Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 12/22 p. 3
  • Pagkidnap—Isang Pangglobong Negosyo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagkidnap—Isang Pangglobong Negosyo
  • Gumising!—1999
  • Kaparehong Materyal
  • Pagkidnap—Kinakalakal na Pananakot
    Gumising!—1999
  • Pagkidnap—May Lunas Ba?
    Gumising!—1999
  • Pagdukot ng Tao
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Pagkidnap—Ang Pangunahing mga Dahilan Nito
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 12/22 p. 3

Pagkidnap​—Isang Pangglobong Negosyo

NOONG nakalipas na dekada, kapuna-puna ang biglang pagdami ng mga pagkidnap sa buong daigdig. Sinasabi ng isang ulat na sa pagitan ng 1968 at 1982, halos isang libong bihag na panagot (hostage) ang dinukot sa 73 bansa. Subalit noong mga huling taon ng dekada ng 1990, tinatayang 20,000 hanggang 30,000 katao ang kinikidnap taun-taon.

Ang pagkidnap ay isang krimen na tila nauuso sa mga kriminal mula sa Russia hanggang sa Pilipinas, na ang mga kidnaper ay handang sumunggab sa anumang bagay na may buhay. Sa isang pagkakataon ay isang sanggol na isang araw pa lamang ang edad ang kinidnap. Sa Guatemala, isang 84-anyos na babae na nasa silyang de gulong ang dinukot at ginawang bihag sa loob ng dalawang buwan. Sa Rio de Janeiro, dinudukot ng mga butangero sa lansangan ang mga tao sa mga lansangan mismo, kung minsan ay humihiling ng kasinliit ng $100 bilang pantubos.

Tila hindi ligtas kahit na ang mga hayop. Mga ilang taon na ang nakalipas, kinidnap ng pangahas na mga kriminal sa Thailand ang isang anim na toneladang pantrabahong elepante at humiling ng $1,500 na pantubos. Sinasabing pinasisigla ng mga gang ng kriminal sa Mexico ang kanilang mga bagong miyembro na magsanay sa mga alaga at maaamong hayop upang magkaroon ng sapat na karanasan bago sumubok na kumidnap ng tao.

Dati, pangunahin nang pinupuntirya ng mga kidnaper ang mayayaman, ngunit nagbago na ang panahon. Ganito ang ulat mula sa Reuters: “Ang pagkidnap ay naging isang pang-araw-araw na pangyayari sa Guatemala, kung saan nagugunita ng mga tao ang kasiya-siyang mga panahon noon nang ilan lamang sa mayayamang negosyante ang pinupuntirya ng mga rebeldeng makakaliwa. Ngayon, sinasalakay ng mga pangkat na nangingidnap ang mayama’t mahirap, bata’t matanda.”

Ang mga kasong alam na alam ng madla ay karaniwang tinututukan nang husto ng media, subalit ang karamihan ng mga pagkidnap ay naaayos nang walang publisidad. Sa katunayan, sa ilang kadahilanan, ang mga bansa ay “hindi gaanong nagaganyak na magbalita ng isang problema sa pagkidnap.” Isasaalang-alang ng susunod na artikulo ang ilan sa mga kadahilanang ito.

[Mapa sa pahina 3]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

MEXICO

Dahil sa mga 2,000 tao sa isang taon ang nakikidnap, ang pagkidnap ay tinawag na “isang industriyang pantahanan.”

GRAN BRITANYA

Ang seguro para sa kidnap sa Lloyd’s of London ay tumataas nang 50 porsiyento taun-taon mula noong 1990.

RUSSIA

Sa rehiyong Caucasus sa gawing timog lamang ng Russia, ang bilang niyaong mga kinidnap ay dumami mula sa 272 noong 1996 tungo sa 1,500 noong 1998.

PILIPINAS

Ayon sa “Asiaweek,” “ang Pilipinas marahil ang sentro ng pagkidnap sa Asia.” Mahigit na 40 organisadong mga gang sa pagkidnap ang gumagana roon.

BRAZIL

Sa loob ng isang taon ang mga kidnaper doon ay iniulat na humakot ng $1.2 bilyon sa perang pantubos.

COLOMBIA

Nitong nakalipas na mga taon, libu-libo ang kinidnap sa bawat taon. Noong Mayo 1999, kinidnap ng mga rebelde ang isang daang miyembro ng parokya sa panahon ng isang Misa.

[Credit Line]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share