Pagkasumpong ng Tamang Solusyon
ANG Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay bumabanggit tungkol sa isang panahon kapag nalutas na ng makalangit na pamahalaan ng Diyos ang lahat ng problema ng sangkatauhan, na kinabibilangan ngayon ng problema ng polusyon dahil sa mga kotse. Makapaglalaan kaya ang Mesianikong Kahariang ito, na itinuro sa marami na ipanalangin, ng tamang solusyon sa pamamagitan ng paggawa ng isang kotse na ganap na walang polusyon? O makakamit kaya ang tamang solusyon sa pag-aalis sa lupa ng lahat ng mga sasakyang de motor? Yamang ang Bibliya ay hindi nagbibigay sa atin ng tiyak na kasagutan, wala tayong magagawa kundi ang maghintay at tingnan natin.—Mateo 6:9, 10.
Subalit makatitiyak tayo rito: Hindi papayagan ng pamahalaan ng Diyos na sirain ng polusyon ang mga kagandahan ng paglalang sa isinauling Paraiso na pangyayarihin ng Kaharian.—Isaias 35:1, 2, 7; 65:17-25.
Yamang yaong mga sumusunod sa Salita ng Diyos ay sinasanay na para sa buhay sa isang bagong sanlibutan na walang polusyon, ano ang palagay nila tungkol sa paggamit ng mga kotse sa ngayon? Ang Gumising! ng Hunyo 22, 1987, ay tumalakay sa paksang “Ano ang Nangyayari sa Ating mga Kagubatan?” Iniulat nito na inaakala ng ilang siyentipiko na may kaugnayan sa pagitan ng mga pamparumi sa hangin na ibinubuga ng sasakyan at ng namamatay na kagubatan. Ito’y nagpangyari sa isang nababahalang mambabasa na sumulat sa Samahang Watchtower at nagtanong dahil nga sa bagay na ito kung angkop ba sa mga Kristiyano na magmaneho ng mga kotse. Nagtatanong siya kung ang paggawa ng gayon ay magpapakita ng hindi paggalang sa paglalang ni Jehova.
Ang kaniyang liham ay sinagot, sa bahagi, gaya ng sumusunod: “May katapatang sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang mga tuntuning pangkapaligiran na isinabatas ng mga awtoridad ng pamahalaan upang mabawasan ang polusyon. (Roma 13:1, 7; Tito 3:1) Ang pagkuha ng mga hakbang na higit pa sa hinihiling ng pamahalaan ay nasa pagpapasiya ng isa. Kung may magpasiyang huwag nang magmaneho ng kotse, nasa kaniya na iyan. Gayunman, ipinakita ng artikulo sa Gumising! ang nadarama ng ilang tao sa pagsasabi sa pahina 8: ‘Marami ang kumukuha ng praktikal na mga hakbang upang bawasan hangga’t maaari ang polusyon sa hangin. Sila’y nagmamaneho nang mas mabagal, bihirang nagbibiyahe, nakikisakay sa kotse ng iba ayon sa napagkasunduan, gumagamit ng gasolinang walang tingga, at sumusunod sa mga alituntunin laban sa polusyon na ipinatutupad ng pamahalaan.’”
Kristiyanong Pagkakatimbang
Ang sagot na ito ay nagpapamalas ng Kristiyanong pagkakatimbang. Dapat tandaan na ang mga kotse ay hindi nag-iisa sa pagpaparumi. Ang mga eruplano at tren—sa katunayan, karamihan ng modernong paraan ng transportasyon—ay nagpaparumi. Subalit ang mga uring ito ng transportasyon ay hindi ginawa taglay ang tuwirang layunin ng pagpaparumi. Nakalulungkot nga, ang resultang polusyon ay isang masamang epekto dahil sa limitadong kaalaman at di-sakdal na mga saloobin.
Ang Bantayan ng Enero 1, 1993, pahina 31, ay tumalakay sa bagay na ito, na nagsasabi: “Bilang mga Saksi ni Jehova, tayo ay lubhang nababahala sa maraming suliranin ng kapaligiran na ngayon ay nakaaapekto sa ating lupang tinatahanan. Higit sa kaninumang mga tao, ating nauunawaan na ang lupa ay nilalang upang maging isang malinis, malusog na tahanan para sa isang sakdal na sambahayan ng tao. (Genesis 1:31; 2:15-17; Isaias 45:18) . . . Samakatuwid, tama lamang na gumawa ng timbang, makatuwiran na mga pagsisikap upang maiwasan ang hindi kinakailangang pagdaragdag sa patuloy na nangyayaring pagsira ng tao sa ating globo. Gayunman, pansinin ang salitang ‘makatuwiran.’ . . . Hindi dapat kaligtaan ng bayan ng Diyos ang mga bagay na may kinalaman sa kapaligiran. Hiniling ni Jehova sa kaniyang sinaunang bayan na gumawa ng mga hakbang upang tabunan ang dumi, mga hakbang na may kinalaman sa kapaligiran at gayundin sa kalinisan. (Deuteronomio 23:9-14) At yamang alam natin ang pangmalas niya sa mga sumisira sa lupa, tunay na hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang mga bagay na magagawa natin upang panatilihing malinis ang kapaligiran. . . . Gayunman, kung hanggang saan magagawa ito ng isang Kristiyano ay isang personal na bagay maliban sa kung kahilingan ng batas. . . . Ang di-sakdal na mga tao ay madaling mahulog sa patibong ng pagiging mapagmalabis . . . Ang mga pagsisikap ng tao na malunasan sa lupa ang pangunahing mga suliranin nito sa kapaligiran, kasali na ang polusyon, ay hindi lubusang magtatagumpay. Maaaring magkaroon ng ilang pagsulong sa iba’t ibang dako, subalit ang tanging mamamalaging solusyon ay nangangailangan ng pakikialam ng Diyos. Kaya naman tayo ay nagtututok ng ating pagsisikap at mga tinatangkilik sa solusyon na gagawin ng Diyos, sa halip na pagsikapang gamutin ang mga sintomas na hindi siyang pinagmumulan ng mga suliranin.”
Ang mga Kristiyano’y timbang habang sinusunod nila ang mga simulain ng Bibliya, iniingatan sa isipan ang banal na utos na tinanggap nila na ipangaral ang mensahe ng Kaharian ng Diyos sa buong daigdig. (Mateo 24:14) Wala nang mahalaga pa o mas apurahan! Kung ang modernong mga paraan ng transportasyon at komunikasyon ay makatutulong sa mga Kristiyano na tupdin ang utos na ito, mayroon sila ng lahat ng dahilan na gamitin ito. Kasabay nito, iniiwasan nila ang hindi tama o sinasadyang pagpaparumi. Sa gayo’y iniingatan nila ang isang mabuting budhi sa harap kapuwa ng tao at ng Diyos.
Kaya bagaman hindi natin talagang nalalaman ngayon kung paano sa wakas lulutasin ang problema ng polusyon at ng kotse, alam natin na ito’y malulutas. Sa katunayan, ang tamang solusyon ay nasa abot-tanaw lamang.
[Kahon sa pahina 9]
Pagsugpo sa Polusyon
• Paglalakad o pagbibisikleta kailanma’t maaari
• Pakikisali sa mga car pool
• Regular na pagpapa-service ng mga sasakyang de-motor
• Pagiging palaisip tungkol sa malinis na gasolina
• Pag-iwas sa hindi kinakailangang biyahe
• Pagmamaneho sa katamtaman subalit walang pagbabagong tulin
• Paggamit ng pampublikong transportasyon kailanma’t maaari at magagawa
• Pagpatay sa makina sa halip na manatiling umaandar ito habang nakahinto ang sasakyan sa anumang haba ng panahon