Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 6/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagpetisyon ang mga Katoliko sa Papa
  • “Leap Second” Idinagdag sa 1995
  • Mga Bata at ang Teknolohiya
  • Madaling Solusyon
  • Mahigit na 500,000 AIDS sa Estados Unidos
  • “On-line” na mga Sugapa
  • Pinauunlad ng Sinag ng Araw ang Kasiglahan
  • Isang Daigdig na Nagbabantay sa Tubig
  • Pagtulog Nang Walang Hirap
  • “TB Time Bomb”
  • Hindi Naparusahang mga Magnanakaw
  • Nagbabagong mga Pamilya sa Italya
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1998
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2005
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1996
  • Isang Bagong Depensa sa Pakikipagbaka sa Tuberkulosis
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 6/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Nagpetisyon ang mga Katoliko sa Papa

Noong dakong huli ng 1995, nag-organisa ang mga Katolikong Aleman ng isang petisyon na humihiling ng pagbabago sa simbahan, ulat ng Süddeutsche Zeitung. Ang petisyon, na nilagdaan ng 1.6 na milyon katao, ay humiling sa simbahan na pahintulutan ang mga pari na mag-asawa, pahintulutan ang kababaihan na magpari, at baguhin ang saloobin nito hinggil sa seksuwalidad at pagpigil sa pag-aanak. “Ang tao na talagang pinatutungkulan namin ay ang papa,” paliwanag ni Christian Weisner, ang pasimuno ng petisyon. Sinabi ng pahayagan na matinding tinanggihan ni Karl Lehmann, tagapangulo ng German Bishops Conference, ang petisyon, nagsasabi na ito’y maaaring humantong sa pagkakabahagi ng konserbatibo at repormistang mga Katoliko. Gayunman, naglakbay si Lehmann sa Vatican at iniharap ang mga resulta ng petisyon sa papa.

“Leap Second” Idinagdag sa 1995

Waring ang ikot ng lupa ay hindi ang pinakamaaasahang mapagkukunan ng oras. Ayon sa The New York Times, ang mga siyentipiko ay may higit na tumpak na pamamaraan upang makalkula ang oras​—ang cesium atom. Palibhasa’y ginagamit bilang pinakapulso ng orasang atomiko, ang cesium atom ay kumikilos nang eksaktong 9,192,631,770 ulit sa isang segundo. Sa bilis na ito, ipinagmamalaki ng orasang atomiko ang “pagkakamali ng halos isang segundo lamang sa loob ng 370,000 taon.” Kung ihahambing, ang ikot ng lupa ay halos isang milyong ulit na di-gaanong tumpak, na siyang dahilan kung bakit dapat na idagdag paminsan-minsan ang “leap second.” Ang isang internasyonal na lupon ng mga tagakuha ng oras ay nagpasiya na idagdag ang gayong “leap second” sa pagtatapos ng 1995. Pinangyari nito na mapagsabay “ang ikot ng ating planeta at ang takbo ng oras.” Subalit, mahirap angkinin ng mga siyentipiko ang kapurihan sa pagtuklas na ito. Sa paano man, “tinutularan ng kilos ng tulad atomikong mga tipik ng orasan, sa pagkaliit-liit na antas, ang pagkalawak-lawak na kaayusan ng sistema ng mga planeta,” sabi ng Times.

Mga Bata at ang Teknolohiya

“Parami nang paraming bata ang natututong gumamit ng computer bago pa man sila matutong bumasa at sumulat,” ulat ng The Globe and Mail ng Canada. Ang mga bata na hindi pa man nakalalakad o nakapagsasalita ay gumagamit na ng mga computer. Maging ang mga sanggol na hindi pa nakauupo sa sarili mismo nila ay tinuturuan ng mga kasanayan sa teknolohiya habang sila’y nakakandong sa kanilang mga magulang. Ang pagmamadali na matutuhan ng mga sanggol ang mga computer ay kalimitang nagmumula sa mga magulang na sabik sa kanilang mga anak na manguna sa paaralan. Karagdagan pa, ipinangangalandakan ng maraming kompanya ng software ang kanilang mga produkto bilang mga kagamitan para sa pagkatuto ng mga bata. Gayunman, pinag-aalinlanganan ng ilang magulang ang pagbibigay diin sa pakikipag-ugnayan sa mga makina sa halip na sa mga tao, sa gayong napakamurang edad. Ganito ang sabi ng isang ina: “Hindi tayo nagkakaroon ng mga ugnayan sa mga computer, o sa paano man sa palagay ko ay hindi natin dapat gawin ang gayon.”

Madaling Solusyon

Sa Hapón ang bilang ng bangkay na iniaalok para sa medikal na pananaliksik ay dumami nitong nakalipas na mga taon. Ayon sa The Daily Yomiuri, sinasabi ng Ministri ng Edukasyon na “isang bangkay ang kailangan para sa bawat dalawang estudyanteng nag-aaral ng medisina at [isa] sa bawat apat na estudyanteng nag-aaral ng pagiging dentista, na may kabuuang bilang na 4,500 bangkay na kinakailangan sa buong bansa sa isang taon.” Subalit bakit mas maraming tao ang nag-aalok ng kanilang mga bangkay kaysa aktuwal na bilang na kailangan? Ang kakulangan ng libingan at humihinang buklod ng pamilya ang kabilang sa binanggit na mga dahilan.

Mahigit na 500,000 AIDS sa Estados Unidos

Sa kauna-unahang pagkakataon, noong Oktubre 31, 1995, ang kabuuang bilang ng iniulat na kaso ng AIDS sa Estados Unidos ay lumampas sa kalahating milyong bilang, sabi ng The Journal of the American Medical Association. Sa bilang na ito, 311,381​—62 porsiyento​—ang namatay na dahil sa sakit. Ang isa pang kahindik-hindik na pangyayari ay ang patuloy na pagdami ng AIDS dahil sa heteroseksuwal na pakikipagtalik. Ipinakita ng babasahin na mula noong 1981 hanggang 1987, ang katumbasan ng mga kaso ng AIDS sa kababaihan ay 8 porsiyento lamang, subalit mula 1993 hanggang 1995, ang bilang na iyan ay tumaas tungo sa 18 porsiyento.

“On-line” na mga Sugapa

Ang paggawa ng network sa computer sa linya ng telepono ay nagparami sa bagong sakit na tinatawag na “Internet Addiction Disorder.” Ayon sa New Scientist, “ang dumaraming bilang niyaong mga nakararanas ng pagkasugapa sa computer na katumbas ng alkoholismo ay bumabaling sa mga grupong tumutulong at nagteterapi upang gamutin ang kanilang pagkahumaling.” Pinasimulan ni Dr. Ivan Goldberg, isang sikayatrista sa New York, ang Internet Addiction Support Group upang tulungan ang mga “nagpupunyaging makaalpas” sa information superhighway. Kabilang sa mga sintomas ng sakit ang “pangangailangan na gumugol ng higit at higit na oras sa Internet upang matamo ang kasiyahan, at mga guniguni o mga pangarap tungkol sa Net.” Sinasabi ng magasin na nakatanggap si Goldberg ng “mahigit na 20 pagtugon mula sa mga tao na nagsasabing sinira ng Net ang kanilang buhay.”

Pinauunlad ng Sinag ng Araw ang Kasiglahan

Ang pagpapapasok ng higit na sinag ng araw sa isang gusali ay nagbubunga ng “mas mataas ng pagiging mabunga sa trabaho” at “mas kaunting mga araw ng pagliban,” ulat ng The Wall Street Journal. Dahil sa noon pa ma’y ipinakilala ito bilang isang paraan upang makatipid ng enerhiya, ang arkitektura ng gusali na nagpapasok ng sinag ng araw sa lugar ng trabaho ay ginagantimpalaan ng malaking pakinabang dahil sa napaunlad na kasiglahan ng mga nagtatrabaho. Halimbawa, nang ang pagkalaki-laking kompanya ng aerospace ang Lockheed Corporation ay magbukas ng bagong opisina nito sa Sunnyvale, California, ang napakahusay na pagkadisenyo sa enerhiya nito “ang bumawas nang kalahati sa pangkalahatang gastusin nito sa enerhiya.” Gayunman, ang hindi inaasahan ng Lockheed ay na maiibigan ng gayon na lamang ng mga empleado ang bago nilang kapaligiran anupat “bumaba ang pagliban” ng 15 porsiyento. Ang mga bentaha ng pagpapapasok ng higit na sinag ng araw sa isang gusali ay hindi rin naman nakalampas sa pansin ng mga may maliliit na tindahan. Natuklasan ng isang nagtitinda na “totoong mas mataas” ang benta sa mga tindahan na gumagamit ng likas na liwanag kaysa artipisyal na liwanag.

Isang Daigdig na Nagbabantay sa Tubig

“Ang mga digmaan sa susunod na siglo ay magiging labanan para sa tubig,” babala ni Ismail Serageldin, pangkapaligirang pangalawang pangulo ng World Bank. Ayon kay Serageldin, 80 bansa ang nagkukulang na sa tubig na nagsasapanganib sa kalusugan at kabuhayan. Subalit ang problema ay hindi dahil sa kulang ang tubig na makukuha sa lupa. “Ang kabuuang dami ng malinis na tubig sa Lupa ay pawang lampas sa maiisip na pangangailangan ng mga tao,” sabi ng isang dalubhasa sa pag-aaral ng tubig na si Robert Ambroggi. Ang karamihan ng krisis ay dahil sa di-mabuting pangangasiwa ng tubig. Kalahati sa tubig na ginagamit sa irigasyon ay nasisipsip sa ilalim ng lupa o sumisingaw. Ang panustos na sistema ng tubig sa lunsod ay tumatagas mula 30 hanggang 50 porsiyento ng kanilang tubig, at kung minsan ay higit pa. “Dumarating na ang panahon,” sabi ng The Economist, “kapag ang tubig ay kailangang ituring na isang mahalagang pinagkukunan ng panustos, gaya ng langis, hindi libre na gaya ng hangin.”

Pagtulog Nang Walang Hirap

Ang ilang gamot para sa kirot na mabibili sa botika ay maaaring maging sanhi ng insomnia, ulat ng Tufts University Diet & Nutrition Letter. “Iyan ay sa dahilang ang ilan sa nangungunang mga klase ng pang-alis ng kirot ay nagtataglay ng napakaraming caffeine, o mas marami pa, sa isang tasa ng kape.” Ang caffeine​—di-gaanong matapang na stimulant​—ay kalimitang inilalagay sa aspirin at iba pang mga analgesic upang mapatindi ang pagiging mabisa nito. Sa katunayan, ang ilang kilalang klase ay nagtataglay ng hanggang 130 miligramo ng caffeine para sa dosis ng dalawang tableta. Iyan ay “mas mataas sa 85 miligramo na masusumpungan sa karaniwang tasa” ng kape. Kaya iminungkahi ng newsletter na suriin kung may tatak na “active ingredients” upang makita kung ito’y nagtataglay ng caffeine.

“TB Time Bomb”

Ang bagong mga uri ng tuberkulosis (TB) na lumalaban sa maraming gamot ay pumapatay ng 10,000 katao sa India bawat linggo, ulat ng pahayagang Indian Express. Ayon kay Kraig Klaudt ng World Health Organization, ang India ay “nakaupo sa isang TB time bomb.” Sa buong mundo, 1.75 bilyon katao ang impektado ng baktirya ng tuberkulosis. Sinasabi ng isang grupo ng mga dalubhasa, na nagtipun-tipon mula sa 40 bansa para sa isang kapulungan na itinaguyod ng medikal na babasahin sa Britanya na The Lancet, na ayaw mamuhunan ng salapi ang mga kompanya ng gamot upang gumawa ng bagong mga gamot na mabibili dahil sa ang napakaraming mga kaso ay nangyayari sa mas mahihirap na nagpapaunlad na mga bansa.

Hindi Naparusahang mga Magnanakaw

Ayon sa estadistika noong 1994, sa Italya “yaong mga nagnanakaw ay may 94 na porsiyentong tsansa na matakasan ito,” at “yaong nagnanakaw na may kasamang pandarahas ay 80-porsiyentong malamang na matakasan ang hustisya,” ulat ng pahayagan sa Italya na La Repubblica. Ang mga bilang ay nakuha sa ulat na tinanggap ng mga awtoridad na humahatol mula sa mga ahensiya na nagpapatupad ng batas. Kung ang maraming pagnanakaw na hindi iniuulat ay isasaalang-alang, ang porsiyento ng hindi naparurusahang mga krimen ay mas mataas pa.

Nagbabagong mga Pamilya sa Italya

Ayon sa isang surbey sa mga pamilya sa Italya, maraming taong wala pang asawa ang nagsasama at maraming mag-asawa ang naghihiwalay o nagdidiborsiyo, ulat ng La Repubblica. Taun-taon mga 18,000 pag-aasawa ang idinaraos na kung saan hindi kukulangin sa isa sa mga kabiyak ay nagpapakasal-muli. Ang bagong mga pagsasamang ito ay kalimitang lumilikha ng pinalaking mga yunit ng pamilya na naglalakip sa mga anak mula sa naunang pag-aasawa. Ang kausuhang ito, kalakip ang pagdami ng mga pamilyang may nagsosolong magulang, ay mabilis at masidhing bumabago sa kayarian ng tradisyunal na Italyanong pamilya.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share