Magalak sa Malinis na Lupa na Malapit Na!
ANONG laki ng kagalakan natin na si Jehova, isang Diyos ng kaayusan at kalinisan, ay tutupad na sa kaniyang unang layunin na gawing isang pambuong-globong paraiso ang lupa! (Isaias 11:6-9) Siya’y nangangako: “Ang aking salita na lumalabas sa aking bibig . . . ay hindi babalik sa akin na walang bunga, kundi tiyak na gagawin nito ang aking kinalulugdan.” “Imposible na magsinungaling ang Diyos,” sa gayon ang mga ito’y hindi walang kabuluhang mga salita.—Isaias 55:11; Hebreo 6:18.
Tayo’y magiginhawahan sa pagkaalam na maibiging makikialam na si Jehova bago sumapit ang mga tao sa punto na wala nang magagawang lunas, bago tuluyang maipahamak ng mga tao ang lupang ito sa pamamagitan ng polusyon na anupat hindi na mapipigil ang pagkapariwara nito!—Apocalipsis 11:18.
Aalisin ni Jehova ang mga taong hindi nagsisisi, walang-patumanggang nagpaparumi at yaong mapaghimagsik na nagwawalang-bahala sa kaniyang mga simulain ng kaayusan at kalinisan. Walang sinuman na papayagan na isapanganib ang naisauling Paraiso.—Kawikaan 2:20-22.
Sa pamamahala ng Kaharian ng Diyos, sa ilalim ng pamamatnubay ni Kristo Jesus, ang mga tao ay tuturuan kung papaano aalisin ang anumang natitirang mga pinagmumulan ng pisikal na polusyon. Pagkatapos—hindi ngayon—saka kakailanganin na lahat ng lingkod ng Diyos ay aktibong makasali sa personal at pangmaramihan na mga gawain na ang resulta ay isang wala pang katulad na paglilinis sa buong lupa.—Ihambing ang Ezekiel 39:8-16.
Ang mga makaliligtas sa katapusan ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay ay tatangkilik sa pisikal na programang ito ng paglilinis taglay ang gayunding pag-aalay at kasiglahan na taglay nila sa kanilang pakikibahagi sa espirituwal na kampanya ng paglilinis sa ngayon.—Awit 110:3.
Ang isang lupang nilinis ay tiyak na darating, pangungunahan ng pinakamalaking kampanya ng paglilinis kailanman, gaganapin hanggang sa iyon ay matapos ng Kaharian ng Diyos. Lahat ng bakas ng polusyon ay aalisin. Saanman ay walang makikitang graffiti. Wala nang nagkalat na mga bote, lata, mga bag na plastik, chewing-gum at mga balutan ng kendi, mga pahayagan, at mga magasin na nagsisilbing kalat sa tabing-dagat o malaparaisong lugar.
Magalak sa malinis na lupa na malapit na!
[Larawan sa pahina 7]
Ikaw ba ay makikibahagi sa paglilinis sa buong lupa na malapit na?