Ang Pakikihamok Upang Iligtas ang Ating Planeta
ANG KABALITAAN NG GUMISING! SA ESPANYA
SI Yury, na nakatira sa lungsod ng Karabash sa Russia, ay may dalawang anak, at sila kapuwa ay may sakit. Siya’y nag-aalala subalit hindi siya nagtataka. “Walang malulusog na bata rito,” aniya. Ang mga tao sa Karabash ay nalalason. Taun-taon isang pagawaan doon ang nagbubuga ng 162,000 tonelada ng mga pamparumi sa hangin—9 na tonelada para sa bawat lalaki, babae, at bata na nakatira roon. Sa Nikel at Monchegorsk sa Peninsula ng Kola, hilaga ng Arctic Circle, “dalawa sa pinakamalaki at pinakalumang tunawan ng nikel . . . ang nagbubuga ng higit pang mabibigat na metal at sulfur dioxide sa hangin taun-taon kaysa anumang iba pang pagawaan sa Russia.”—The New York Times.
Ang hangin sa Mexico City ay marumi rin. Natuklasan ng isang surbey ni Dr. Margarita Castillejos na kahit na sa mayamang dako ng lungsod, ang mga bata ay nagkakasakit nang 4 na araw sa loob ng 5 araw. “Normal na lamang para sa kanila ang magkasakit,” sabi niya. Ang isa sa pangunahing maysala, aniya, ay ang malaganap na usok mula sa libu-libong sasakyan na nakabara sa mga lansangan sa lungsod. Ang dami ng pamparumi sa ozone ay apat na ulit kaysa sukdulang dami ng tuntunin ng World Health Organization.
Sa Australia ang panganib ay di-nakikita—subalit nakamamatay rin. Ang mga bata ngayon ay kailangang magsumbrero kapag naglalaro sa palaruan ng paaralan. Ang pagsira sa malaking bahagi ng pananggalang na tabing ng ozone sa Timugang Hemispero ay nagpangyari sa mga taga-Australia na malasin ang araw bilang isang kaaway sa halip na isang kaibigan. Nasaksihan na nila ang tatlong ulit na pagdami ng mga kanser sa balat.
Sa iba pang bahagi ng daigdig, ang paghanap ng sapat na tubig ay isang pang-araw-araw na pakikipaglaban. Nang si Amalia ay 13 taóng gulang, nagkaroon ng tagtuyot sa Mozambique. Halos walang sapat na tubig noong unang taon at walang anumang tubig noong sumunod na taon. Ang mga gulay ay nalanta at namatay. Si Amalia at ang kaniyang pamilya ay napilitang kumain ng ligaw na prutas at naghukay sa mabuhanging mga pinaka-sapin ng ilog para sa anumang mahalagang tubig na makukuha nila.
Sa estado ng Rajasthan sa India, mabilis na naglalaho ang mga damuhan. Si Phagu, isang pagala-galang taong-tribo, ay madalas na nakikipagtalo sa lokal na mga magsasaka. Hindi siya makasumpong ng damuhan para sa kaniyang kawan ng mga tupa at mga kambing. Dahil sa matinding kakulangan ng saganang lupain, nasira ang mga dantaon-ang-haba ng mapayapang pamumuhay na magkasama sa pagitan ng mga magsasaka at ng mga taong pagala-gala.
Mas malala pa ang kalagayan sa Sahel, isang malawak na tigang na lupain sa gawing timugang dulo ng Sahara sa Aprika. Dahil sa pagkalbo sa kagubatan at kasunod na tagtuyot, ang buong kawan ay nalipol at di-mabilang na lupain ang natabunan ng buhangin ng lumalawak na disyerto. “Hindi na ako muling magtatanim,” sumpa ng isang magsasakang Fulani buhat sa Niger pagkatapos makitang mahina na naman ang kaniyang aning millet sa ikapitong pagkakataon. Ang kaniyang baka ay namatay na dahil sa kawalan ng damuhan.
Ang Lumalagong Banta
May nakatatakot na tanda sa likuran ng mga tagtuyot kamakailan, ng mahinang mga ani, at ng maruming hangin na pumipinsala sa lungsod at lungsod. Ang mga ito’y sintoma ng isang may sakit na planeta, isang planeta na hindi na makayanan ang lahat ng mga pagpapahirap dito ng tao.
Wala nang mas mahalaga pa sa ating kaligtasan sa lupa kaysa ang hanging ating nilalanghap, ang pagkaing ating kinakain, at ang tubig na ating iniinom. Walang-lubay, ang mahahalagang bagay na ito na sumusustine-sa-buhay ay alin sa dinudumhan o unti-unting sinisira—ng tao mismo. Sa ilang bansa ang kalagayan ng kapaligiran ay nagbabanta na sa buhay. Gaya ng detalyadong pagkakasabi rito ng dating pangulo ng Sobyet na si Mikhail Gorbachev, “lubhang pinagbabantaan ng ekolohiya ang atin mismong pag-iral.”
Ang banta ay dapat na seryosong pag-isipan. Ang populasyon ng daigdig ay patuloy na dumarami, at ang mga kahilingan sa limitadong mga yaman ay dumarami. Si Lester Brown, pangulo ng Worldwatch Institute, ay nagsabi kamakailan na “ang nakalilipos na banta sa ating kinabukasan ay hindi ang paglusob ng militar kundi ang pagkasira ng kapaligiran ng planeta.” Sapat ba ang ginagawa upang maiwasan ang isang trahedya?
Ang Pakikihamok Upang Pangalagaan ang Planeta
Mahirap tulungan ang isang alkoholiko na kumbinsidong wala siyang problema sa pag-inom. Sa katulad na paraan, ang unang hakbang upang mapabuti ang kalusugan ng planeta ay ang kilalanin ang lawak ng karamdaman. Malamang, ang edukasyon ang pinakalitaw na tagumpay pangkapaligiran nitong nakalipas na mga taon. Karamihan ng mga tao ngayon ay lubhang nakababatid na ang ating lupa ay pinaghihirap at dinudumhan—at na may dapat gawin tungkol dito. Ang banta ng pagkasira ng kapaligiran ay higit at higit na lumilitaw ngayon kaysa banta ng digmaang nuklear.
Batid ng mga pinuno ng daigdig ang mga problema. Mga 118 pinuno ng estado ang dumalo sa Earth Summit noong 1992, kung kailan nagsagawa ng ilang hakbang upang pangalagaan ang atmospera at ang umuunting yaman ng lupa. Ang karamihan ng mga bansa ay lumagda sa isang kasunduan sa klima kung saan sila’y sumang-ayon na magtayo ng isang sistema para sa pag-uulat ng mga pagbabago sa mga pagbuga ng karbon, kasali na ang tunguhin na pagpapatigil sa paglalabas ng karbon sa malapit na hinaharap. Isinaalang-alang din nila ang mga paraan upang pangalagaan ang pagkasarisari ng buhay sa ating planeta, ang kabuuang bilang ng mga uri ng halaman at hayop. Hindi nagkaroon ng kasunduan tungkol sa pangangalaga sa mga kagubatan ng daigdig, subalit ang summit ay nakagawa ng dalawang dokumento—ang “Rio Declaration” at ang “Agenda 21,” na naglalaman ng mga tuntunin sa kung paano matatamo ng mga bansa ang “matatanggap na pag-unlad.”
Gaya ng sabi ng isang dalubhasa sa kapaligiran na si Allen Hammond, “ang kritikal na pagsubok ay kung baga ang mga pangakong ginawa sa Rio ay tutuparin—kung baga ang mararahas na salita ay maisasagawa sa darating na mga buwan at mga taon.”
Gayunman, isang mahalagang hakbang pasulong ang 1987 Montreal Protocol, na nagsasangkot ng isang internasyonal na kasunduan na ihinto ang produksiyon ng mga chlorofluorocarbon (mga CFC) sa loob ng itinakdang panahon.a Bakit may gayong pagkabahala? Sapagkat ang mga CFC ay sinasabing nakatutulong sa mabilis na pagkaubos ng pananggalang na ozone layer ng lupa. Ang ozone sa gawing itaas ng atmospera ng lupa ay gumaganap ng mahalagang bahagi sa pagsala sa mga ultraviolet ray ng araw, na maaaring pagmulan ng kanser sa balat at mga katarata. Ito’y problema hindi lamang sa Australia. Kamakailan, napansin ng mga siyentipiko ang 8-porsiyentong pag-unti sa dami ng ozone noong taglamig sa ibabaw ng ilang malamig na rehiyon ng Hilagang Hemispero. Dalawampung milyong toneladang CFC ang pumailanglang na sa stratosphere.
Sa harap ng kapaha-pahamak na pagpaparumi sa atmospera, isinaisang-tabi ng mga bansa sa daigdig ang kanilang mga di-pagkakasundo at kumuha ng tiyak na pagkilos. Ang iba pang internasyonal na pagkilos ay paparating na rin upang pangalagaan ang nanganganib malipol na mga uri, ingatan ang Antartica, at supilin ang kalakalan ng nakalalasong mga basura.
Maraming bansa ang gumagawa ng mga hakbang upang linisin ang kanilang mga ilog (ang salmon ay bumalik na sa Ilog Thames ng Inglatera), hadlangan ang polusyon ng hangin (ito’y bumaba ng 10 porsiyento sa mga lungsod sa Estados Unidos na may matinding usok), gamitin ang mga pinagmumulan ng enerhiya na mabuti sa kapaligiran (80 porsiyento ng mga tahanan sa Iceland ay pinaiinit sa pamamagitan ng enerhiyang geothermal), at pangalagaan ang kanilang likas na pamana (ginawa ng Costa Rica at Namibia ang halos 12 porsiyento ng kanilang kabuuang sukat ng lupa tungo sa pambansang mga parke).
Ang mga positibong palatandaan bang ito ay patotoo na dinidibdib ng sangkatauhan ang panganib? Sandali na lamang ba bago ang ating planeta ay minsan pang magkaroon ng mabuting kalusugan? Sasagutin ng sumusunod na mga artikulo ang mga tanong na ito.
[Talababa]
a Ang mga CFC ay malawakang ginamit na sa mga isprey na aerosol, sa paggawa ng repridyereytor, air-condition, mga panlinis, at sa paggawa ng insulasyon na foam. Tingnan ang Gumising! ng Disyembre 22, 1994, “Kapag Nasira ang Ating Atmospera.”