Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 6/8 p. 5-7
  • Paghahanap ng Angkop na mga Solusyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paghahanap ng Angkop na mga Solusyon
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagbawas sa mga Pamparumi
  • Pagpapabagal
  • Paggamit ng mga Bisikleta
  • Muling Pagdisenyo
  • Bahagi Lamang ng Problema
  • Pagkasumpong ng Tamang Solusyon
    Gumising!—1996
  • Maililigtas Ba ang Kagubatan?
    Gumising!—1987
  • Isang Daigdig na Walang mga Kotse?
    Gumising!—1996
  • Oh, Kay Sarap ng Sariwang Hangin!
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 6/8 p. 5-7

Paghahanap ng Angkop na mga Solusyon

ANG mga sasakyang de motor ay hindi nag-iisa sa paglikha ng polusyon. Ang pribadong mga sambahayan, mga planta ng industriya, at mga planta ng kuryente ay may pananagutan din. Gayunman, ang bahagi na ginagampanan ng mga sasakyan sa paglikha ng pangglobong polusyon ay malaki.

Sa katunayan, ang 5000 Days to Save the Planet ay lakas-loob na nagsasabi: “Kung ang lahat ng mga halagang ito ay kukuwentahin​—lalo na ang pinsala sa ating klima dahil sa pagbuga ng carbon dioxide​—malamang na hindi kailanman gumawa ng kotse.” Gayunman, inamin nito: “Ngunit iyan ay isang mapagpipilian na hindi handang pag-isipan ng mga tagagawa ng kotse, ni ng industriya ng konstruksiyon ng mga kalsada, ni ng mga ahensiya ng gobyerno, ni ng publiko sa pangkalahatan, na ang mga buhay ay higit at higit na dumidepende sa kanilang sariling transportasyon.”

Hindi ba’t ang teknolohiya na naglagay sa tao sa buwan ay dapat na makagawa ng isang kotseng walang polusyon? Ang paggawa ay hindi kailanman kasindali ng pagsasabi nito, kaya hanggang sa mapagtagumpayan ang mga hadlang sa paggawa ng isang kotseng walang polusyon, ang paghahanap para sa ibang angkop na mga solusyon ay nagpapatuloy.

Pagbawas sa mga Pamparumi

Noong mga taon ng 1960 ang Estados Unidos ay nagpasa ng batas na humihiling ng paglalagay ng mga kontrol sa makina ng mga sasakyan upang bawasan ang pagbubuga ng mga pamparumi. Ang ibang mga bansa at mga pamahalaan mula noon ay gayundin ang ginawa.

Ang mga catalytic converter, na humihiling ng paggamit ng gasolinang walang tingga (unleaded), ay malawakang ginagamit ngayon upang salain ang nakapipinsalang mga pamparumi. Sa pagitan ng 1976 at 1980, matapos gamitin ng maraming motorista ang gas na walang tingga, ang antas ng tingga sa dugo ng mga Amerikano ay bumaba ng sangkatlo. Mabuti naman at bumaba, sapagkat ang labis na tingga ay makaaapekto sa sistema nerbiyosa at makahahadlang sa kakayahang matuto. Subalit, nakalulungkot nga, na bagaman ang pagbaba sa mga antas ng tingga ay nangyayari sa maraming maunlad na bansa, hindi ito masasabi kung tungkol sa hindi gaanong maunlad na mga bansa.

Ang tagumpay ng mga catalytic converter ay nakatutuwa, subalit ang gamit nito ay nananatiling kontrobersiyal. Dahil sa humihina ang makina bunga ng wala nang idinaragdag na tingga, ang hydrocarbon na sangkap ng gasolina ay nagbago. Ito’y nagbunga ng dumaming ibinubugang iba pang nakakakanser na mga gas, gaya ng benzene at toluene, na ang mga antas ng pagbuga ay hindi binabawasan ng mga catalytic converter.

Bukod pa riyan, ang mga catalytic converter ay nangangailangan ng paggamit ng platinum. Ayon kay Propesor Iain Thornton, ng Imperial College sa Britanya, isa sa mga masamang epekto nito ay ang pagdami ng tambak na platinum sa alikabok sa tabing-daan. Siya’y nagbabala tungkol sa posibilidad na “ang natutunaw na mga anyo ng platinum ay maaaring pumasok sa kawing ng pagkain (food chain).”

Sa kabila ng anumang tagumpay ng “mga catalytic converter sa Hilagang Amerika, Hapón, Timog Korea at ilang Europeong bansa,” makatotohanang inaamin ng 5000 Days to Save the Planet, “ang lubhang pagdami ng mga kotse sa buong daigdig ay lubusang pumawi sa mga pakinabang sa kalidad ng hangin.”

Pagpapabagal

Ang isa pang paraan upang mabawasan ang mga pagbuga ng kotse ay ang magmaneho nang mas mabagal. Subalit sa Estados Unidos, dinagdagan kamakailan ng ilang estado ang takdang tulin. Sa Alemanya ang pagpapatupad ng mga pagbabawal ay hindi popular. Ang mga tagagawa ng kotse na ang idiniriin sa pagbebenta ay ang kakayahang gumawa ng malalakas na makina na mapatatakbo mo sa bilis na mahigit 150 kilometro isang oras ay natural lamang na tumutol, gaya rin ng maraming tsuper. Subalit, lumilitaw ngayon na parami nang paraming Aleman ang handang tumanggap sa mga pagbabawal sa bilis ng pagpapatakbo hindi lamang sa mga kadahilanang pangkapaligiran kundi rin naman dahil sa kaligtasan.

Sa ilang bansa ang mga tsuper ay hinihilingan na bumagal sa pagpapatakbo kapag ang polusyon ay nakarating sa hindi kanais-nais na mga antas—​o marahil ay huminto sa pagmamaneho. Isiniwalat ng isang surbey noong 1995 na 80 porsiyento ng mga Aleman ang sasang-ayon sa pagpapakilala ng mga takdang tulin kung ang mga antas ng ozone ay maging napakataas. Maraming lunsod sa buong daigdig, pati na ang Atenas at Roma, ay gumawa na ng mga hakbang upang ipagbawal ang pagmamaneho sa ilalim ng ilang kalagayan. Pinag-iisipan ng iba pa na gayundin ang gawin.

Paggamit ng mga Bisikleta

Upang bawasan ang trapiko, ipinakilala ng ilang lunsod ang pantanging mababang presyo para sa pagsakay sa bus. Ang iba ay naglaan ng libreng transportasyon sa bus para sa mga nagmamaneho na nagbabayad ng maliit na kabayaran upang iparada ang kanilang mga kotse sa magagamit na mga lote. Ang iba pang lunsod ay nagreserba ng mga daanan para lamang sa mga bus at mga taksi upang pabilisin ang mga uring ito ng transportasyon.

Isang bagong paraan upang labanan ang problema ay binanggit kamakailan sa The European: “Naudyukan ng isang kampanya sa Netherlands noong dakong huli ng dekada ng 1960, ang mapamaraang mga taga-Denmark ay nakagawa ng isang plano upang bawasan ang polusyon sa hangin at pagkakabuhol ng trapiko sa pamamagitan ng paghimok sa mga tao na gumamit ng mga bisikleta sa halip ng mga kotse.” Ang mga bisikleta ay inilagay sa iba’t ibang lugar sa lahat ng lansangan sa Copenhagen. Ang paghuhulog ng barya sa isang aparato ay nagpapalabas ng isang bisikleta para gamitin. Ang deposito ay mababawi kapag isinauli sa dakong huli ang bisikleta sa isang kombinyenteng lugar. Panahon lamang ang makapagsasabi kung baga ang planong ito ay magiging praktikal at magiging popular.

Upang hikayatin ang paggamit ng mga bisikleta sa halip ng mga kotse, ang ilang lunsod sa Alemanya ay nagpapahintulot sa mga nakasakay rito na magdaan sa kalyeng one-way sa pasalungat na direksiyon! Yamang halos sangkatlo ng lahat ng biyahe sa lunsod at mahigit na sangkatlo niyaong mga nasa lalawigan ay wala pang tatlong kilometro, madaling magagawa ng maraming mamamayan ang mga ito sa pamamagitan ng paglakad o ng bisikleta. Ito’y tutulong na mabawasan ang polusyon; kasabay nito, ang mga nakasakay ay makapagsasagawa pa ng kinakailangang ehersisyo.

Muling Pagdisenyo

Nagpapatuloy ang paggawa sa pagdisenyo ng mga kotse na walang-polusyon. Nakagawa na ng mga kotseng de kuryente na tumatakbo sa pamamagitan ng mga batirya, subalit ang mga ito’y natatakdaan sa bilis at oras ng pagpapatakbo. Totoo rin ito kung tungkol sa mga kotseng pinatatakbo ng enerhiya buhat sa araw.

Ang isa pang posibilidad na sinusuri ay ang paggamit ng hidroheno bilang panggatong. Ang hidroheno ay nasusunog nang halos walang ibinubugang mga pamparumi, subalit ang halaga nito’y ubod ng taas.

Kinikilala ang pangangailangan para sa muling pag-imbento ng kotse, ipinahayag ng pangulong Clinton ng E.U. noong 1993 na ang pamahalaan at ang industriya ng kotse sa E.U. ay magtutulungan sa pagdisenyo ng kotse para sa hinaharap. Sinabi niya: “Sisikapin nating maglunsad ng isang teknolohikal na pakikipagsapalaran na kasing-ambisyoso na gaya ng iba na kailanma’y sinubok ng ating bansa.” Kung ito ba’y maaaring “lumikha ng sasakyang para sa ika-21 siglo na napakahusay at pabor sa ekolohiya,” na binanggit niya, ay hindi tiyak. Gayunman, ang mga plano na may layuning gumawa ng orihinal na modelo ng kotse sa loob ng isang dekada​—ay napakamahal.

Ang ilang tagagawa ng kotse ay gumagawa ng mga modelo na tatakbo sa kombinasyon ng gasolina at kuryente. Makukuha na sa Alemanya​—sa mataas na halaga​—ang isang electric sports car na maaaring tumakbo nang mabilis sa loob ng siyam na segundo buhat sa simulang posisyon hanggang sa 100 kilometro bawat oras, na bumibilis hanggang sa sukdulang bilis na 180. Subalit pagkatapos ng 200 kilometro, humihinto ito hanggang sa muling makargahan ang mga batirya nito sa loob ng di-kukulanging tatlong oras. Ang pananaliksik ay nagpapatuloy, at higit pang pagsulong ang inaasahan.

Bahagi Lamang ng Problema

Kung paano aalisin ang nakalalasong mga bugá ay bahagi lamang ng problema. Ang mga kotse ay sanhi rin ng polusyon sa ingay, isang bagay na alam na alam ng mga nakatira na malapit sa siksikang daan. Yamang ang patuloy na ingay ng trapiko ay maaaring lubhang makaapekto sa kalusugan, ito man ay isang mahalagang bahagi ng problema na kailangang lutasin.

Babanggitin din ng mga maibigin sa kalikasan na maraming likas na kagandahan sa lalawigan ay nasisira ng milya-milyang pangit na mga haywey, pati na ng hindi magandang tingnan na mga dako ng negosyo at mga paskil na maaaring nakahilera rito. Subalit habang dumarami ang bilang ng mga kotse, dumarami rin ang pangangailangan para sa higit pang mga daan.

Ang ilang kotse, pagkatapos ng mga taon ng pagpaparumi habang naglilingkod sa mga may-ari nito, ay patuloy sa kanilang paraan ng pagpaparumi kahit na hanggang “pagkamatay.” Ang abandonadong mga kotse, na nakapapangit lamang sa paningin, ay naging gayon na lamang kalaking problema anupat isang batas ang kailangang ipasa sa ilang lugar upang maiwasan ang hindi tamang pagkalat nito sa lalawigan. Makagawa pa kaya ng isang huwarang kotse, isa na yari sa madaling-iresiklong mga materyales? Walang makikitang gayong kotse.

“Karamihan ng mga Aleman ay nababahala tungkol sa kapaligiran,” sabi ng isang pahayagan kamakailan, na ang sabi pa, “subalit kaunti lamang ang kumikilos nang naaayon.” Isang opisyal ng pamahalaan ang sinipi na nagsasabi: “Walang sinuman ang nag-iisip sa kaniyang sarili bilang ang salarin, ni mayroon mang nananagot.” Oo, mahirap lutasin ang mga problema sa isang daigdig na doon ang mga tao’y “maibigin sa kanilang sarili” at “mga hindi bukás sa anumang kasunduan.”​—2 Timoteo 3:1-3.

At, ang paghahanap para sa angkop na mga solusyon ay nagpapatuloy. Masumpungan pa kaya ang isang angkop na solusyon sa polusyon at sa kotse?

[Larawan sa pahina 7]

Mabawasan kaya ang polusyon sa pamamagitan ng paggamit natin ng pampublikong transportasyon, car pooling, o pagsakay sa isang bisikleta?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share