayundin sa mga bata, pagkatapos ng anumang tumagal na paghimod ng aso, para lamang makasigurado.”
Hindi Natupad na mga Pangako
“Tulad ng bawat pagbabago sa paggamot bago nito, ang larangan ng terapi ng gene ay nagsimula na may pangitain ng maaliwalas na hinaharap,” sabi ng magasing Time. “Ipinangako ng mga mananaliksik na gagamutin ang mga namamanang sakit gaya ng cystic fibrosis, pagkatuyot ng laman, at sickle-cell anemia, hindi ng dati nang mga medisina kundi ng himala ng genetic engineering, hahalinhan ang may diperensiyang mga gene ng normal na mga katumbas nito.” Subalit sa ngayon, mahigit na limang taon pagkalipas sang-ayunan ang unang mga eksperimento sa tao na may 600 kataong nagpatala sa 100 eksperimentong pagsusuri, wala pang positibong mga resulta. “Pagkatapos ng lahat ng pagsusuri at lahat ng pag-aanunsiyo, wala pa ring malinaw na katunayan na nakagaling ang terapi ng gene—o nakatulong man—sa isang pasyente,” sabi ng Time. Sa katunayan, hindi pa rin alam ng mga mananaliksik ang pinakamabuting paraan kung paano mailalagay ang gene sa may diperensiyang selula o kung paano magagawang huwag ayawan ng sistemang imyunidad ng katawan ang mga ito. “Kapag walang katibayan na ito’y naging mabisa,” sabi ng dalubhasa sa gene na si Robert Erickson ng University of Arizona, “wala rin itong halos ipinagkaiba sa walang kuwentang mga gamot.”
Pakikitungo sa mga Elk
“Sa Sweden, kalahati ng lahat ng aksidente sa lansangan na iniulat sa pulisya ay nagsasangkot ng mga pagbangga sa mga hayop sa iláng,” ulat ng New Scientist. Sa pagitan ng 12 at 15 taga-Sweden ang namamatay taun-taon bunga ng gayong mga banggaan. Ang partikular na ikinababahala ay ang mga Europeong elk, na lumalaki ng hanggang 800 kilo at likas na hindi natatakot sa mga kotse. Sa kalapit na bansang Finland, ang mga elk ang ‘ikalawa sa pangunahing dahilan ng mga aksidente sa lansangan [sa bansa], kasunod ng alkohol,’ sabi ng Newsweek. Upang mapakitunguhan ang problema, isinagawa ng kompanya ng kotse na Saab sa Sweden ang pagsubok sa banggaan, na gumagamit ng di-totoong mga elk, upang masuri ang kaligtasan ng kanilang mga kotse. Naglaan ang mga opisyal sa Finland ng $22 milyon para sa paggawa ng mga underpass na daraanan ng elk sa kahabaan ng abalang mga lansangan. ‘Pangyayarihin ng mga tunel na tanawin ng mga elk ang dulo ng tunel, at tatamnan ito ng kanilang paboritong mga halaman,’ sabi ng Newsweek. “Kapag panahon ng pagpaparami, hindi tumitingin sa magkabilang panig ang mga elk.”