Pagmamasid sa Daigdig
Pinakabagong Ulat sa Sansinukob
Ang pinakahuling mga pagtuklas ay nagpapangyari sa mga siyentipiko sa kalawakan na pag-isipang muli ang napakaraming teoriya, ayon sa The New York Times. Halimbawa, ang mga astronomong sumisilip na mabuti sa kalangitan sa pamamagitan ng Hubble Space Telescope ay humantong sa konklusyon na may tinatayang 40 hanggang 50 bilyong galaksi sa ating sansinukob. Naiiba ito sa dating tantiya na 100 bilyon. Isang araw pagkatapos na ianunsiyo ito, iniulat pa ng mga siyentipiko ng American Astronomical Society na kanilang nakilala sa paano man ang kalahati sa “nawawalang bagay” ng sansinukob, ang di-maipaliwanag na bigat na naibibigay sa puwersa ng grabitasyon na nagpapangyaring magsama-sama ang mga galaksi. Sinasabi ng mga siyentipiko na ang karamihan sa di-nakikitang bagay na ito ay maaaring binubuo ng pagkarami-raming sumabog nang mga bituin na tinatawag na mga white dwarf. Karagdagan pa, ang mga teoriya tungkol sa planetang Jupiter ay hinahamon ng mga datos mula sa sasakyang pangkalawakan na Galileo. “Laging may saloobin ng pagpapakumbaba nang unang dumating ang datos,” sabi ng pinunong siyentipiko ng proyekto na si Dr. Torrence Johnson. “Ang mga resulta ay karaniwang hindi tumutugmang mabuti sa aming mga teoriya.”
Ang Pagdami ng Pagdukot
Sa nakalipas na taon, nakakuha ang mga kriminal sa Rio de Janeiro, Brazil, ng $1.2 bilyon (U.S.) mula lamang sa umuunlad na industriya ng pagdukot (kidnapping), ulat ng Jornal da Tarde, nagpapangyari sa pagdukot na pangunahing mapagkakakitaan para sa organisadong krimen sa lunsod na iyon. Ang pagdukot ay naging higit na makabago rin naman. Nariyan ang “kidlat,” o sandaling-panahon, na pagdukot sa mga biktimang may katamtamang kita, “na kalimitang nagbabayad ng pantubos nang hulug-hulugan,” at ang masalimuot, mahusay ang pagkakaplano na mga pagdukot sa mas mayayaman. Sa ibang mga bansa ang pagdukot ay dumarami rin. Sinabi ng magasing Asiaweek na iminumungkahi ng mga eksperto sa Pilipinas ang, kabilang sa iba pang mga bagay: Huwag maglakbay nang mag-isa, lalo na pagkagat ng dilim. Laging sabihin sa isang pinagtitiwalaang tao kung saan ka paroroon. Iparada ang iyong kotse sa mga lugar na maliwanag at ligtas. Huwag kailanman iwan ang mga bata na walang nagbabantay.
Babala sa Bitamina A
Ayon sa isang pagsusuri sa 22,000 babaing nagdadalang-tao, inilathala sa The New England Journal of Medicine, ang mga inang nagdadalang-tao ay dapat na mag-ingat sa pag-inom ng labis na bitamina A. Bagaman ang partikular na dami ng bitamina A ay mahalaga sa kalusugan at paglaki ng di pa naisisilang na sanggol, natuklasan na ang labis nito ay maaaring makapinsala. Ang iminumungkahi na araw-araw na iinumin na bitamina A para sa mga babaing nagdadalang-tao ay 4,000 international units, sabi ng Tufts University Diet & Nutrition Letter, subalit ang mga babae na umiinom ng mahigit sa 10,000 unit sa isang araw ay “dalawa at kalahating ulit na nanganganib na magsilang ng sanggol na may diperensiya kaysa mga babaing hindi uminom ng labis.” Dahil ang katawan ay nag-iimbak ng bitamina A, ang napakaraming nainom na bitamina bago ang pagdadalang-tao ay maaaring makapagsapanganib sa sanggol. Ang beta-carotene, isang produktong mula sa halaman na bahagyang nagiging bitamina A sa katawan, ay hindi natuklasang mapanganib.
Kahoy na May Panlaban sa Peste
Ang pagodang kahoy sa Nara, Hapón, ay tumagal sa loob ng 1,200 taon nang hindi man lamang nasira ng mga daga, anay, o mga mikroorganismo, ulat ng magasing New Scientist. Ang mga kinatawan sa Seoul National University sa Korea at ang dalawang Hapones na siyentipiko ay nagpasimulang umalam kung bakit hindi maganda sa panlasa ng mga peste ang pagoda. Nang kanilang suriin ang uri ng punong cypress na ginamit sa pagtatayo ng sinaunang gusali, natuklasan nila na ito’y nagtataglay ng mga kemikal na gayon na lamang karima-rimarim ang lasa para sa mga daga anupat hindi ngangatngatin ng mga ito ang anumang nababalutan nito. Ang industriya ng kahoy sa Hapón ay nakapaglalabas ng halos 4,000 tonelada ng kusot na mula sa cypress na ito sa bawat taon, at inaasahan na ang mga sangkap na kinuha mula sa kusot ay maaaring humalili sa mga lason na ginagamit sa pagsugpo ng peste.
Isang Panawagan Para sa Kadiliman
Ang mga astronomo sa Pransiya ay nakikipaglaban para sa higit na kadiliman. Ang napakaraming hindi kinakailangang liwanag sa mga lugar sa lunsod ay nagpapangyari na halos imposible na makita nang maliwanag ang mabituing kalangitan. Ayon sa magasing Le Point, hinihimok ng mga astronomo ang mga awtoridad sa lunsod na sangkapan ng mga reflector ang mga ilaw sa lansangan na nagtututok ng liwanag nito na paibaba at na hilingin na ang mga advertising light at ang mga ilaw sa mga gusali ng opisina, gayundin ang mga laser-light display, ay patayin kung 11 n.g. Ganito ang sabi ni Michel Bonavitacola, ang pangulo ng Center for the Protection of the Night Sky: “Sa ngayon wala ni isa man sa isang daang bata ang makapagsasabi na nakita na niya ang Milky Way. Subalit ang tanawing ito, na kapuwa kamangha-mangha at walang bayad, ay makatutulong sa atin na maunawaan ang ating tunay na dako sa sansinukob.”
Nagugulumihanang mga Magulang
Kung ang pag-uusapan ay pagtuturo sa kanilang mga anak, ang karamihan ng mga magulang ay nagsasabi na ang “tagumpay” at “pagsasarili” ang pinakapriyoridad, at ipinalalagay nila na nasa mga bata na ang pagpili ng sarili nilang mga alituntunin sa moral, ayon sa isang surbey na iniulat sa Pranses na magasing L’Express. Tinanong kung ang tunguhin sa pagtuturo ay ituro ang wastong moral na mga alituntunin, 70 porsiyento ng mga magulang ng mga bata na nasa pagitan ng mga edad na 6 at 12 ang sumagot ng hindi. Ipinalalagay ng animnapung porsiyento ng mga magulang at mga guro na kinapanayam na ang mga bata ay hindi handa para sa kinabukasan subalit balintunang naniniwala na ang mga bata ay mapatutunayang isang mahalagang pag-aari sa lipunan, sabi ng magasin. Tinitiyak ng surbey ang kinatatakutan ng mga dalubhasa, sabi ng L’Express, na “hindi na alam ng mga magulang sa ngayon ang kanilang bahaging ginagampanan ni ang kanilang mga pananagutan.”
Babala sa Pagkaing Mababa sa Taba
Isinisiwalat ng mga pagpapatikim sa mga mamimili na ang mga sangkap na inihahalili sa taba sa maraming produkto na mababa sa taba ay walang katulad na malakremang lasa na gaya ng tunay na taba, ulat ng Globe and Mail ng Canada, at maaaring umakay sa tao na kumain ng higit o magdagdag ng mga topping at ekstrang mga sangkap upang mapunan ito. Ang mga sangkap na inilalagay upang ihalili sa taba, gaya ng asukal, asin, at artipisyal na pampalasa, ay kalimitang hindi nakapagpapalusog, ayon kay Dr. David Jenkins, isang propesor sa siyensiya ng nutrisyon at pisyolohiya sa University of Toronto. Ganito ang payo ni Dr. Jenkins: “Kung ipinasiya ng mga tao na isa sa mga paraan upang mabawasan nila ang taba ay sa pamamagitan ng pagkain ng pagkain na mababa sa taba, mabuti iyan, hangga’t ang mga pagkain ay nakapagpapalusog.” Sinabi niya na ang mga gulay, prutas, at mga butil, gayundin ang mga nuwes na mababa sa taba at mga produkto ng balatong, ay mabuting kahalili na mapagpipilian.
Pag-ibig at Tsokolate
Sa maraming lugar maaaring ibigay ng isang lalaki ang mga tsokolate sa isang babae bilang kapahayagan ng kaniyang pag-ibig. Kawili-wili, ang pag-aalab ng damdamin na nalilikha ng pagkain ng tsokolate at pagkadama ng pag-ibig ay maaaring may magkatulad na bagay—ang maraming nailalabas na hormone na phenylethylamine sa utak. Ayon sa The Medical Post ng Toronto, Canada, tiniyak ni Peter Godfrey, isang Australianong mananaliksik, ang kayarian ng “molekula ng pag-ibig,” gaya ng tawag dito. Taglay ang bagong impormasyong ito, umaasa ang mga siyentipiko na matuto pa ng higit tungkol sa kung paanong ang mga emosyon ay nagsisimula sa utak. Isa pa, sabi ng Post, “maipaliliwanag nito ang pagmamahal ng mga mahilig sa tsokolate.”
Isang Tulay Patungo sa Skye
Ang pinakamalaki, timbang na tulay na cantilever na ganitong uri, 2.4 na kilometro ang haba, ay binuksan kamakailan sa Scotland, ulat ng The Times ng London. Ang tulay ang nagdurugtong sa Isla ng Skye sa Scotland at sa 9,000 naninirahan dito sa kanluraning bahagi ng Scotland. Para ipagdiwang ang pagbubukas, isang grupo ng manunugtog ng bagpipe at ang mahabang hanay ng sinaunang mga kotse ang nanguna sa prusisyon ng mga nagbibiyahe—pawang inanyayahan na tumawid nang libre sa toll sa araw na iyon. Hinalinhan ng tulay ang paglilingkod ng ferry na naghahatid sa mga kotse at mga pasahero nang paroo’t parito sa isla sa nakalipas na 23 taon. Ayon sa The Times, sinabi ng kalihim ng Scotland na posible na ngayon para sa mga motorista na maglakbay mula sa Roma patungo sa Uig, sa hilaga-kanluran ng Skye, nang hindi na iniiwan ang kanilang mga kotse.
“Computerized” na Pangangati ng Lalamunan
Ang mga opereytor ng computer na ibig na mapahinga ang kanilang mga kamay at braso sa pamamagitan ng paggamit ng sistema na kumikilala ng tinig ay napapaharap sa ipinalalagay na mas malubhang problema—ang malalang pamamalat at lubusang pagkawala pa nga ng boses, ulat ng pahayagang The Globe and Mail ng Canada. Yamang ang bawat salita ay kailangang sabihin nang maliwanag at sa eksaktong tinig at tono na mauunawaan ng computer, ang mga gumagamit ay hindi humihinga ng normal anupat ang vocal cord ay lumuluwag. Sinabi ni Dr. Simon McGrail ng University of Toronto sa Globe na ang mga polyps o ulser ay maaaring tumubo sa mga vocal cord yamang ang mga ito’y paulit-ulit na nagkikiskisan sa isa’t isa, o ang mga cord mismo ay maaaring mapagod. Upang mapanatiling nasa mabuting kalagayan ang mga vocal cord, iminungkahi ng mga espesiyalista sa boses na limitahan ng mga nagsasalita ang oras na kanilang ginugugol sa gayong mga computer, malimit na magpahinga, uminom ng maraming tubig, at iwasan ang alkohol, caffeine, at mga gamot na makapanunuyo sa mga vocal cord.