Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 8/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • TB​—Isang “Pandaigdig na Krisis”
  • Paghuhukay sa Sodoma at Gomora
  • Ang Panganib ng Malakas na Musika
  • Paglala ng Masamang Paggawi sa Kababaihan
  • Nananalangin Pa Rin Nang Sarilinan ang Ilang Hindi Palasimba
  • Ang Ikalawang Pinakamalaking “Industriya” sa Daigdig
  • Ipinagbibiling Binyag
  • Maagang Pagiging Ina
  • Bumababa ang mga Pamantayan sa TV
  • Pinag-aalinlanganan ng Obispo ang Karunungan sa Bibliya
  • Tagumpay at Trahedya
    Gumising!—1997
  • Isang Bagong Depensa sa Pakikipagbaka sa Tuberkulosis
    Gumising!—1999
  • Sumalakay Na Naman ang Tuberkulosis!
    Gumising!—1996
  • Isang Nakamamatay na Pagsasanib
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 8/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

TB​—Isang “Pandaigdig na Krisis”

Taun-taon ang tuberkulosis (TB) ay pumapatay ng mas maraming adulto kaysa napapatay ng AIDS, malarya, at mga sakit na tropikal, sabi ng World Health Organization (WHO). Sa bawat segundo, may isang tao sa ibang lugar ang nahahawahan ng TB. Ang baktirya ng TB ay maililipat sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahin. Inaasahan ng WHO na sa susunod na sampung taon, 300 milyon katao ang mahahawahan ng TB at 30 milyon ang mamamatay dahil dito. Masahol pa, nanganganib na ang paglitaw ng mga uri ng TB na lumalaban sa gamot ay hindi na magagamot. Ayon sa WHO, “tanging 5-10% katao na nahawahan ng TB ang talagang nagkasakit o nakahahawa mismo, sapagkat ‘napapaderan’ ng sistema ng imyunidad ang mga organismo ng TB.” Gayunman, ang paglaganap ay napakalubha anupat ipinahayag ito ng WHO bilang isang “pandaigdig na krisis”​—ang kauna-unahang pagpapahayag ng WHO sa kasaysayan.

Paghuhukay sa Sodoma at Gomora

Sinasabi ng mga arkeologong Sweko na natuklasan nila ang sinaunang Sodoma at Gomora. Sa pakikipagtulungan ng Amman Department of Antiquities, isinagawa ng mga siyentipiko ang kanilang pagtuklas sa El Lisan, gawing silangan ng Dagat na Patay, sa Jordan. Ipinaliliwanag ng pahayagang Sweko na Östgöta-Correspondenten na ang pagkatuklas sa mga labí ng mga gusali na nasira mga 1,900 taon bago ni Kristo ay kamangha-mangha. Kumbinsido ang mga arkeologo na kanilang natuklasan ang Sodoma at Gomora. Pagkatapos na analisahin ang mga palayok, pader, mga libingan, at pingkian, ang konklusyon nila ay nawasak ang mga lunsod dahil sa likas na kasakunaan. Gayunman, ipinakikita ng Bibliya na ang Diyos mismo ang nagwasak nito dahil sa labis na imoralidad sa mga lunsod na ito.

Ang Panganib ng Malakas na Musika

Ang mga konsiyertong rock ay maaaring maging sanhi ng permanenteng pagkabingi, ulat ng magasing New Scientist. Pinag-aralan ng Pranses na espesyalista sa pandinig na si Christian Meyer-Bisch ang 1,364 na katao sa pagitan ng mga edad na 14 at 40 at natuklasan niya na ang malaking porsiyento ng karaniwang mahihilig sa konsiyerto ay nakararanas ng pansamantalang pagkabingi. Nagbabala si Meyer-Bisch na dahil sa kausuhan ng mga konsiyertong rock, ang nakapipinsalang mga epekto nito ay “hindi na indibiduwal na problema kundi problema sa kalusugan ng maraming tao.”

Paglala ng Masamang Paggawi sa Kababaihan

• Iniuulat ng Sunday Mail sa Brisbane na dumarami ang bilang ng modernong mga kabataang babae sa Australia na nagsasalita nang malaswa. Ganito ang paliwanag ni Propesor Max Brandle, direktor ng Australian Institute of Modern Languages: “Masusumpungan mo na ang mga babae sa ngayon ay umiinom nang higit, nagsisigarilyo nang higit kaysa noon kung ihahambing sa kalalakihan. Sila rin ay higit na nagsasalita nang malaswa. Nakalulungkot naman, ang isang resulta nito ay na bumaba ang ilan sa tradisyunal na paggalang sa pagitan ng mga lalaki at babae. Kapag ang kapuwa lalaki at babae ay nagsasalita nang malalaswa, ang romantikong espiritu ng panahong lumipas ay mabilis na naglalaho. Ang romantikong wika na ginamit ng naunang henerasyon ay wala nang puwang sa lipunan sa kasalukuyan. Nasumpungan ko na ang mahalay na pananalita ay lubhang karaniwan sa gitna ng mga kabataan sa ngayon.”

• Sa Brazil ang bilang ng isinagawang krimen ng kababaihan ay nadoble noong 1995. Ayon sa opisyal ng pulisya na si Francisco Basile, mas maraming babae ang nasasangkot sa mga pagsalakay, pagnanakaw, at maging sa pagbebenta ng droga, ulat ng pahayagang O Estado de S. Paulo. Maraming babae ang nagpapasimula sa kanilang masamang pamumuhay sa pamamagitan ng paghitit ng crack sa mga parti kung saan namimigay ang mga nagbebenta ng droga ng crack. Hindi lamang natututong dumepende sa droga ang kababaihan kundi malimit na nagiging mga tagabenta mismo ng droga. Ayon sa pahayagan, ang pinuno ng pulisya na si Antônio Vilela ay nagpapaliwanag: “Nakapagtataka kung paano dumami ang bilang ng mga babaing nagbebenta ng droga . . . , at walang espesipikong grupo ng edad.” Marami ang kabataang babae na nasa edad na 20, subalit ang iba ay nasa kanilang edad na 50.

Nananalangin Pa Rin Nang Sarilinan ang Ilang Hindi Palasimba

Ayon sa The Sydney Morning Herald, ang Australia ay karaniwang itinuturing na di-relihiyosong lipunan na may bumababang bilang ng nagsisimba taun-taon hanggang sa pinakamababang rekord. Gayunman, isiniwalat ng kamakailang pagsusuri na ilang Australiano ang nananalangin pa rin nang regular. Ipinakikita ng surbey na 1 sa 5 adulto ang nananalangin sa paano man minsan sa isang araw at, isa pa, na 11 porsiyento ang nananalangin sa paano man minsan sa isang linggo. Sa ulat nito tungkol sa relihiyon sa mga taon ng 1990, ipinaliliwanag ng Christian Research Association na samantalang nakababahala ang pagbaba ng bilang ng mga nagsisimba, “maraming tao ang may patuloy na espirituwal na pagpapahalaga sa kanilang mga buhay,” sabi ng The Herald.

Ang Ikalawang Pinakamalaking “Industriya” sa Daigdig

Palibhasa’y may taunang kita na mahigit na $400 bilyon (U.S.), ang ipinagbabawal na pagbebenta ng droga ay umuunlad, sabi ng World Health, ang magasin ng World Health Organization. Ito ang nagpapangyari rito na maging ang pinakamabilis na lumaking “industriya” sa daigdig. Ito rin ang ikalawa sa pinakamalaking industriya​—pangalawa sa negosyo ng armas subalit nilampasan ang industriya ng langis. Sa nakalipas na 30 taon, ang madaling pagkuha ng ipinagbabawal na mga droga ay dumami ng anim na beses. Ang pag-abuso sa legal na mga elemento, gaya ng mga solvent, inireresetang mga gamot, at alkohol, ay nadaragdagan din naman.

Ipinagbibiling Binyag

Sa loob ng mahigit na 300 taon, ang Swedish Lutheran Church ay nagtatamasa ng mabuting kaugnayan sa pamahalaan. Gayunman, ipinahayag kamakailan ng mga opisyal ng simbahan na sa pagsapit ng Enero 1, 2000, ang ugnayang ito ng Simbahan-Estado ay talagang mapuputol na. Sa loob ng mga dantaon ang lahat ng taga-Sweden ay kusang napasasanib sa simbahan sa mismong pagsilang. Gayunman, sapol nang pasimula ng 1996, ang pagiging miyembro sa simbahan ay nakasalig sa bautismo. Iniulat ng pahayagang Dagens Industri na ipinahayag ng arsobispo ang isang mahigpit na programa sa marketing, kung saan kasali ang pagdalaw sa tahanan ng mga klerigo, ang ‘pagbibili ng binyag.’ Isang babaing klero sa Stockholm ang iniulat na nagsasagawa ng “isang masigasig na kampanya sa pagbebenta” kung saan ang “isa sa pinakamahusay niyang itinataguyod ay ang binyag.” Iniuulat ng magasing Må Bra na isang parokya ang magbibigay sa bawat sanggol na dinadala para pabautismuhan ng isang libreta de bangko na may depositong 100 Swekong perang kronor ($15, U.S.).

Maagang Pagiging Ina

Sa Brazil noong 1994, ayon sa Brazilian Institute of Geography and Statistics, 11,457 batang babae na wala pang 15 ang edad ay nagsilang. Ang gayong maagang pagiging ina ay tumaas ng 391 porsiyento noong nakalipas na 18 taon, samantalang ang dami ng populasyon ay tumaas lamang ng 42.5 porsiyento sa panahon ding iyon. Ang dami ng mga batang babae sa pagitan ng 15 at 19 na taóng gulang na nagsilang ay tumaas ng 60 porsiyento. Ipinaliliwanag ni Dr. Ricardo Rego Barros ng Federal University ng Rio de Janeiro na ang “maagang seksuwalidad ay inuudyukan ng kapaligiran, telebisyon, mga aklat, at mga magasin,” sabi ng magasing Veja. Isa pang dalubhasa ang nagkomento na ang mga magulang at mga paaralan ay nahihirapan pa rin na magturo sa mga bata hinggil sa bagay na ito.

Bumababa ang mga Pamantayan sa TV

Ang mga manonood sa telebisyon ay higit na nahihilig sa sekso at paghuhubad na nakikita sa TV kaysa noong nakaraang sampung taon, ulat ng pahayagang Independent sa London. Ayon sa isang surbey para sa British Broadcasting Corporation, dumami ang hindi na tumututol na mga babae na nasa kalagitnaang edad hinggil sa sekso at paghuhubad sa TV. Halos 41 porsiyento ng mas may edad na mga babae ang sa ngayo’y hindi na tumatanggi sa uring ito ng programa sa TV. Sa gitna ng mga kabataan, halos 75 porsiyento ang hindi tumututol sa malalaswang pananalita kung ihahambing sa 69 na porsiyento sa nakaraang sampung taon. Ang pinakamalaking pagbabago sa saloobin ay hinggil sa homoseksuwalidad. Apatnapung porsiyento ng kababaihan na mahigit 55 taong gulang, 56 porsiyento ng kalalakihan na nasa edad na 35 hanggang 55, at 70 porsiyento ng kabinataan na 18 hanggang 34 taóng gulang sa ngayon ay hindi na nahahalayan sa ipinakikitang homoseksuwal na istilo ng buhay sa telebisyon​—20-porsiyentong pagtaas sa nakalipas na sampung taon.

Pinag-aalinlanganan ng Obispo ang Karunungan sa Bibliya

Nagsalita sa isang seminar sa India tungkol sa “Mga Batas na Umuugit sa Pag-aasawa at Diborsiyo sa Gitna ng mga Kristiyano,” sinabi ng Nestorianong obispo na si Poulose Mar Poulose na hindi maaaring bumaling ang sinuman sa Bibliya bilang isang kodigo sa etika. Gaya ng iniulat sa Indian Express, sinabi niya na ang paggigiit na hindi mababago ang turo ng Bibliya tungkol sa diborsiyo ay isang pagkakait ng pag-unlad na nagawa ng makabagong tao sa kaniyang pag-unawa tungkol sa relasyon ng mag-asawa. Ayon sa Express, sinipi ng obispo ang isang iskolar na Hindu na nagsasabing ang bawat kasulatan ay may dalawang panig, isa na pansamantala at naglalaho, na kabilang sa mga idea ng mga tao ng panahon at bansa kung saan ang mga ito’y naisulat, at ang isa naman ay namamalagi at hindi nawawala at kapit sa lahat ng gulang at mga bansa. “Sa Bibliya,” sabi ng obispo, “kailangan nating makilala ang pinakaubod mula sa balat lamang. Dapat nating matiyak ang namamalaging katotohanan at mga kultural na pagtatangi . . . at magpasiya para sa patutunguhan ng atin mismong buhay.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share