Isang Daigdig na Walang mga Kotse?
MAGUGUNIGUNI mo ba ang isang daigdig na walang mga sasakyang de motor? O makababanggit ka ba ng isang imbensiyon na sa nakalipas na dantaon ay bumago sa mga istilo ng buhay at paggawi ng mga tao na gaya nito? Kung walang mga kotse, hindi magkakaroon ng mga motel, walang drive-in na mga restawran, at walang drive-in na mga sinehan. Higit na mahalaga, kung walang mga bus, taksi, kotse, o trak, paano ka makapapasok sa trabaho? sa paaralan? Paano madadala ng mga magsasaka at mga tagagawa ang kanilang mga paninda sa pamilihan?
“Isa sa bawat anim na negosyo sa E.U. ay depende sa paggawa, pamamahagi, pagseserbisyo, o paggamit ng mga sasakyang de motor,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica, susog pa nito: “Ang benta at mga resibo ng mga kompanya ng kotse ay kumakatawan sa mahigit na isang-kalima ng pakyawang negosyo ng bansa at mahigit na sangkapat ng tingiang kalakal nito. Sa ibang mga bansa ang mga katumbasang ito ay medyo mas maliit, subalit ang Hapón at ang mga bansa sa kanlurang Europa ay mabilis na nakahahabol sa antas ng E.U.”
Gayunman, ang ilang tao ay nagsasabi na ang isang daigdig na walang mga sasakyang de motor ay magiging isang mas mabuting dako. Sinasabi nila ito sa dalawang pangunahing dahilan.
Buhul-buhol na Trapiko sa Buong Daigdig
Kung ikaw kailanma’y nagpaikut-ikot nang walang-tigil sa paghahanap ng lugar na mapaparadahan, hindi mo na kailangan pang sabihan na kahit na kung ang mga kotse ay kapaki-pakinabang, ang pagkakaroon ng napakaraming kotse sa isang siksikang lugar ay hindi mabuti. O kung naranasan mo nang maipit sa isang buhul-buhol na trapiko, alam mo kung gaano nakasusuya ang ika’y makulong sa isang sasakyan na dinisenyo upang umandar ngunit sapilitan ang paghinto.
Noong 1950, ang Estados Unidos lamang ang may 1 kotse sa bawat 4 katao. Noong 1974, ang Belgium, Pransiya, Alemanya, Gran Britanya, Italya, Netherlands, at Sweden ay nakahabol. Subalit nang panahong iyon ang bilang sa E.U. ay tumaas sa halos 1 kotse sa bawat 2 katao. Ngayon ang Alemanya at Luxembourg ay may halos 1 kotse sa bawat 2 naninirahan. Ang Belgium, Pransiya, Gran Britanya, Italya, at Netherlands ay hindi nahuhulí.
Karamihan sa malalaking lunsod—saanman ito sa daigdig—ay nagiging siksikan anupat ang mga ito’y parang dambuhalang mga loteng paradahan. Halimbawa, sa India nang panahon ng kasarinlan noong 1947, ang New Delhi, ang kabisera nito, ay may 11,000 kotse at mga trak. Noong 1993 ang bilang ay humigit pa sa 2,200,000! Isang napakalaking pagdami—subalit “isang bilang na inaasahang dodoble pa sa katapusan ng dantaon,” ayon sa magasing Time.
Samantala, sa Silangang Europa, na may sangkapat lamang ng dami ng kotse sa bawat tao sa Kanlurang Europa, may 400 milyong posibleng mga parokyano. Sa loob ng ilang taon, ang kalagayan sa Tsina, na hanggang sa ngayon ay kilala sa 400 milyong bisikleta nito, ay magbabago. Gaya ng iniulat noong 1994, “ang pamahalaan ay nagpaplano para sa mabilis na pagdami sa produksiyon ng kotse,” mula sa taunang 1.3 milyong kotse tungo sa 3 milyon sa pagtatapos ng dantaon.
Ang Banta ng Polusyon
“Ang Britanya ay naubusan na ng sariwang hangin,” sabi ng The Daily Telegraph ng Oktubre 28, 1994. Ito marahil ay isang kalabisan gayunma’y totoo upang pagmulan ng pagkabahala. Si Propesor Stuart Penkett, ng University of East Anglia, ay nagbabala: “Binabago ng mga kotse ang kemistri ng buong likas na atmospera natin.”
Ang matinding polusyon ng carbon monoxide, sabi ng aklat na 5000 Days to Save the Planet, “ay nagkakait sa katawan ng oksiheno, sumisira sa pang-unawa at pag-iisip, nagpapabagal sa mga replekso at nagiging sanhi ng pag-aantok.” At ang World Health Organization ay nagsasabi: “Humigit-kumulang kalahati ng mga naninirahan sa lunsod sa Europa at Hilagang Amerika ay nakalantad sa hindi kanais-nais na matataas na antas ng carbon monoxide.”
Tinatayang sa ibang lugar ang mga ibinubuga ng kotse taun-taon ay pumapatay ng maraming tao—bukod pa sa nagdudulot ng bilyun-bilyong dolyar na pinsala sa kapaligiran. Noong Hulyo 1995 isang ulat ng balita sa telebisyon ang nagsabi na mga 11,000 Britano ang namamatay taun-taon mula sa polusyon sa hangin na likha ng kotse.
Noong 1995 ang United Nations Climate Conference ay ginanap sa Berlin. Ang mga kinatawan mula sa 116 bansa ay sumang-ayon na may kailangang gawin. Subalit sa kabiguan ng marami, ang atas ng pagpapatibay ng espesipikong mga tunguhin at pagtatatag ng tiyak na mga tuntunin o ng pagbalangkas ng tiyak na mga programa ay ipinagpaliban.
Sa liwanag ng sinabi ng aklat na 5000 Days to Save the Planet noong 1990, ang kawalan ng pag-unlad na ito ay malamang na dapat asahan. “Ang kalikasan ng pulitikal at pangkabuhayang kapangyarihan sa modernong industriyal na lipunan,” sabi nito, “ay tumitiyak na ang mga hakbang upang sugpuin ang pagkawasak ng kapaligiran ay kanais-nais lamang kung ang mga ito ay hindi nakahahadlang sa mga palakad ng ekonomiya.”
Kaya nga, ang Time ay nagbabala kamakailan tungkol sa “posibilidad na ang pagdami ng carbon dioxide at ng iba pang gas na nagpapainit sa kapaligiran ay unti-unting magpapainit sa globo. Ang resulta, ayon sa maraming siyentipiko, ay maaaring mga tagtuyot, pagkatunaw ng mga yelo at niyebe, pagtaas ng mga antas ng dagat, pagbaha sa mga baybayin, mas matitinding bagyo at iba pang mga kalamidad sa klima.”
Ang kaselangan ng problema sa polusyon ay humihiling na may kailangang gawin. Subalit ano?