Maililigtas Ba ang Kagubatan?
“MANY strokes overthrow the tallest oaks” (Kahit na ang pinakamataas na punungkahoy ay maitutumba ng maraming hampas). Gayon ang isinulat ng awtor na Ingles noong ika-16 na siglo na si John Lyly. Mga salitang totoong makahula sa Pederal na Republika ng Alemanya, kung saan ang bilang ng may sakit na Alemang mga puno ng encina (oak) ay patuloy na dumarami. Mangyari pa, hindi ito ang unang pagkakataon na ang mga puno ay nagkasakit at namatay. Gayunman, ang mga kagubatan ay nakaligtas sa loob ng mga dantaon. Kaya bakit ang pagkabalisa?
Likas lamang, ang mga sakit sa kagubatan ay sumasalakay sa isa lamang partikular na uri ng punungkahoy. Subalit sa pagkakataong ito lahat ng pangunahing uri ng punungkahoy sa Kalagitnaang Europa ay apektado. Kailanman ay hindi pa nangyari ang Waldsterben sa napakaraming dako nang sabay-sabay o lumaganap nang gayong kabilis. Kailanman ay hindi pa nagkaroon ng napakatinding pinsala, walang pinipili sa mga punungkahoy, ito man ay lumalaki sa hindi magandang lupa o sa matabang lupa, sa lupang maalkalino o sa lupang maasido, sa mababang lugar o sa mataas na lugar.
Higit pa riyan, dati-rati ang mga sanhi ay madaling matiyak—isang tagtuyot, isang salot ng mga insekto, isang fungus. O kung ang dahilan ay ang maruming hangin mula sa kalapit na industriyal na pabrika, ang espisipikong nakalalasong bagay na siyang may kasalanan ay madaling natutuklasan. Kaya nang makita ng mga opisyal sa panggugubat ang unang katibayan ng sakit noong dakong huli ng 1970’s, ang “normal” na mga sanhing ito ang siyang pinaghinalaan. Subalit pagkatapos ay nakita nilang nahawaan ng sakit ang higit at higit pang mga uri ng punungkahoy: ang mga silver fir; pagkatapos ay ang punong spruce at pino; saka ang álamo, encina, maple, at fresno. May pagkabahalang napansin nila ang dumaraming nabansot na mga punungkahoy, mga punungkahoy na may depektong mga sistema sa ugat, mga punungkahoy na may mga dahon na tila naninilaw at nalalagas. Ang mga ito at ang iba pang dati-rati’y di-karaniwang mga sintomas ay nagpapatunay na sila ay nakikitungo sa isang bagong di-karaniwang bagay. Sino ang salarin na pumapatay ng kanilang mga kagubatan? Hindi nagtagal inaakala nilang natuklasan nila ito: ang pag-ulan ng asido.
Ang Bahagi ng Pag-ulan ng Asido
Ang sulfur dioxide at nitrogen oxide ay mula sa mga plantang gumagawa ng kuryente, mga pakuluang pang-industriya, at mga sasakyan. Ang pag-ulan ng asido ay nag-aanyo kapag ang mga gas na ito ay sumama sa singaw na nagiging magkahalong solusyon ng sulfuric at nitric na mga asido. Ang nakalalasong mga sustansiyang ito ay maaaring ihatid sa malalayong lugar, tawirin pa nga ang internasyonal na mga hangganan.
Ang Canada, halimbawa, ay nagsasabing ang maraming-asupre na mga pagbugá mula sa mga planta ng kuryente sa Estados Unidos ang may malaking pananagutan sa pag-ulan ng asido na nagwawasak sa kagubatan at mga tubig nito. Sa Europa isang nahahawig na kalagayan ang umiiral, kung saan ang pag-ulan ng asido, marahil mula sa Kalagitnaang Europa, ay puminsala sa mga lawa at mga ilog ng Scandinavia, pinatitindi ang asido nito at pinapatay ang mga isda.
Kapag ang ulan ng asido ay sinipsip ng lupa, sinisira nito ang likas na mga mineral, gaya ng kalsiyum, potasyum, at aluminyo, at dinadala ito sa suson ng lupa na tinatawag na substrata, sa gayo’y ninanakawan ang mga punungkahoy at mga halaman ng mahalagang pinagmumulan ng mga nutriyente. Subalit ipinakita ng higit pang pananaliksik na hindi ito ang tanging dahilan ng Waldsterben sa ngayon. Gayunman, hindi masabi kung ano talaga ang eksaktong dahilan.
Ang Hindi Masagot na Bugtong
Isang meteorologo ang umamin: “Tayo’y parang maraming bulag na tao na sumusunggab sa isang elepante.” Tunay, itinala kamakailan ng isang dalubhasa sa kagubatan buhat sa Sweden ang 167 mga teoriya na iniharap upang ipaliwanag ang pinagmumulan ng problema.
Anuman ang dahilan, “ang sulfur dioxide mula sa ibang bansa ay bahagyang pinawalang-sala,” paliwanag ng magasin sa E.U. na Smithsonian, “sa paanuman sa Black Forest.” Ito’y dahilan sa walang gaanong sulfur dioxide sa atmospera ngayon kaysa noong mga 15 taon na ang nakalipas, at, gaya ng sinabi ng Smithsonian, ito “ay pinakamababa sa lahat kung saan ang mga punungkahoy ay grabe ang sakit.”
Wari bang ipinakikita ng pananaliksik ngayon na ang mga bakás ng nakalalasong metal na ibinubugá sa atmospera ng mga pabrikang nagsusunog-ng-gatong at mga usok ng sasakyan ay humahalo sa ulan ng asido upang sirain ang mga nutriyenteng mahalaga upang panatilihing buháy ang mga punungkahoy. Inaakala ng ilang mga awtoridad na dahilan sa patuloy na pagdadala ng asido sa lupa, ang kemikal na mga elemento ay maaaring matunaw at masipsip ng mga ugat at barahan ang panustos na tubig ng punungkahoy.
Si Hans Mohr, isang guro sa Freiburg University, ay nagsasabing ang problema ay tila gawa ng nitroheno, ang mismong bagay na kadalasa’y kulang na kulang ang mga halaman. Tinutukoy niya ang pananaliksik na nagpapakitang ang mga nitroheno sa atmospera ay dumami ng 50 porsiyento sa nakalipas na 20 taon. Ang pagdaming ito ay pangunahin nang dahil sa mga usok ng sasakyan; static emission; sentralisadong pagpapainit na ginagamitan ng gas, langis, at karbón; pagbubugá ng ammonia sa pamamagitan ng mga pasilidad sa pagsasaka at sa pagtatapon ng basura. Si Bernhard Ulrich ng University of Göttingen ay nangangatuwiran na ang mga punungkahoy ay hindi sinasakal ng kung ano ang nasa hangin kundi nilalason ng kung ano ang nasa lupa. Sinisisi naman ng iba pang mga awtoridad ang mga antas ng ozone, ang lumulubog na antas ng tubig, o ang hindi mabisang mga patakaran sa panggugubat.
“Sinasabi ng isang bagong larangan ng pananaliksik,” sabi ng magasing Smithsonian, “na ang kasalanan ay hindi maisisisi sa isa lamang pamparumi ng hangin, kundi bagkus sa isang di pa nakikilalang interaksiyon sa gitna ng mga ito, anupa’t ang pagsasama-sama nitong lahat ay mas malakas kaysa isa lamang nito.” Posible nga ito. Halos 3,000 kemikal na mga pagsasama ang umiiral na maaaring tawaging mga pamparumi ng hangin. Sa loob ng mga ilang dekada ang mga ito ay tumitindi, patuloy na pinaiigting ang kagubatan.
Habang nananatili at malakas pa ang sistema sa ekolohiya upang labanan ang mga epekto ng polusyon, ang lahat ay nagpatuloy na maayos. Subalit ngayon nang ang mga sanhi ng sakit, gaya ng hamog na nagyelo (frost), pagkatuyot, at mga insekto, ay lumitaw, ang mga punungkahoy mismo ay napakahina upang manlaban.
Maliwanag, maraming salik ang nasasangkot sa pagbagsak ng matatayog na mga encina ng Alemanya. Ang pagtiyak kung ano nga baga ang partikular na nagpaparuming ito ang pangunahing may pananagutan sa kanilang pagkamatay ay mahirap at hindi matukoy na gaya ng pagsasabi ng kung alin sa sampung gripong ginagamit upang punuin ang isang tangke ang gripong sa wakas ay nagpapaapaw sa tangke.
Ano ang Ginagawa?
Natatanto na mayroong dapat na gawing madali kung nais maiwasan ang pinakamasamang maaaring mangyari, ang lokal, pang-estado, at pederal na mga pamahalaan ay dumudulog sa “maikling-panahong lunas upang mapanatili ang mga punungkahoy hanggang sa masumpungan ang pangmatagalang panahong lunas,” gaya ng pagkakasabi rito ng isang magasin. Samantala, malawakang mga pag-aaral ang isinasagawa, pati na ang pagkuha ng infrared na mga larawan ng mga kagubatan mula sa himpapawid upang matiyak ang lawak ng pinsala at kung ano ang dapat gawin.
‘Bakit hindi na lamang sila basta magtanim ng bagong mga punungkahoy upang palitan ang mga may sakit?’ maitatanong mo. Subalit hindi ganiyan kadali, sapagkat ang katatanim na mga puno ay nagpapakita na ng katulad na mga sintomas ng sakit na gaya ng mas matandang mga punungkahoy. Kahit na nga ang paggamit ng mga abono na hinahadlangan ang mga kakulangan ng lupa ay nagkaroon lamang ng limitadong tagumpay.
Binibigyan ng pangunang dako ang mga pagsisikap na bawasan ang polusyon sa hangin. Hinigpitan ang mga batas na patungkol sa industriya, at sa Pederal na Republika ng Alemanya inaasahan na sa kalagitnaan ng 1990’s babawasan ng mga regulasyong ito ang dami ng sulfur dioxide ng mga dalawang-katlo at ang nitrogen oxide ng mga kalahati.
Malaking bawas sa halaga ng buwis ay ibinigay sa mga taong kusang bibili ng mga kotseng sinangkapan ng mga aparato, na gaya ng catalytic converters, na lubhang binabawasan ang mga nagpaparumi sa hangin. Bilang isang karagdagang pangganyak, ang gasolinang walang halong tingga ay kadalasan nang mas mababa ang halaga kaysa roon sa may tingga. Sa Austria, kung ihahambing sa karamihan ng iba pang bansa sa Europa, ang gasolinang walang halong tingga ay mabibili saanman. Sa Switzerland, sa pagtatapos ng 1986, ipinatupad ang bagong batas tungkol sa pagkontrol sa pagbugá ng usok, idinisenyo upang itaguyod ang pagbibenta ng mga kotseng may mga catalytic converter.
Ang mga pagsisikap na ito ay isinasagawa sapagkat, gaya ng sabi ng direktor ng Institute for Forestry sa University of Soil Cultivation sa Vienna, ang Waldsterben ay maaari lamang pahintuin kung mababawasan ang polusyon ng hangin hanggan sa antas nito noong 1950. Subalit makatotohanan ba ito kung ang bilang ng mga sasakyan sa Alemanya lamang, na may mahigit na kotse sa bawat milya kuwadrado kaysa sa iba pang bansa sa daigdig, ay mahigit na 19 na beses nang kung ano ito nang panahong iyon?
Ipinakikita ng mga pagsubok na ang pagpapatupad ng mga takdang tulin o bilis ay lubhang makababawas sa nagpaparuming mga pagbugá ng usok. Datapuwat ang mungkahing ito ay lubhang sinalungat. Gayunman, natatanto ng ilang mga tsuper kahit na sa bantog sa karerang kapaligiran ng Alemanya na alang-alang sa kanilang kagubatan—huwag nang banggitin pa ang tungkol sa kanilang buhay—dapat silang magpatakbo nang mabagal. Mangyari pa, ang iba ay mapag-imbot na tumatanggi sa anumang gayong pagbabawal. Karaniwan na rito ang mga tsuper na nagtatanghal ng mga karatula sa hulihan na “Ang aking kotse ay tatakbo kahit na walang kagubatan.”
Kaya, ang malaking salik sa paglutas sa problema ay ang pagkumbinsi sa mga indibiduwal at mga pamahalaan na makipagtulungan. Yamang ang polusyon ng hangin ay walang kinikilalang pambansang hangganan, kinakailangan ang internasyonal na mga patakaran. Hanggang sa ngayon walang nangyayari sa mga pagsisikap na gumawa ng nagkakaisang programa sa loob ng Europeong Pamayanan.
Mayroon Pa bang Magagawa?
Inaakala ng maraming tao na higit pa ang kailangang gawin. Sa katunayan, ang pag-aakalang ito ay nakatulong sa paglitaw ng isang bagong pulitikal na partido sa Alemanya na tinatawag na Greens. Malakas na nakatalaga sa pangangalaga sa kapaligiran, natamo ng partidong ito ang lokal at pangrehiyon na pagkakilala noong dakong huli ng 1970’s. Sa wakas, noong 1983 ito ay nagtungo sa Batasang Aleman, inihahalal ang 27 mga kinatawan at kumuha ng 5.6 porsiyentong karamihang boto.
Sinasabi ng isang kapahayagang Aleman na berde ang kulay ng pag-asa. Datapuwat ang mga Greens ba ay nagbibigay ng pag-asa sa kagubatan? Sa kabila ng mabuting mga intensiyon at idealistikong mga tunguhin, ang partido ay nakagawa ng kaunting pagsulong. Itinuturing sila ng maraming mamamayan na musmos pa sa pulitika, nagbibigay ng simpleng mga lunas sa masalimuot na mga suliranin.
Gayunman, marami ang kumukuha ng praktikal na mga hakbang upang bawasan ang polusyon sa hangin hanggang sa lawak na maaaring gawin. Sila ay nagmamaneho nang mas mabagal, hindi gaanong nagbibiyahe, paghahalinhinan sa paggamit ng kotse, paggamit ng gasolinang walang halong tingga, at pagsunod sa mga batas laban sa polusyon na ipinatutupad ng gobyerno. Subalit maliwanag na hindi pa ito sapat.
Ang mapagpipilian na mahigpit na putulin ang paggamit ng mga sasakyan, eruplano, at mga pabrikang pang-industriya, samantalang nakakatulong sa paglutas sa problema ng polusyon sa hangin, ay tiyak na lilikha ng bagong mga problema. Sa katunayan, ang solusyon o lunas sa Waldsterben—sa bagay, sa lahat ng suliraning pangkapaligiran—ay masusumpungan sa ibang dako.
[Blurb sa pahina 8]
Isang pangunahing salik sa paglutas sa problema ay kumbinsihin ang mga indibiduwal at mga pamahalaan na makipagtulungan
[Larawan sa pahina 7]
Ang mga siyentipiko ay nababahagi sa kung ano nga ang mga nagpaparumi na siyang dahilan ng kamatayan ng kagubatan