Oh, Kay Sarap ng Sariwang Hangin!
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA
KAPAG ikaw ay humihinga, sariwang hangin ba ang iyong nalalanghap? Ang polusyon sa hangin ngayon ay “isang mas malaking kaaway kaysa paninigarilyo,” sabi ng isang doktor na sinipi sa The Times ng London. Sa Inglatera at Wales, ang maruming hangin ay pumapatay ng tinatayang 10,000 tao sa bawat taon. Sa buong daigdig, lalo na sa malalaking lunsod, ang kalagayan ay grabe.
Sinisisi ng marami ang industriya ng awto sa pagpaparumi sa atmospera. Upang bawasan ang mapanganib na usok na lumalabas sa mga tambutso, ang mga bagong sasakyan sa maraming bansa ngayon ay mayroon nang nakakabit na mga catalytic converter, na bumabawas sa polusyon. Ang hydrocarbon sa mga ibinubugang gas ay bumaba ng hanggang 12 porsiyento sa antas noong 1970, na may katulad na mga pagbawas sa mga nitrogen oxide at carbon monoxide. Ang mga sanggol na nasa mga stroller ay lalo nang mahina sapagkat sila’y nakasakay rito sa antas na ang mga kotse’y nagbubuga ng mga usok. Ngunit ang polusyon sa hangin ay nagbabanta rin sa mga nakasakay sa kotse. Iniulat, ang polusyon ay tatlong ulit na mas mataas sa loob ng mga kotse kaysa labas. Higit pang panganib ang nanggagaling mula sa paglanghap ng mga singaw ng benzene mula sa gasolina habang kinakargahan mo ng gasolina ang iyong kotse.
Ngayon ang pinakapalasak na anyo ng polusyon sa hangin sa buong daigdig ay ang “Suspended Particulate Matter,” sabi ng 1993-94 na report tungkol sa impormasyon sa kapaligiran ng United Nations. Maliwanag, ang katiting na piraso ng uling, o kapiranggot na bagay, ay may kakayahang pumasok nang malalim sa mga baga at doon itambak ang nakapipinsalang mga kemikal.
Ang pagkaubos ng ozone layer sa ibabaw ng globo ay nakaaakit ng maraming komento ng pamahayagan. Subalit, sa antas ng lupa, apektado ng liwanag ng araw ang nitrogen oxide at ang iba pang madaling sumingaw na mga elemento ng polusyon sa hangin upang lumikha ng matataas na antas ng ozone. Ang mga antas na ito ay dumoble sa Britanya sa siglong ito. Ang mga gas na ito ay pumipinsala sa pintura at iba pang materyales sa pagtatayo, nagiging sanhi ng mga sakit sa mga punungkahoy, halaman, at pananim, at lumilitaw na pinagmumulan ng mga problema sa palahingahan sa ilang tao. Bagaman ang karamihan ng polusyon sa ozone ay nangyayari sa mga bayan, nakapagtataka na ang mga lalawigan ang siyang dumaranas ng pinakamalalang mga epekto. Sa mga lunsod, binabawasan ng mga nitrogen oxide ang labis na ozone, subalit kung saan kakaunti ang mga oxide na ito, ang ozone ay malayang pumipinsala.
Bukod pa riyan, ang polusyon sa hangin ay “hanggang 70 ulit na mas mataas sa loob ng bahay kaysa labas ng bahay,” ulat ng The Times. Dito ang mga singaw mula sa mga air freshener, naptalina, at maging ang mga damit na na-dry-clean ay nagpaparumi sa hangin. Ang usok din ng sigarilyo ay nakadaragdag sa mga panganib sa kalusugan sa loob ng bahay.
Ano, kung gayon, ang magagawa mo upang pangalagaan ang iyong pamilya? Ang The Times ng London ay nagbibigay ng sumusunod na mga mungkahi.
• Bawasan mo ang paggamit ng kotse. Kung maaari, makisakay sa sasakyan ng iba. Magmaneho nang suwabe. Kung mabara ka sa trapik o kaya’y nakatigil ka na mahigit sa dalawang minuto, patayin ang makina. Kung maaari, kung mainit, iparada ang iyong kotse sa ilalim ng lilim upang bawasan ang polusyon na likha ng pagsingaw ng gasolina.
• Piliing mag-ehersisyo nang maaga kapag ang antas ng ozone sa labas ng bahay ay karaniwang mababa.
• Ipagbawal ang paninigarilyo sa loob ng bahay.
• Panatilihing bahagyang nakabukas ang mga bintana sa silid-tulugan sa gabi upang bawasan ang kahalumigmigan at palabasin ang mga bagay na pinagmumulan ng alerdyi.
Walang alinlangang ikaw ay sumasang-ayon: Oh, kay sarap ng sariwang hangin!