Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 7/1 p. 5-6
  • Pagliligtas ng Lupa Buhat sa Kapahamakan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagliligtas ng Lupa Buhat sa Kapahamakan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pagpapahamak sa Lupa
  • Isang Lupa na Iniligtas sa Kapahamakan
  • Malapit Na Ba ang Wakas?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Ano ba ang Ginagawa ng Tao sa Lupa?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Malapit Na ang Pagliligtas sa Lupa
    Gumising!—1993
  • Paraisong Lupa—Kaylapit Na!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 7/1 p. 5-6

Pagliligtas ng Lupa Buhat sa Kapahamakan

MINSAN sa kasaysayan ng tao, ang lupa ay iniligtas ng Diyos buhat sa pagkapahamak sa kamay ng mga tao. Kaniyang ginawa ito sa pamamagitan ng isang pangglobong baha noong kaarawan ni Noe. Walang ulat na nagsasabing ipinahahamak ng mga tao ang pisikal na kapaligiran noong lumipas na panahong iyon. Ngunit ang lupa ay ipinahamak sa isa pang paraan hanggang sa sukdulan na inakala ng Diyos na kailangan ang puspusang pagkilos.

Ang Bibliya ay nag-uulat: “At sumamâ ang lupa sa harap ng tunay na Diyos at ang lupa ay napuno ng karahasan. At tiningnan ng Diyos ang lupa at, narito! sumamâ, sapagkat pinasamâ ng lahat ng tao ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 6:4, 11, 12) Oo, noong kaarawan ni Noe ang lupa ay minalas ng Diyos bilang napahamak dahilan sa karahasan at kabalakyutan ng tao.

Sa katulad na paraan, nang simulan ng sinaunang Israel na ariin ang Lupang Pangako, nagbabala ang Diyos: “Huwag ninyong durumhan ang lupain na inyong kinaroroonan; sapagkat ang dugo ay nagpaparumi ng lupain . . . At huwag ninyong durumhan ang lupain.” (Bilang 35:33, 34) Samakatuwid, ang Canaan ay nadumhan dahilan sa salang pagbububo ng dugo ng mga tao roon. Ang isang kakila-kilabot na halimbawa nito ay ang kanilang kinaugaliang paghahandog ng mga bata sa kanilang mga diyos.

Ang mga Cananeo ay lubhang mga imoral din, at ito ay nakaapekto rin sa pangmalas ng Diyos sa lupain. Siya’y nagbabala sa Israel: “Huwag kayong magparumi sa alinman sa mga bagay na ito [mga kinaugaliang imoralidad], sapagkat sa lahat ng mga bagay na ito ay nangadumhan ang mga bansang aking pinalalayas sa harap ninyo. Kaya naman ang lupain ay nadumhan, at . . . ang lupain ang magluluwa sa mga tumatahan diyan.” (Levitico 18:24, 25) Ang imoralidad at dugong ibinubo ang nagpahamak sa Canaan hanggang sa puksain ng Diyos ang mga bansang Cananeo.

Ang Pagpapahamak sa Lupa

Kumusta naman sa ngayon? Hindi baga tayo’y nabubuhay rin sa panahon ng walang patumanggang karahasan, pagbububo ng dugo, at imoralidad? Ano man ang gawin ng tao upang subuking lunasan ang pinsalang ginawa niya sa pisikal na lupa, hindi niya maisasauli ang buhay ng tinatayang isang daang milyon na nangamatay sa kaniyang mga digmaan sa loob ng siglong ito; ni kaniya mang maibabalik ang angaw-angaw na pinaslang ng mga kriminal o ang di-mabilang na kalunus-lunos na mga biktimang namatay sa gutom. Tiyak, hindi niya maibabalik ang tinatayang 40 hanggang 60 milyong hindi pa naisisilang na mga sanggol na pinapaslang sa pamamagitan ng aborsyon taun-taon. Tayo ba’y hindi pa maniniwala na ang lupa’y napapahamak sa paningin ng Diyos dahilan sa ganiyang mga bagay​—huwag nang sabihin pa ang imoralidad na lubhang laganap na laganap ngayon?

Ang katuwiran ang nagsasabi sa atin na ang Diyos ay kikilos di na magtatagal upang iligtas ang lupa buhat sa ginagawang pagpapahamak ng tao, at ito’y pinatutunayan naman ng hula sa Bibliya. Ngunit ano ba ang kaniyang gagawin? Sinasabi ng Bibliya na kaniyang “ipahahamak ang mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18; ihambing ang Mateo 24:3-14.) Gaya ng isang may-ari ng lupa na nagpapaalis sa isang mapagpahamak na nakatirik sa kaniyang lupa, ganoon ‘paaalisin’ ng Diyos ang mga nagpapahamak sa kaniyang magandang paglalang, ang lupa.

Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga balakyot, sila’y lilipulin sa mismong lupa; at ang mga magdaraya, sila’y bubunutin dito.” (Kawikaan 2:22) Ang dumarating na pagkilos na ito ng Diyos ay tinatawag ng Bibliya na Armagedon. (Apocalipsis 16:16) Ito’y tinawag din ni Jesus na “malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman.” (Mateo 24:21) Ito’y magiging lalong malawak kaysa Baha.

Ito ba’y isang labis o di-makatarungang solusyon? Hindi, ang Diyos, bilang ang Maylikha ng lupa, ay may karapatang magpasiya kung sino ang titira rito. Siya’y mayroon ding karapatan na papanagutin ang tao sa kaniyang mga ikinilos. Isa pa, kung papayagan ng Diyos ang tao na magpatuloy sa kaniyang hakbangin na di-sinusupil, ang lupa ay ipahahamak para hindi pakinabangan ng lahat, at imposible na ang mamuhay rito. Sa kabilang panig, kung ‘ipahahamak ang mga nagpapahamak sa lupa,’ iingatan ng Diyos ang ating makalupang mana para sa mga taong nagpapahalaga. Ang Bibliya ay nangangako: “Sapagkat ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang matitira rito.”​—Kawikaan 2:21.

Sa tulong ng Diyos, angaw-angaw ang nakasumpong ng lakas na ipakitang sila’y walang kapintasan sapagkat ibig nilang makaligtas upang tamasahin ang kapakinabangan sa mga paglalang ng Diyos. Kanila ring sinusunod ang matataas na pamantayang-asal ng Diyos at iniiwasan ang karahasan at pagbububo ng dugo kahit na sa paraang di-tuwiran. Samakatuwid, sila’y hindi mga tagapagpahamak ng lupa ayon sa mahalagang diwa nito.

Isang Lupa na Iniligtas sa Kapahamakan

Ang gayong mga tao ngayon ay may nakagagalak na pag-asang makita ang lupa na mapasauli buhat sa kasalukuyang kalagayang napahamak tungo sa isang maningning na paraiso. Talaga naman, maging ang kanilang mga katawan ay malilinis, nilinis buhat sa kapaha-pahamak na mga epekto ng kasalanan. Sa huling aklat ng Bibliya ay inilalarawan ang paglalaan ng Diyos upang lahat na ito ay maging posible bilang isang simbolikong “ilog ng tubig ng buhay.” Sa bawat tabi ng ilog na ito, “may mga punungkahoy ng buhay na namumunga sa labindalawang pag-aani, nagbubunga sa bawat buwan. At ang mga dahon ng punungkahoy ay pampagaling sa mga bansa.”​—Apocalipsis 22:1, 2.

Ang kinasihang pangitaing ito ay isang garantiya na ililigtas ng Diyos ang lupa at ang tao sa pagkapahamak. Ang ibang mga hula ay nagbibigay sa atin ng patiunang pangitain tungkol sa naisauling lupang iyan. Halimbawa, isaalang-alang ang pangitain ni Isaias sa patulang mga pangungusap: “Ang ilang at ang tuyong lupa ay sasaya, at ang malawak na disyerto ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng rosas. Mamumulaklak nang sagana, at magagalak ng kagalakan at awitan.” (Isaias 35:1, 2) Sa panahong iyon ay hindi magkakaroon ng maruruming karagatan, ng napariwarang lupa, o nilasong atmospera.

Lalong mahalaga, ang lupa ay hindi ipahahamak ng karahasan, pagbububo ng dugo, o imoralidad. Tanging yaon lamang gumagalang sa Diyos, sa kaniyang mga pamantayan, at sa kaniyang paglalang ang mabubuhay roon. (Apocalipsis 21:7, 8) Pakinggan ngayon ang maningning na resulta ng lahat ng mga bagay na ito: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na. . . . ‘Narito! ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’ ”​—Apocalipsis 21:4, 5.

Anong ligayang kinalabasan! Anong laki ng kagalakan natin na hindi na magtatagal at “ipahahamak [ng Diyos] ang mga nagpapahamak sa lupa”! At ang mga kinasihang pangakong ito ay ganiyan na lamang ang pagpapakilos sa atin na magnais maglingkod sa Diyos na magliligtas sa lupa sa pagkapahamak at gagawin ito na isang paraisong tahanan para sa matuwid ang pusong mga tao!

[Blurb sa pahina 6]

Sinasabi ng Bibliya na kaniyang “ipahahamak [ng Diyos] ang mga nagpapahamak sa lupa.”​—Apocalipsis 11:18

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share