Sumalakay Na Naman ang Tuberkulosis!
MULA noong dekada ng 1950, ang bilang ng mga kaso ng tuberkulosis (TB) sa Estados Unidos ay bumaba ng 5 porsiyento sa isang taon. Subalit, mula noong 1985 nagkaroon ng 18-porsiyentong pagdami sa iniulat na mga kaso ng TB. Lalo pang nakababahala ang pagkakaroon ng isang bagong uri ng sakit na hindi tumutugon sa gamot. Ang TB ngayon ay pumapatay ng tinatayang tatlong milyon katao taun-taon. Bakit ang pakikipagbaka laban sa TB ay nagiging isang natatalong laban?
Ang isang dahilan ay na maraming pasyente ang basta hindi iniinom ang kanilang gamot sa buong panahon na kinakailangan—kadalasan ay anim hanggang siyam na buwan. Sa Lunsod ng New York, halimbawa, isiniwalat ng isang pagsusuri na 89 na porsiyento ng isang pangkat ng mga 200 pasyente na may lumalalang TB ang hindi kinumpleto ang kanilang paggamot. “Nakakatakot iyan,” sabi ni Dr. Lee Reichman, presidente ng American Lung Association, “sapagkat ang mga taong iyon ay (a) hindi gagaling, at (b) sila’y malamang na magkaroon ng TB na lumalaban sa karaniwang ginagamit na mga gamot.” Subalit ang mga tagadalang ito ng TB ay makaaapekto hindi lamang sa kanilang sariling kalusugan. “Dahil sa hindi iniinom ang kanilang gamot,” susog pa ni Dr. Reichman, “maaari nilang hawaan ang ibang tao.” Walang alinlangan na ito ay isang pinagmumulang salik sa tinatayang walong milyong bagong mga kaso na narekunusi sa buong daigdig sa bawat taon.
Talos ng mga estudyante ng Bibliya na ‘ang mga salot sa iba’t ibang dako’ ay isang bahagi ng tanda na tayo’y nabubuhay na sa “mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay. (Lucas 21:11; 2 Timoteo 3:1) Ano ang susunod? Isang bagong lupa, na doo’y “walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’ ” (Isaias 33:24) Oo, ang Diyos na Jehova ay nangangako, hindi ng pansamantalang ginhawa, kundi ng permanenteng paglaya mula sa sakit at kamatayan.—Apocalipsis 21:1-4.