Nagiging Tambakan ng Basura ng Mayayamang Bansa ang Mahihirap na Bansa
TULAD ng di-naiibigang ulila, ang nakalalasong kargamento ay nagpasa-pasa sa mga barko at mga daungan sa paghahanap ng isang tahanan. Labing-isang libong dram na punô ng nakalalasong mga resina, pestisidyo, at iba pang mapanganib na mga kemikal ay inilipat mula sa Djibouti, Aprika, tungo sa Venezuela sa Syria sa Gresya. Sa wakas ang tumatagas na mga bariles ay sumawi sa tripulante ng isang barko. Isang lalaki ang namatay, at karamihan ng iba pa ay nagkaroon ng sakit sa balat, bato, at sa palahingahan mula sa nakalalasong kemikal sa loob ng mga bariles na nasa barko.
Ang mga barko, trak, at mga tren na kargado ng katulad na nakamamatay na basura ay paroo’t parito sa planeta sa paghahanap ng mga lugar na matatawag na tahanan. Kadalasan ang mga bansang napinsala na ng karukhaan, taggutom, at sakit ang nagiging tambakan ng tone-toneladang lason at basura. Ikinatatakot ng mga nagmamalasakit sa kapaligiran (environmentalist) na ang isang ekolohikal na sakuna ay tiyak na mangyayari.
Ang lumang mga pintura, solvent, gulong, batirya, radyoaktibong basura, basurang punô ng tingga at PCB, ay maaaring hindi kaayaaya sa iyo, ngunit ang mga ito’y kaakit-akit sa malakas na negosyo ng industriyal na basura. Balintuna nga, mientras mas mahigpit sa kapaligiran ang isang pamahalaan, mas maraming nakalalasong basura ang itatapon ng mga industriya nito sa ibang bansa. “Halos 20 milyong tonelada ng nakalalasong kemikal ang inilululan sa mga barko taun-taon upang itapon sa mahihirap na bansa ng walang-budhing” mga kompanya ng industriyalisadong mga bansa, sabi ng lingguhang babasahin ng London na The Observer. Ang legal na mga butas at maluwag na pagpapatupad ng mga batas ay nangangahulugang libu-libong tonelada ng nakalalasong basura ay itinatambak sa mga bansa sa Aprika, Asia, at Latin-Amerika.
Hindi kataka-taka na nasusumpungan ng mga kompanyang ito ang pagtatambak ng basura sa mahihirap na bansa na nakatutukso! Ang halaga ay maaaring mabawasan nang husto kung gagamitin ang angkop na lugar. Isang halimbawa nito ay ang barko sa paglalayag na United States, dati-rati’y magarang flagship ng Amerikanong pampasaherong plota. Ito’y binili noong 1992 upang ayusin at pagandahin para sa maluhong paglalayag. Malamang na ito’y naglalaman ng higit na asbestos kaysa anumang ibang barko na lumulutang. Ang pag-aalis ng asbestos ay magkakahalaga ng $100 milyon sa Estados Unidos. Ang barko ay hinila tungo sa Turkey, na dito’y maaari itong gawin sa halagang $2 milyon. Subalit tumanggi ang pamahalaan ng Turkey—lubhang mapanganib na payagan ang mahigit na 46,000 metro kudrado ng nakakakanser na hibla ng asbestos na tanggalin sa kanilang bansa. Ang barko sa wakas ay hinila sa daungan ng ibang bansa, na doo’y hindi gaanong mahigpit ang mga pamantayang pangkapaligiran.
Nakamamatay na Pagreresiklo
Maaaring isipin ng mga negosyo sa kanluran ang kanilang mga sarili bilang mga mapagkawanggawa ng mahihirap sa nagpapaunlad na mga bansa. Si Harvey Alter ng U.S. Chamber of Commerce ay nagsasabi na “itinataas ng industriya ng pagluluwas at pagreresiklo ng basura ang mga pamantayan ng pamumuhay sa mga bansang ito.” Subalit natuklasan ng isang repaso sa ilang paggawi ng kanilang negosyo sa ibang bansa na sa karamihan ng mga kaso, sa halip na itaas ang mga pamantayan ng pamumuhay, ang mga kompanyang ito “ay malamang na nagbabayad na walang ipinagkaiba sa lokal na pinakamababang pasahod, dinudumhan ang kapaligiran at nagbibili ng mga produkto na sa ilang kaso ay mapanganib at madayang ipinagbibili.”
Nagpahayag din ng pagkabahala si Papa John Paul II sa isang workshop kamakailan tungkol sa polusyon sa nagpapaunlad na mga bansa. Ganito ang sabi ng papa: “Isang malubhang pag-abuso kapag ang mayayamang bansa ay nakikinabang sa mahihinang ekonomiya at batas ng mas mahihirap na bansa sa pamamagitan ng pagluluwas ng nakaruruming mga teknolohiya at mga basura na sumisira sa kapaligiran at kalusugan ng populasyon.”
Isang karaniwang halimbawa ay masusumpungan sa gawing timog ng Aprika, tahanan ng pinakamalaking tagapagresiklo ng mga basurang asoge sa daigdig. Sa binansagang “isa sa pinakagrabeng iskandalo sa polusyon ng kontinente,” ang nakalalasong basura ay sumawi sa isang manggagawa, ang isa naman ay nakomatos, at sangkatlo ng mga manggagawa ay iniulat na dumaranas ng ilang anyo ng pagkalason sa asoge. Ipinagbabawal o mahigpit na ipinagbabawal ng mga pamahalaan sa ilang industriyal na bansa ang pagtatapon ng basurang asoge. Mga barko ng mga korporasyon sa hindi kukulanging isa sa mga bansang ito ang naghahatid ng mapanganib na kargamento sa mga baybayin ng Aprika. Nasumpungan ng isang pangkat na nag-iinspeksiyon ang 10,000 bariles ng basurang asoge mula sa tatlong kompanya ng dayuhan na nakaimbak sa planta.
Ang pagpapadala ng mga materyales sa nagpapaunlad na mga bansa para sa pagreresiklo ay waring mas maigi kaysa pagtatambak ng basura sa mga ito. Ito’y makagagawa ng mahalagang kakambal na mga produkto, maglaan ng mga trabaho, at paunlarin ang ekonomiya. Subalit gaya ng ipinakikita ng nabanggit na ulat mula sa gawing timog ng Aprika, maaari rin itong magbunga ng kapaha-pahamak na mga resulta. Ang pagbabalik sa mabuting ayos ng mahahalagang produkto mula sa mga bagay na ito ay maaaring maglabas ng nakamamatay na mga kemikal na maaaring magdala ng polusyon at sakit at kung minsa’y kamatayan sa mga manggagawa. Ganito ang sabi ng magasing New Scientist: “Walang alinlangan na ang pagreresiklo kung minsan ay ginagamit bilang isang pagkukunwari para sa pagtatambak.”
Ang estratehiya ay inilarawan ng U.S.News & World Report: “Ang huwad na paglalarawan ng mga produkto, legal na mga butas at kawalan ng kaalaman ang gumagawa sa nagpapaunlad na mga bansa na madaling tudlaan para sa agresibong mangangalakal ng basura na naglalako ng nakalalasong basura mula sa alkantarilya bilang ‘organikong abono’ o pasó nang mga pestisidyo bilang ‘tulong sa bukid.’ ”
Ang mga maquiladora, o mga pabrika na pag-aari ng dayuhan, ay nagsulputan sa Mexico. Ang pangunahing layunin ng dayuhang mga kompanya ay takasan ang mahihigpit na pamantayan sa polusyon at pagsamantalahan ang walang katapusang panustos ng mga manggagawang mababa ang sahod. Sampu-sampung libong Mexicano ang naninirahan sa mga barungbarong na malapit sa malalabong kanal na may maruming tubig. “Hindi ito iinumin kahit ng mga kambing,” sabi ng isang babae. Tinawag ng isang ulat ng American Medical Association ang dakong hangganan na “isang tunay na imburnal at pamugaran ng nakahahawang sakit.”
Hindi Lamang ang mga Peste ang Namamatay
“Paano nga magagawa ng isang bansa na ipagbawal ang isang lason sa kaniyang sariling bansa at gayunman ay gumawa nito at ipagbili ito sa ibang bansa? Nasaan ang moralidad dito?” tanong ni Arif Jamal, isang agronomista at espesyalista sa pestisidyo sa Khartoum. Ipinakita niya ang mga litrato ng mga bariles na may tatak na: “Hindi nairehistro para gamitin”—sa industriyal na bansa na pinanggalingan ng mga ito. Ang mga ito’y nasumpungan sa isang reserbang lupa para sa buhay-iláng sa Sudan. Kalapit nito ay mga bunton ng patay na mga hayop.
Isang mayamang bansa “ang nagluluwas taun-taon ng mga 227 milyong kilo ng pestisidyo na ipinagbabawal, hinihigpitan o walang pahintulot para sa lokal na paggamit,” ulat ng The New York Times. Ang heptachlor, isang pinagmumulan-ng-kanser na nauugnay sa DDT, ay ipinagbawal na gamitin sa mga pananim noong 1978. Subalit ang kemikal na kompanya na nag-imbento nito ay patuloy na gumagawa nito.
Natuklasan ng isang surbey ng UN na malawakang madaling makuha ang “bawat nakalalasong pestisidyo” sa di-kukulanging 85 nagpapaunlad na mga bansa. Halos isang milyong tao ang pinahihirapan ng malubhang pagkalason sa bawat taon, at marahil 20,000 ang namamatay dahil sa mga kemikal.
Ang industriya ng sigarilyo ay matatawag na halimbawa ng nakamamatay na kasakiman. Ganito ang sabi ng isang artikulo sa Scientific American na pinamagatang “Ang Pangglobong Epidemya sa Sigarilyo”: “Ang dami ng mga sakit at kamatayan na nauugnay sa sigarilyo sa buong daigdig ay hindi maaaring sabihing kalabisan.” Ang katamtamang edad para sa nagsisimulang manigarilyo ay lalo pang bumaba, at ang bilang ng mga babaing naninigarilyo ay lubhang dumarami. Ang malalakas na kompanya ng sigarilyo na kaisa ng tusong mga tagapag-anunsiyo ay matagumpay na nasasakop ang napakalaking pamilihan ng mahihirap na bansa. Isang hilera ng mga patay at napinsala ng sakit na mga bangkay ang nagkalat sa kanilang daan patungo sa kayamanan.a
Gayunman, masasabing hindi naman lahat ng kompanya ay di-alintana ang kapakanan ng nagpapaunlad na mga bansa. May ilang kompanya na nagsisikap na magsagawa ng makatarungan at responsableng kalakalan sa nagpapaunlad na mga bansa. Halimbawa, isang kompanya ang nagbibigay ng mga benepisyo sa pagreretiro at sa kalusugan at nagbabayad sa mga manggagawa nito ng tatlong ulit ng hinihiling na sahod. Isa pang kompanya ang nagkaroon ng mahigpit na paninindigan sa mga karapatang pantao at kinansela ang maraming kontrata nito dahil sa mga pag-abuso.
Mapagkunwaring Pagbabalik sa Dating Kasamaan
Noong 1989 isang kasunduan sa isang kombensiyon ng UN ang nilagdaan sa Basel, Switzerland, upang kontrolin ang pagkilos ng mapanganib na basura sa pagitan ng mga bansa. Hindi nito nalutas ang problema, at ganito ang iniulat ng New Scientist sa isang pulong kamakailan ng mga bansa ring iyon, na idinaos noong Marso 1994:
“Bilang pagtugon sa nauunawaang galit ng nagpapaunlad na mga bansa, ang 65 bansang kalahok sa Kombensiyon sa Basel ay gumawa ng isang mahalagang hakbang nang ang mga ito’y nagpasiyang palawakin ang kombensiyon sa pamamagitan ng pagbabawal sa pagluluwas ng mapanganib na basura mula sa OECD [Organization for Economic Cooperation and Development] tungo sa mga bansang hindi OECD.”
Subalit ang pinakahuling desisyong ito ay tila hindi nakalugod sa maunlad na mga bansa. Ipinahayag ng New Scientist ang pagkabahala nito: “Kaya ang balita na ang EU, Britanya, Alemanya at Australia ay pawang nagsisikap ngayon na pahinain ang desisyon ay nakababahala. Ang mga dokumentong nakalabas mula sa pamahalaan ng EU ay nagkanulo sa ‘tahimik’ [nitong] diplomatikong mga pagsisikap na ‘baguhin’ ang pagbabawal bago ito sumang-ayon na pagtibayin ang kombensiyon.”
Isang Araw ng Pagtutuos Para sa Masasakim
“Kayong mayayaman, ngayon na ang panahon upang kayo’y magsitangis at magsihagulhol dahil sa mga kahirapan na nakalaan sa inyo!” babala ng Bibliya sa Santiago 5:1. (The New Testament in Modern English, ni J. B. Phillips) Ang pagtutuos ay darating sa kamay ng isa na makapagtutuwid sa mga bagay: “Si Jehova ay nagsasagawa ng matuwid na mga gawa at ng mga kahatulan para sa lahat ng naaapi.”—Awit 103:6.
Yaong namumuhay ngayon sa malupit na karukhaan ay maaaring maaliw, sa pagkaalam na ang mga salita sa Awit 72:12, 13 ay malapit nang matupad: “Kaniyang ililigtas ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang naghihirap at sinumang walang katulong. Siya’y maaawa sa mababa at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay kaniyang ililigtas.”
[Talababa]
a Tingnan ang Gumising! ng Mayo 22, 1995, “Milyun-Milyon ang Kinikitil Para Milyun-Milyon ang Kitain.”
[Kahon sa pahina 6]
Nakamamatay na Basura na Hindi Mawala-wala
“Nagpatung-patong ang Nakamamatay na Basurang Nuklear Nang Walang Malinaw na Lunas.” Gayon ang kababasahan ng ulong-balita sa pitak tungkol sa siyensiya ng The New York Times noong nakaraang Marso. “Ang pinakasimpleng opsyon,” sabi ng artikulo, “ay ibaon ito. Subalit iyan ngayon ay binabatikos habang pinagtatalunan ng mga siyentipiko, at pinag-aaralan ng Pederal na mga ahensiya, kung baga ang iminumungkahing pagtatambak ng basura sa ilalim ng lupa sa Nevada ay maaaring sa wakas sumabog sa isang nuklear na pagsabog udyok ng basurang plutonium.”
Ang mga siyentipiko ay nagmungkahi ng maraming plano upang alisin ang sobrang plutonium sa daigdig, subalit ang halaga, mga kontrobersiya, at mga pangamba ay nagpangyari na kalimutan na ang mga plano. Ang isang idea na inaayawan ng marami ay ang ibaon ito sa ilalim ng dagat. Isa pang guniguning mungkahi ay pasabugin ito sa araw. Ang isa pang lunas, gumamit ng mga reactor upang sunugin ito. Subalit ito’y pinawalang-saysay, yamang ito’y “gugugol ng daan-daan o libu-libong taon” upang magawa ito.
Si Dr. Makhijani ng Institute for Energy and Environmental Research ay nagsabi: “Ang bawat mabuting solusyon sa teknikal na paraan ay may pulitikal na mga panig na nakatatakot, at ang bawat mabuting solusyon sa pulitikal na paraan ay waring hindi tama sa teknikal na paraan. Walang sinuman ang may anumang mabuting panlahat na solusyon sa kaguluhang ito, kasali na tayo.”
Upang tustusan ng kuryente ang 60 milyong tahanan—20 porsiyento ng kuryente ng bansa—ang 107 reactor sa mga planta ng nuklear na kuryente sa Estados Unidos ay gumagawa ng 2,000 tonelada ng nagamit na gatong taun-taon, at mula noong 1957 ang nagamit na gatong ay pansamantalang inimbak sa nuklear na mga planta. Sa loob ng mga dekada ang mga tao’y bigong naghintay sa pamahalaan upang makasumpong ng paraan upang itapon ito. Siyam na mga pangulo ang nanungkulan na, at 18 Kongreso ang nag-alok na ng mga plano at nagtakda ng mga katapusang araw upang magkaroon ng imbakan ang radyoaktibong basura sa mga pasilidad sa ilalim ng lupa, subalit ang huling pagpapasiya tungkol sa nakamamatay na basura na dapat ipagsanggalang sa loob ng libu-libong taon ay hindi pa napagpapasiyahan.
Sa kabaligtaran naman, ang trilyun-trilyong pinagsamang nag-aalab na apoy na pinakikilos ng Diyos na Jehova sa malalayong bituin ng sansinukob ay hindi nagbabanta ng panganib, at ang isa na pinakikilos niya sa ating araw ay ginagawang posible ang buhay sa lupa.
[Credit Line]
UNITED NATIONS/IAEA
[Larawan sa pahina 7]
Dinudumhan ng nakalalasong mga kemikal ang tubig na ginagamit para sa pag-inom at sa paglalaba
[Larawan sa pahina 7]
Ang mga bata ay naglalaro sa gitna ng mapanganib o nakamamatay na basura