Ano ba ang Ginagawa ng Tao sa Lupa?
MAY tatlong daang taon na ang lumipas, ang tao’y namumuhay nang lalong malapit sa kalikasan. Sa kalakhang bahagi, siya’y hindi nanganganib sa gawang-taong mga pagbabago sa pangglobong kapaligiran na di gaya sa ngayon. Ang industriyal na rebolusyon ay hindi pa nagsisimula. Wala pang mga istasyon ng elektrisidad, mga pabrika, mga auto, o iba pang pinagmumulan ng malaganap na polusyon. Ang kaisipan na ipinahahamak ng tao ang lupa ay maaaring mahirap niyang gunigunihin.
Gayunman, kahit noon pa man, malaganap nang nababalita ang isang babala tungkol sa pagpapahamak sa lupa. Ang babalang iyan ay nasa huling aklat ng Bibliya, at inihula niyan ang isang panahon na ang Diyos ay makikialam sa pamamalakad ng tao upang “ipahamak ang mga nagpapahamak sa lupa.”—Apocalipsis 11:17, 18.
Anong laking kaaliwan para sa lahat ng nababahala tungkol sa ginagawa sa ngayon ng tao na pagpapahamak sa lupa na malaman na ito’y ililigtas buhat sa pagkapahamak ng Maylikha ng ating maningning na planeta! ‘Ngunit,’ marahil ay itatanong mo, ‘talaga bang sumapit na tayo sa ganiyang maselang na kalagayan kung kaya’t kailangan nang makialam ang Diyos?’ Bueno, isaalang-alang ang ilan sa mga katotohanan at kayo na ang humatol.
Mga Gubat
Ang mga gubat ay nagpapaganda sa lupa at naglalaan ng pagkain at tirahan para sa angaw-angaw na iba’t ibang uri ng kinapal. Habang ang mga punungkahoy ay lumalaki at gumagawa ng pagkain, ito’y gumaganap ng ibang mahahalagang serbisyo, tulad baga ng pagsipsip ng carbon dioxide at paglalabas naman ng mahalagang oksiheno. Kaya naman, sinasabi ng National Geographic, “Ang mga ito’y naghahandog ng isang panlunas sa pangglobong init na nagsasapanganib ng buhay sa lupa gaya ng alam na natin.”
Ngunit ang tao ay nagpapahamak sa minana niyang kagubatan. Ang mga gubat sa Hilagang Amerika at Europa ay nangamamatay dahil sa polusyon. At dahil sa pangangailangan ng industriyal na mga bansa ay malaking bahagi ng mga gubat sa tropiko ang napapahamak. Sang-ayon sa paliwanag ng isang pahayagan sa Aprika, noong 1989, “66 na milyong metro kubiko [ng kahoy sa tropiko ang] inaasahan na mailuluwas sa labas ng bansa—48 porsiyento sa Hapon, 40 porsiyento sa Europa.”
Gayundin, sa mga ilang lupain, sinusunog ng mga magsasaka ang mga gubat upang may mapagsakahan sila. Hindi nagtatagal at ang maselang na lupa sa gubat ay nagiging gastado, at ang mga magsasaka ay patuloy naman na nanununog ng higit pang mga gubat. Tinataya na dito sa siglong ito lamang, halos kalahati ng mga gubat sa daigdig ang wala na.
Karagatan
Ang mga karagatan ng mundo ay gumanap din ng mahalagang bahagi sa paglilinis sa atmospera, at ang mga gawain ng tao ay nagpapahamak sa mga ito. Napakaraming carbon dioxide ang sinisipsip ng karagatan. Bilang kapalit naman, ang phytoplankton ay sumisipsip ng carbon dioxide at naglalabas ng oksiheno. Ipinaliliwanag ni Dr. George Small ang kahalagahan ng siklong ito ng buhay: “Ang 70 porsiyento ng oksiheno na idinaragdag sa atmospera sa taun-taon ay nanggagaling sa plankton sa dagat.” Gayunman, may ilang mga siyentipiko na nagbababalang ang phytoplankton ay maaaring mabilis na nauubos dahilan sa pangangaunti ng ozone sa atmospera, na ayon sa paniwala’y tao na rin ang maylikha.
Gayundin, ang tao ay nagtatapon ng basura, langis, at maging mga nakalalasong sukal sa karagatan. Bagaman may mga bansang pumayag na limitahan ang mga sukal na pinapayagan nilang itapon sa dagat, ang iba naman ay tumatanggi. Isang bansa sa Kanluran ang nag-aangkin pa man din ng karapatan na magtapon ng nuklear na mga sukal sa dagat. Ang tanyag na manggagalugad sa karagatan na si Jacques Cousteau ay nagbababala: “Kailangang iligtas natin ang karagatan kung ibig nating iligtas ang sangkatauhan.”
Iniinom na Tubig
Ipinahahamak ng tao maging ang kaniyang tubig na iniinom! Sa maralitang mga bansa, angaw-angaw na mga tao ang namamatay sa taun-taon dahilan sa kontaminadong tubig. Sa mayayamang bansa, ang pinagkukunan ng tubig ay kontaminado ng, kabilang dito, mga abono at pamatay-peste na humuhuho sa mga ilog at tumatagas sa lupa. Noong 1986 ang pandaigdig na produksiyon ng pamatay-peste ay 2.3 milyong tonelada, at ang bilis ng pagdami ay iniuulat na 12 porsiyento bawat taon.
Ang isa pang pinagmumulan ng polusyon ay yaong mga pinagtatapunan ng kemikal. “Ang metal na mga dram na kinalalagyan ng mga kemikal,” ang paliwanag ng Scientific American, “ay wala kundi mga time bomb na sasabog pagka ang mga ito ay kinalawang na.” Ang ganitong uri ng polusyon, isinusog pa ng lathalain, ay nagaganap “sa buong daigdig sa libu-libong mga pinagtatapunan ng sukal na kemikal.”
Ang resulta? Sa buong lupa, ang dati’y malilinis na ilog ay nagiging pang-industriyang mga imburnal. Tinataya na 20 milyong Europeo ang umiinom ng tubig na galing sa Rhine, gayunman ang ilog na ito ay napakarumi na anupa’t ang lupang hinukay sa lunas ng ilog na ito ay napakapanganib na gamitin na pantambak!
Mga Kaugalian sa Pagsasaka
Nakababahala, ipinahahamak ng tao maging ang kaniyang lupang pinagsasakahan. Sa Estados Unidos lamang, 20 porsiyento ng lupang ibinubukod para sa irigasyon ang napinsala na, sang-ayon sa Scientific American. Bakit? Dahilan sa ang sobrang irigasyon ay nagdaragdag ng sobrang asin sa lupa. Sa maraming bansa ay napariwara ang maraming pinakikinabangang lupain sa ganitong paraan. “Maraming lupain ang ngayo’y hindi na pinag-aanihan dahilan sa salinization kung ihahambing sa pinag-aanihan sa pamamagitan ng mga bagong proyekto sa irigasyon,” ang sabi ng The Earth Report. Ang isa pang laganap na suliranin ay ang labis na panginginain ng hayupan, na isa sa mga sanhi ng paglawak ng mga disyerto.
Napakaraming mga Sasakyang de-Motor
Iwanan muna natin ang lupain at tubig ng ating planeta. Ngunit kumusta naman ang hangin? Ito man ay ipinahahamak din, at ang nagpapahamak ay marami. Bilang pagbanggit lamang sa isa, nariyan ang auto. Narito ang mga babala buhat sa tatlong maimpluwensiyang siyentipikong lathalain: “Ang mga sasakyang de-motor ay pinanggagalingan ng higit na polusyon ng hangin kaysa ano pa mang ibang nag-iisang aktibidad ng tao.” (New Scientist) “Sa kasalukuyan ay may 500 milyong rehistradong mga auto sa planeta . . . Ang punóng mga tangke nito ay nakakakonsumo ng mga isang-katlo ng produksiyon ng langis ng daigdig. . . . Ang bilang ng mga auto ay lalong mabilis ang pagdami kaysa populasyon.” (Scientific American) “Ang petrol [gasolina] sa lahat ng bahagi ng produksiyon, gamit at pagtatapon ay isang pangunahing pinagmumulan ng polusyon ng kapaligiran at sakit.”—The Ecologist.
Oo, ang ating planeta ay inaabuso, ipinahahamak. Ang mga karagatan nito, tubig na inumin, lupaing sakahan, at maging ang atmospera man nito ay dumaranas ng matinding polusyon. Tunay, ito lamang ay nagpapahiwatig nang ang panahon ay malapit na upang makialam ang Diyos at “ipahamak ang mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Gayunman, mayroon pang mga iba, lalong malala, na mga paraan na nagpapahamak sa lupa. Tingnan natin kung ano nga ang mga ito.
[Blurb sa pahina 4]
“Kailangang iligtas natin ang karagatan kung ibig nating mailigtas ang sangkatauhan.”—Jacques Cousteau