Pag-aalis ng Polusyon Buhat sa Puso at sa Isip
ANG mga tao ay hindi binigyan ni Jehova ng pagnanasang maging marumi o magulo. Ang kanilang planetang tahanan ay dinisenyo na maging isang paraiso ng kalinisan, kaayusan, at kagandahan. Hindi nilayon ng Diyos na ito’y mapauwi sa isang pangit na basurahan.—Genesis 2:8, 9.
Gayunman, pagkatapos na tanggihan ng mga tao ang patnubay ng Diyos, sila’y nagsimula ng pagtatayo ng kanilang sariling uri ng pandaigdig na kaayusan. Palibhasa’y walang pagsubaybay ng banal na karunungan at kulang ng karanasan, sila’y napilitang matuto sa pamamagitan ng pagbabaka-sakali. Pinatutunayan ng kasaysayan ng sanlibutan ang katotohanan ng Bibliya na ang tao ay hindi matagumpay na makapamamahala sa kanilang sarili; sa libu-libong taon ay “dominado ng tao ang kaniyang kapwa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9; Jeremias 10:23) Ang modernong suliranin ng polusyon, sa lahat ng kaanyuan nito, ay isang bunga ng maling pamamahala ng tao.
Pakikiisa sa Pananaw ng Diyos
Ang mga taong nagnanais paluguran ang Diyos ay puspusang nagsisikap na makaabot sa mga pamantayan ng kalinisan ng Maylikha. Kaya naman, ang mga Saksi ni Jehova ay napaharap sa isang suliranin nang isang internasyonal na kombensiyon ang nakatakdang ganapin sa Prague, Czechoslovakia, sa kalagitnaan ng 1991.a Mga 75,000 katao ang inaasahang dadalo, anupat inaasahang sila’y komportableng magkakasya sa Strahov Stadium. Subalit ang stadium ay may limang taon nang hindi nagagamit. Ang stadium ay sinalanta ng masungit na mga kalagayan ng panahon. Mga 1,500 Saksi ni Jehova ang gumugol ng mahigit na 65,000 oras sa pagkukumpuni at panibagong pagpipinta niyaon. Nang sumapit ang oras ng kombensiyon nagawa ng paglilinis na ito na ang stadium ay maging isang karapat-dapat na dako sa pagsamba sa tunay na Diyos, si Jehova.
Ano ang nag-uudyok sa mga Saksi ni Jehova na maging iba, samantalang ang sanlibutan sa pangkalahatan ay walang gaanong pagpapahalaga sa kalinisan at kaayusan? Ang pagpapahalaga sa ipinapayo ng Bibliya na dapat alisin ng mga Kristiyano ang negatibong mga ugali, tulad ng kaimbutan, kawalang-konsiderasyon, kasakiman, at kawalan ng pag-ibig. “Hubarin ang matandang pagkatao pati ang mga gawain nito,” ang sabi ng Bibliya. Palitan ito “ng bagong pagkatao, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay nagbabago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.” Ang isang pagkatao na may taglay na pag-ibig sa kalinisan, kaayusan, at kagandahan ay walang dako para sa mga hilig na magparumi.—Colosas 3:9, 10; 2 Corinto 7:1; Filipos 4:8; Tito 2:14.
Ang bagong pagkatao ay humihiling na dapat mabahala ang mga Kristiyano sa polusyon, hindi walang patumanggang nagpaparumi o sumusuway at hindi pinapansin ang mga batas laban sa polusyon na ginawa ng mga pamahalaan. Ito’y tumutulong sa kanila na iwasan ang pagkakaroon ng saloobing magkalat, mapag-imbot, at katamaran na humihila tungo sa pagkakalat. Sa pagtataguyod ng paggalang sa mga ari-arian ng iba, hindi gumagamit ito ng graffiti upang magpahayag ng kaisipan at damdamin, bilang pagkakatuwaan lamang, o upang magsilbing isang mapagpipiliang anyo ng sining. Hinihiling nito na ang mga tahanan, mga kotse, mga damit, at mga katawan ay maging laging malinis.—Ihambing ang Santiago 1:21.
Kung tungkol sa mga taong umaayaw ng pagbibihis ng bagong pagkataong ito, ang Diyos ba ay masisisi sa pagkakait sa kanila ng buhay sa kaniyang darating na Paraiso? Hindi. Sinuman na sa kaniyang puso o isip ay mayroon pang hilig na magkalat ay magiging panganib sa isinauling mala-paraisong kagandahan ng planetang Lupa, na magdudulot ng kalungkutan sa mga nagnanasang pangalagaan iyon. Ang pasiya ng Diyos na “ipahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa” ay kapwa matuwid at mapagmahal.—Apocalipsis 11:18; 21:8.
Aktibong Pakikibahagi?
Subalit, ibig bang sabihin na ang mga Kristiyano ay hinihilingan na aktibong lumahok sa gawain na may kinalaman sa pagsugpo sa polusyon o paglilinis?
Ang polusyon ay malinaw na nakapipinsala sa kalusugan at sa pangmadlang kaligtasan. Si Jehova ay may angkop na pagkabahala tungkol sa ganiyang mga bagay, gaya ng makikita natin buhat sa mga batas na kaniyang ibinigay sa mga Israelita. (Exodo 21:28-34; Deuteronomio 22:8; 23:12-14) Ngunit hindi niya inakay sila na hikayatin ang mga ibang tao kung tungkol sa pangmadlang kaligtasan; maging ang mga Kristiyano man noong unang siglo ay hindi pinagsabihan na gayon ang gawin.
Sa ngayon, ang mga bagay ng kapaligiran ay maaaring madaling maging mga isyu sa pulitika. Sa katunayan, ang ilang partido pulitikal ay sadyang itinayo upang malunasan ang mga suliranin sa kapaligiran. Ang isang Kristiyano na nagpapadala sa impluwensiya ng mga pulitiko ay may pinapanigan na sa pulitika. Si Jesus ang nagbigay sa kaniyang mga alagad ng patakaran: “Sila’y hindi bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.” Ang Kristiyano na hindi sumusunod sa kahilingang iyan ay nanganganib na pumanig sa “mga tagapamahala ng sistemang ito ng mga bagay, na mauuwi sa wala.”—Juan 17:16; 1 Corinto 2:6.
Hindi tinangka ni Jesus na lutasin ang lahat ng panlipunang mga suliranin noong kaniyang kaarawan; hindi rin naman niya pinagsabihan ang kaniyang mga alagad na gayon ang gawin. Ang kaniyang utos sa kanila ay: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila . . . , turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.” Hindi niya inutusan sila tungkol sa mga patakaran sa kapaligiran.—Mateo 28:19, 20.
Sa pagpapaliwanag kung ano ang dapat unahin sa buhay ng Kristiyano, sinabi ni Kristo: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.” (Mateo 6:33) Sa pamamagitan ng Mesianikong Kaharian, pagka ipinatupad na ni Jehova ang kaniyang matuwid na mga simulain sa buong globo, ang mga suliranin sa kapaligiran ay malulutas na nang palagian at sa ikasisiya ng lahat.
Sa gayon, ang mga Saksi ni Jehova ay may timbang na katayuan. Sa liwanag ng Roma 13:1-7, kailangan na sila’y maging masugid sa pagsunod sa mga batas ng pamahalaan na nagsasaayos sa kapaligiran. Isa pa, ang maka-Diyos na pag-ibig sa kapwa ang nagpapakilos sa kanila na igalang ang ari-arian ng iba—pampubliko man o pansarili—sa pamamagitan ng hindi pagsusulat ng kung anu-ano roon at hindi pagtatapon ng basura saanman. Subalit malinaw na hindi sila inuutusan na manguna sa makasanlibutang mga gawain ng paglilinis. Matuwid naman na kanilang unahin ang pangangaral ng balita ng Kaharian ng Diyos, sa pagkaalam na ito ang paraan ng paggawa ng walang-hanggang kabutihan.
Isang Espirituwal na Paglilinis
Ang sinaunang mga Israelita ay paulit-ulit na pinaalalahanan ng magiging resulta kung kanilang parurumihin ang lupa sa pagbububo ng dugo, pagsunod sa isang imoral na istilo ng pamumuhay, o di-paggalang sa banal na mga bagay. (Bilang 35:33; Jeremias 3:1, 2; Malakias 1:7, 8) Ibig sabihin, sila’y hinatulan dahil sa espirituwal na polusyong ito, hindi dahil sa anumang pisikal na polusyon na marahil ay ginagawa rin nila.b
Samakatuwid, ang espirituwal na polusyon o karumihan ang unang-unang sinisikap na iwasan ng isang Kristiyano sa ngayon. Ito’y ginagawa niya sa pamamagitan ng pagbibihis ng “bagong pagkatao,” na nag-aalis sa puso at sa isip ng nagpaparuming mga hilig. Mahigit na apat na milyong Saksi ni Jehova ang nakikinabang sa espirituwal na paglilinis na ito, anupat nagagawa nilang sa kanilang lipunan ay mapairal ang kalinisan ng relihiyon at ng moral, gayundin ang kapuna-punang pisikal na kalinisan.—Efeso 4:22-24.
Ngayon na ang panahon para sa isang kampanya ng espirituwal na paglilinis. Ang isang kampanya ng pisikal na paglilinis sa buong lupa ang susunod sa takdang panahon at ililigtas nito ang ating tahanan sa pagiging isang pambuong-globong basurahan sa pamamagitan ng pagbibigay rito ng kapaligiran na walang polusyon at karapat-dapat dito.—Eclesiastes 3:1.
[Mga talababa]
a Para sa detalyadong ulat sa seryeng ito ng mga kombensiyon sa Silangang Europa, tingnan ang Gumising! ng Disyembre 22, 1991.
b May kaalaman ang mga Israelita sa pagtutunaw ng metal. May natagpuang mga labí ng ilan sa kanilang mga mina ng tanso, at ang tanso ay tinutunaw upang ihanda ang mga kasangkapang gamit sa templo. (Ihambing ang 1 Hari 7:14-46.) Waring imposible na ang pagtunaw na ito ay ginawa nang hindi narurumhan ang kapaligiran ng usok, sukal, at abo, marahil may iba pang masasamang epekto. Gayunman, maliwanag na si Jehova ay handang magparaya upang pahintulutan ang kaunting karumihan sa isang lugar sa rehiyong ito na madalang ang mga tao at nasa liblib.