Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 6/22 p. 3-5
  • Waldsterben—Problema Mo Rin Ito!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Waldsterben—Problema Mo Rin Ito!
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Paanong Apektado Ka ng Namamatay na Kagubatan
  • Mabuhay Upang Masaksihan ang Kagalakan ng Kagubatan!
    Gumising!—1987
  • Kagubatan
    Gumising!—2023
  • Ang mga Pakinabang sa Maulang Gubat
    Gumising!—1998
  • Maililigtas Ba ang Kagubatan?
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 6/22 p. 3-5

Waldsterben​—Problema Mo Rin Ito!

MAHUSAY ka ba sa mga bugtong? Subukan mo ang isang ito. Ako’y daan-daang taóng mas matanda kaysa iyo subalit ako ngayon ay nanganganib na mamatay nang wala sa panahon. Bagaman iisa, ako’y binubuo ng marami na, nakalulungkot sabihin, ay umuunti. At sa kabila ng pagiging luntian, ako’y tinatawag na itim. Ano ako?

Kung ang sagot mo ay Black Forest ng Alemanya, tama ka. Anong lungkot na ang mayabong na mga puno ng fir at spruce na dati-rati’y mayabong na tumatakip sa gilid ng bundok nito at na nagbigay rito ng pangalan nito ay sinisira ng isang tahimik na salarin. Subalit sandali lang! Hindi lang iyan.

“Mula sa Italya hanggang sa Denmark, oo, sa buong Europa, ang mga kagubatan ay namamatay,” sabi ng dalubhasa sa kagubatan sa University of Munich na si Propesor Peter Schütt noong 1983. Mula noon, sa liwanag ng hindi nagkakamaling katibayan na ang suliraning ito ay lumawak pa pahilaga tungo sa Scandinavia, ang kaniyang pananalita ay naging higit na apurahan.

Problema rin ito sa Hilagang Amerika, lalo na sa Canada, subalit saanman ay hindi pa ito naging lubhang nakatatakot sa lawak na gaya ng sa Europa. At yamang ang kagubatan ay gumanap ng gayon na lamang kaprominenteng bahagi sa kasaysayan at mitolohiya ng Alemanya, sumasaklaw ng 29 porsiyento ng lupain nito, wari ngang angkop na ang salitang Aleman na​—Waldsterben​—ay malawakang ginagamit upang ilarawan ang problemang ito ng “namamatay na kagubatan.”

Kung Paanong Apektado Ka ng Namamatay na Kagubatan

Nasisiyahan ka bang mamasyal paminsan-minsan sa kagubatan? Napasisigla ba nito ang iyong puso na makita ang mga batang tuwang-tuwa na makita ang usa at iba pang maiilap na hayop sa kanilang likas na tirahan? Tandaan, kung walang kagubatan, wala nang mga pamamasyal, wala nang maiilap na hayop, wala nang nakagiginhawang hangin ng kagubatan.

At kung patuloy na mamamatay ang kagubatan, isip-isipin lamang ang masamang epekto nito sa kabuhayan o ekonomiya ng mga bansang nagtitinda ng mga tabla o kahoy na gaya ng Canada at Sweden. Sa katunayan, ang kabuhayan ng buong daigdig ay maaapektuhan. Tantiyahin mo, kung magagawa mo, kung magiging gaano kamahal ang kahoy at mga produktong mula sa kahoy, pati na ang papel, sa panahong iyon.

Bukod pa riyan, ang kakulangan ng mga punungkahoy na tumatakip sa mabundok na mga rehiyon ay nag-aanyaya ng kapahamakan. Sinasabi ng isang pag-aaral kamakailan na inilathala sa Munich na kalahati ng mga nayon sa paanan ng bundok ng Alpino ng Bavaria ay isinasapanganib ng “nahuhulog na mga bato, mga pagguho, at baha” na maaaring magpangyari na “ang mga daan sa pagitan ng mga nayon ay masarhan o hindi madaanan.” Ang kalagayan ay sinasabing kahawig din sa iba pang mga rehiyon sa Alpino.

Subalit ang pinakamalaking panganib sa lahat ay ang bagay na malibang may gawing bagay sa lalong madaling panahon, gaya ng babala ni Propesor Schütt, “ang ating ecosystem sa kagubatan ay masisira sa susunod na sampu o dalawampung taon.” Ang gayong pagkasira ay maaaring humantong sa pag-unti ng bilang ng mga uri ng halaman at hayop. Maaapektuhan nito ang klima, binabago ang temperatura sa buong globo. Maaari rin nitong baguhin ang mga huwaran ng pagbagsak ng ulan, isinasapanganib ang mga reserbang tubig at mga ani.

At kumusta naman ang kalusugan? Maaasahan ba nating mapananatili ng mga tao ang mabuting kalusugan samantalang nilalanghap ang iyo’t iyunding maruming hangin na maliwanag na pumapatay sa ating mga punungkahoy? Sinasabi ng isang Alemang pag-aaral na natuklasan na nito ang isang kaugnayan sa pagitan ng pagkalat at lawak ng Waldsterben at ng antas at lawak ng mga sakit sa sistema ng paghinga ng tao. Isang doktor sa University of California ay sinipi na nagsasabi ‘na kung walang masumpungang lunas para sa kanser sa susunod na 75 mga taon, maraming tao ang maaapektuhan, subalit malibang makasumpong tayo ng ilang paraan ng pangangalaga sa kalikasan sa susunod na 15 taon, ang lahat ay maaapektuhan.’

Si Dr. Albert Hofmann ng Switzerland ay nagsasabi na “kung walang pagkakaiba sa paraan na ang mga punungkahoy sa kagubatan at mga punungkahoy na namumunga o iba pang nakakaing halaman, mga binutil, atb., ay tumatanggap ng carbon dioxide,” na maliwanag na wala nga, “kung gayon dapat na isaalang-alang ang isang tunay na posibilidad na sa malapit na hinaharap ang mga halaman na ginagamit ng tao na pinakapagkain ay magsisimulang mamatay rin.” Bilang konklusyon, kaniyang sinabi: “Sa pagkamatay ng ating mga kagubatan ang mismong pundasyon ng lahat ng makalupang buhay ay lubhang nanganganib.”

Dahilan sa kaselangan ng kalagayan, hindi nga isang pagpapakalabis nang sabihin ng aklat na Unser Wald Muss Leben (Ang Ating Kagubatan ay Dapat Mabuhay) na ang ating namamatay na kagubatan ay naghaharap sa atin ng “pinakamalaking hamon ng ating panahon.”

Hindi walang dahilan na sinasabing: “Una muna’y namamatay ang kagubatan, pagkatapos ang mga tao.” May magagawa pa ba?

[Kahon sa pahina 3]

Higit Pa Kaysa Isang Suliraning Aleman

Switzerland: Tinataya ng isang kompletong pag-aaral kamakailan na ang bilang ng may sakit na mga punungkahoy ay dumami ng 46 porsiyento, isang 10-porsiyentong pagsulong noong nakalipas na taon.

Austria: Ang direktor ng Institute for Forestry sa University of Soil Cultivation sa Vienna ay nagsasabi na kalahati ng mga punungkahoy sa bansa ay nagpapakita ng nakikitang mga tanda ng sakit. Sabi niya: “Walang isa mang halaman ang natitira sa buong Austria na hindi apektado ng nakatagong pinsala.”

Yugoslavia: Nakikitang mga sintomas ang makikita sa mga punong spruce at fir.

Pransiya: Ang pag-iral ng namamatay na kagubatan ay ikinakaila hanggang noong 1983, subalit ang mga palatandaan na ang mga punungkahoy ay may sakit ay nahahalata na.

Luxembourg: Noong 1984 ang napinsalang kagubatan ay iniulat sa kauna-unahang pagkakataon.

Czechoslovakia: Sa Kabundukan ng Ore sa hangganan ng German Democratic Republic at Czechoslovakia, mahigit na 120,000 acres (50,000 ha) ng kagubatan ang iniulat na patay na.

Belgium: Mga 70 porsiyento ng kagubatan na tumatakip sa silangang bahagi ng bansa ay sinasabing may sakit.

Inglatera at Scotland: Ang United Kingdom Forestry Commission ay nag-ulat noong 1984 na ang pinsala sa mga punungkahoy sa timog at kanluran ng Scotland at sa hilagang-kanluran ng Inglatera ay “bago at lubhang malaganap sa maraming uri ng punungkahoy.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share