Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 6/22 p. 26-27
  • Pagharap sa Isang Medikal na Kagipitan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagharap sa Isang Medikal na Kagipitan
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Kalagayang Nasasangkot ang Budhi
  • Matagumpay na Paggamot Nang Walang Dugo
  • Pakikibagay sa mga Limitasyon
  • Kapag Mahirap ang Buhay
    Gumising!—1994
  • Hindi mga Mahiko ni mga Diyos
    Gumising!—1994
  • Handa Mo Bang Harapin ang Hamon sa Pananampalataya Kapag Nagpapagamot?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1991
  • Pagkakaroon ng Mabuting Ugnayan sa Pagitan ng mga Doktor at mga Pasyenteng Saksi
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 6/22 p. 26-27

Pagharap sa Isang Medikal na Kagipitan

“TATAPATIN kita; mayroon kang malubhang tumor. Kung hindi natin aalisin ito sa lalong madaling panahon, pipinsalain nito ang iba pang mahahalagang sangkap ng katawan. Kaya iminumungkahi ko ang pagputol sa iyong paa.”

Ang mga salita ng doktor ay tumama sa akin, gaya ng sinasabi namin dito sa Peru, na parang ibinuhos na isang timba ng malamig na tubig. Ako’y 21 lamang. Isang buwan bago nito ako ay nakadama ng kirot sa aking kaliwang tuhod at ako’y ginamot dahil sa rayuma. Subalit, pagkaraan ng ilang araw, hindi na ako makatayo.

Nang panahong iyon, ako’y naglilingkod bilang isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova sa Andes sa gitnang Peru. Nang magbalik ako sa aking nayon ng Huancayo, ako’y sinamahan ng aking nanay hanggang sa lunsod ng Lima sa may tabing-dagat. Doon, noong Hulyo 22, 1994, ako’y pumasok sa pinakamahusay na ospital sa bansa para sa kanser, kung saan nalaman ko na ang aking sakit ay tinatawag na osteosarcoma.

Isang Kalagayang Nasasangkot ang Budhi

Agad na ipinaalam sa akin na ang ospital ay hindi nag-oopera nang hindi gumagamit ng dugo. Sinabi pa nga ng isang doktor: “Pipiliin ko pang ikaw ay mamatay sa bahay kaysa managot pa ako sa iyong pagkamatay.” Subalit ang lokal na Hospital Liaison Committee (HLC), isang pangkat ng mga Saksi ni Jehova na nagtataguyod ng pagtutulungan ng ospital at pasyente, ang namagitan alang-alang sa akin. Bunga nito, ang punong siruhano ng ospital ay nagpahintulot sa sinumang doktor sa kaniyang pangkat na mag-opera kung nais niyang tanggapin ang hamon. Isang doktor ang handang umopera, at ako’y agad na inihanda para sa operasyon.

Marami akong bisita bago ang operasyon. Isang pari, na may hawak na Bibliya, ang dumalaw at sinabi na ang aking karamdaman ay isang parusa mula sa Diyos. Hinimok niya akong tanggapin ang anumang paggamot na maaaring magligtas ng aking buhay. Sinabi ko sa kaniya na ako’y determinadong sumunod sa utos ng Bibliya na ‘umiwas sa dugo.’​—Gawa 15:19, 20, 28, 29.

Dumalaw rin ang mga nars at bumulong: “Kay laking kamangmangan, kay laking kamangmangan!” Dumalaw rin ang mga grupo ng mga doktor. Gusto nilang makita ang binatang tumangging pasalin ng dugo para sa isang uri ng operasyon na itinuturing nilang kinakailangan ang dugo. Subalit, ang pinakamahalagang mga pagdalaw sa akin ay yaong pagdalaw ng aking mga kapuwa Kristiyano at mga kamag-anak. Lubhang humanga ang mga nars sa maraming nakapagpapatibay-loob na mga pagdalaw na ito.

Matagumpay na Paggamot Nang Walang Dugo

Mga ilang minuto lamang bago ako patulugin, narinig ko ang isa sa mga anesthetist (nagbibigay ng pampatulog) na nagsabi: “Wala akong pananagutan sa kung anuman ang mangyari!” Subalit iginalang ng isa pang anesthetist, gayundin ng aking siruhano at ng mga direktor ng ospital, ang aking kahilingan na huwag salinan ng dugo. Ang susunod na narinig ko ay ang isang anesthetist na nagsasabing: “Samuel, gising na. Tapos na ang operasyon mo.”

Bagaman tinanggal ang buong paa ko, nakaramdam ako ng matinding kirot kung saan naroroon ito dati. Gusto kong mabawasan ang kirot sa paghimas sa aking hita, na, mangyari pa, ay wala na roon. Nararanasan ko ang kakatuwang bagay na tinatawag na guniguning kirot. Talagang nadarama ko ang kirot, at ito’y napakasakit, bagaman ang paa na wari bang pinagmumulan ng kirot ay naalis na.

Pagkatapos, ako’y iniskedyul na tumanggap ng paggamot na tinatawag na chemotherapy. Ang masamang epekto ng paggamot na ito ay ang pagkapinsala ng pula at puting mga selula ng dugo at ng mga platelet ng dugo, na mahalaga para sa pamumuo ng dugo. Ito’y nangangahulugan na dapat ipagbigay-alam sa isang bagong pangkat ng mga doktor ang tungkol sa pagtanggi kong tumanggap ng mga pagsasalin ng dugo. Muling nakipag-usap ang HLC sa mga may pananagutan dito, at ang mga doktor ay sumang-ayon na isagawa ang paggamot nang walang dugo.

Nangyari ang karaniwang masasamang epekto ng chemotherapy​—nalagas ang buhok ko at nakaranas ako ng pagkaalibadbad, pagsusuka, at panlulumo. Ipinaalam din sa akin na nariyan din ang 35-porsiyentong panganib ng pagdurugo sa utak. Hindi ko napigilang tanungin ang isa sa mga doktor kung ano kaya ang papatay sa akin​—ang kanser o ang chemotherapy.

Pagkatapos, sinabi ng mga doktor na hindi nila maibibigay ang ikalawang dosis ng chemotherapy nang hindi muna pinatataas ang aking bilang ng dugo sa pamamagitan ng isang pagsasalin ng dugo. Galít na sinabi sa akin ng isang doktor na kung magagawa niya, patutulugin niya ako at sasalinan ng dugo. Sinabi ko sa kaniya na bago ko ipahintulot na mangyari iyon, ihihinto ko na ang chemotherapy. Ang doktor ay nagpahayag ng paghanga sa aking matatag na paninindigan.

Ako’y sumang-ayon na gumamit ng gamot na erythropoietin upang tumaas ang bilang ng aking dugo. Nang ito’y isagawa, tumaas ang bilang ng aking dugo. Pagkatapos niyan, ang chemotherapy ay ibinigay sa akin sa pamamagitan ng pagturok nito sa ugat sa loob ng ilang araw. Nahihiga ako roon at nag-iisip, ‘Ito kaya ang dosis na magbibigay sa akin ng pagdurugo sa utak?’ Mabuti naman at natapos ko ang lahat ng paggagamot na iyon nang walang kapaha-pahamak na resulta.

Bago ang operasyon ko, patakaran na ng ospital na tanggihan ang mga taong hindi tatanggap ng mga pagsasalin ng dugo. Subalit nagbago ang patakarang ito. Sa katunayan, noon mismong araw ng operasyon ko ang aking siruhano ay nagsagawa ng isa pang operasyon nang hindi gumagamit ng dugo, at sa pagkakataong ito ang pasyente ay hindi isa sa mga Saksi ni Jehova! Maraming doktor ngayon sa ospital na iyon ang nakikipagtulungan sa HLC, at sila’y sumang-ayon na tanggapin ang mga pasyenteng nagnanais ng operasyong walang pagsasalin ng dugo.

Pakikibagay sa mga Limitasyon

Mula sa aking pagkabata, ako’y tinuruan sa mga daan ng Diyos. Tiyak ko na ito ang nakatulong sa akin na manghawakan sa salig-Bibliyang mga paniniwala sa medikal na kagipitang ito. Gayunman, kamakailan ako ay nababahala na hindi ako gaanong nakagagawa na gaya ng gusto kong gawin sa paglilingkod sa Diyos. Binanggit ko ang aking damdamin sa isang tiyo na isang Kristiyanong matanda. Ipinaalaala niya sa akin na kahit na si apostol Pablo ay nagkaroon ng tinatawag niyang isang ‘tinik sa kaniyang laman’ at na ito ay nakahadlang sa kaniya sa paglilingkod sa Diyos nang lubusan na gaya ng nais niyang gawin. Subalit ginawa ni Pablo ang buong makakaya niya. (2 Corinto 12:7-10) Ang mga komento ng aking tiyo ay nakatulong sa akin nang husto.

Kamakailan ako’y sinukatan ng isang artipisyal na paa. Inaasahan kong gagawin nitong posible para sa akin na mag-ukol ng mas malawak na paglilingkod sa ating Diyos, si Jehova. Ako’y nagpapasalamat na iningatan ko ang isang mabuting budhi noong ako’y nasa aking medikal na kagipitan. Ako’y nagtitiwalang kung patuloy akong magtatapat, gagantimpalaan ako ni Jehova ng isang malusog na katawan at buhay na walang-hanggan sa isang paraisong lupa, na doo’y wala nang kirot at hirap.​—Apocalipsis 21:3, 4.​—Gaya ng inilahad ni Samuel Vila Ugarte.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share