Pagkidnap—Kinakalakal na Pananakot
“ANG pagkidnap ay hindi tulad ng isang krimen laban sa ari-arian. Ito’y tuso, malupit at walang malasakit na pagtrato sa pinakamahalagang pangkat ng tao, ang pamilya,” sabi ni Mark Bles, sa kaniyang aklat na The Kidnap Business. Ang pagkidnap ay nagdudulot ng pagkaligalig ng damdamin sa mga miyembro ng pamilya. Sa bawat minuto at sa bawat oras, nakadarama sila ng pag-asa at pagkatapos ng kabiguan habang nakikipagpunyagi sila sa mga damdamin ng pagkadama ng pagkakasala, pagkapoot, at kawalang-kaya. Ang nakatatakot na karanasan ay maaaring magpatuloy sa loob ng mga araw, linggo, buwan o, kung minsan, mga taon pa nga.
Sa kanilang walang-lubag na paghahanap ng salapi, pinagsasamantalahan ng mga kidnaper ang mga damdamin ng pamilya. Pinilit ng isang pangkat ng mga kidnaper ang kanilang biktima na isulat ang sumusunod sa isang bukás na liham sa pamahayagan: “Hinihiling ko sa Pamahayagan na ilathala ito sa lahat ng dako upang kung hindi ako makabalik, hindi lamang ito kasalanan ng mga kumidnap sa akin kundi rin naman ng aking pamilya na nagpapatunay na mas pinili nila ang salapi kaysa sa akin.” Gumamit naman ng panggigipit ang mga kidnaper sa Italya upang makuha ang perang pantubos sa pamamagitan ng pagputol sa mga bahagi ng katawan at pagpapadala nito sa mga kamag-anak o sa mga istasyon ng TV. Pinahirapan pa nga ng isang kidnaper sa Mexico ang kaniyang mga biktima samantalang nakikipag-areglo sa kani-kanilang pamilya sa telepono.
Sa kabilang panig naman, sinikap ng ilang kidnaper na maglangis sa kanilang mga biktima. Halimbawa, isang negosyanteng kinidnap sa Pilipinas ang itinago sa isang mamahaling otel sa Manila, kung saan siya ay binigyan ng mga bumihag sa kaniya ng alak at nilibang siya sa pamamagitan ng mga babaing nagbibili ng aliw hanggang sa mabayaran ang pantubos. Gayunman, karamihan ng mga biktima ay kinukulong na walang gaanong ipinakikitang malasakit sa kanilang mga pangangailangan sa pisikal o sa kalinisan. Marami ang malupit na pinakitunguhan. Sa anumang kalagayan, ang biktima ay laging dumaranas ng matinding takot sa pag-iisip kung ano ang mangyayari sa kaniya.
Pagdaig sa Masakit na Karanasan
Kahit na pagkatapos mapalaya ang mga biktima, maaari pa rin silang makadama ng namamalaging emosyonal na pinsala. Ganito ang opinyong ipinahayag ng isang Suwekong nars na kinidnap sa Somalia: “Isang bagay ang mas mahalaga kaysa anupamang bagay. Kailangang makipag-usap ka sa mga kaibigan at mga kamag-anak at humingi ng propesyonal na tulong kung kailangan mo ito.”
Ang mga therapist ay nakagawa ng isang pamamaraan upang tulungan ang mga biktimang ito. Sa ilang maiikling sesyon, sinusuring mabuti ng mga biktima ang kanilang mga karanasan sa pamamagitan ng tulong ng mga propesyonal bago makipagkita sa kani-kanilang mga pamilya at bumalik sa isang normal na buhay. “Ang therapy na ibinigay karaka-raka pagkatapos ng pangyayari ay nakababawas sa panganib ng permanenteng pinsala,” sabi ni Rigmor Gillberg, isang crisis therapy expert ng Red Cross.
Karagdagang mga Resulta
Hindi lamang ang mga biktima at ang kani-kanilang pamilya ang apektado ng mga pagkidnap. Maaari ring mapahinto ng takot sa pagkidnap ang turismo at unti-unting mabawasan ang pamumuhunan; lumilikha rin ito ng pagkadama ng kawalang-kasiguruhan sa lipunan. Sa loob lamang ng ilang buwan noong 1997, anim na internasyonal na mga kompanya ang umalis sa Pilipinas dahil sa panganib ng pagkidnap. Isang Pilipina na nagtatrabaho para sa isang grupo na tinatawag na Citizens Against Crime ang nagsabi: “Ang ating buhay ay isang masamang panaginip.”
Isang artikulo sa The Arizona Republic ang nagsabi: “Sa mga ehekutibong taga-Mexico, sinasaklot sila ng takot dahil sa pangambang makidnap, at mauunawaan naman kung bakit gayon.” Ang magasing Veja sa Brazil ay nag-uulat na pinalitan ng mga kidnaper at mga magnanakaw ang mga halimaw sa masasamang panaginip ng mga bata sa Brazil. Sa Taiwan, ang pag-iwas sa kidnap ay itinuturo sa paaralan, at sa Estados Unidos, ang mga kamerang panseguridad ay ikinabit sa mga preschool upang mahadlangan ang mga pagkidnap.
Biglang Pag-unlad Para sa mga Tagapayo sa Seguridad
Ang pagdami ng mga pagkidnap at ang maselan na mga isyung nakapaligid sa mga ito ay lumikha ng biglang pag-unlad para sa mga kompanya ng pribadong seguridad. Sa lunsod ng Rio de Janeiro sa Brazil, may mahigit sa 500 gayong mga kompanya, na siyang pinagmumulan ng $1.8 bilyong buwis.
Isang dumaraming bilang ng internasyonal na mga kompanya sa seguridad ang nagtuturo hinggil sa pag-iwas sa pagkidnap, naglalathala ng mga ulat tungkol sa mapapanganib na lugar, at nakikipag-areglo para sa mga pantubos. Pinapayuhan nila ang mga pamilya at mga kompanya, anupat tinuturuan sila ng mga estratehiya ng mga kidnaper at tinutulungan silang makapanaig sa sikolohikal na paraan. Sinikap pa nga ng ilang kompanya na dakpin ang mga kidnaper at bawiin ang perang pantubos pagkatapos mapalaya ang bihag na panagot. Subalit, hindi libre ang kanilang mga paglilingkod.
Sa kabila ng mga pagsisikap na ito, dumarami ang mga pagkidnap sa maraming lupain. Bilang komento sa kalagayan sa Latin Amerika, ganito ang sabi ni Richard Johnson, bise presidente ng Seitlin & Company: “Maaasahang darami ang mga pagkidnap.”
Mga Dahilan ng Biglang Pagdami
Ipinahihiwatig ng mga dalubhasa ang maraming dahilan sa biglang pagdami kamakailan. Isa na ang malubhang kalagayan ng ekonomiya sa ilang dako. Isang relief worker sa bayan ng Nal’chik, Russia, ang nagsabi: “Ang pinakamainam na paraan upang kumita ng salapi ay ang kilalang pamamaraang ito, ang pagkidnap.” Sa ilang dating republika sa Sobyet, ang mga pagkidnap ay sinasabing ginagamit upang tustusan ang pribadong mga hukbo ng lokal na mga pinuno ng mga bandido.
Mas maraming tao higit kailanman ang naglalakbay dahil sa negosyo o bilang mga turista, sa gayo’y nagbubukas ng bagong mga larangan para sa mga kidnaper sa paghahanap ng mabibiktima. Ang bilang ng mga dayuhang kinidnap ay dumoble sa loob ng limang taon. Sa pagitan ng 1991 at 1997, ang mga turista ay dinukot sa mga 26 na lupain.
Saan galing ang lahat ng mga kidnaper na ito? Humuhupa na ang ilang labanang militar, anupat nawawalan ng trabaho ang dating mga sundalo, na walang pera. Taglay ng mga taong ito ang lahat ng kinakailangang kasanayan upang pasukin ang negosyong ito na malaki ang kita.
Sa katulad na paraan, ang paggamit ng mas mabibisang pamamaraan laban sa panloloob sa bangko at mga paghihigpit sa kalakalan ng droga ay nagpangyari sa mga kriminal na pasukin ang pagkidnap bilang isang kahalili na mapagkakakitaan. Ganito ang paliwanag ni Mike Ackerman, isang dalubhasa tungkol sa pagkidnap: “Habang ginagawa nating mas mahirap ang mga krimen laban sa ari-arian sa lahat ng lipunan, pinabibilis nito ang pagsulong ng mga krimen laban sa mga tao.” Ang pagbabalita sa publiko ng malalaking kabayaran sa pantubos ay maaari ring humikayat sa potensiyal na mga kidnaper.
Hindi Laging Iisa ang Motibo
Gusto ng karamihan sa mga kidnaper ang salapi at wala nang iba kundi salapi. Ang mga hinihiling na pantubos ay iba-iba mula sa ilang dolyar hanggang sa pinakamataas na halaga na $60 milyon na ipinantubos sa isang napakayamang negosyante sa Hong Kong na hindi kailanman pinalaya sa kabila ng pagbabayad ng pantubos.
Sa kabilang dako naman, ginamit ng ilang kidnaper ang kanilang mga biktima upang magtakda ng kasunduan para sa publisidad, pagkain, gamot, mga radyo, at mga kotse gayundin ng bagong mga paaralan, mga daan, at mga ospital. Isang ehekutibong kinidnap sa Asia ang pinalaya pagkatapos na mabigyan ng mga uniporme sa basketbol at mga bola sa basketbol ang mga kidnaper. Ginagamit din ng ilang grupo ang mga pagkidnap upang takutin at pagbantaan ang mga dayuhang mamumuhunan at mga turista, na may layuning pahintuin ang pagsasamantala sa lupa at sa likas na mga yaman.
Kaya napakaraming motibo, napakaraming pamamaraan, napakaraming potensiyal na mga kidnaper o mga biktima. Marami rin ba ang mga lunas? Anu-ano ang ilan sa mga ito, at talaga bang malulutas ng mga ito ang problema? Bago sagutin ang mga tanong na ito, suriin muna natin ang ilang mas malalim at pangunahing mga dahilan ng biglang paglakas ng negosyo ng pagkidnap.
[Kahon sa pahina 5]
Kung Ikaw ay Makidnap
Iminumungkahi niyaong mga nag-aral tungkol sa paksang pagkidnap ang sumusunod sa mga taong maaaring makidnap.
• Makipagtulungan; iwasan ang paggawing matigas ang ulo. Ang nagagalit na mga bihag na panagot ay mas madalas na dumaranas ng malupit na pagtrato, at mas nanganganib na mapatay o mapag-initan para parusahan.
• Huwag mataranta. Isaisip na karamihan ng mga biktima ay nakaligtas sa pagkidnap.
• Gumawa ng isang sistema upang masubaybayan ang panahon.
• Sikaping magtatag ng ilang uri ng pang-araw-araw na rutin.
• Mag-ehersisyo, kahit na ang iyong mga pagkakataon upang kumilos ay maaaring limitado.
• Maging mapagmasid; sikaping isaulo ang mga detalye, tunog, at amoy. Alamin ang mga detalye tungkol sa iyong mga kidnaper.
• Makipag-usap kung maaari at sikaping makipagtalastasan. Kung ituturing ka ng mga kidnaper bilang isang indibiduwal, malamang na hindi ka nila saktan o patayin.
• Ipabatid mo sa kanila ang iyong mga pangangailangan sa magalang na paraan.
• Huwag kailanman aregluhin ang iyong sariling pantubos.
• Kung masumpungan mong ikaw ay tinatangkang sagipin, dumapa sa sahig at maghintay habang nagaganap ang mga pangyayari.
[Kahon sa pahina 6]
Seguro Para sa Kidnap—Isang Kontrobersiyal na Isyu
Ang isang biglang paglakas ng industriya na nauugnay sa pagdami ng mga pagkidnap ay ang seguro. Ang Lloyd’s of London ay nagkaroon ng 50 porsiyento na taunang pagtaas sa seguro para sa kidnap sa dekada ng 1990. Parami nang paraming kompanya ang nag-aalok ng gayong seguro. Saklaw ng seguro ang tulong ng isang taga-areglo sa kidnap, bayad sa isang pantubos, at kung minsan ang propesyonal na pagsisikap na mabawi ang pantubos. Gayunman, napakakontrobersiyal ng isyu tungkol sa seguro.
Sinasabi ng mga tutol sa seguro para sa kidnap na kinakalakal nito ang krimen at na imoral na kumita ng salapi mula sa pagkidnap. Sinasabi rin nila na ang isang taong nagpaseguro ay maaaring maging walang-ingat tungkol sa kaniyang sariling seguridad at na maaaring mapabilis ng seguro ang gawain ng mga kidnaper na manguwarta, sa gayo’y pinasisigla ang kriminal sa gawaing ito. Ikinatatakot pa nga ng ilan na ang pagkakaroon ng seguro ay magpapasigla sa mga tao na isaayos ang pagkidnap sa kanilang sarili upang makuha ang pera sa seguro. Ipinagbabawal ng batas sa Alemanya, Colombia, at Italya ang seguro para sa kidnap.
Itinuturo naman ng mga tagapagtaguyod ng seguro para sa kidnap na katulad ng iba pang seguro, pinagbabayad nito ang marami para sa kalugihan ng ilan. Ikinakatuwiran nila na ang seguro ay lumilikha ng isang antas ng seguridad, yamang pinangyayari nitong makaya ng mga pamilya at mga kompanyang nakaseguro ang tulong ng kuwalipikadong mga propesyonal, na makababawas sa tensiyon, makapag-aareglo ng mas mababang pantubos, at mapadadali ang paghuli sa mga kidnaper.
[Kahon sa pahina 7]
Ang “Stockholm Syndrome”
Noong 1974, ang pagkidnap kay Patty Hearst, anak ng bilyonaryong may-ari ng pahayagan na si Randolph A. Hearst, ay humantong sa nakagugulat na mga pangyayari nang pumanig siya sa kaniyang mga kidnaper at nakibahagi sa armadong pagnanakaw na kasama ng grupo. Sa ibang kaso naman, pinatawad ng isang Kastilang manlalaro ng football ang kaniyang mga kidnaper at hinangad ang kanilang kabutihan.
Noong mga unang taon ng dekada ng 1970, ang pangyayaring ito ay tinawag na “Stockholm Syndrome,” pagkatapos ng isang madulang pagsagip noong 1973 sa bihag na panagot sa isang bangko sa Stockholm, Sweden. Sa okasyong iyon ang ilang bihag na panagot ay nagkaroon ng isang partikular na pakikipagkaibigan sa mga bumihag sa kanila. Ang gayong pakikipagtulungan ay nagsilbing isang proteksiyon sa mga kinidnap, gaya ng paliwanag ng aklat na Criminal Behavior: “Habang lalong nagkakakilala ang biktima at ang bumihag, mas malamang na maging palagay sila sa isa’t isa. Ipinakikita ng pangyayaring ito na pagkatapos ng isang yugto ng panahon ay malamang na hindi saktan ng salarin ang bihag na panagot.”
Isang biktimang Ingles sa Chechnya na hinalay ang nagsabi: “Naniniwala ako na nang makilala kami ng bantay bilang mga indibiduwal, natanto niya na hindi tama na halayin ako. Huminto ang panghahalay at siya’y humingi ng tawad.”
[Larawan sa pahina 4]
Sa mga miyembro ng pamilya ang pagkidnap ay isa sa lubhang nakanenerbiyos at nakaliligalig ng damdamin na maiisip
[Larawan sa pahina 5]
Kailangan ng mga biktima ng kaaliwan
[Larawan sa pahina 7]
Karamihan ng mga biktima ay kinukulong na walang gaanong ipinakikitang malasakit sa kanilang mga pangangailangan sa pisikal at sa kalinisan