Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 6/22 p. 11-13
  • Bakit Hindi Ako Matuto?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Hindi Ako Matuto?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Hamon ng Pagbabata
  • Matutong Magtuon ng Isip
  • Pagbawas sa Pagiging Hindi Mapakali
  • Panatilihin ang Iyong Paggalang-sa-Sarili
  • Hanapin ang Katotohanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2020
  • Tulong sa mga Batang May Problema sa Pagkatuto
    Gumising!—2009
  • Paano Ko Makakayanan ang Pagkabigo?
    Gumising!—2004
  • Ano ang Masama sa Lihim na Pakikipag-date?
    Gumising!—2007
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 6/22 p. 11-13

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Hindi Ako Matuto?

“Ayaw kong umuwi ng bahay,” ang natatandaan ni Jessica, “at makaharap ang aking mga magulang. Bumagsak na naman ako sa ilang subject ko.”a Sa edad na 15, si Jessica ay matalino at maganda. Subalit gaya ng maraming kabataan, hirap na hirap siya sa pagkuha ng pasadong marka.

ANG pagiging mahina sa paaralan ay kalimitang bunga ng saloobin na kawalang interes sa edukasyon o sa guro ng isa. Subalit hindi iyan ang kalagayan para kay Jessica. Siya’y talagang hirap na hirap na makaunawa sa malalalim na idea. Likas lamang, ginawa nitong mahirap para kay Jessica na maging mahusay sa matematika. At ang suliranin niya sa pagbabasa ang nagpahirap sa kaniya na maging mahusay sa iba pang mga subject.

Sa kabilang dako, si Maria ay hindi makabaybay nang tama. Palagi niyang itinatago ang mga notang kinukuha niya sa Kristiyanong mga pulong sapagkat siya’y nahihiya sa kaniyang mga maling pagbaybay. Gayunman, si Jessica o si Maria ay hindi naman mapupurol ang ulo. Si Jessica ay mahusay sa mga tao anupat siya’y nagsisilbing isang tagapamagitan na inatasan ng paaralan, o isang tagalutas ng problema, kapag lumitaw ang mga problema sa pagitan ng kaniyang mga kaeskuwela. At kung pag-aaral ang pag-uusapan si Maria ay kabilang sa 10 nangunguna sa kaniyang klase.

Ang problema: sina Jessica at Maria ay may mga problema sa pagkatuto. Inaakala ng mga dalubhasa na mga 3 hanggang 10 porsiyento ng lahat ng bata ay maaaring may gayunding mga problema sa pagkatuto. Si Tania, na ngayo’y nasa maagang edad niya ng 20, ay pinahihirapan ng tinatawag na Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD).b Aniya: “Hirap na hirap ako sa Kristiyanong mga pulong, personal na pag-aaral, at mga panalangin dahil sa kawalang kakayahan ko na magtuon ng pansin o manatili man lamang sa upuan. Ang aking ministeryo ay naaapektuhan dahil sa patalun-talon ako sa mga paksa na gayon na lamang kabilis anupat mahihirapan ang sinuman na sumunod.”

Kapag walang kasamang hyperactivity, ang sakit ay tinatawag na Attention Deficit Disorder (ADD). Ang mga tao na may ganitong sakit ay kalimitang inilalarawan bilang mga taong nangangarap nang gising. Tungkol sa mga taong may ADD, sinabi ng neurologong si Dr. Bruce Roseman ang ganito: “Sila’y nakaupo sa harap ng isang aklat at sa loob ng 45 minuto, walang anumang nangyayari.” Sa ilang kadahilanan sila’y hirap na hirap na magtuon ng isip.

Ipinalalagay ng medikal na mga mananaliksik na naunawaan na nila kamakailan kung ano ang sanhi ng mga problemang ito. Subalit, marami pa rin ang hindi alam. At ang mga hangganan sa pagitan ng iba’t ibang sakit at mga kapansanan na humahadlang sa pagkatuto ay hindi laging maliwanag. May kinalaman sa eksaktong sanhi o pangalan na ibinibigay sa isang partikular na sakit​—ang problema man ay pagbabasa, pagtatanda, pagtutuon ng pansin, o pagiging hyperactive​—ang sakit ay maaaring makahadlang sa pagkatuto ng isang tao at maaaring magdulot ng matinding pagdurusa. Kung ikaw ay may diperensiya sa pagkatuto, paano mo ito mababata?

Ang Hamon ng Pagbabata

Kuning halimbawa si Jessica, na binanggit sa pasimula. Dahil sa determinado na madaig ang kaniyang problema sa pagbabasa, sinikap niyang basahin ang iba’t ibang aklat. Dumating ang pinakamahalagang pangyayari nang kaniyang masumpungan ang isang aklat ng mga tula na pinagbuhusan niya ng pansin. Nakakuha siya ng gayunding aklat, na nasiyahan din siyang basahin. Hindi nagtagal naging interesado siya sa isang serye ng mga aklat ng kuwento, at ang pagbabasa ay unti-unting hindi na gaanong naging problema. Ang aral na matututuhan ay na sulit ang pagtitiyaga. Maaari mo ring mapagtagumpayan ang problema sa pagkatuto o sa paano man ay maaaring makagawa ng malaking pagsulong na patungo roon sa pamamagitan ng hindi pagsuko.​—Ihambing ang Galacia 6:9.

Ano naman ang tungkol sa problema ng memorya na hindi nagtatagal? Ang isang mahalagang susi sa paglutas sa problema ay nakasalalay sa isang kasabihan: “Ang pag-uulit ang ina ng pagtatanda.” Natuklasan ni Nicky na ang pag-uulit ng kaniyang sinasabi sa kaniyang sarili ng narinig niya at nabasa ay nakatulong sa kaniya na matandaan ang mga bagay. Subukin ito. Ito’y maaari ring makatulong sa iyo. Kapansin-pansin din naman, binibigkas ng mga tao noong panahon ng Bibliya ang mga salita, kahit na kapag nagbabasa sa sarili. Kaya, ipinag-utos ni Jehova sa manunulat ng Bibliya na si Josue: “Iyong babasahin nang may pagbubulaybulay [ang Batas ng Diyos] araw at gabi.” (Josue 1:8; Awit 1:2) Bakit napakahalaga ng pagbigkas ng mga salita? Sapagkat ang paggawa ng gayon ay nagsasangkot ng dalawang pandamdam​—pakinig at paningin​—at nakatutulong sa mas malalim na pagtitimo sa isip ng bumabasa.

Para kay Jessica, ang pagkatuto sa matematika ay isa ring napakabigat na gawain. Gayunman, sinikap niyang matutuhan ang mga alituntunin sa matematika sa pamamagitan ng pag-uulit nito​—kung minsan gumugugol ng hanggang kalahating oras sa bawat alituntunin. Sa wakas, ang pagsisikap niya ay nagtagumpay. Kaya ulitin, ulitin, ulitin! Ang matalinong gawin ay magkaroon ng nakahandang papel at lapis kapag nakikinig sa klase o nagbabasa upang makakuha ka ng nota.

Mahalaga na maging dibdiban ka sa iyong sarili na matuto. Ugaliin na manatili pagkatapos ng klase at makipag-usap sa iyong mga guro. Kilalanin sila. Sabihin sa kanila na may problema ka sa pagkatuto subalit determinado kang pagtagumpayan ito. Ang karamihan sa mga guro ay handang tumulong sa iyo. Kaya hingin ang kanilang tulong. Ginawa iyan ni Jessica at tumanggap siya ng lubhang-kailangang tulong mula sa isang madamaying guro.

Matutong Magtuon ng Isip

Makatutulong din na magtakda ng isang tunguhin at isang paraan ng paggantimpala para sa iyong sarili. Ang pagtatakda ng isang espesipikong tunguhin​—gaya ng pagtapos sa isang bahagi ng isang takdang-aralin​—bago buksan ang telebisyon o magpatugtog ng paborito mong musika ay makahihimok sa iyo na magtuon ng pansin. Tiyakin na ang mga tunguhin na itinakda mo ay makatuwiran.​—Ihambing ang Filipos 4:5.

Kung minsan ang paggawa ng makabubuting mga pagbabago sa iyong kapaligiran ay makatutulong. Isinaayos ni Nicky na maupo sa harap ng klase malapit sa guro upang maibuhos niya nang husto ang kaniyang isip. Nasumpungan ni Jessica na makabubuting gawin ang takdang-aralin kasama ng isang palaaral na kaibigan. Masusumpungan mo rin na makatutulong ang basta gawing maginhawa at komportable ang iyong silid.

Pagbawas sa Pagiging Hindi Mapakali

Kung ikaw ay malamang na maging napakaaktibo, maaaring maging napakahirap ang pagkatuto. Gayunman, sinasabi ng ilang dalubhasa na ang pagiging napakaaktibo ay maaaring maibaling sa pag-eehersisyo. “Ang katibayan ay dumarami,” sabi ng U.S.News & World Report, “anupat ang kakayahan ng bawat tao na makasanayang mabuti ang bago at matandaan ang dati nang impormasyon ay napahuhusay ng biyolohikong mga pagbabago sa utak na idinudulot ng aerobic na pagkokondisyon.” Sa gayon, ang katamtamang ehersisyo​—paglangoy, pagtakbo, paglalaro ng bola, pagbibisikleta, pag-i-skating, at iba pa​—ay makabubuti kapuwa sa katawan at isip.​—1 Timoteo 4:8.

Ang gamot ay karaniwang inirereseta para sa mga problema sa pagkatuto. Diumano 70 porsiyento ng mga kabataang pinahihirapan ng ADHD na binigyan ng mga gamot na stimulant ay uminam ang pakiramdam. Kung baga tatanggapin mo ang isang gamot ay isang bagay na ikaw at ang iyong mga magulang ang makapagpapasiya pagkatapos na timbang-timbangin ang kalubhaan ng problema, ang posibleng masasamang epekto, at iba pang bagay.

Panatilihin ang Iyong Paggalang-sa-Sarili

Bagaman ang suliranin sa pagkatuto ay hindi ipinalalagay na isang problema sa emosyon, ito’y may masamang epekto sa emosyon. Ang pinagsamang palaging di-pagsang-ayon at pagpuna ng mga magulang at mga guro, mababa o pangkaraniwang mga resulta sa paaralan, at kawalan ng malalapit na kaibigan ay madaling makapagpababa ng pagpapahalaga-sa-sarili. Itinatago ng ilang kabataan ang damdaming ito sa likod ng galít at nakatatakot na hitsura.

Subalit hindi mo kailangang maiwala ang pagpapahalaga-sa-sarili dahil sa mga suliranin sa pagkatuto.c “Ang layunin ko,” sabi ng isang propesyonal na tumutulong sa mga kabataang may suliranin sa pagkatuto, “ay baguhin ang kanilang saloobin sa buhay​—mula sa ‘Napakatanga ko, at wala akong magawang tama’ . . . tungo sa ‘Pinagtatagumpayan ko ang isang problema, at mas marami akong magagawa kaysa inaakala kong magagawa ko.’ ”

Bagaman wala kang gaanong magagawa tungkol sa saloobin ng iba, maaari mong maimpluwensiyahan ang sarili mo. Iyan ang ginawa ni Jessica. Aniya: “Kapag hinahatulan ko ang aking sarili salig sa sinabi ng mga kabataan sa paaralan at sa kanilang pagbabansag, gusto kong umalis ng paaralan. Pero ngayon sinisikap kong huwag pansinin kung ano ang sinasabi nila at basta ginagawa ko ang pinakamabuting magagawa ko. Mahirap ito, at kailangang patuloy kong paalalahanan ang aking sarili, pero talagang epektibo ito.”

Si Jessica ay kailangan pang makipagpunyagi sa isa pang katotohanan. Ang kaniyang kuya ay isang estudyanteng matalino. “Dati-rati’y nakasisira iyan ng pagpapahalaga ko sa aking sarili,” sabi ni Jessica, “hanggang sa ihinto ko ang paghahambing ng aking sarili sa kaniya.” Kaya huwag mong ihahambing ang iyong sarili sa iyong mga kapatid.​—Ihambing ang Galacia 6:4.

Ang pakikipag-usap sa isang pinagtitiwalaang kaibigan ay makatutulong din upang makita ang mga bagay ayon sa tamang pangmalas. Ang isang tunay na kaibigan ay may katapatang mananatiling kasama mo habang sinisikap mong sumulong. (Kawikaan 17:17) Sa kabilang dako, ang isang hindi tunay na kaibigan ay alin sa sisira sa iyong loob o magbibigay ng maling mataas na pagtingin mo sa iyong sarili. Kaya maging maingat sa pagpili ng iyong mga kaibigan.

Kung may suliranin ka sa pagkatuto, malamang na tumatanggap ka ng higit na pagtutuwid kaysa ibang mga kabataan. Subalit huwag mong pahintulutan iyan na magbigay ng negatibong pangmalas sa iyong sarili. Malasin ang disiplina sa maka-Diyos na paraan, bilang isang bagay na napakahalaga. Tandaan, ang disiplina na iginagawad ng iyong mga magulang ay patotoo na mahal ka nila at ibig nila ang pinakamabuting bagay para sa iyo.​—Kawikaan 1:8, 9; 3:11, 12; Hebreo 12:5-9.

Hindi, hindi ka kailangang pahinain ng iyong suliranin sa pagkatuto. May magagawa ka hinggil dito at maaaring maging mabunga ang iyong buhay. Subalit mayroon pang mas mabuting dahilan para umasa. Ipinangako ng Diyos na magdadala ng isang bagong sanlibutan ng katuwiran kung saan ang kaalaman ay sasagana at kung saan ang bawat kapansanan sa isip at katawan ay maitutuwid. (Isaias 11:9; Apocalipsis 21:1-4) Kaya maging determinado na higit na matuto tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga layunin, at kumilos na kasuwato ng kaalamang iyan.​—Juan 17:3.

[Mga talababa]

a Ang ilan sa mga pangalan ay pinalitan.

b Pakisuyong tingnan ang seryeng “Pag-unawa sa mga Batang Mahirap Supilin” sa labas ng Nobyembre 22, 1994, ng Gumising! at ang artikulong “Ang Inyo Bang Anak ay May mga Suliranin sa Pagkatuto?” sa labas ng Setyembre 8, 1983.

c Tingnan ang artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Mapasusulong ang Aking Pagpapahalaga-sa-Sarili?” sa labas ng Oktubre 8, 1983, ng Gumising!

[Larawan sa pahina 13]

Maging dibdiban sa pagkatuto

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share