Isang Nakamamatay na Pagsasanib
NOONG 1959, hinulaan ng mga manggagawa sa pangkalusugan sa Estados Unidos na ang tuberkulosis (TB) ay malapit nang malipol. Totoo naman, nang sumunod na mga taon mabilis na umunti ang sakit anupat inakala ng marami na ito’y nasawata na. Subalit nagbalik ang TB, at kasama ang isang nakamamatay na kaanib—ang HIV, ang virus na nagpapahina ng sistema ng imyunidad at kadalasang humahantong sa AIDS.
Bagaman mahigit sa dalawang bilyong tao—halos ikatlong bahagi ng populasyon ng daigdig—ang may baktirya ng TB, nang unang mahawa ang mga taong ito ay mayroon lamang 10-porsiyentong tsansa sa buong buhay nila na aktuwal na mahawa ng sakit na ito. Kapansin-pansin, ang mga taong may HIV ay may 8-porsiyentong taunang panganib na magkaroon ng lumalalang TB. Kaya nga, habang mas maraming tao ang nagkakaroon ng HIV, mas marami ang nanganganib na magkaroon ng TB.
Napansin ni Dr. Richard J. O’Brien ng WHO (World Health Organization) na nitong nagdaang mga taon may humigit-kumulang na 15-porsiyentong pagdami ng mga kaso ng TB sa Estados Unidos. Sabi niya, ito’y “pangunahin na dahil sa ugnayan sa pagitan ng HIV at TB.” Gayunman, ang panganib ay mas malala sa nagpapaunlad na mga bansa. Buong 90 porsiyento ng walong milyong mga bagong kaso nito sa bawat taon ay matatagpuan sa pinakamahihirap na bansa, at mga tatlong milyon sa mga pasyenteng ito ang namamatay.
Sa buong mundo, mga 4.4 milyong katao ang nakikipagpunyagi sa nakamamatay na tambalang ito. Hinuhulaan ng WHO na sa malapit na hinaharap, taun-taon ang TB ay kikitil ng isang milyong buhay mula sa mga may HIV. “Ang magkatambal na epidemyang ito ay naging ang pinakamalubhang banta sa kalusugan ng madla sa dekadang ito,” sabi ni Peter Piot, punong direktor ng Joint United Nations Programme on HIV/AIDS.
[Picture Credit Line sa pahina 19]
New Jersey Medical School—National Tuberculosis Center