Hindi Naging Hadlang sa Akin ang Dyslexia
Ayon sa salaysay ni Michael Henborg
Mayroon akong problema sa pagkatuto na tinatawag na “dyslexia.” May ganito ring kondisyon ang aking tatay, nanay, at tatlong nakababatang kapatid. Dahil sa “dyslexia,” hirap akong magbasa at mag-aral sa eskuwelahan. Pero malaking tulong at pampatibay-loob ang natanggap ko, lalo na mula sa aking pamilya.
KAMING magkakapatid ay ikaapat sa henerasyon ng mga Saksi ni Jehova sa aming pamilya, at ang pagbabasa, lalo na ng Bibliya at ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, ay mahalagang bahagi ng aming buhay. Kami ng nakababata kong kapatid na si Flemming ay madalas ding kasama ni Itay sa Kristiyanong ministeryo, kaya alam na alam namin na mahalagang maging mahusay kami sa pagbasa at pagsulat.
Bata pa lang ako, binabasa ko na ang bawat isyu ng Ang Bantayan at Gumising! at inaabot ako nang hanggang 15 oras sa pagbabasa ng isang magasin! Bukod diyan, sinimulan ko ring basahin ang buong Bibliya. Nagpatala rin ako sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, na idinaraos sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Sinasanay sa paaralang ito ang mga estudyante na magbasa at magsalita nang mahusay at magbigay ng mga pahayag sa harap ng mga tagapakinig. Malaking tulong ang lahat ng paglalaang ito sa pakikipagpunyagi ko sa dyslexia. Pero hindi ko alam na mapapaharap pala ako sa marami pang hamon. Hayaan mong ipaliwanag ko.
Pag-aaral ng Ingles
Noong 1988, nang 24 na taóng gulang ako, nagsimula akong maglingkod bilang payunir, isang buong-panahong ministro ng mabuting balita. Yamang maraming dayuhan sa Denmark, gusto kong ibahagi sa kanila ang mga katotohanan sa Bibliya. Pero para maging mabisa ako sa gawaing ito, kailangan kong mag-aral ng Ingles—isang proyektong napakahirap para sa akin. Sa kabila nito, unti-unti naman akong sumulong dahil sa pagtitiyaga at pagpapa-tutor, at nang maglaon, naibabahagi ko na ang mabuting balita hinggil sa Kaharian ng Diyos sa mga dayuhang nagsasalita ng Ingles sa Copenhagen kung saan ako lumaki. Siyempre, madalas akong magkamali, pero hindi ko hinayaang makahadlang ito sa akin.
Dahil sa kaalaman ko sa Ingles, nakapaglingkod ako bilang boluntaryong manggagawa sa mga proyekto ng konstruksiyon ng mga Saksi ni Jehova sa iba’t ibang bansa. Una, ipinadala ako sa Gresya, at nang maglaon ay tumulong ako sa konstruksiyon ng tanggapan sa Madrid, Espanya.
Gusto ko pang mapalawak ang pakikibahagi ko sa gawaing pangangaral, kaya nagpatala ako sa Ministerial Training School, na inoorganisa ng mga Saksi ni Jehova. Ang paaralang ito ay naglalaan ng walong-linggong espesyal na pagsasanay sa mga binatang Kristiyano na handang tumanggap ng mga atas sa mga lugar kung saan may mas malaking pangangailangan para sa mga ministro ng mabuting balita. (Marcos 13:10) Naanyayahan akong mag-aral sa isang klase sa Sweden na idinaos sa wikang Ingles.
Nagsimula ang klase noong Setyembre 1, 1994. Gusto kong maghandang mabuti kaya mga walong buwan akong nag-aral ng Ingles apat na oras sa isang araw, at umugnay ako sa isang kongregasyong nagsasalita ng wikang Ingles. Nang magsimula na ang klase, hindi ko hinayaang makahadlang sa aking pagsulong ang problema ko sa pagkatuto. Halimbawa, kapag nagtatanong ang mga instruktor, madalas akong nagtataas ng kamay kahit na hindi ko tiyak kung ano ang mga salitang dapat gamitin. Nang magtapos ako, naatasan akong maglingkod bilang payunir sa Copenhagen. Nahirapan akong pag-aralan ang Ingles, pero may isa pang mas malaking hamon na naghihintay sa akin.
Pag-aaral ng Tamil
Noong Disyembre 1995, naatasan akong maglingkod sa isang kongregasyon na nagsasalita ng wikang Tamil sa bayan ng Herning sa Denmark. Para sa akin, isa ang Tamil sa pinakamahirap pag-aralang wika sa daigdig. Mayroon itong 31 titik, bukod pa sa mga titik na kombinasyon ng mga katinig at patinig—halos 250 ang kabuuang bilang!
Sa umpisa, nagpapahayag ako sa kongregasyon sa wikang Danes at may nagsasalin sa wikang Tamil. Nang magbigay ako ng kauna-unahan kong pahayag sa wikang Tamil, hindi ko alam kung may nakaintindi sa pahayag ko. Sa kabila nito, magalang na nakinig ang mga naroroon, bagaman marami sa kanila ang parang gusto nang matawa. Para mas mabilis akong matuto, ipinasiya kong pumunta sa isang bansa kung saan milyun-milyon ang nagsasalita ng Tamil—Sri Lanka.
Nang dumating ako sa Sri Lanka noong Oktubre 1996, nasa kasagsagan ng digmaang sibil ang bansa. Pansamantala akong tumira sa bayan ng Vavuniya na nasa pagitan ng magkalabang partido. Kapos sa materyal ang mga Saksi roon, pero nag-uumapaw naman ang kanilang pag-ibig at pagkabukas-palad, at matiyaga nila akong tinuruan ng Tamil. Humahanga naman ang mga tagaroong hindi Saksi dahil ako lamang ang kaisa-isang taga-Kanluran sa lugar na iyon pero nagsisikap akong makipag-usap sa kanila gamit ang kanilang wika. Mapagpahalaga sila at mapagpakumbaba, kaya hindi ako nahirapang makipag-usap sa kanila tungkol sa Bibliya.
Noong Enero 1997, kinailangan kong bumalik sa Denmark, at nang sumunod na taon, pinakasalan ko si Camilla, isang payunir. Gustung-gusto kong bumalik sa Sri Lanka, kaya noong Disyembre 1999, nagbalik ako, at siyempre sa pagkakataong ito ay kasama ko na ang aking asawa. Kaagad kaming nakapagdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa maraming pamilya at indibiduwal, at sinamahan namin ang mga Saksing tagaroon sa idinaraos nilang mga pag-aaral sa Bibliya. Abalang-abala kami sa ministeryo at sa pag-aaral ng wika.
Noong Marso 2000, kinailangan naming bumalik sa Denmark. Napakahirap iwan ang mga kapuwa namin Saksi at ang mga tinuturuan namin sa Bibliya dahil napamahal na sila sa amin. Pero napakarami pa naming kailangang gawin, kasali na ang hamon na mag-aral ng isa pang wika!
Pagkatapos ng Tamil, Latviano Naman
Noong Mayo 2002, kami ni Camilla na apat na taon nang kasal, ay nakatanggap ng paanyayang maglingkod bilang mga misyonero sa Latvia, isang bansa sa Europa na nasa gawing silangan ng Denmark. Mabilis na natuto ng Latviano si Camilla at kaya na niyang makipag-usap sa wikang ito makalipas lamang ang anim na linggo! Pero hindi ako kasinghusay niya. Sa katunayan kahit ngayon, pakiramdam ko’y napakabagal ng pagsulong ko sa kabila ng lahat ng tulong na natanggap ko. Pero pursigido pa rin akong matuto.a
Laging nariyan si Camilla para tumulong sa akin, at pareho kaming masaya sa aming paglilingkod bilang misyonero. Sa katunayan, marami kaming idinaraos na mga pag-aaral sa Bibliya sa mapagpahalagang mga taga-Latvia. Kapag may nakalimutan akong mga salita o mali ang pagkakabuo ko sa mga pangungusap, inuunawa ako at tinutulungan ng mga Saksi at mga estudyante ng Bibliya na tagaroon. Iyan ang nagpapalakas ng loob ko kapag nakikibahagi ako sa pangmadlang ministeryo at nagbibigay ng mga pahayag sa mga Kristiyanong pagpupulong.
Bakit ko tinanggap ang hamon na mag-aral ng ibang mga wika gayong napakahirap nito para sa akin? Sa isang salita, pag-ibig—hindi sa mga wika kundi sa mga tao. Napakalaking pribilehiyo na tumulong sa iba na makilala ang tunay na Diyos, si Jehova, at mapalapít sa kaniya. At gaya ng paulit-ulit na napatunayan ng maraming misyonero, mas magiging epektibo ang ministeryo ng isa kung makikipag-usap siya sa iba gamit ang kanilang katutubong wika, ang wika ng kanilang puso.
Sa nakalipas na mga taon, marami kaming natulungang matuto ng tumpak na kaalaman sa Bibliya. Pero alam naming mag-asawa na hindi iyon dahil sa kakayahan namin. Sa halip, pinasasalamatan namin si Jehova sa magagandang resultang nakikita namin. Nagtatanim lamang kami at nagdidilig ng mga binhi ng katotohanan sa Bibliya; ang Diyos ang nagpapalago ng mga ito.—1 Corinto 3:6.
Problemang Nakatulong Pa Nga
Bagaman problema ko ang dyslexia, naging bentaha rin naman ito sa akin. Paano? Kapag nagpapahayag ako sa kongregasyon, hindi ako masyadong dumedepende sa nakasulat na mga nota kaya mas malimit akong nakakatingin sa mga tagapakinig. Madalas din akong gumagamit ng mga ilustrasyon, na mas madaling matandaan. Kaya sa paanuman, nakatulong ang kondisyon ko para malinang ko ang aking mga kasanayan sa pagtuturo.
Sumulat ang Kristiyanong apostol na si Pablo: “Pinili ng Diyos ang mahihinang bagay ng sanlibutan, upang mailagay niya sa kahihiyan ang malalakas na bagay.” (1 Corinto 1:27) Totoong ‘mahina’ ako sa ilang bagay dahil sa aking problema sa pagkatuto. Pero gaya ng napatunayan ko at ng maraming iba pa, kayang-kayang punan ni Jehova ang ating mga kakulangan. Kailangan lamang nating magtakda ng makatuwirang mga tunguhin, maging makatuwiran sa ating mga inaasahan, humiling sa Diyos ng banal na espiritu, at subukang gawin ang mga bagay na gusto nating gawin.
[Talababa]
a Matapos maglingkod sa Latvia nang anim na taon, ang mag-asawang Henborg ay naatasan namang maglingkod sa Ghana kamakailan.
[Kahon sa pahina 22]
DYSLEXIA
Ano ang dyslexia? Ang salitang “dyslexia” ay nagmula sa salitang Griego at nangangahulugang “mahina sa mga salita.” Ang dyslexia ay isang panghabambuhay na kondisyon at isang kapansanang nauugnay sa wika, lalo na sa pagbasa. Kadalasan nang nalilito ang mga taong may dyslexia kung ano ang tunog ng mga letra. Pero ang mga sintomas nito ay nagkakaiba-iba sa bawat indibiduwal.
Ano ang sanhi ng dyslexia? Hindi pa rin matiyak kung ano ang espesipikong mga sanhi nito, pero sinasabing namamana ito. Bagaman ipinakikita ng mga pag-aaral na nauugnay ang dyslexia sa di-normal na pagdebelop at paggana ng utak, hindi nangangahulugang mahina ang isip o tamad mag-aral ang mga taong may ganitong problema. Sa katunayan, ang mga may dyslexia ay kadalasang napakagaling sa ibang mga gawain na hindi nangangailangan ng kahusayan sa wika.
Paano matutulungan ang mga may dyslexia? Mahalagang malaman agad kung may ganitong kondisyon ang isang tao. Kasali sa mabisang pagsasanay sa kasanayan sa wika ang paggamit ng iba’t ibang pandama, lalo na ang pandinig, paningin, at pandamdam. Para sumulong ayon sa kanilang kakayahan, karamihan ng mga estudyante ay nangangailangan ng isang tututok sa kanila sa pagtuturo. Baka kailangan din nila ng emosyonal na tulong para makayanan ang mga problema sa paaralan. Sa pamamagitan ng epektibong pagtuturo at puspusang pagsisikap, ang mga estudyanteng may dyslexia ay matututong bumasa at sumulat nang mahusay.b
[Talababa]
b Ang mga binanggit sa itaas ay batay sa impormasyong inilaan ng International Dyslexia Association. Tingnan din ang artikulong “Tulong sa mga Batang May Problema sa Pagkatuto,” sa isyu ng Enero 2009 ng magasing ito.
[Larawan sa pahina 23]
Kasama ang isang kapuwa Saksi sa Sri Lanka
[Larawan sa pahina 23]
Kasama si Camilla sa Latvia