Tagumpay at Trahedya
“Ang kasaysayan ng tuberkulosis sa nakalipas na 30 taon ay isang kuwento ng tagumpay at trahedya—ang tagumpay ng mga siyentipiko na nagbigay ng mga paraan upang masugpo at sa wakas ay malipol ang sakit, at ang trahedya ng malaganap na kabiguan na magamit ang kanilang mga tuklas.”—J. R. Bignall, 1982.
ANG tuberkulosis (TB) ay pumapatay na sa loob ng mahabang panahon. Pinahirapan nito ang mga Inca ng Peru bago pa naglayag ang mga Europeo tungo sa Timog Amerika. Sinalakay nito ang mga Ehipsiyo noong panahong nagpuno ang mga paraon nang may karingalan. Ipinakita ng mga akda noon na ang TB ay lumaganap kapuwa sa kilala at di-kilalang tao sa sinaunang Babilonya, Gresya, at Tsina.
Mula noong ika-18 siglo hanggang noong mga unang taon ng ika-20 siglo, ang TB ang pangunahing sanhi ng kamatayan sa Kanluraning daigdig. Sa wakas, noong 1882, opisyal na ipinahayag ng Alemang doktor na si Robert Koch ang natuklasan niyang baktiryang siyang pinagmumulan ng sakit. Pagkaraan ng labintatlong taon ay natuklasan ni Wilhelm Röntgen ang mga X ray, anupat ginagawang posible na masuri ang mga baga ng mga taong buháy para sa mga palatandaan ng mga tama sa baga. Pagkatapos, noong 1921, ang mga siyentipikong Pranses ay gumawa ng isang bakuna laban sa TB. Ipinangalan sa mga siyentipikong nakatuklas nito, ang BCG (Bacillus Calmette-Guérin) ay nananatiling ang tanging makukuhang bakuna laban sa sakit. Sa kabila nito, ang TB ay patuloy na kumikitil ng napakaraming buhay.
Sa Wakas, Isang Lunas!
Ipinadala ng mga manggagamot ang mga pasyenteng may TB sa mga sanatorium. Ang mga ospital na ito ay kadalasang nasa mga kabundukan, kung saan ang mga pasyente ay makapamamahinga at makalalanghap ng sariwang hangin. Pagkatapos, noong 1944, natuklasan ng mga doktor sa Estados Unidos ang streptomycin, ang unang antibiotic na natuklasang mabisa laban sa TB. Mabilis na sumunod ang paggawa ng iba pang gamot na panlaban sa TB. Sa wakas, maaari nang gamutin ang mga pasyenteng may TB, kahit na sa kanilang sariling mga tahanan.
Habang bumababa ang bilang ng mga nahahawa, ang kinabukasan ay napuno ng pag-asa. Nagsara ang mga sanatorium, at naubos ang mga pondo para sa pananaliksik sa TB. Ang mga programa para sa paghadlang ay tinalikdan, at ang mga siyentipiko’t doktor ay humanap ng bagong mga hamon sa medisina.
Bagaman ang TB ay kumikitil pa rin ng maraming buhay sa nagpapaunlad na mga bansa, tiyak na bubuti ang mga bagay-bagay. Lipas na ang TB. Iyan ang akala ng mga tao, subalit mali sila.
Isang Nakamamatay na Pagbabalik
Noong kalagitnaan ng mga taon ng 1980, ang TB ay gumawa ng nakapanghihilakbot at nakamamatay na pagbabalik. Pagkatapos, noong Abril 1993, ipinahayag ng World Health Organization (WHO) ang TB na “isang pangglobong kagipitan,” at sinabi pang “ang sakit ay kikitil ng mahigit na 30 milyong buhay sa susunod na dekada malibang magsagawa ng kagyat na pagkilos upang sugpuin ang pagkalat nito.” Ito ang unang pagpapahayag ng ganitong uri sa kasaysayan ng WHO.
Mula noon, walang “kagyat na pagkilos” ang pumigil sa pagkalat ng sakit. Sa katunayan, ang kalagayan ay lumala pa. Kamakailan, ang WHO ay nag-ulat na mas maraming tao ang namatay sa TB noong 1995 kaysa anumang taon sa kasaysayan. Nagbabala rin ang WHO na hanggang kalahating bilyong tao ang maaaring magkasakit ng TB sa susunod na 50 taon. Parami nang parami, ang mga tao ay magiging biktima ng uri ng TB na kadalasa’y hindi na gumagaling at hindi na tinatablan ng ilang uri ng gamot.
Bakit ang Nakamamatay na Pagbabalik?
Ang isang dahilan ay na noong nakalipas na 20 taon, ang mga programa sa pagsugpo ng TB ay humina na o naglaho na sa maraming bahagi ng daigdig. Humantong ito sa mga pag-antala sa pagsusuri at paggamot sa mga maysakit. Iyan naman ay nagbunga ng higit na kamatayan at ng pagkalat ng sakit.
Ang isa pang dahilan sa muling paglitaw ng TB ay ang dumaraming mahihirap at mga taong kulang ng wastong pagkain na nakatira sa siksikang mga lunsod, lalo na sa malalaking lunsod ng nagpapaunlad na mga bansa. Bagaman ang TB ay hindi lamang para sa mahihirap na tao—sinuman ay maaaring magkaroon ng TB—ang marumi at siksikang mga kalagayan ng pamumuhay ay nagpapangyaring mas madaling ipasa ang impeksiyon sa mga tao. Pinatataas din nito ang mga tsansa na ang sistema ng imyunidad ng tao ay maging napakahina upang labanan ang sakit.
HIV at TB—Dobleng Problema
Ang isang malaking problema ay na ang TB ay nakisama pa sa nakamamatay na HIV, ang virus ng AIDS. Sa tinatayang isang milyong tao na namatay sa mga sanhing nauugnay sa AIDS noong 1995, marahil isang-katlo ay namatay dahil sa TB. Ito’y dahilan sa pinahihina ng HIV ang kakayahan ng katawan na labanan ang TB.
Sa karamihan ng tao ang impeksiyon ng TB ay hindi humantong sa pagkakasakit. Bakit? Sapagkat ang baktirya ng TB ay nakakulong sa loob ng mga selula na tinatawag na mga macrophage. Doon, ang mga ito’y nakakulong dahil sa sistema ng imyunidad ng tao, lalo na sa mga T lymphocyte, o mga selulang T.
Ang baktirya ng TB ay parang mga kobra na nasa loob ng mga basket na may mahihigpit na takip. Ang mga basket ang mga macrophage, at ang mga takip ay ang mga selulang T. Gayunman, nang dumating ang virus ng AIDS sa eksena, sinipa nito ang mga takip ng basket. Kapag nangyari iyan, ang baktirya ay lumalabas at malayang sumisira sa anumang bahagi ng katawan.
Kaya nga, ang mga pasyenteng may AIDS ay malamang na magkaroon ng aktibong TB kaysa sa mga taong may malulusog na sistema ng imyunidad. “Ang mga taong may HIV ay mas madaling tablan,” sabi ng isang espesyalista sa TB sa Scotland. “Dalawang pasyenteng may HIV sa isang klinika sa London ang nahawa ng sakit pagkatapos na idaan sa harap nila ang isang pasyenteng may TB na sakay ng itinutulak na higaan habang sila’y nakaupo sa isang pasilyo.”
Kaya nga, pinarami ng AIDS ang epidemya ng TB. Ayon sa isang pagtantiya, sa taóng 2000, ang epidemya ng AIDS ay magbubunga ng 1.4 milyong kaso ng TB na hindi sana dapat mangyari. Ang isang mahalagang salik sa pagdami ng TB ay hindi lamang dahil sa ang mga biktima ng AIDS ay mas madaling tablan ng sakit kundi dahil sa maaari rin nilang ipasa sa ibang tao ang TB, pati na sa mga walang AIDS.
TB na Hindi Tinatablan ng Maraming Gamot
Ang isang huling salik na mas nagpapahirap sa paglaban sa TB ay ang paglitaw ng mga uri ng TB na hindi tinatablan ng gamot. Ang mas matinding mga uring ito ay nagbabantang maging dahilan upang hindi na naman magamot ang sakit na ito, gaya noong panahong wala pang mga antibiotic.
Balintuna nga, ang walang-saysay na pagbibigay ng mga gamot na panlaban sa TB ang pangunahing dahilan ng TB na hindi tinatablan ng maraming gamot. Ang mabisang paggamot sa TB ay tumatagal ng di-kukulangin sa anim na buwan at kailangang ang pasyente ay uminom ng apat na gamot nang palagian. Ang pasyente ay maaaring kailanganing uminom ng hanggang isang dosenang pildoras isang araw. Kung hindi regular na iinumin ng pasyente ang mga gamot o hindi kukumpletohin ang paggamot, magkakaroon ng mga uri ng TB na mahirap o imposibleng patayin. Ang ilang uri ay hindi tinatablan ng umaabot sa pitong malawakang ginagamit na mga gamot sa TB.
Ang paggamot sa mga pasyenteng may TB na hindi tinatablan ng maraming gamot ay hindi lamang mahirap, ito’y magastos din naman. Ang gastos ay maaaring umabot nang halos 100 ulit na higit kaysa sa halaga ng paggamot sa iba pang pasyenteng may TB. Halimbawa, sa Estados Unidos, ang nagagastos sa gamot ng isang may ganitong kaso ay maaaring humigit pa sa $250,000!
Tinataya ng WHO na halos 100 milyon katao sa buong daigdig ang maaaring nahawahan ng mga uri ng TB na hindi tinatablan ng gamot, anupat ang ilan ay hindi na mapagagaling ng anumang kilalang gamot na panlaban sa TB. Ang nakamamatay na mga uring ito ay nakahahawa rin na gaya ng mas pangkaraniwang uri ng TB.
Pag-iingat at Lunas
Ano ba ang ginagawa upang masugpo ang pangglobong kagipitang ito? Ang pinakamainam na paraan upang masugpo ang sakit ay ang matuklasan at magamot ang nakahahawang pasyente habang maaga pa. Ito’y nakatutulong hindi lamang sa mga may sakit na kundi pinahihinto rin ang pagkalat ng sakit sa iba.
Kapag ang TB ay hindi ginamot, pinapatay nito ang mahigit sa kalahati ng mga biktima nito. Gayunman, kung wastong gagamutin, ang halos lahat ng kaso ng TB ay gumagaling kung hindi ito dulot ng isang uri na hindi tinatablan ng ilang mga gamot.
Gaya ng nakita natin, ang mabisang paggamot ay humihiling na kumpletohin ng mga pasyente ang buong dosis ng paggagamot. Kadalasan, hindi nila ginagawa ito. Bakit hindi? Buweno, ang ubo, lagnat, at iba pang sintomas ay karaniwang nawawala makalipas ang ilang linggo ng paggamot. Kaya, maraming pasyente ang nag-aakala na sila’y gumaling na at sa gayo’y humihinto na sa pag-inom ng mga gamot.
Upang malutas ang problemang ito, ang WHO ay nagtataguyod ng isang programang tinatawag na DOTS, na ang ibig sabihi’y “directly observed treatment, short-course.” Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan, ang mga kawaning pangkalusugan ay nagbabantay upang tiyakin na iniinom ng kanilang mga pasyente ang bawat dosis ng gamot, hangga’t maaari’y sa unang dalawang buwan ng paggamot. Subalit, hindi ito laging madaling gawin sapagkat marami sa mga may TB ang nakatira sa lugar na malayo sa karamihan. Yamang ang kanilang buhay ay kadalasang puno ng ligalig at mga problema—ang ilan ay wala pa ngang tirahan—ang hamon na regular na tiyaking iniinom nila ang kanilang mga gamot ay maaaring maging napakalaki.
Kaya may anumang pag-asa pa bang sa wakas ay madaraig din ang salot na ito sa sangkatauhan?
[Kahon sa pahina 5]
Mahalagang Impormasyon Tungkol sa TB
Paglalarawan: Ang TB ay isang sakit na karaniwang umaatake at sumisira sa mga baga, subalit ito’y maaaring kumalat sa iba pang bahagi ng katawan, lalo na sa utak, sa mga bato, at sa mga buto.
Mga Sintomas: Ang TB sa baga ay maaaring pagmulan ng ubo, pangangayayat at pagkawala ng gana, matinding pamamawis sa gabi, panghihina, pangangapos ng hininga, at pananakit ng dibdib.
Kung paano sinusuri: Maaaring ipakita ng isang tuberculin skin test kung ang isang tao’y nagkaroon ng baktiryang ito. Maaaring isiwalat ng isang X ray sa dibdib ang pinsala sa mga baga, na maaaring magpahiwatig ng isang aktibong impeksiyon ng TB. Ang pagsusuri sa laboratoryo sa dura ng pasyente ang pinakamaaasahang paraan upang matuklasan ang mga baktirya ng TB.
Sino ang dapat suriin: Yaong may mga sintomas ng TB o yaong may malapit at paulit-ulit na pagkalantad sa isang pasyenteng may TB—lalo na sa mga silid na walang gaanong bentilasyon.
Bakuna: Mayroon lang isang bakuna—kilala bilang BCG. Hinahadlangan nito ang matinding TB sa mga bata subalit walang gaanong epekto sa mga nagbibinata’t nagdadalaga at sa mga nasa hustong gulang na. Sa pinakamainam, ang bakuna ay nagbibigay-proteksiyon sa loob ng mga 15 taon. Pinangangalagaan lamang ng BCG yaong mga wala pang TB; subalit hindi nakikinabang dito ang mga taong nahawahan na.
[Kahon sa pahina 6]
TB at ang Kausuhan
Kakatwa mang isipin, noong ika-19 na siglo, ang TB ay binibigyang-dangal, yamang naniniwala ang mga tao na ang mga sintomas ng sakit ay nakadaragdag sa sensitibo at artistikong mga disposisyon.
Ang mandudula at nobelistang Pranses na si Alexandre Dumas ay sumulat tungkol sa unang mga taon ng dekada ng 1820 sa kaniyang Mémoires: “Isang kausuhan na dumanas ng mga karamdaman sa dibdib; ang lahat ay apektado nito, lalo na ang mga makata; itinuturing na kausuhang mamatay bago sumapit sa gulang na tatlumpu.”
Ang makatang Ingles na si Lord Byron ay iniulat na nagsabi: “Gugustuhin kong mamatay dahil sa pagkatisiko [TB] . . . sapagkat sasabihin ng lahat ng mga babae, ‘Tingnan ninyo ang kawawang si Byron, kawili-wiling tingnan ang unti-unti niyang pagkamatay!’ ”
Ang Amerikanong manunulat na si Henry David Thoreau, na malamang na namatay dahil sa TB, ay sumulat: “Ang pagkabulok at ang sakit ay kadalasang maganda, tulad . . . ng nakapapagod na ningning ng pagkatisiko.”
Sa pagkokomento tungkol sa pagkahalinang ito sa TB, ganito ang sabi ng isang artikulo sa The Journal of the American Medical Association: “Ang balintunang pagkagiliw na ito sa sakit ang laganap na kinahiligan bilang kausuhan; sinikap ng mga babaing magtinging maputla at mahina, maputing makeup ang ginamit, at mas gusto nila ang maninipis at muslin na damit—katulad ng epektong hinahangad ng payat na payat na mga modelo sa ngayon.”
[Kahon sa pahina 7]
Madali Bang Magkaroon ng TB?
“Wala kang mapagtataguan mula sa baktirya ng tuberkulosis,” ang babala ni Dr. Arata Kochi, patnugot ng WHO Global Programme. “Ang sinuman ay maaaring magkaroon ng TB sa paglanghap lamang ng mikrobyo ng TB na iniubo at ibinahin sa hangin. Ang mga mikrobyong ito ay maaaring manatili sa hangin sa loob ng maraming oras; mga taon pa nga. Nanganganib tayong lahat.”
Subalit, bago magkasakit ng TB ang isang tao, kailangang mangyari muna ang dalawang bagay. Una, siya ay dapat na nahawahan ng baktirya ng TB. Ikalawa, ang impeksiyon ay dapat na humantong sa pagiging isang sakit.
Bagaman posibleng mahawa sa pamamagitan ng maikling pakikisama sa isa na lubhang nakahahawang tao, ang TB ay mas malamang na kumalat sa pamamagitan ng paulit-ulit na pakikisalamuha, gaya ng nangyayari sa mga miyembro ng pamilya na nakatira sa siksikang mga kalagayan.
Ang baktiryang nalanghap ng isang tao na naging impektado ay dumarami sa baga. Gayunman, napahihinto ng sistema ng imyunidad ang pagkalat ng impeksiyon sa 9 sa 10 tao, at ang taong nahawahan ay hindi nagkakasakit. Subalit, kung minsan, ang natutulog na baktirya ay maaaring mapakilos kung ang sistema ng imyunidad ay lubhang manghina dahil sa HIV, diyabetis, chemotherapy na mga paggamot sa kanser, o iba pang dahilan.
[Picture Credit Line sa pahina 4]
New Jersey Medical School—National Tuberculosis Center
[Larawan sa pahina 7]
Ang baktirya ng TB ay maaaring pakawalan ng mga virus ng AIDS na gaya ng mga kobrang pinakawalan mula sa mga basket