Pagdaig sa Pagkasiphayo Dahil sa “Dyslexia”
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA
“ANO ba ang numero ng telepono mo?” tanong ni Julie. Tumugon ang tumatawag. Ngunit ang numero na isinulat ni Julie ay malayo sa ibinigay na numero.
‘Pinunit ng guro ko ang larawang iginuhit ko,’ panangis ni Vanessa, na ang sabi pa, ‘Hindi ko kailanman matandaan ang sinasabi niya.’
Si David, nasa mga edad 70, ay nagpupunyaging bumasa ng simpleng mga salita na naging bihasa siya mahigit na anim na dekada ang nakalipas.
Sina Julie, Vanessa, at David ay may problema sa pagkatuto—isa na nakasisiphayo. Ito ay dyslexia. Ano ang mga sanhi ng kalagayang ito? Paano mapagtatagumpayan ng mga dyslexic (may dyslexia) ang pagkasiphayo na dulot nito?
Ano ba ang Dyslexia?
Binibigyan-katuturan ng isang diksyunaryo ang dyslexia bilang “isang problema sa kakayahang bumasa.” Bagaman madalas ituring bilang isang suliranin sa pagbabasa, maaaring higit pa ang nasasangkot sa dyslexia.a
Ang mga ugat ng salitang Ingles ay galing sa Griegong dys, na nangangahulugang “problema sa,” at lexis, “salita.” Kasama sa dyslexia ang mga problema sa mga salita o wika. Kasangkot pa nga rito ang mga problema sa paglalagay ng mga bagay sa kanilang tamang pagkakasunud-sunod, gaya ng mga araw ng sanlinggo at ang mga letra sa isang salita. Ang dyslexia, ayon kay Dr. H. T. Chasty ng Dyslexia Institute sa Britanya, “ay isang kapansanan sa pag-oorganisa na sumisira sa panandaliang memorya, pagkaunawa at mga kasanayan ng kamay.” Hindi kataka-taka na yaong may dyslexia ay nasisiphayo!
Kunin ang kaso ni David. Paanong ang dating masugid at bihasang mambabasa na ito ay nangailangan ng tulong ng kaniyang asawa upang matutong bumasang muli? Isang atake serebral ang puminsala sa isang dako sa utak ni David na nauugnay sa paggamit ng wika, at pinabagal nito nang gayong kahirap ang kaniyang pagsulong sa pagbabasa. Gayunman, hindi siya gaanong nahihirapan sa mas mahahabang salita kaysa mas maiikling salita. Bukod sa kaniyang nakuhang dyslexia dahil sa atake serebral, ang kakayahan ni David na makipag-usap at ang kaniyang matalas na isip ay hindi kailanman nagdusa. Napakasalimuot ng utak ng tao anupat kailangan pang maunawaan ng mga mananaliksik ang lahat ng nasasangkot sa pagproseso ng mga hudyat sa mga tunog at nakikita na natatanggap nito.
Sa kabilang dako naman, sina Julie at Vanessa ay nagkaroon ng dyslexia sa kanilang paglaki, na naging lalong litaw habang sila’y lumalaki. Karaniwang tinatanggap ng mga mananaliksik na ang mga bata sa gulang na pito o walo ay nagpapakita ng normal na talino subalit ang nagpapakita ng di-karaniwang suliranin sa pagkatutong bumasa, sumulat, at bumaybay ay maaaring dyslexic. Kadalasan, ang mga kabataang dyslexic ay sumusulat nang pabaligtad ng mga titik na sinisikap nilang gayahin. Isip-isipin ang pagkasiphayong nadama nina Julie at Vanessa kapag may kamaliang binabansagan sila ng mga guro sa paaralan na bobo, mahina, at tamad!
Sa Britanya, 1 tao sa 10 ang pinahihirapan ng dyslexia. Ang kabiguan sa bahagi ng iba na kilalanin ang mga problemang kanilang nakakaharap ay lalo lamang nakadaragdag sa kanilang pagkasiphayo.—Tingnan ang kahon sa pahina 14.
Ano ang mga Sanhi ng Dyslexia?
Ang mahinang paningin ay madalas na nagiging sanhi ng mga suliranin sa pagkatuto. Iwasto ang diperensiya sa paningin, at naglalaho ang dyslexia. Nasusumpungan ng maliit na porsiyento niyaong nahihirapang matutong bumasa na nakapagtutuon silang mas mabuti sa mga salita kapag naglalagay sila ng manipis na piraso ng may kulay na plastik sa ibabaw ng binabasang aklat. Nasusumpungan ito ng iba na hindi nakatutulong.
Ang iba naman, napapansin na ang kalagayan ay umiiral sa pamilya, ay nagbibigay ng isang henetikong paliwanag. Tunay, iniulat kamakailan ng magasing New Scientist ang pananaliksik na “pinauunlad ang nalalamang kaugnayan sa pagitan ng mga gene na sangkot sa autoimmune na mga sakit na gaya ng migraine at hika, at yaong may pananagutan sa dyslexia.” Sapagkat ang mga dyslexic at ang kanilang mga pamilya ay mas malamang na pahirapan ng autoimmune na mga sakit, naniniwala ang mga siyentipiko na ang mga gene para sa dyslexia ay nangyari sa genome region na kinaroroonan ng mga gene na ito ng sakit. Subalit, gaya ng binabanggit ng siyentipiko sa paggawi na si Robert Plomin, “nakilala lamang [ng mga mananaliksik] ang isang chromosomal region, hindi ang isang gene para sa kawalang-kakayahan sa pagbasa.”
Ang bahagi ng utak na kumokontrol sa tindig, pagkakatimbang, at koordinasyon ay tinatawag na cerebellum. Ang ilang siyentipiko ay nagsasabi na ito rin ay gumaganap ng isang bahagi sa ating pag-iisip at pagproseso ng wika. Kapansin-pansin, ang mga mananaliksik sa Sheffield University sa Inglatera ay nakagawa ng isang pagsubok para sa dyslexia na nagsasangkot ng pagkakatimbang at koordinasyon. Sila’y nangangatuwiran na ang mga pagkukulang sa cerebellum ay nag-uudyok sa malulusog na dako ng utak na punan ang mga pagkukulang na iyon. Karaniwang ang mga bata ay hindi nahihirapang panatilihin ang kanilang panimbang kapag sila’y hiniling na tumayong matatag, ang isang paa ay nasa unahan ng kabilang paa na ang mga kamay ay nakadipa. Subalit piringan mo sila, at ang mga batang dyslexic ay mas nangangatog, yamang sila’y umaasa ng higit sa paningin upang tulungan silang maging timbang.
Binabanggit pa ng ibang mananaliksik na ang mga utak ng mga batang dyslexic ay nagpapakita ng mga diperensiya sa anatomiya. Sa normal na kalagayan, ang hulihang bahagi ng kaliwang panig ng utak ay bahagyang mas malaki kaysa katapat na bahagi sa gawing kanan, samantalang sa utak ng isang dyslexic, ang kaliwa at kanang mga hati ay lumilitaw na magkapareho. Sinasabi pa ng iba na nasumpungan nila ang isang pagkasira sa kaayusan ng mga selula ng nerbiyo sa mga bahagi ng utak na may kaugnayan sa wika.
Subalit anuman ang pisikal na sanhi ng kanilang dyslexia, paano pinakamabuting matutulungan ang mga may problema rito?
Tulong Mula sa mga Magulang
Ang ilang magulang ng isang batang dyslexic ay nakadarama ng pagkakasala at sinisisi ang kanilang mga sarili sa kalagayan ng kanilang anak. Kung ganito ang iyong nadarama, alisin mo ang kalungkutan sa pagkilala na walang sinuman sa atin ang sakdal at tayong lahat ay magkakaiba. Magsimula sa pagkilala na kung paanong ang isang batang hindi nakakakilala ng kulay ay nangangailangan ng tulong upang makayanang mabuhay na taglay ang kaniyang depekto, nangangailangan din ng tulong ang iyong anak na dyslexic. Ikaw bilang isang magulang ay tiyak na may bahaging gagampanan sa edukasyon ng iyong anak.
Bagaman ang dyslexia sa kasalukuyan ay hindi maaaring hadlangan o gamutin, ito’y mapagagaan. Paano? Si Propesor T. R. Miles, awtor ng Understanding Dyslexia, ay nagpapayo sa mga magulang na alamin muna una sa lahat kung saan nahihirapan ang isang batang dyslexic. Saka sila makagagawa ng isang makatotohanang pagtaya sa mga limitasyon ng kanilang anak at kung ano ang maaaring asahan. “Ang bata ay dapat na hilinging gumawa hanggang makakaya niya,” payo ng Reading and the Dyslexic Child, “subalit hindi na hihigit pa riyan.” Sa pagpapakita ng simpatiya at pagpapatibay-loob, lalo na sa pag-aayos para sa naaangkop na pagtuturo, mababawasan ng mga magulang ang mga epekto ng dyslexia at, kasabay nito, nababawasan ang hirap na nadarama ng batang dyslexic.
Tulong Mula sa mga Guro
Tandaan, ang dyslexia ay isang suliranin sa pagkatuto. Kaya ang mga guro ay nangangailangang gumugol ng panahon na kasama ng mga batang dyslexic sa kanilang mga klase at magsikap na tulungan sila. Takdaan ang kabiguan ng mga bata sa pagiging makatotohanan sa kung ano ang inaasahan mo sa kanila. Tutal, ang isang batang dyslexic ay maaaring lumaking isang adulto na nasusumpungang isang problema pa rin ang pagbabasa nang malakas.
Huwag maging talunán. Bagkus, purihin ang mga bata sa anumang pagsulong na nagagawa nila—at lalo na sa lahat ng kanilang pagsisikap. At, iwasan din ang pangkalahatang papuri. Iminumungkahi ni Propesor Miles na kapag napansin ng mga guro ang ilang pagsulong, sabihin nila sa isang mag-aaral na dyslexic: “Oo, sumasang-ayon ako na ikaw ay nakagawa ng ilang pagkakamali. Subalit masasabi ko pa rin na mahusay ang nagawa mo; isa itong pagsulong kaysa noong nakaraang linggo at dahil sa iyong kapansanan, ito’y isang kasiya-siyang resulta.” Subalit kung walang pagsulong, siya’y nagpapayo na sabihing: “Oo, tila nahihirapan ka pa rin sa gayo’t ganito; tingnan natin kung magagamit natin ang ibang paraan upang tulungan ka.”
Mag-ingat sa pamimintas tungkol sa pagbabasa ng batang dyslexic. Sikaping gawing kanais-nais para sa kaniya ang mga aklat at ang pagbabasa. Paano? Maaaring imungkahi kapuwa ng mga magulang at mga guro na hawakan ng bata ang isang marker, marahil ay isang maliit na ruler, sa ilalim ng linyang binabasa niya, yamang kadalasang hinahayaan ng isang napakabagal bumasa na mabilis na maglaho ang kaniyang atensiyon. Kung bumabangon ang problema sa pagbasa ng mga titik ng salita sa maling pagkakasunud-sunod, may kabaitang itanong, “Alin ang unang titik?”
Gunigunihin kung gaano nakasisirang-loob para sa batang dyslexic na sabihang madalas ng kaniyang guro sa matematika na ang kaniyang mga sagot ay mali. Mas makabubuting bigyan siya ng madali-daling mga problema upang ang pagkasiphayong dala ng kabiguan ay nahahalinhan ng kasiyahan sa paglutas ng mga ito nang wasto.
“Ang susi para sa mga dyslexic ay,” ayon sa isang espesyalistang guro, “ang pagkatuto sa pamamagitan ng lahat ng pandamdam.” Pagsamahin ang paningin, pandinig, at pakiramdam upang tulungan ang batang bumasa at bumaybay ng mga salita nang tama. “Ang mag-aaral ay kailangang tumingin nang mabuti, makinig nang husto, magbigay-pansin sa kilos ng kaniyang mga kamay habang siya’y sumusulat, at magbigay-pansin sa buka ng kaniyang bibig habang siya’y nagsasalita,” paliwanag ni Propesor Miles. Sa paggawa nito, naitutumbas ng batang dyslexic ang nasusulat na anyo ng isang titik kapuwa sa tunog nito at mga kilos ng kamay na ginagawa niya upang isulat ito. Upang tulungan ang batang makilala ang mga titik na nakalilito sa kaniya, turuan siyang magsimulang isulat ang bawat titik sa iba’t ibang punto ng titik. “Sa tamang paraan,” mungkahi ng Reading and the Dyslexic Child, “ang bawat bata [na dyslexic] ay dapat na magkaroon ng isang oras sa isang araw na pagtuturo sa paraang isang-guro-sa-isang-mag-aaral.” Nakalulungkot nga, bihirang ipahintulot ito ng pagkakataon. Gayunman, matutulungan ng mga dyslexic ang kanilang sarili.
Sariling-Sikap
Kung ikaw ay isang dyslexic, sikapin mong gawin ang pinakamarami sa iyong pagbabasa kapag ikaw ay nasa iyong kasiglahan. Napansin ng mga mananaliksik na ang mga estudyanteng dyslexic ay nakakakuha ng mabubuting resulta kapag sila’y patuloy na nagbabasa sa loob ng mga isang oras at kalahati subalit pagkatapos niyan ang kanilang gawain ay humihina. “Ang regular subalit natatakdaang dami ng pag-aaral araw-araw ay malamang na maging mas kapaki-pakinabang kaysa sa paminsan-minsang mga araw ng masidhing pagsisikap,” sabi ng Dyslexia at College. Totoo, kakailanganin mo ng mas matagal na panahon upang bumasa at bumaybay nang mahusay. Subalit magtiyaga ka.
Gumamit ka ng nabibitbit na makinilya o, mas mabuti pa, isang word processor na may programa na tumutulong sa iyo na tingnan ang pagbaybay na iyong ipinapasok. Samahan mo ito ng pag-aaral kung paano oorganisahin at gagamitin ang impormasyon.—Tingnan ang kahon sa pahina 13.
Masiyahan sa mga aklat sa pamamagitan ng pakikinig niyaong nairekord sa mga audiocassette. Tunay, ang magasing ito at ang kasama nito, Ang Bantayan, ay regular na lumalabas ngayon sa cassette sa maraming wika, gaya ng buong Bibliya.
Kung pagkatapos basahin ang nasa kahon at inaakala mong ikaw ay isang dyslexic, huwag mong itago ang problema. Tanggapin ito, at isaalang-alang ito. Halimbawa, baka ikaw ay naghahanda para sa isang panayam sa trabaho. Tulad ng maraming tao, maaaring masumpungan mo na ang panggigipit ng kalagayan ay nagpapangyaring mahirap mong ipahayag ang iyong sarili nang malinaw at payak. Bakit hindi subuking mag-ensayo ng kunwaring mga panayam bago nito?
Ang mga problemang dulot ng dyslexia ay hindi madaling lunasan. Subalit ang utak, palibhasa’y isang kahanga-hangang sangkap, ay pinupunan ang problema. Kaya malamang na hindi magkaroon ng permanenteng kalungkutan. Sina Julie, Vanessa, at David ay pawang gumawang masikap upang madaig ang kanilang pagkasiphayo. Magagawa mo rin ang gayon. Kilalanin mo na ang iyong espesipikong problema ay hindi kailangang magpahinto sa iyo na matuto. Magtiyaga ka sa pagsisikap na bumasa, sumulat, at bumaybay nang wasto. Ang paggawa ng gayon ay tutulong sa iyo na madaig ang pagkasiphayo dahil sa dyslexia.
[Talababa]
a Ginagamit ng ilang awtoridad ang terminong “dysgraphia” upang ilarawan ang mga problema sa pagkatuto na nauugnay sa pagsulat at “dyscalculia” naman para sa may kaugnayan sa aritmetika.
[Kahon sa pahina 13]
Mga Tip Para sa Pag-oorganisa sa Sarili
Gamitin ang sumusunod:
• isang personal na notice board
• isang planner na kalendaryo
• isang in-tray
• isang personal na salansan
• isang talaarawan
• isang address book
[Kahon sa pahina 14]
Kung Paano Makikilala ang Dyslexia sa mga Bata
Kung oo ang sagot mo sa tatlo o apat na mga tanong sa ibaba para sa bawat pangkat ng edad, posibleng ang mga batang ito ay dyslexic sa isang banda.
Mga batang edad 8 o wala pa:
Huli ba sila nang matutong magsalita?
Mayroon pa ba silang partikular na problema sa pagbasa o pagbaybay? Ito ba’y nakagugulat sa iyo?
Inaakala mo bang sa mga bagay na walang kaugnayan sa pagbasa at pagbaybay, sila’y alisto at matalino?
Sila ba’y nagsusulat ng mga titik at mga bilang nang pabaligtad?
Kapag nagtutuos, sila ba’y nangangailangan ng tulong ng mga bloke, daliri, o mga marka sa papel sa loob ng mahabang panahon kaysa iba na kasinggulang nila? Nahihirapan ba sila sa pagtanda ng multiplication tables?
Nahihirapan ba silang kilalanin ang kaliwa sa kanan?
Sila ba’y di-pangkaraniwang padaskul-daskol? (Hindi lahat ng mga batang dyslexic ay padaskul-daskol.)
Mga batang edad 8 hanggang 12:
Sila ba’y di-pangkaraniwang nagkakamali sa pagbaybay? Kanila bang nakaliligtaan ang mga titik mula sa mga salita o nailalagay ba ang mga ito sa maling ayos?
Sila ba’y maliwanag na nakagagawa ng walang-ingat na mga pagkakamali sa pagbabasa?
Ang pag-unawa ba sa pagbasa ay waring mas mabagal kaysa inaasahan para sa mga batang kasinggulang niya?
Nahihirapan ba silang kumopya mula sa pisara sa paaralan?
Kapag nagbabasa nang malakas, nalalaktawan ba nila ang mga salita o isang linya, o nauulit ba nilang basahin ang isang linya? Kinayayamutan ba nila ang pagbabasa nang malakas?
Nahihirapan pa rin ba silang tandaan ang multiplication tables?
Mahina ba ang kanilang pagkilala ng direksiyon, napagpapalit ang kaliwa’t kanan?
Kulang ba sila ng pagtitiwala-sa-sarili at may mababang paggalang-sa-sarili?
[Credit Line]
—Awareness Information, inilathala ng British Dyslexia Association, at Dyslexia, sa produksiyon ng Broadcasting Support Services, Channel 4 Television, London, Inglatera.
[Larawan sa pahina 12]
Upang tulungang magtuon ng pansin, hawakan ang isang marker sa ibaba ng linyang babasahin