Napagtatagumpayan Ba ang Pakikipaglaban?
“PANGALAGAAN ninyo ang planetang ito, ito lamang ang taglay natin.” Ito ang madulang pagsamo ni Prinsipe Philip ng Britanya, pangulo ng World Wide Fund for Nature.
Libu-libong taon maaga rito, ang salmista ay sumulat: “Kung tungkol sa mga langit, ang mga langit ay kay Jehova, ngunit ang lupa ay kaniyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.” (Awit 115:16) Ibinigay sa atin ng Diyos ang lupa bilang ating tahanan, at dapat nating pangalagaan ito. Ito ang ibig sabihin ng ekolohiya.
Sa literal ang salitang “ekolohiya” ay nangangahulugang “isang pag-aaral tungkol sa tahanan.”a Ang isang kahulugan na ibinigay ng The American Heritage Dictionary ay “ang pag-aaral tungkol sa masásamáng epekto ng makabagong sibilisasyon sa kapaligiran, taglay ang pangmalas na hadlangan o baligtarin ito sa pamamagitan ng pangangalaga.” Sa payak na pananalita, ang ekolohiya ay nangangahulugan ng pagtuklas sa pinsalang nagawa ng tao at saka paghanap ng mga paraan upang ayusin ito. Alinman dito ay hindi madaling atas.
Tatlong Di-mapag-aalinlanganang Katotohanan Tungkol sa Ekolohiya
Si Barry Commoner, isang biyologo, sa kaniyang aklat na Making Peace With the Planet, ay nagmumungkahi ng tatlong payak na mga batas ng ekolohiya na magpapaliwanag kung bakit ang lupa ay walang kalaban-laban sa pag-abuso.
Ang lahat ng bagay ay nauugnay sa lahat ng iba pang bagay. Kung paanong ang isang sirang ngipin ay makaaapekto sa ating buong katawan, gayundin na ang pinsala sa isang partikular na likas na yaman ay maaaring pagmulan ng isang buong kawing ng mga suliraning pangkapaligiran.
Halimbawa, noong nakalipas na 40 taon, 50 porsiyento ng kagubatang Himalaya sa Nepal ay pinutol para panggatong o para sa mga produkto ng troso. Minsang maalisan ng mga punungkahoy, ang lupa sa mga dalisdis ng bundok ay agad na matatangay pagdating ng ulan. Kung walang pang-ibabaw na lupa, mahirap magkaugat ang bagong mga puno, at maraming bundok ang magiging tigang. Dahil sa pagkalbo sa mga gubat, ang Nepal ngayon ay nawawalan ng milyun-milyong tonelada ng pang-ibabaw na lupa taun-taon. At ang problema ay hindi lamang sa Nepal.
Sa Bangladesh ang mga ulan ng bagyo, na dating sinisipsip ng mga punungkahoy, ay di-mapigil na rumaragasa pababa ng nakalbong mga bundok at patungo sa baybay-dagat, na doo’y gumagawa ito ng kapaha-pahamak na mga pagbaha. Noon, ang Bangladesh ay nagkaroon ng mapanganib na mga pagbaha minsan sa bawat 50 taon; ngayon ito ay tuwing 4 na taon o wala pa.
Sa ibang bahagi ng daigdig, ang pagkalbo sa kagubatan ay humantong sa pagiging disyerto at mga pagbabago sa lokal na klima. Ang kagubatan ay isa lamang sa likas na yaman na pinagsasamantalahan ng tao. Yamang kaunti pa lamang ang nalalaman ng mga ekologo tungkol sa magkakaugnay na mga bahagi ng ating napakalawak na sistema ng ekolohiya, isang problema ang maaaring hindi napapansin hanggang sa matinding pinsala na ang nagawa. Totoo ito sa kaso ng pagtatapon ng basura, na mainam na inilalarawan ng ikalawang batas ng ekolohiya.
Ang lahat ng bagay ay may patutunguhan. Gunigunihin kung ano ang magiging hitsura ng isang karaniwang bahay kung walang tapunan ng basura. Ang ating planeta ay isa ngang saradong sistema—lahat ng ating dumi ay sa wakas mapupunta sa isang dako sa paligid ng makalupang tirahan. Ang bahagyang pagkasira ng ozone layer ay nagpapakita na kahit na ang tila hindi mapanganib na mga gas, gaya ng mga chlorofluorocarbon (mga CFC), ay hindi ganap na naglalaho. Ang mga CFC ay isa lamang sa daan-daang mapanganib na sangkap na inilalabas sa himpapawid, sa mga ilog, at sa mga karagatan.
Totoo, ang ilang produkto—tinatawag na “biodegradable”—ay maaaring mabulok sa paglipas ng panahon at masipsip ng likas na mga proseso, subalit ang iba ay hindi. Ang mga dalampasigan sa daigdig ay punô ng mga sisidlang plastik na mananatili roon sa darating na mga dekada. Hindi gaanong nakikita ang nakalalasong basura ng industriya, na karaniwang ibinabaon sa isang lugar. Bagaman hindi nakikita, walang garantiya na ito ay laging makakalimutan. Maaari pa rin itong tumagas sa mga panustos ng tubig sa ilalim ng lupa at maging sanhi ng malubhang panganib sa kalusugan sa tao at sa mga hayop. “Hindi natin alam kung ano ang gagawin sa lahat ng kemikal na nagawa ng modernong industriya,” sabi ng isang siyentipikong Hungariano sa Institute of Hydrology sa Budapest. “Wala tayong kabatiran tungkol sa lahat ng kemikal na nagawa natin o nalalaman man kaya natin kung saan nakabaon ang mga ito.”
Ang pinakamapanganib na basura sa lahat ay ang radyaktibong basura, isang kakambal na produkto ng mga istasyon ng kuryenteng nuklear. Libu-libong tonelada ng basurang nuklear ay iniimbak sa pansamantalang mga lugar, bagaman ang ilan ay itinambak na sa karagatan. Sa kabila ng mga taon ng siyentipikong pananaliksik, walang nasumpungang lunas para sa ligtas, permanenteng imbakan o tapunan, at walang nakikitang kinabukasan. Walang nakaaalam kung kailan maaaring sumabog ang ekolohikal na mga bombang ito. Ang problema ay malamang na hindi maglalaho—ang mga basura ay magiging radyaktibo sa loob ng mga dantaon o mga milenyong darating, hanggang sa kumilos ang Diyos. (Apocalipsis 11:18) Ang pagwawalang-bahala ng tao tungkol sa pagtatapon ng basura ay nagpapaalaala rin tungkol sa ikatlong batas ng ekolohiya.
Hayaan mo ang sistema ng kalikasan. Sa ibang pananalita, kailangang makipagtulungan ang tao sa mga sistema ng kalikasan sa halip na iwasan ito sa pamamagitan ng isang bagay na inaakala niyang mas mabuti. Isang halimbawa ang ilang pestisidyo. Nang unang ipakilala, pinangyari ng mga ito na masupil ng mga magsasaka ang mga panirang damo at halos maalis ang mapangwasak na mga peste. Waring tiyak na ang saganang ani. Subalit ang mga bagay-bagay ay nagkaproblema. Ang mga panirang-damo at mga insekto ay napatunayang lumalaban sa sunud-sunod na pestisidyo, at naging maliwanag na nilalason ng mga pestisidyo ang likas na mga maninila ng mga insekto, ang buhay-iláng, at maging ang tao mismo. Marahil ikaw ay naapektuhan ng pagkalason sa pestisidyo. Kung gayon isa ka sa di-kukulanging isang milyong biktima sa buong daigdig.
Ang huling kabalintunaan ay ang dumaraming katibayan na maaaring hindi pa nga pinauunlad ng mga pestisidyo ang mga ani sa kalaunan. Sa Estados Unidos, inuubos ngayon ng mga insekto ang mas malaking bahagi ng ani kaysa ginawa nila bago ang rebolusyon ng pestisidyo. Sa katulad na paraan, natuklasan ng International Rice Research Institute, na nasa Pilipinas, na hindi na pinagbubuti ng mga pestisidyo ang mga ani ng bigas sa Timog-silangang Asia. Sa katunayan, isang programang itinaguyod ng pamahalaan sa Indonesia na hindi gaanong umaasa sa mga pestisidyo ang nagkaroon ng 15-porsiyento pagsulong sa produksiyon ng bigas mula noong 1987 sa kabila ng 65-porsiyentong pagbawas sa paggamit ng mga pestisidyo. Sa kabila nito, taun-taon ang mga magsasaka ng daigdig ay malawakang gumagamit pa rin ng mga pestisidyo.
Ang tatlong batas ng ekolohiya na ibinalangkas sa itaas ay nagpapaliwanag kung bakit nagkakaproblema ang mga bagay-bagay. Ang iba pang mahahalagang tanong ay, Gaano kalaking pinsala na ang nagawa, at maaayos ba ito?
Gaano Kalaking Pinsala Na ang Nagawa?
Ang kalakip na mapa ng daigdig (tingnan ang mga pahina 8-9) ay nagtatampok ng ilang mahahalagang problemang pangkapaligiran at kung saan pinakakritikal ang mga ito. Maliwanag, kapag ang kawalan ng tirahan o ng iba pang salik ang dahilan ng pagkalipol ng isang halaman o ng isang uri ng hayop, hindi maaayos ng tao ang pinsala. Ang iba pang pinsala—gaya ng pagsamâ ng ozone layer—ay nagawa na. Kumusta naman ang tungkol sa nagpapatuloy na pagkasira ng kapaligiran? Nagkaroon na ba ng pagsulong sa pagpapahinto rito o sa paanuman ay pabagalin ito?
Ang dalawa sa pinakamahalagang panukat ng pinsala sa ekolohiya ay ang agrikultura at pangingisda. Bakit? Sapagkat ang pagiging mabunga nito ay depende sa isang malusog na kapaligiran at sapagkat ang ating buhay ay depende sa maaasahang suplay ng pagkain.
Ang magkabilang panig ay nagpapakita ng mga palatandaan ng pagkasira. Tinantiya ng United Nations Food and Agriculture Organization na ang mga plota sa pangingisda ng daigdig ay hindi makahuhuli ng mahigit sa 100 milyong tonelada ng isda nang hindi malubhang isinasapanganib ang suplay ng isda. Nahigitan ang kabuuang bilang na iyan noong 1989, at gaya ng inaasahan, nang sumunod na taon ang nahuling isda sa buong daigdig ay bumaba sa apat na milyong tonelada. Lubhang nabawasan ang dami ng mga isda sa mga dakong maraming isda. Sa hilagang-silangan ng Atlantiko, halimbawa, ang huli ay bumaba ng 32 porsiyento sa nakalipas na 20 taon. Ang pangunahing mga problema ay labis na pangingisda, polusyon ng mga karagatan, at pagsira sa mga pangitlugan.
Ang nakatatakot na hilig na ito ay ipinababanaag sa produksiyon ng ani. Noong mga dekada ng 1960 at 1970, ang pinagbuting uri ng mga ani gayundin ang patubig at malawakang paggamit ng kemikal na mga pestisidyo at mga abono ay lubhang nagpalakas sa produksiyon ng binutil. Ngayon, ang mga pestisidyo at mga abono ay nawawalan na ng bisa, at ang kakulangan ng tubig at polusyon ay naging dahilan din ng mas kaunting mga ani.
Bagaman may halos 100 milyong karagdagang bibig ang kailangang pakanin sa bawat taon, noong nakalipas na dekada nagkaroon ng pagbaba sa kabuuang bilang ng sinasakang lupa. At ang nasasakang lupa ay hindi nagiging mabunga. Tinataya ng Worldwatch Institute na pinagkaitan ng pagkaagnas ng lupa ang mga magsasaka ng 500 bilyong tonelada ng pang-ibabaw na lupa sa nakalipas na 20 taon. Hindi maiiwasan, ang produksiyon ng pagkain ay nagsimulang humina. Ang ulat ng State of the World 1993 ay nagkokomento na “ang 6-na-porsiyentong pagbaba sa makukuhang butil para sa bawat tao sa pagitan ng 1984 at 1992 [ay] marahil ang pinakanakababalisang pangkabuhayang kausuhan sa daigdig ngayon.”
Maliwanag, ang buhay ng milyun-milyong tao ay nanganganib na dahil sa pagpapabaya ng tao sa kapaligiran.
Malutas Kaya ng Tao ang mga Problema?
Bagaman may nauunawaan ngayon ang tao tungkol sa kung ano ang nagkamali, hindi madaling ayusin ito. Ang unang problema ay na ito’y mangangailangan ng malaking pera—hindi kukulanging $600 bilyon isang taon—upang ipatupad ang lahat ng mga panukala na ibinigay sa Earth Summit noong 1992. Kakailanganin din ang tunay na mga sakripisyo—mga sakripisyo na gaya ng hindi gaanong pag-aaksaya at higit na pagreresiklo, pagtitipid ng tubig at enerhiya, paggamit ng pampubliko sa halip ng pribadong sasakyan, at, pinakamahirap sa lahat, pagsasaalang-alang sa planeta kaysa sariling-interes. Sa maikli ay ganito ang sabi ni John Cairns, Jr., tagapamanihala ng isang komite sa E.U. para sa pagsasauli ng sistema ng ekolohiya sa tubig, tungkol sa problema: “Ako’y punô ng pag-asa tungkol sa kung ano ang ating magagawa. Nasisiraan naman ako ng loob sa kung ano ang gagawin natin.”
Ang halaga ng lansakang paglilinis ay gayon na lamang anupat pinipili ng karamihan sa mga bansa na ipagpaliban ang araw ng pagtutuos. Sa isang panahon ng krisis sa ekonomiya, ang mga hakbang na pangkapaligiran ay minamalas bilang isang banta sa mga trabaho o isang pagpapabagal sa ekonomiya. Mas madaling sabihin kaysa gawin. Inilalarawan ng aklat na Caring for the Earth ang pagtugon na parang “mga bagyo ng pagkulog at pagkidlat ng mga pangako na sinusundan ng mga tagtuyot ng hindi pagkilos.” Subalit sa kabila ng mabagal na pagkilos na ito, hindi kaya makasumpong ang bagong teknolohiya—kung bibigyan ng pagkakataon—ng hindi masakit na lunas para sa mga karamdaman ng planeta? Maliwanag na hindi.
Sa isang magkasamang pahayag, tahasang inamin ng U.S. National Academy of Sciences at ng Royal Society ng London: “Kung ang kasalukuyang mga hula tungkol sa pagdami ng populasyon ay napatunayang tumpak at ang mga huwaran ng gawain ng tao sa planeta ay mananatiling di-nagbabago, maaaring hindi maiwasan ng siyensiya at teknolohiya ang di-mababagong pagsamâ ng kapaligiran o ang patuloy na karukhaan ng karamihan sa daigdig.”
Ang nakatatakot na problema ng nuklear na basura na walang dakong mapagtatapunan nito ay isang paalaala na ang siyensiya ay hindi makapangyarihan. Sa loob ng 40 taon ang mga siyentipiko ay naghahanap para sa ligtas na mga lugar upang permanenteng iimbak ang mataas-antas na radyaktibong basura. Ang paghahanap ay napatunayang napakahirap anupat ang ilang bansa, gaya ng Italya at Argentina, ay naghinuha na hindi sila magkakaroon ng isang dakong handa para sa gayon hanggang sa taóng 2040 sa pinakamaagang panahon. Ang Alemanya, ang pinakaoptimistikong bansa sa larangang ito, ay umaasang matatapos ang mga plano sa taóng 2008.
Bakit ba gayon na lamang ang problema sa nuklear na basura? “Walang siyentipiko o inhinyero ang makagagarantiya na ang radyaktibong basura ay hindi tatagas sa hinaharap sa mapanganib na dami kahit na mula sa pinakamahusay na mga imbakan,” sabi ng heologong si Konrad Krauskopf. Subalit sa kabila ng maagang mga babala tungkol sa problema ng pagtatapon ng basura, ang mga pamahalaan at ang industriyang nuklear ay sumisigi, inaakalang ang teknolohiya sa hinaharap ay makapaglalaan ng lunas. Ang hinaharap na iyon ay maaaring hindi kailanman dumating.
Kung ang teknolohiya ay walang mabilis na lunas para sa krisis na pangkapaligiran, ano pang ibang mapagpipilian ang natitira? Dahil sa kagipitan ay mapilitan kaya sa wakas ang mga bansa na gumawang magkakasama upang pangalagaan ang planeta?
[Talababa]
a Mula sa Griegong oiʹkos (bahay, tahanan) at lo·giʹa (pag-aaral).
[Kahon sa pahina 7]
Ang Paghanap sa Maaaring Baguhing Pinagmumulan ng Enerhiya
Ipinagwawalang-bahala ng karamihan sa atin ang enerhiya—hanggang sa magkaroon ng blackout o ng pagtaas sa presyo ng langis. Subalit, ang paggamit ng enerhiya ay isa sa pinakamalaking dahilan ng polusyon. Karamihan ng enerhiyang ginagamit ay nanggagaling sa pagsunog ng kahoy o mga fossil fuel, isang proseso na nagtatambak ng milyun-milyong tonelada ng carbon dioxide sa atmospera at sumisira sa mga kagubatan ng daigdig.
Ang enerhiyang nuklear, na isa pang mapagpipilian, ay higit at higit na nagiging di-popular dahil sa panganib ng mga aksidente at sa problema tungkol sa pag-iimbak ng radyaktibong basura. Ang iba pang mapagpipilian ay kilala bilang maaaring baguhing pinagmumulan ng enerhiya, yamang ang mga ito ay likas na nagagamit na mga pinagmumulan ng enerhiya na saganang makukuha. May limang pangunahing uri.
Enerhiyang buhat sa araw. Ito ay madaling magagamit para sa pagpapainit, at sa ilang bansa, gaya sa Israel, maraming bahay ang may mga solar panel para sa pagpapainit ng tubig. Ang paggamit sa araw upang makagawa ng kuryente ay mas mahirap, subalit ang modernong mga photovoltaic cell ay naglalaan na ng kuryente sa mga lalawigan at nagiging mas matipid.
Lakas buhat sa hangin. Ang dambuhalang mga windmill ay laganap ngayon sa ilang mahanging bahagi ng daigdig. Ang kuryenteng itinutustos sa pamamagitan ng enerhiyang eolian (buhat sa hangin), gaya ng tawag dito, ay patuloy na naging mura at ngayo’y mas mababa ang halaga sa ilang lugar kaysa tradisyonal na panustos ng enerhiya.
Kuryente buhat sa enerhiya ng tubig (Hydroelectricity). May 20 porsiyento na ng kuryente ng daigdig ang nanggagaling mula sa mga plantang hydroelectric, ngunit nakalulungkot naman na ang karamihan ng may-maaasahang mga dako sa maunlad na mga bansa ay napagsamantalahan na. Ang pagkalaki-laking mga prinsa ay maaari ring makagawa ng malaking pinsala sa ekolohiya. Ang mas mabuting pag-asa, lalo na sa nagpapaunlad na mga bansa, ay waring ang pagtatayo ng maraming mas maliliit na plantang hydroelectric.
Enerhiyang geothermal. Ang ilang bansa, lalo na ang Iceland at ang New Zealand, ay nagagamit ang “sistema ng mainit na tubig” sa lupa. Ang bulkanikong gawain sa ilalim ng lupa ay nag-iinit sa tubig, na magagamit upang painitin ang mga bahay at lumikha ng kuryente. Ang Italya, Hapón, Mexico, ang Pilipinas, at ang Estados Unidos ay nakagawa rin ng ganitong likas na pinagmumulan ng enerhiya sa paano man.
Lakas buhat sa paglaki at pagliit ng tubig. Ang paglaki at pagliit ng tubig sa karagatan ay ginagamit sa ilang bansa, gaya sa Britanya, Pransiya, at Russia, upang lumikha ng kuryente. Subalit, may iilang lugar sa buong daigdig na doo’y praktikal na naglalaan ng ganitong panustos ng enerhiya sa mababang halaga.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]
Ilan sa Pangunahing Problemang Pangkapaligiran ng Daigdig
Pagkasira ng mga kagubatan. Tatlong-ikaapat ng mga kagubatan sa kainaman ang klima at kalahati ng tropikal na mga kagubatan ng daigdig ay wala na, at nakababahalang bumilis ang pagkalbo sa kagubatan sa nakalipas na dekada. Inilalagay ng pinakahuling tantiya ang pagkasira ng tropikal na mga kagubatan sa pagitan ng 150,000 at 200,000 kilometro kudrado sa bawat taon, kasinlaki ng Uruguay.
Nakalalasong basura. Kalahati ng 70,000 kemikal na kasalukuyang ginagawa ay inuuri bilang nakalalason. Ang Estados Unidos lamang ay gumagawa ng 240 milyong tonelada ng nakalalasong basura taun-taon. Imposibleng tantiyahin ang kabuuang bilang sa buong daigdig dahil sa kakulangan ng impormasyon. Karagdagan pa, sa taóng 2000, magkakaroon ng halos 200,000 tonelada ng radyaktibong basura na nakaimbak sa pansamantalang mga dako.
Pagkapinsala ng lupa. Ang ikatlo ng sukat ng ibabaw ng lupa ay nanganganib na maging disyerto. Sa ilang bahagi ng Aprika, ang Disyerto ng Sahara ay lumawak pa ng 350 kilometro sa loob lamang ng 20 taon. Nanganganib na ang kabuhayan ng milyun-milyong tao.
Kasalatan ng tubig. Halos dalawang bilyon katao ang nakatira sa mga lugar na doo’y may matinding kakapusan ng tubig. Pinalulubha pa ng pagkatuyo ng libu-libong balon ang kakapusan ng tubig dahil sa bumababang antas ng mga aquifer na doon dumidepende ang mga ito.
Mga uri na nanganganib malipol. Bagaman ang bilang ay medyo di-tiyak, tinataya ng mga siyentipiko na sa pagitan ng 500,000 at 1,000,000 uri ng hayop, halaman, at mga insekto ang lipól na sa taóng 2000.
Pagpaparumi sa atmospera. Natuklasan ng isang pag-aaral ng UN noong maagang mga taon ng 1980 na isang bilyon katao ang nakatira sa mga lungsod na nakalantad sa araw-araw na nagsasapanganib-kalusugang mga antas ng mga katiting na uling o nakalalasong mga gas, gaya ng sulfur dioxide, nitrogen dioxide, at carbon monoxide. Ang mabilis na paglaki ng mga lungsod sa nakalipas na dekada ay tiyak na nagpalubha pa sa problemang ito. Bukod pa riyan, 24 na bilyong tonelada ng carbon dioxide ang ibinubuga sa atmospera taun-taon, at ikinatatakot na paiinitin ng “greenhouse gas” na ito ang globo.
[Mapa]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Pagkalbo sa gubat
Nakalalasong basura
Polusyon ng atmospera
Kasalatan ng tubig
Nanganganib malipol na mga uri
Pagkapinsala ng lupa
[Credit Lines]
Mountain High Maps™ copyright© 1993 Digital Wisdom, Inc.
Larawan: Hutchings, Godo-Foto
Larawan: Mora, Godo-Foto