Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 11/22 p. 8-11
  • Ang Lupa—Regalo ng Diyos sa Atin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Lupa—Regalo ng Diyos sa Atin
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Lupa​—Kapuwa Kahanga-hanga at Maganda
  • Isang Lipunang Walang-Utang-na-Loob na Hindi Karapat-dapat sa Regalo ng Diyos
  • Kapag Pinahalagahan Na ang Regalo ng Diyos
  • Magugunaw Kaya ang Lupa?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Tuluyan Na Bang Sisirain ng Tao ang Lupa?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Ang Buháy na Planeta
    Saan Nagmula ang Buhay?
  • Pinapahalagahan Mo Ba ang mga Regalo ng Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2020
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 11/22 p. 8-11

Ang Lupa​—Regalo ng Diyos sa Atin

“NANG pasimula ay nilalang ng Diyos ang mga langit at ang lupa.” Ipinahayag din niya na ang lupa ay “napakabuti.” (Genesis 1:1, 31) Walang mga tambak ng basura upang sirain ang kagandahan nito; walang mga bunton ng basura upang dumhan ito. Isang magandang regalo ang ipinamana sa sangkatauhan: “Kung tungkol sa mga langit, ang mga langit ay kay Jehova, ngunit ang lupa ay kaniyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.”​—Awit 115:16.

Sa Isaias 45:18, kaniyang sinasabi kung ano ang layunin niya sa lupa: “Ganito ang sabi ni Jehova, ang Maylikha ng mga langit, Siyang tunay na Diyos, ang Nag-anyo ng lupa at ang Gumawa nito, Siyang Isa na nagtayong matatag nito, na hindi niya nilikha ito para sa walang kabuluhan, at kaniyang ginawa ito upang tahanán: ‘Ako ay si Jehova, at wala nang iba.’”

Espesipikong ipinakikita niya kung ano ang pananagutan ng tao sa lupa​—“upang bungkalin ito at upang alagaan ito.”​—Genesis 2:15.

Si Jehova ang nagbibigay ng halimbawa. Inaalagaan niya ang lupa. Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pagreresiklo sa mahahalagang paglalaan ng lupa, ang mga bagay na doo’y nakadepende ang lahat ng buhay sa lupa. Ang pantanging labas ng Scientific American ay may mga artikulo tungkol sa ilan sa mga siklong ito, na kinabibilangan ng siklo ng enerhiya ng lupa, siklo ng enerhiya ng biosphere, siklo ng tubig, siklo ng oksiheno, siklo ng karbon, siklo ng nitroheno, at mga siklo ng mineral.

Ang Lupa​—Kapuwa Kahanga-hanga at Maganda

Isinulat ng lubhang kilalang biyologong si Lewis Thomas, sa magasin tungkol sa siyensiya na Discover, ang walang-katulad na papuring ito tungkol sa lupa:

“Ang lubhang nakapagtataka, ang pinakanaiibang kayariang nalalaman natin sa buong sansinukob, ang pinakamalaking siyentipikong palaisipan sa sansinukob, na bumibigo sa lahat ng ating mga pagsisikap na maunawaan ito, ay ang lupa. Ngayon pa lamang natin napahahalagahan kung gaano kakaiba at karilag ito, kung gaano makapigil-hininga ito, ang pinakamarikit na bagay na lumulutang sa paligid ng araw, napaliligiran ng sarili nitong bughaw na bula ng atmospera, gumagawa at nilalanghap ang sarili nitong oksiheno, inaayos ang sarili nitong nitroheno mula sa hangin tungo sa sarili nitong lupa, nililikha ang sarili nitong lagay ng panahon sa ibabaw ng masukal na kagubatan nito, ginagawa ang sarili nitong matigas na balat mula sa nabubuhay na mga bahagi: mga dalisdis na tisa, mga bahurang korales, mga fossil mula sa maagang mga anyo ng buhay na ngayo’y natabunan ng mga suson ng bagong buhay na nagkasala-salabid sa palibot ng globo.”

Ilan lamang ito sa mga paglalaan na inilagay ni Jehova upang panatilihing kumikilos ang lupa bilang isang magandang regalo para sa sangkatauhan, isang tahanang nilalang upang manatili magpakailanman para sa mga tao at sa di-mabilang na milyun-milyong iba pang nabubuhay na nilalang. Ang Awit 104:5 ay nagsasabi: “Kaniyang inilagay ang mga patibayan ng lupa; ito’y hindi makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.” Isa pang kinasihang saksi ang nagpatotoo sa pagiging permanente ring ito ng lupa: “Isang salinlahi ay yumayaon, at isang salinlahi ang dumarating; ngunit ang lupa ay nananatili hanggang sa panahong walang takda.”​—Eclesiastes 1:4.

Ang mga astronaut na lumigid sa lupa ay naging makata tungkol sa maganda, marikit na globong sumasalimbay sa orbita nito sa palibot ng araw at nagpahayag ng pangangailangan ng tao na pahalagahan ang kagandahan nito at pangalagaan ito. Nang unang masilayan ang lupa mula sa kalawakan, ang astronaut na si Edgar Mitchell ay nagradyo pabalik sa Houston: “Ito’y parang isang kumikinang na asul at puting hiyas . . . na napaliligiran ng animo’y puntas ng mayuming umiikot na puting belo . . . , tulad ng isang munting perlas sa isang pusikit na kadiliman ng dagat ng hiwaga.” Ganito ang komento ng astronaut na si Frank Borman: “Tayo’y magkasama sa magandang planetang ito. . . . Ang lubhang nakapagtataka ay kung bakit hindi natin mapahalagahan ang kung ano ang mayroon tayo.” Ganito naman ang komento ng isa sa mga astronaut ng Apollo 8 na nagtungo sa buwan: “Sa buong sansinukob, saanman kami tumingin, ang tanging may kulay ay ang lupa. Doon ay nakikita namin ang matingkad na asul ng mga dagat, ang kulay-balat at kayumanggi ng lupa, at ang puting kulay ng mga alapaap. . . . Ito ang pinakamagandang bagay na matatanaw, sa buong kalangitan. Hindi talos ng mga tao dito sa lupa kung ano ang mayroon sila.”

Ipinakikita ng mga katotohanan na ang pangungusap na iyan ay totoo​—hindi talos ng mga tao ang yaman na taglay nila. Sa halip na pangalagaan ang regalong ito buhat sa Diyos, dinudumhan ito at sinisira ito ng sangkatauhan. Nakita rin ito ng mga astronaut. Si Paul Weitz, kumander ng unang paglipad ng sasakyang pangkalawakang Challenger, ay nagsabi na ang pinsalang nagawa ng tao sa atmospera ng lupa ay “kakila-kilabot” kung makikita mo ito sa kalawakan. “Nakalulungkot nga, ang daigdig na ito ay mabilis na nagiging isang kulay-abong planeta.” Sinabi pa niya: “Ano ang mensahe? Dinudumhan natin ang atin mismong pugad.” At ang pagiging mapangwasak na ito ay lalo pang sumidhi sa “mga huling araw” na ito. Ipinahayag ni Jehova ang kaniyang hatol laban sa mga sumisira sa lupa, alalaong baga, na kaniyang ‘dadalhin sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa.’​—Apocalipsis 11:18.

Isang Lipunang Walang-Utang-na-Loob na Hindi Karapat-dapat sa Regalo ng Diyos

Niyurakan ng isang materyalistikong lipunan ang espirituwal na mga pamantayan upang bigyang-laya ang laman. Ang praktikal na mga alituntunin na ibinigay ni Jehova sa sangkatauhan para sa maligaya at kontentong pamumuhay ay isinaisang-tabi sa pag-ahon ng sakim na maka-akong ugali na siyang katangian ng ating mga panahon.

May kasakdalang inilalarawan ng 2 Timoteo 3:1-5 ang mapanganib na panahong kinabubuhayan natin: “Alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki sa pagmamapuri, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos, na may anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito; at mula sa mga ito ay lumayo ka.”

Pinagyayaman ng komersiyalismo ang interes ng mamimili, at ang pag-aanunsiyo ang katulong nito. Karamihan ng mga pag-aanunsiyo ay angkop; ang karamihan ay di-angkop. Ang huling-banggit ang tumutugma sa obserbasyon ni Eric Clark sa The Want Makers: “Ang pag-aanunsiyo ay hindi lamang tumutulong magbenta ng maling mga bagay sa mga tao na hindi kayang bilhin ang mga ito, kadalasang ginagawa niya ito sa halaga na sobrang taas.” Ganito ang sabi ni Alan Durning ng World Watch: “Ang mga tagapag-anunsiyo ay nagbebenta hindi ng mga gamit kundi ng mga istilo ng buhay, mga saloobin, at mga pangarap, iniuugnay ang kanilang mga paninda sa walang-katapusang mga paghahangad ng kaluluwa.” Ang pag-aanunsiyo ay naglalayon na gawin tayong diskontento sa kung ano ang mayroon tayo at mapagnasa sa kung ano ang wala tayo. Lumilikha ito ng isang hangaring walang-kabusugan; ito’y umaakay sa nakapanghihinang labis-labis na pamimili; lumilikha ito ng mabilis dumaming mga tambak ng basura na nagpaparumi sa lupa. Ang paghikayat nito ay unti-unti at mapanlinlang na pumapasok maging sa nagugulumihanang mga puso niyaong namumuhay sa walang kapag-a-pag-asang karukhaan. Mapusok na ipinagbibili ng maraming tagapag-anunsiyo ang mga paninda na kilalang pumapatay o nagdudulot ng sakit sa mga tao.

Ang mahalaga ay ang ating katayuan sa Diyos, gaya ng sinasabi ng Eclesiastes 12:13: “Ang wakas ng bagay, pagkatapos na marinig ang lahat, ay: Ikaw ay matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.” Ang mga gumagawa niyaon ay magiging karapat-dapat para sa buhay sa malinis na Paraiso ni Jehova! Ipinangako ni Jesus: “Huwag kayong mamangha rito, sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas, yaong mga gumawa ng mabubuting bagay sa pagkabuhay-muli sa buhay, yaong mga nagsagawa ng buktot na mga bagay sa pagkabuhay-muli sa paghatol.”​—Juan 5:28, 29.

Kapag Pinahalagahan Na ang Regalo ng Diyos

At magiging lubhang di-kapani-paniwala at kahanga-hangang lupa nga iyon! Si Jehova ay nagbigay sa atin ng ganitong makapigil-hiningang paglalarawan nito: “Nakita ko [si Juan] ang isang bagong langit at isang bagong lupa; sapagkat ang dating langit at ang dating lupa ay lumipas na, at ang dagat ay wala na. . . . At papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”​—Apocalipsis 21:1, 4.

Mawawala na rin ang dating mga bagay na gaya ng mga tambak ng basura, nakalalasong mga basura, at yaong mga itinatapon ang kanilang basura sa iba. Sa panahong iyon ang tanging mga taong mabubuhay sa lupa ay yaong umiibig sa kanilang kapuwa na gaya ng kanilang mga sarili, yaong mga pumupuri kay Jehova sa kaloob niyang lupa, at yaong nalulugod na pangalagaan ito at panatilihin ito sa malaparaisong kalagayan.​—Mateo 22:37, 38; 2 Pedro 3:13.

[Kahon sa pahina 11]

Ang Kawalang-Saysay ng Materyalismo

Binanggit ni Jesus ang isang matalim na katotohanan nang siya’y magbabala: “Panatilihin ninyong nakadilat ang inyong mga mata at magbantay laban sa bawat uri ng kaimbutan, sapagkat kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi resulta ng mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15) Hindi mahalaga kung ano ang taglay natin; ang mahalaga ay kung ano tayo. Napakadaling masangkot sa abala at magulong buhay​—ang pagkita ng pera, ang pag-ipon ng mga bagay-bagay, ang pagmamadaling sunggaban ang lahat ng kasiyahan na hinahangad ng laman—​at ang isipin na tayo’y nabubuhay sa sukdulan, walang kinaliligtaan, subalit maaaring nakaliligtaan natin ang pinakamainam na bagay na maaaring ialok ng buhay.

Natatalos lamang natin kung ano ang nawawala sa atin kapag ang buhay ay paubos na. Natatalos natin ang katotohanan ng sinasabi ng Bibliya: Napakaikli ng buhay​—isang hamog na naglalaho, isang bugá ng usok, isang paghinga, isang anino na nagdaraan, luntiang damo na natutuyo, isang bulaklak na nalalanta. Saan ito nagpunta? Ano ang ginawa natin? Bakit tayo naririto? Ganito na lamang ba? Kawalang-halaga lamang ng mga kawalang-halaga, isang paghahabol sa hangin?​—Job 14:2; Awit 102:3, 11; 103:15, 16; 144:4; Isaias 40:7; Santiago 4:14.

Isang lalaki ang nasa ospital, naghihingalo, nakatanaw sa isang bintana, pinagmamasdan ang isang burol na nasasabugan ng init ng sinag ng araw, na may mga damo at sukal na damo, ilang mumunting umuusbong na bulaklak, isang maya na kumakahig sa lupa para sa ilang binhi​—isang tanawing hindi gaanong nakapupukaw ng damdamin. Subalit para sa lalaking naghihingalo, ito ay maganda. Isang malungkot na hangarin ang umaantig sa kaniyang damdamin, isip-isipin lamang ang simpleng mga kagalakan na nakaligtaan niya, ang mumunting mga bagay na napakahalaga. Pawang malapit nang maglaho!

Ganito ang payak na pagkakasabi rito ng Griegong Kasulatan: “Wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong anumang bagay na mailalabas. Kaya, sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, tayo ay magiging kontento na sa mga bagay na ito.” (1 Timoteo 6:7, 8) Ganito naman ang mas tahasang pagkakasabi rito ng Hebreong Kasulatan: “Kung paanong hubad na lumabas siya sa bahay-bata ng kaniyang ina, hubad na yayaon siyang muli, na gaya nang siya’y dumating; at wala siyang madadalang ano mang pinagpagalan niya, na madadala niya sa kaniyang kamay.”​—Eclesiastes 5:15.

[Picture Credit Line sa pahina 8]

NASA photo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share