Paglilihim sa Ngalan ng Panginoon
ANG pagpapasabog ng nakalalasong gas sa subwey ng Tokyo, Hapon, noong Marso 1995 ay pumatay ng 12 katao, nagbunga ng pagkakasakit ng libu-libo pa, at nakatulong na maisiwalat ang isang lihim. Ang relihiyosong sekta na kilala bilang Aum Shinrikyo (Sukdulang Katotohanan) ay palihim na nagtipon ng arsenal ng sarin gas upang gamitin sa pagtataguyod ng mahihiwagang layunin.
Pagkaraan ng isang buwan ay isa namang pagsabog ng bomba ang nagwasak sa gusali ng pamahalaan sa Lunsod ng Oklahoma, E.U.A., at siyang ikinamatay ng 167. Waring ipinakikita ng mga ebidensiya na ang pagpapasabog ay sa isang banda may kaugnayan sa di-pagkakasundo ng pamahalaan at ng relihiyosong kulto na Branch Davidian sa Waco, Texas, eksaktong dalawang taon na ang nakalipas. Noon ay mga 80 miyembro ng kulto ang namatay. Isiniwalat din ng pagsabog ng bomba ang isang lihim para sa karamihan ng mga tao: Maraming tulad-militar na mga pangkat ang umiiral ngayon sa Estados Unidos, na sa paano man ang ilan sa mga ito ay pinaghihinalaang palihim na nagpaplano ng pagkilos laban sa pamahalaan.
Pagkaraan, nang matatapos na ang 1995, natagpuan sa isang kagubatan malapit sa Grenoble, Pransiya, ang sunóg na bangkay ng 16 katao. Sila’y mga miyembro ng Order of the Solar Temple, isang maliit na relihiyosong kulto na napabalita sa Switzerland at Canada noong Oktubre 1994 nang 53 sa mga miyembro nito ang nagpatiwakal o kaya’y pinaslang. Ngunit kahit pagkatapos ng trahedyang ito, patuloy pa ring umiral ang sekta. Hanggang ngayon ay nababalot pa rin sa lihim ang pangganyak at mga layunin nito.
Ang mga Panganib ng Relihiyosong Paglilihim
Dahil sa gayong mga pangyayari, nakapagtataka ba na maraming tao ang naghihinala sa mga grupong relihiyoso? Tiyak na walang sinuman ang magnanais na sumuporta sa isang lihim na organisasyon—relihiyoso o di-relihiyoso—na nagsasamantala sa kaniyang pagtitiwala at nagpapangyari sa kaniya na magtaguyod ng mga tunguhin na hindi niya sinasang-ayunan. Subalit ano ang magagawa ng mga tao upang maiwasang mahulog sa silo ng pagkasangkot sa kahina-hinalang lihim na mga samahan?
Maliwanag, isang katalinuhan para sa sinumang nag-iisip na maging miyembro ng isang lihim na samahan na tiyakin ang tunay na mga layunin nito. Ang panggigipit mula sa mga kaibigan o kakilala ay dapat na iwasan, at ang pasiya ay dapat na salig hindi sa emosyon kundi sa katotohanan. Tandaan, malamang na ang indibiduwal mismo—hindi ang iba—ang daranas ng anumang posibleng mga bunga nito.
Ang pagsunod sa mga simulain sa Bibliya ay siyang pinakamaaasahang paraan ng pag-iwas sa mapanganib na mga grupo na may di-mararangal na motibo. (Isaias 30:21) Nasasangkot dito ang pagiging neutral sa pulitika, pagpapamalas ng pag-ibig sa iba, maging sa mga kaaway, pag-iwas sa “mga gawa ng laman,” at paglinang sa mga bunga ng espiritu ng Diyos. Higit sa lahat, ang mga tunay na Kristiyano ay hindi dapat na maging bahagi ng sanlibutan, kung paanong si Jesus ay hindi bahagi, at kasali sa landasing ito ang hindi pakikibahagi sa mga lihim na samahan sa sanlibutan.—Galacia 5:19-23; Juan 17:14, 16; 18:36; Roma 12:17-21; Santiago 4:4.
Ang mga Saksi ni Jehova naman ay masisigasig na mga estudyante ng Bibliya na taimtim sa kanilang pananampalataya at hayagang nagsisikap na mamuhay nang alinsunod dito. Sa buong daigdig, kilalang-kilala sila bilang isang grupong relihiyoso na ‘humahanap ng kapayapaan at nagtataguyod nito.’ (1 Pedro 3:11) Tama ang pagkasabi ng kanilang aklat na Ang mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos: “Sa anumang paraan ang mga Saksi ni Jehova ay hindi isang samahang naglilihim. Ang kanilang mga paniniwalang salig sa Bibliya ay lubusang ipinaliliwanag sa mga publikasyong makukuha ng sinuman. Karagdagan pa, sila’y gumagawa ng pantanging pagsisikap upang anyayahan ang madla na dumalo sa mga pulong upang personal nilang pagmasdan at pakinggan kung ano ang nagaganap doon.”
Ang tunay na relihiyon ay tiyak na hindi naglilihim. Tinagubilinan ang mga sumasamba sa tunay na Diyos na huwag ikubli ang kanilang pagkakakilanlan o palabuin ang kanilang layunin bilang mga Saksi ni Jehova. Pinuno ng mga naunang alagad ni Jesus ang Jerusalem ng kanilang turo. Hayag ang kanilang mga paniniwala at gawain. Totoo rin naman ito sa mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Mauunawaan naman, kapag may kamaliang hinihigpitan ng mga rehimeng makadiktador ang kalayaan ng pagsamba, dapat na may pag-iingat at lakas ng loob na ituloy ng mga Kristiyano ang kanilang gawain, anupat sinusunod “ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao,” isang situwasyon na mahigpit na napaharap sa kanila dahil sa kanilang may lakas-loob na pagpapatotoo sa madla.—Gawa 5:27-29; 8:1; 12:1-14; Mateo 10:16, 26, 27.
Kung sumagi man sa iyong isip na baka ang mga Saksi ni Jehova ay isang lihim na kulto o sekta, malamang na iyan ay dahil sa kakaunti ang nalalaman mo tungkol sa kanila. Tiyak na ganiyan ang kalagayan ng marami noong unang siglo.
Sinasabi sa atin ng Gawa kabanata 28 ang tungkol sa pakikipagpulong ni Pablo sa “mga pangunahing lalaki ng mga Judio” sa Roma. Ganito ang sabi nila sa kaniya: “Iniisip naming wasto na marinig mula sa iyo kung ano ang iyong kaisipan, sapagkat totoong kung tungkol sa sektang ito nalalaman namin na sa lahat ng dako ay pinagsasalitaan ito nang laban.” (Gawa 28:16-22) Bilang tugon, “ipinaliwanag [ni Pablo] ang bagay na ito sa kanila sa pamamagitan ng lubusang pagpapatotoo may kinalaman sa kaharian ng Diyos,” at “ang ilan ay nagpasimulang maniwala.” (Gawa 28:23, 24) Talaga namang ukol sa kanilang walang-hanggang kapakinabangan ang kumuha ng katotohanan tungkol sa tunay na Kristiyanismo.
Yamang sila’y nakaalay sa hayagan at pangmadlang paglilingkod sa Diyos, malulugod ang mga Saksi ni Jehova na isiwalat ang simpleng katotohanan tungkol sa kanilang gawain at mga paniniwala sa sinuman na interesadong makaalam ng katotohanan. Bakit hindi ka mismo magsuri, sa gayo’y mapasakalagayan na may wastong kabatiran tungkol sa kanilang pananampalataya?
[Larawan sa pahina 6]
Nalulugod ang mga Saksi ni Jehova na isiwalat kung sino sila at kung ano ang ginagawa nila