Tulong sa mga Batang May Problema sa Pagkatuto
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO
Hirap magbasa si Steven. Kapag nalaman niyang pababasahin siya sa klase, sasakit na ang tiyan niya.
Kahit anong turo ang gawin ng guro ni Maria, hindi pa rin siya makapagsulat nang maayos. Napakatagal bago niya matapos ang kaniyang takdang-aralin.
Paulit-ulit na binabasa ni Noah ang kaniyang takdang-aralin. Pero hindi pa rin niya ito matandaan at mababa ang kaniyang mga grade.
SINA Steven, Maria, at Noah ay may problema sa pagkatuto, at ang karamihan sa may ganitong problema ay nahihirapang magbasa. Halimbawa, ang mga batang may dyslexia ay madalas na nalilito sa mga letrang halos magkakahawig. Ang iba pang problema sa pagkatuto ay tinatawag na dysgraphia (nahihirapan sa pagsusulat) at dyscalculia (nahihirapan sa matematika). Pero ang IQ ng karamihan sa mga may ganitong problema ay matataas o katamtaman.
Iba’t iba ang sintomas na makikita sa mga batang may problema sa pagkatuto. Hindi sila kaagad natututong magsalita di-gaya ng mga kaedad nila. Nahihirapan silang makakilala ng mga salitang magkakatugma, laging nagkakamali ng bigkas, bulol pa ring magsalita, nahihirapang makakilala ng mga titik at numero, hindi makabigkas ng ilang titik ng simpleng mga salita, nalilito sa mga salitang magkakatunog, at nahihirapang sumunod sa mga instruksiyon.a
Tulong sa Iyong Anak
Ano ang puwede mong gawin kung parang may problema sa pagkatuto ang anak mo? Ipasuri muna ang bata para malaman kung may diperensiya ang kaniyang pandinig o paningin.b Hingin ang diyagnosis ng doktor. Kung talagang may problema sa pagkatuto ang anak mo, kailangan niya ang iyong emosyonal na suporta. Tandaan, hindi apektado ng problema sa pagkatuto ang talino ng bata.
Samantalahin ang anumang programang posibleng inilalaan ng eskuwelahan ng iyong anak, gaya ng pagpapa-tutor. Hilingin sa guro na tulungan ka sa ginagawa mong pagsisikap. Baka puwede niyang paupuin sa unahan ng klase ang iyong anak at bigyan ng mas mahabang panahon para tapusin ang kaniyang mga takdang-aralin. Sa panahon ng eksamen, baka puwede rin na bukod sa mga nakasulat na instruksiyon, hilingan ang guro na basahin ito sa kaniya at pasagutin siya nang berbal. Dahil karaniwan nang malilimutin at hindi organisado ang mga batang may problema sa pagkatuto, baka puwede siyang bigyan ng isa pang set ng mga aklat na magagamit niya sa bahay. Baka puwede rin siyang pagamitin ng computer na may spell-checker sa klase o kapag gumagawa ng takdang-aralin.
Maglaan ng ilang minuto araw-araw sa pagbabasa. Makabubuting pabasahin nang malakas ang batang may dyslexia para ikaw, na magulang, ay makapagbigay ng mungkahi at maituwid ang kaniyang pagbabasa. Ikaw muna ang magbasa nang malakas at sabihan siyang subaybayan ang pagbasa mo. Pagkatapos, sabay ninyo itong basahin nang malakas. Saka mo hilingin na siya naman ang magbasa. Pagamitin siya ng ruler habang nagbabasa at ng highlighter para markahan ang mahihirap na salita. Mga 15 minuto lang ang kailangan para magawa ang mga ito.
Matuturuan mo siya ng matematika sa praktikal na mga paraan, gaya ng pagsusukat ng mga sangkap sa pagluluto, paggamit ng metro sa pagkakarpintero, o pamimili. Baka makatulong ang mga graph paper at mga dayagram para hindi siya mahirapang magkuwenta. Kung nahihirapan siya sa pagsusulat, subukang gumamit ng matatabang lapis at ng mga papel na malalapad ang pagitan ng mga linya. Baka makatulong sa kaniya sa pagbaybay ng mga salita ang mga letrang de-magnet na maaari niyang ayusin.
Mayroon ding mga pamamaraang makatutulong sa mga may ADHD. Bago makipag-usap, tingnan siya sa mata. Dapat na gumawa siya ng takdang-aralin sa isang tahimik na lugar at hayaan siyang mag-break kung gusto niya. At yamang gusto niyang laging may ginagawa, bigyan siya ng mga gawain tulad ng pagwawalis.
Posibleng Magtagumpay
Tulungan mo siyang sumulong kung saan siya mahusay. Anuman ang magawa niya, gaano man ito kaliit, purihin ito at bigyan siya ng pakunsuwelo. Kapag may ipagagawa ka sa kaniya, ibigay mo ito nang unti-unti, para makita niya na may natatapos siya at nang masiyahan siya. Gumamit ng mga larawan o dayagram ng sunud-sunod na gagawin niya para matapos ang isang trabaho.
Talagang mahalaga na matutong magbasa, magsulat, at magkuwenta ang isang kabataan. Makatitiyak ka na kapag binigyan mo siya ng tamang pampasigla at alalay, ang iyong anak ay matututo—baka mas matagal nga lang at sa naiibang paraan.
[Mga talababa]
a Ang mga may problema sa pagkatuto ay kadalasan nang may Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD), na kabilang sa sintomas ang pagiging napakalikot, padalus-dalos, at hindi makapagpokus. Tingnan ang Gumising!, isyu ng Pebrero 22, 1997, pahina 5-10.
b Tatlong ulit na mas malamang na maging sobrang likot at magkaroon ng dyslexia ang mga batang lalaki kaysa sa mga batang babae.
[Kahon sa pahina 11]
HINDI NAGING HADLANG ANG PROBLEMA SA PAGKATUTO
“Kapag tinitingnan ko ang mga salita sa isang pahina, parang mga guhit lang ito na walang kahulugan. Parang ibang wika ang mga iyon. Naiintindihan ko lang iyon kapag binasa na sa akin nang malakas. Akala ng mga guro, tamad ako o walang galang, hindi nagsisikap, o hindi nakikinig. Pero hindi totoo iyon. Nakikinig ako at nagsisikap nang husto, kaya lang mahina talaga ako pagdating sa pagbabasa at pagsusulat. Hindi naman ako nahihirapan sa ibang aralin gaya ng matematika. Noong bata ako, mabilis akong matuto pagdating sa isport, sining, at anumang gawain na manu-mano, basta walang kinalaman sa pagbasa at pagsulat.
“Nang maglaon, pinili ko ang mga manu-manong gawain. Dahil dito, nagkaroon ako ng pribilehiyong magtrabaho sa limang proyekto ng pagtatayo ng mga Saksi ni Jehova sa iba’t ibang bansa. Dahil kailangan kong magsikap nang husto sa pagbabasa, natatandaan ko ang mga binabasa ko. Malaking tulong ito sa akin bilang estudyante ng Bibliya, lalo na sa aking ministeryong Kristiyano. Kaya sa halip na ituring kong hadlang ang problemang ito sa pagkatuto, itinuring ko itong pagkakataon para sumulong sa ibang bagay.”—Peter, may “dyslexia” at isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 10]
Puwedeng napakagaling ng mga bata sa pagkuha ng “mga nota sa pamamagitan ng pagdodrowing” habang matamang nakikinig