Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 7/22 p. 12-14
  • Ang “Bagong Daigdig na Kaayusan”—May Mabuway na Pasimula

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang “Bagong Daigdig na Kaayusan”—May Mabuway na Pasimula
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Digmaang Nakababagabag na Nananatili
  • Nasa Bingit ng Pagkabangkarote
  • Relihiyon, Isang Nagpapatatag na Puwersa?
  • Mahahalagang Anibersaryo na Walang Gaanong Ipagdiriwang
  • Samantalang Nangangapa ang Bagong Daigdig na Kaayusan, Umuunlad Naman ang Tunay na Teokrasya!
  • Ang mga Pakana ng Tao Ukol sa Pandaigdig na Katiwasayan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Ang Paghahanap ng Isang Bagong Sanlibutang Kaayusan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Paglilihim sa Ngalan ng Panginoon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Pinahahalagahan ng mga Ruso ang Kalayaan sa Pagsamba
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 7/22 p. 12-14

Ang “Bagong Daigdig na Kaayusan”​—May Mabuway na Pasimula

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ALEMANYA

HABANG nagsisimula ang 1991, ang mga tao ay punô ng pag-asa. Tapos na ang Cold War. Totoo, nariyan ang problema ng Kuwait, na sinalakay ng Iraq noong nakaraang Agosto. Subalit ipinakita ng United Nations ang lakas nito at pinag-utusan ang Iraq na umalis pagsapit ng Enero 15. Ang kahilingan ay sinuportahan ng 28-bansang koalisyong militar ng UN na mabilis na naorganisa at nakahanda upang sapilitang mapasunod ang Iraq. Lumalaki ang pag-asa na ang matatag na paninindigan ng pamayanang pandaigdig ay naghudyat ng pasimula ng isang bagong panahon.

Si George Bush, ang dating pangulo ng E.U., ay bumanggit tungkol sa “posibilidad, para sa ating mga sarili at para sa darating na mga salinlahi, ng pagbuo ng isang bagong daigdig na kaayusan, isang daigdig na doon ang pamamahala ng batas, at hindi ang malupit na kompetisyon, ang namamahala sa internasyonal na paggawi.”

Pagkatapos ay hindi pinansin ng Iraq ang huling araw na Enero 15, at ang naging resulta ay ang malawakang pagsalakay sa himpapawid at mga missile laban sa militar na mga tudlaan ng mga Iraqi. Maliwanag, ang pamayanang pandaigdig ay seryoso sa ultimatum nito. Pagkaraan ng wala pang tatlong buwan, noong Abril 11, ipinahayag ng UN na tapos na ang Digmaan sa Golpo. Ang pangako ng isang mapayapa, matatag sa ekonomiya at pulitika na bagong daigdig na kaayusan ay waring nagkakatotoo.

Mga Digmaang Nakababagabag na Nananatili

Noong kalagitnaan ng 1991 dalawang republika, ang Slovenia at Croatia, ay nagpahayag ng kasarinlan mula sa Yugoslavia nang panahong iyon, nagsimula ng isang gera sibil na sa wakas ay humantong sa pagkabuo ng ilang magkakahiwalay na mga bansa. Pagkalipas ng wala pang isang taon, ang Pranses na tagaanalisa sa pulitika na si Pierre Hassner ay nagsabi: “Tulad ng Europa bago-1914, ang bagong daigdig na kaayusan ni George Bush ay pumanaw sa Sarajevo.” Gayunman, ang pangmalas para sa kapayapaan ay tila nagliwanag nang magbukas ang mga pag-uusap sa Dayton, Ohio, E.U.A., noong Nobyembre 1995 at isang kasunduang pangkapayapaan ang nilagdaan sa Paris noong Disyembre 14. Habang papalapit sa wakas ang 1995, nabuhayan ng pag-asa na ang bagong daigdig na kaayusan marahil ay hindi pa pumanaw.

Ang mga republika ng Union of Soviet Socialist Republics ay unti-unting humihiwalay sa isa’t isa. Noong 1991, ang Lithuania, Estonia, at Latvia ang unang umalis, mabilis na sinundan ng iba pa. Ang maluwag na pagsasama-sama na kilala bilang ang Commonwealth of Independent States ay naitatag noong Disyembre, bagaman ang ilang dating mga miyembro ng Unyong Sobyet ay ayaw sumali. Pagkatapos, noong Disyembre 25, si Gorbachev ay nagbitiw bilang pangulo ng Sobyet.

Gayunman, maging ang indibiduwal na mga republika ay humiwalay. Halimbawa, ang Chechnya, isang maliit na pamayanang Muslim sa hilagang Caucasus na rehiyon ng Russia, ay nagpupunyagi para sa kasarinlan. Ang tangka nitong pag-alis sa katapusan ng 1994 ang nag-udyok sa isang kontrobersiyal na pagsalakay ng mga hukbong Ruso. Kahit na 30,000 buhay ang nasawi sapol nang magsimula ang krisis noong pasimula ng dekada ng 1990, ang digmaan ay nagpatuloy hanggang sa taóng ito.

Noong Oktubre 1995, sa pagitan ng 27 at 46 na mga labanan​—depende sa kung paano ito inuuri​—ang nagngangalit sa buong daigdig.

Nasa Bingit ng Pagkabangkarote

Noong pasimula ng dekada ng 1990, ang bagong daigdig na kaayusan ay napatutunayang hindi lamang mabuway sa pulitika kundi mabuway rin sa ekonomiya.

Noong 1991, ibinaba ng Nicaragua ang halaga ng salapi nito, subalit magkagayon man, ang 25 milyong cordoba ay nagkakahalaga lamang ng isang dolyar ng E.U. Samantala, ang Zaire ay dumaranas ng 850 porsiyentong implasyon, anupat ang mga mamamayan nito ay napipilitang magtiis ng isa sa pinakamababang pamantayan ng pamumuhay sa daigdig. Ang ekonomiya ng Russia ay bumabagsak din. Ang implasyon ay umaabot ng 2,200 porsiyento sa isang taon noong 1992, ginagawang halos walang halaga ang pera. Bagaman sa wakas ay bumubuti ang bagay-bagay, hindi pa rin tapos ang mga problema sa ekonomiya noong 1995.

Ang pinansiyal na iskandalo ng dantaon ay nangyari noong 1991, nang bumagsak ang Bank of Credit & Commerce International, dahil sa panghuhuwad at mga gawaing kriminal. Ang mga nagdeposito sa 62 bansa ay nalugi na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong dolyar ng E.U.

Hindi lamang gumigiray-giray ang mga bansang mahihina sa ekonomiya; ang makapangyarihang Alemanya ay napabigatang lubha ng mga pinsalang dulot ng pagsasama ng Silangan at Kanluran. Dumami ang walang trabaho yamang ang mga manggagawa ay humihiling ng mas mahabang mga bakasyon at mas mabuting pangangalagang pangkalusugan. Ang madalas na pagliban at malaganap na mga pag-abuso sa sistema ng welfare (tulong ng pamahalaan) ay naglagay pa ng karagdagang pasanin sa ekonomiya.

Sa Estados Unidos, ang sunud-sunod na matitinding kapahamakan ang nagpabagsak sa mga kompaniya ng seguro, na hirap na hirap bayaran ang mga pag-aangkin sa seguro. At noong 1993 ang aklat na Bankruptcy 1995: The Coming Collapse of America and How to Stop It ay nagbabala tungkol sa mga panganib ng mabilis na pagtaas ng pambansang pagkakautang at kakulangan ng badyet. Kahit na ang sintatag ng Rock-of-Gibraltar na Britanong kompaniya sa seguro na Lloyd’s of London ay nasa alanganing kalagayan. Batbat ng mga pagkalugi, napilitang isipin nito ang tungkol sa hindi kapani-paniwala​—posibleng pagkabangkarote.

Relihiyon, Isang Nagpapatatag na Puwersa?

Noong 1991 ang pahayagang Aleman na Frankfurter Allgemeine Zeitung ay nagsabi: “Ang pangitaing ito tungkol sa isang bagong daigdig na kaayusan ay nagmula sa isang mahabang tradisyon ng Amerikanong pangmalas sa daigdig na pawang may mahalagang relihiyosong bahagi at espesipikong ipinahayag sa Kristiyanong mga termino.”

Ang relihiyosong pinagmulang ito, iisipin ng isa, ay dapat na makaragdag sa katatagan ng bagong daigdig na kaayusan. Subalit sa katunayan ang relihiyosong pagkapanatiko at alitan ay humantong sa malaganap na kawalang-katatagan. Ang Algeria at Ehipto lamang ang dalawa sa ilang pamahalaan na hindi kasundo ng mga pundamentalistang Islam. Isang daluyong ng terorismong inudyukan ng relihiyon ang sumalot sa dalawang bansa. Kabilang sa relihiyosong mga kaguluhan sa India ang siyam-na-araw na yugto ng panahon ng karahasang udyok ng relihiyon sa Bombay noong 1993 na sumawi ng mahigit na 550 buhay.

Ang pagkakabaha-bahagi sa relihiyon ay nagpabagal sa ekumenikal na pagsulong noong 1994 nang ordenahan ng Iglesya Anglikano ang 32 babae bilang mga pari. Tinawag ito ni Papa John Paul II na “isang matinding hadlang sa lahat ng pag-asa tungkol sa muling pagsasama sa pagitan ng Iglesya Katolika at ng lupong Anglikano.”

Noong Abril 19, 1993, ang tensiyon sa pagitan ng pamahalaan ng E.U. at ng mga miyembro ng isang relihiyosong kulto, ang Branch Davidians​—na nagbukod sa kulto anupat hindi malusob sa napapaderang bakuran nito sa Waco, Texas, at sumawi ng buhay ng apat na opisyal ng pamahalaan at di-kukulanging 75 miyembro ng kulto. Pagkalipas ng dalawang taon isinagawa ang mga imbestigasyon sa posibilidad na ang pagbomba ng terorista na sumawi ng 168 katao sa isang gusali ng pamahalaan sa Lunsod ng Oklahoma ay baka isang paghihiganti sa pagsalakay sa Waco.

Ang daigdig ay nasindak na mabalitaan maaga noong 1995 ang tungkol sa isang pagsalakay ng terorista na gumamit ng nakalalasong gas sa sistema ng subway sa Tokyo. Sampu katao ang namatay, at libu-libo pa ang nagkasakit. Lalo pang nasindak ang daigdig nang ang pananagutan ay ipalagay na kagagawan ng isang sektang nanghuhula tungkol sa katapusan ng mundo na tinatawag na Aum Shinrikyo, o Aum Sukdulang Katotohanan.

Mahahalagang Anibersaryo na Walang Gaanong Ipagdiriwang

Noong 1492, di-inaasahang narating ni Columbus ang Kanlurang Hemispero. Ang pagdiriwang noong 1992 ng ika-500 anibersaryo ng pangyayaring ito ay napaliligiran ng kontrobersiya. Mga 40 milyong inapo ng mga Amerikanong Indiyan ang nagalit sa pahiwatig na isang Europeo ang “nakatuklas” ng mga lupain kung saan nakatira at nanagana ang kanilang mga ninuno bago pa siya isinilang. Tinawag ng ilan ang manggagalugad na “isang pasimuno ng pagsasamantala at paglupig.” At sa totoo lang, ang pagdating ni Columbus sa Kanlurang Hemispero ay mas isang kapahamakan kaysa sa isang pagpapala para sa katutubong mga maninirahan nito. Ninakaw sa kanila ng tinatawag na Kristiyanong mga manlulupig ang kanilang lupa, soberanya, dignidad, at buhay.

Noong Setyembre 1995, ipinagdiwang ng Israel ang 16-na-buwang-haba na pagdiriwang upang alalahanin ang ika-3,000 anibersaryo ng pagsakop ni Haring David sa Jerusalem. Subalit ang anibersaryo ay nagkaroon ng kalunus-lunos na pasimula nang mapaslang ang Punong Ministro na si Yitzhak Rabin noong Nobyembre 4 ng mga bala ng isang mamamatay-tao mga ilang minuto lamang pagkatapos niyang magpahayag sa isang raling pangkapayapaan. Ito’y nagdulot ng kalungkutan sa prosesong pangkapayapaan sa Gitnang Silangan, nagpapakita na umiiral ang malubhang pagkakaiba sa relihiyon hindi lamang sa pagitan ng mga Judio at mga taga-Palestina kundi maging sa gitna ng mga Judio mismo.

Ilang 50-taóng mga anibersaryo ang ipinagdiwang sa pagitan ng 1991 at 1995 may kaugnayan sa Digmaang Pandaigdig II​—ang pagsalakay sa Pearl Harbor, na humantong sa pagpasok ng Estados Unidos sa digmaan; ang pagsakop sa Europa ng mga Allies; ang pagpapalaya sa mga piitang kampo ng Nazi; ang tagumpay ng Allied sa Europa; at ang paghuhulog ng unang bomba atomika sa Hapón. Dahil sa dugo at luhang nauugnay sa mga pangyayaring ito, ang ilang tao ay nagtanong kung talaga bang sulit na ipagdiwang ito.

Ito’y humantong sa anibersaryo ng isa pang mahalagang pangyayari, ang pagtatatag ng organisasyon ng United Nations noong Oktubre 1945. Punúng-punô ng pag-asa na ang paraan upang makamit ang pandaigdig na kapayapaan ay natagpuan na sa wakas.

Ang United Nations, gaya ng sinabi kamakailan ni Boutros Boutros-Ghali, ang panlahat na kalihim nito, bilang pagtatanggol dito, ay nagkamit ng maraming tagumpay. Subalit hindi ito nagtagumpay sa pagtupad sa layunin ng karta nito, alalaong baga “upang panatilihin ang internasyonal na kapayapaan at katiwasayan.” Kadalasang sinikap ng mga hukbo nito na mapanatili ang kapayapaan sa mga dako kung saan walang kapayapaang dapat panatilihin. Hanggang noong 1995, hindi nito nabigyan ng buhay ang mabuway na bagong daigdig na kaayusan.

Samantalang Nangangapa ang Bagong Daigdig na Kaayusan, Umuunlad Naman ang Tunay na Teokrasya!

Dahilan sa kawalang-katatagan sa pulitika, ekonomiya, at relihiyon na nagpangyari sa pangitain nila tungkol sa isang bagong daigdig na kaayusan na maglaho sa harap mismo ng kanilang mga mata, ang ilang tao ay nagsimulang magsalita tungkol sa isang bagong daigdig na kaguluhan. Sa pangyayaring ito higit pang nakita ng mga Saksi ni Jehova ang katunayan na tanging ang bagong sanlibutan na pangyayarihin ng Diyos ang magtatamasa ng katatagan sa lipunan ng tao.

Sa ilang bansa ang wakas ng Cold War ay nangahulugan ng higit na kalayaan para sa mga Saksi ni Jehova, nagpahintulot sa kanila na magdaos ng katangi-tanging internasyonal na mga kombensiyon sa Budapest, Kiev, Moscow, Prague, St. Petersburg, Warsaw, at sa iba pang dako. Pinatibay nito ang pandaigdig na kaayusang pangkongregasyon ng mga Saksi ni Jehova at tumulong ito upang mapabilis ang kanilang gawaing pangangaral. Sa gayon, hindi kataka-taka na ang bilang ng aktibong mga Saksi sa isa lamang sa mga lugar na ito ay lumago mula 49,171 noong 1991 tungo sa 153,361 noong 1995. Noong apat na taon ding iyon, ang bilang ng mga Saksi sa buong daigdig ay lumago mula sa 4,278,820 tungo sa 5,199,895. Ang totoong teokrasya ay lumalago higit kailanman!

Oo, milyun-milyong tao ang ngayo’y naglalagak ng kanilang pag-asa sa hinaharap sa pangako ng Diyos na Jehova ng “isang bagong langit at isang bagong lupa” na doon “tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:10, 13) Anong laking katalinuhan nga kaysa umasa sa isang bagong daigdig na kaayusan ng tao, na, may mabuway na pasimula, ay mayayanig tungo sa pagkalipol sa lalong madaling panahon!​—Daniel 2:44.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share