Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 5/8 p. 4-9
  • Polusyon—Sino ang Pinagmumulan Nito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Polusyon—Sino ang Pinagmumulan Nito?
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Dumaraming Polusyon sa Lupa
  • Maruming Tubig​—Hindi Bagay sa Buhay
  • Ulan ng Asido​—Isang Nakaliligalig na Banta
  • Ozone​—Ang Hindi Nakikitang Kaaway
  • Polusyon sa Moral
  • Ang Nakamamatay na Ani ng Polusyon
    Gumising!—1988
  • Pagtunton sa mga Sanhi ng Polusyon
    Gumising!—1988
  • Oh, Kay Sarap ng Sariwang Hangin!
    Gumising!—1996
  • Maililigtas Ba ang Kagubatan?
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 5/8 p. 4-9

Polusyon​—Sino ang Pinagmumulan Nito?

“ANG islang ito ay pag-aari ng gobyerno na pinag-eeksperimentuhan. Ang lupa ay nadumhan ng anthrax at mapanganib. Ang paglunsad ay ipinagbabawal.”a Ang karatulang ito na nakapaskil sa lupain sa Scotland na katapat ng Gruinard Island ay nagbababala sa mga nagbabalak magtungo roon. Sa nakalipas na 47 taon, mula nang eksperimentong pagsabog ng biyolohikal na mga sandata noong ikalawang digmaang pandaigdig, ang magandang islang ito ay nadumhan ng tagapagdala ng sakit na anthrax.

Ang Gruinard Island ay isang sukdulang halimbawa ng polusyon. Subalit ang katamtamang anyo ng polusyon sa lupa ay isang malaganap at lumalagong suliranin.

Dumaraming Polusyon sa Lupa

Ang isang sanhi ng polusyong ito sa lupa ay ang basura. Halimbawa, ang katamtamang pamilyang Britano na binubuo ng apat, sang-ayon sa The Times ng London, ay nagtatapon ng 51 kilo ng metal at 41 kilo ng plastik taun-taun, “karamihan dito ay higit pang makasisira sa mga lansangan, sa mga gilid sa tabi ng daan, sa mga dalampasigan at sa mga dakong libangan.”

Ang magasing Pranses na GEO ay nag-ulat na noong minsan ang pagkalaki-laking tambakan ng basura sa Entressen sa labas ng Marseilles, Pransiya, ay umabot sa taas na 60 metro at umakit ng tinatayang 145,000 mga gull (isang uri ng ibong-dagat). Hindi nahadlangan ng bakod na alambre sa palibot ng tambakan ang hangin sa paglipad ng mga basurang papel at plastik. Bunga nito, binili ng mga autoridad doon ang 30 ektaryang kalapit na lupang sinasaka sa pagsisikap na mapigil ang problema ng mga basura.

Hindi kataka-taka na sa pag-oorganisa ng Europeong Taon ng Kapaligiran​—na nagtapos noong Marso 1988​—nasumpungan ni EEC Comissioner Stanley Clinton Davis ang listahan ng “walang katapusang” mga problema sa polusyon.b Dahil dito, isang kampaniya upang himukin ang muling paggamit sa basura ay binalak na ang layon ay iresiklo ang 80 porsiyento ng 2,200,000,000 toneladang basura ng Pamayanan sa isang taon.

Ang polusyon sa pamamagitan ng basura ay hindi lamang sa Kanlurang Europa. Ito ngayo’y pangglobo. Sang-ayon sa magasing New Scientist, kinailangan pa ngang linisin ang malayong kontinente ng Antartika. Natipon ng Australianong mga siyentipiko sa pananaliksik ang mahigit na 40 tonelada ng tinapong makinarya at mga kagamitan sa pagtatayo na ikinalat malapit sa kanilang base. Ang The New York Times (Disyembre 19, 1989) ay nag-uulat na nililinis ng mga Amerikano sa McMurdo Station, Antartika, ang 30 taóng naipong basura, pati na ang 35,000 kilong traktora na lumubog 24 na metro sa ilalim ng tubig.

Oo, sa tuyong lupa, ang polusyon at pagpaparumi ay sagana. Subalit kumusta naman ang tungkol sa tubig ng lupa?

Maruming Tubig​—Hindi Bagay sa Buhay

“Ang mga ilog sa Britaniya ay parumi nang parumi sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng mahigit sangkapat ng isang siglo,” sabi ng The Observer. “Ang Kattegat [dagat sa pagitan ng Sweden at Denmark] ay namamatay. Ito ay mabilis na hindi na nakasusuporta sa buhay ng mga isda dahil sa napakarumi nito at kulang ng oksiheno,” ulat ng The Times ng London. “Ang mga ilog sa Poland ay mabilis na nagiging bukas na mga imburnal at kaunti lamang pagsulong ang natatanaw.”​—The Guardian.

Noong Nobyembre 1986 ay nakita ang isang malaking sakunang polusyon na inilarawan ng Daily Telegraph ng London bilang “ang pagdahas sa pinakamalaki at pinakamagandang tubig sa Kanlurang Europa.” Isang malaking sunog sa isang planta ng kemikal sa Basel, Switzerland, ay sinugod ng mga bombero na binomba ng tubig ang liyab ng apoy. Walang kamalay-malay, ibinuhos nila ang mula 10 hanggang 30 tonelada ng mga kemikal at pestisidyo sa Rhine, pinapangyari ang “Chernobyl sa industriya ng tubig.” Ang pangyayaring ito ay napalagay sa mga ulong-balita. Gayunman, karaniwang hindi iniuulat ang bagay na ang nakalalasong basura ay regular na itinatapon sa Rhine sa hindi gaanong malaking antas.

Ang polusyon sa tubig ay hindi lamang doon sa dako sa palibot ng pinagmumulan nito. Milya-milya ang layo, ang mga epekto nito ay maaaring nakamamatay. Ang mga ilog sa Europa na dumadaloy sa North Sea ay nagdadala ng pintura, mga pampaputi sa toothpaste, nakalalasong basura, at napakaraming dumi ng hayop anupa’t minamarkahan ngayon ng Dutch Institute for the Investigation of Fishery ang isdanlapad (flatfish) sa North Sea na hindi puwedeng kainin. Ipinakikita ng mga surbey na 40 porsiyento ng isdang kitang sa mababaw na mga lugar ay may mga sakit sa balat o nakakakanser na mga tumor.

Sino ang dapat sisihin sa gayong pagkahawa? Sinisisi ng karamihan ang industriya, na ang kasakiman sa pakinabang ay nakahihigit sa pagkabahala sa kapaligiran. Gayunman, ang mga magsasaka ay may kasalanan din sa pagpaparumi sa mga sapa at mga ilog malapit sa kanilang bukid. Ang kanilang maramihang paggamit ng mga abonong nitrate na nagtutungo sa mga sapa ay maaaring makamatay.

Ginagamit din ng mga indibiduwal ang mga ilog na tambakan ng basura. Ang ilog Mersey, na may nababakurang dako sa hilagang-kanlurang rehiyon ng Inglatera, ay sinasabing siyang pinakamarumi sa Europa. “Ngayon, mga hangal lamang o hindi nakakaalam ang lalangoy sa Mersey,” komento ng Daily Post ng Liverpool, at ang sabi pa: “Ang sinumang kapus-palad na mahulog sa ilog ay malamang na maospital.”

Mga dumi na galing sa imburnal ay kabilang din sa mga nagpaparumi sa dagat. Ang dagat sa kahabaan ng isang popular na bakasyunang tabing-dagat sa Inglatera ay iniulat na naglalaman ng katumbas na “isang tasang dumi ng imburnal sa katamtamang paligo ng sambahayan,” apat na ulit na higit sa itinakda ng EEC.

At may isa pang panganib; ang isang ito’y nahuhulog mula sa langit.

Ulan ng Asido​—Isang Nakaliligalig na Banta

Noong minsan, ang mga tao sa Inglatera ay namamatay dahil sa paglanghap ng hangin​—o, bagkus, ng usok (smog). Ngayon, ang mga kamatayan dahil sa gayong polusyon ay bihira. Ang usok ng London, na pumatay ng tinatayang 4,000 noong 1952, ay hindi na isang banta. Ang ilang istasyon ng kuryente na nagsusunog-ng-karbón na naging dahilan ng usok ay inilipat sa lalawigan at sinangkapan ng matataas na tsimenea at, sa ilang kaso, mga pangkuskos upang alisin ang malaking porsiyento ng pinakanakamamatay na mga gas.

Gayunman, hindi nito napahinto ang pagpaparumi sa atmospera. Maaaring naalis ng matataas na mga tsimenea ang panganib mula sa kalapit na dako. Subalit ngayon, tinatangay ng umiiral na hangin ang mga dumi sa malayo​—kadalasan sa ibang bansa. Bunga nito, ang Scandinavia ay naghihirap dahil sa polusyon ng mga Britano, at tinutukoy ng maraming tao ang Britaniya bilang ang “Dirty Old Man ng Europa.” Sa gayunding paraan, ang industriya sa Gitnang-kanluran ng Estados Unidos ay dahilan ng karamihan ng problema ng Canada sa pag-ulan ng asido.

Sa loob ng mga ilang taon, sinisi ng mga siyentipiko ang sulfur dioxide na siyang pangunahing salarin na may pananagutan sa polusyon ng hangin na nagpapangyari ng pag-ulan ng asido. Noong 1985 si Drew Lewis, isang sugo ng presidente ng E.U. sa pagkabahala ng Canada-Amerika tungkol sa pag-ulan ng asido, ay nagsabi: “Ang pagsasabi na ang mga sulfate ay hindi nagpapangyari ng pag-ulan ng asido ay katulad na rin ng pagsasabing ang paninigarilyo ay hindi nagpapangyari ng kanser sa bagà.” Sa wari, kapag nakatagpo nito ang singaw ng tubig, ang sulfur dioxide ay gumagawa ng sulfuric acid, na maaaring magpaasido sa ulan o magtipon sa mga ulap, sa gayo’y dinidilig ang kagubatan ng nakamamatay na halumigmig.

Habang nahuhulog ang ulan ng asido o, mas masahol pa, habang natutunaw ang niyebeng asido, ang lupa sa ilalim ay apektado. Ang mga siyentipikong taga-Sweden na inulit ang pag-aaral noong 1927 ay naghinuha na sa lalim na 70 centimetro, ang pagiging maasido ng lupa sa kagubatan ay tumaas ng sampung ulit. Ang kemikal na pagbabagong ito ay malubhang nakakaapekto sa kakayahan ng halaman na kumuha ng mahalagang mga mineral, gaya ng kalsiyum at magnesium.

Ano ang epekto ng lahat ng ito sa tao? Siya ay nagdurusa kapag ang mga lawa at mga ilog na dating namumutiktik sa buhay ay nagiging maasido at walang buhay. Higit pa riyan, ang mga siyentipikong Norwego ay naghinuha mula sa kanilang mga pag-aaral na ang higit na pagiging maasido ng tubig, ito man ay sa mga lawa o sa lupa, ay tinutunaw ang aluminyo. Ito ay isang tiyak na panganib sa kalusugan. Binabanggit ng mga siyentipiko “ang maliwanag na kaugnayan sa pagitan ng mas mataas na bilang ng mga namamatay at ng dumaraming aluminyo” sa tubig. Ang posibleng mga kaugnayan sa pagitan ng aluminyo at ng sakit Alzheimer at isa pang karamdaman ng mga may-edad na ay patuloy na nakababagabag.

Totoo, sa mga lugar na gaya ng tambakan ng basura sa Ilog Mersey sa Britaniya at Entressen sa Pransiya, nagkaroon ng mga pagsisikap upang pagbutihin ang mga kalagayan. Gayunman, ang uring ito ng problema ay hindi nawawala. Muli itong lumilitaw sa buong daigdig. Subalit mayroon pang isang uri ng polusyon​—hindi nakikita.

Ozone​—Ang Hindi Nakikitang Kaaway

Ang pagsusunog ng gatong na fossil, ito man ay sa mga istasyon ng kuryente o sa mga pugon sa bahay, ay gumagawa ng iba pang nagpaparumi bukod pa sa sulfur dioxide. Kabilang dito ang mga oxide ng nitroheno at hindi nasunog na hydrocarbons.

Higit na sinisisi ngayon ng opinyon ng mga siyentipiko ang nitrogen oxides sa polusyon ng hangin. Sa ilalim ng epekto ng liwanag ng araw, tumutulong ito sa paggawa ng nakamamatay na gas, ang ozone. “Ang ozone ang pinakamahalagang nagpaparumi sa hangin na nakakaapekto sa pananim sa EU,” sabi ni David Tingey ng U.S. Environmental Protection Agency. Tinataya niya na ito’y nagkahalaga sa kaniyang bansa ng $1,000 milyon sa isang taon noong 1986. Ang kalugihan ng Europa noon ay nasa $400 milyon taun-taon.

Kaya, samantalang pinapatay ng pag-ulan ng asido ang mga ilog, inaakala naman ng marami na ang ozone, na sukdulang nauugnay sa mga usok ng tambutso ng kotse, ang mas dapat sisihin sa kamatayan ng mga punungkahoy kaysa pag-ulan ng asido. Ang The Economist ay nagsabi: “Ang mga punungkahoy [sa Alemanya] ay pinapatay nang wala sa panahon hindi ng pag-ulan ng asido kundi ng ozone. Bagaman ang kamatayan ay maaaring dala ng namuong hamog (frost), acid mist o sakit, ang ozone ang nagpapahina sa mga punungkahoy.” At ipinababanaag lamang ng kung ano ang nangyayari sa Europa ang mga kalagayan sa ibang kontinente. “Ang mga punungkahoy sa mga pambansang parke ng California ay sinisira ng polusyon sa hangin na maaaring galing pa sa malayong Los Angeles,” ulat ng New Scientist.

Gayunman, mayroong mas masahol na uri ng polusyon na nagpaparumi sa lupa. Ito ang pangunahing salik sa pisikal na pagpaparumi sa lupa, tubig, at hangin ng ating planeta.

Polusyon sa Moral

Madaling madaya ng hitsura ang tao. Maliwanag na inilarawan ito ni Jesu-Kristo. Kinakausap ang mga lider ng relihiyon noong kaniyang panahon, sabi niya: “Sa aba ninyo . . . sapagkat tulad kayo sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas datapuwat sa loob ay puno ng . . . lahat ng karumal-dumal.” (Mateo 23:27) Oo, ang isang tao’y maaaring magtinging kaaya-aya, kaakit-akit pa nga, sa labas, subalit ang kaniyang pananalita at asal ay maaaring magsiwalat ng kaniyang tunay na pangit na pagkatao. Nakalulungkot sabihin, ang gayong polusyon sa moral ay laganap sa ngayon.

Kabilang sa polusyon sa moral ang pag-abuso sa droga, na malaganap higit kailanman. Ang mga artistang pop, mga idolo sa tanghalan at sa pelikula, at maging ang kagalang-galang na mga negosyante, ay naging paksa ng iskandalo dahil sa kanilang pagdepende sa mga droga. Kasali rin sa polusyon sa moral ang imoralidad sa sekso, na maaaring maging sanhi ng wasak na mga pamilya, diborsiyo, aborsiyon, gayundin ng dumaraming epidemya ng mga sakit na naililipat sa pamamagitan ng seksuwal na pagtatalik, kabilang na ang nakatatakot na sakit ng AIDS.

Sa ugat ng polusyon sa moral na ito ang kasakiman, na siya ring ugat ng karamihan ng polusyon sa katawan na nagpapahirap sa sangkatauhan. Kinilala ni Tereza Kliemann, kasangkot sa paggamot ng AIDS sa Estado ng São Paulo, Brazil, ang problema: “Ang paghadlang [sa AIDS] ay nagpapahiwatig ng isang pagbabago sa paggawi sa gitna ng mga grupong may malaking panganib at iyan ay mahirap.” Iginigiit ng karamihan ng mga tao ang paggawa ng maibigan nila, sa halip na isaalang-alang kung paano makakaapekto sa iba ang kanilang kilos. Bunga nito, ang literatura, paglilibang, at sabihin pa ang buong kultura ng tao ay punung-puno ng polusyon sa moral.

Sa mga taong nag-iisip, ang karamihan ng mga pagsisikap sa kasalukuyang-panahong paglilinis sa pisikal at moral ay waring palabas lamang. Kung gayon, maaaring magtanong ka kung mayroon bang matatanaw na pag-asa para sa isang malinis na lupa kapuwa sa pisikal at moral na paraan. Huwag mawalan ng pag-asa. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang wakas ng polusyon ay malapit na!

[Mga talababa]

a Ang anthrax ay isang nakahahawang sakit ng mga hayop na pinagmumulan ng mga sugat sa balat o impeksiyon sa bagà sa tao.

b Ang EEC ay kumakatawan sa European Economic Community, o Common Market.

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

Masahol Pa sa Pamiminsala ng Panahon

Pagkalipas ng mga taon ng pagkalantad sa mga elemento, ang inukit na batong mukha na ito ay naghaharap ng basta maskara ng kamatayan. Masahol pa sa pamiminsala ng panahon ang nakaaagnas na epekto ng polusyon sa hangin. Ang matatandang gusali sa buong daigdig ay naaagnas dahil sa maasidong ulan na naghuhugas sa mga ito, mula sa City Hall sa Schenectady, Estados Unidos, hanggang sa bantog na mga gusali ng Venice, Italya. Ang mga monumento sa Roma ay iniulat na gumuguho sa basta paghipo. Ang bantog na Parthenon ng Gresya ay pinaniniwalaang dumanas ng higit na pinsala sa nakalipas na 30 taon kaysa naunang 2,000 taon. Ang gayong pinsala ay karaniwang dala ng pinaghalong mga salik sa kapaligiran pati na ang temperatura, hangin, at halumigmig, gayundin ang baktiryang nakatira sa mga dingding ng gusali. Dahil sa mga resultang ito sa walang buhay na mga bagay, ano kaya ang epekto ng polusyon sa nabubuhay na mga nilalang?

[Larawan]

Inukit sa isang katedral sa London

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share