Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 7/22 p. 15-18
  • Kung Bakit Niya Binago ang Kaniyang mga Priyoridad

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Bakit Niya Binago ang Kaniyang mga Priyoridad
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Unang Hamon
  • Ang Kahalagahan ng mga Awit at Tawag ng mga Ibon
  • Ang Sining ng Pagmamasid ng Ibon
  • Mga Binhi at ang Paglaki
  • Ang Pangangailangan Para sa Pagkakatimbang
  • Mga Priyoridad ng Pangangalaga
  • Pagmamasid-ibon—Isa Bang Kawili-wiling Libangan Para sa Lahat?
    Gumising!—1998
  • Ibon
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Paano Ako Magiging Kaibigan ng Diyos?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Kapag Sumalpok sa Gusali ang mga Ibon
    Gumising!—2009
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 7/22 p. 15-18

Kung Bakit Niya Binago ang Kaniyang mga Priyoridad

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA

Isang mataginting na bulalas ng awit ang biglang pumunô sa kapaligiran. Ang malakristal-ang-linaw na mga himig ay nagpatuloy, na waring walang katapusan. Ako’y nabighani. “Ito’y isang ibong nightingale!” bulong ni Jeremy. Dahan-dahan kaming umusod sa mga palumpon, sinisikap na mabuti na pagtuunan ng pansin ang pinagmumulan ng magandang tunog na iyon. Pagkatapos, namataan namin ang mahiyain, di-pansining mapusyaw na kayumangging ibon sa gitna ng palumpon. “Mabuti at nakita natin ito,” sabi ni Jeremy habang kami sa wakas ay papaalis. “Bihirang tao ang nakakakita nito.”

GINUGOL ko ang araw na kasama si Jeremy, ang warden ng Minsmere, isang 800-ektaryang reserbadong lupa para sa kalikasan ng Royal Society for the Protection of Birds (RSPB), na makikita sa isa sa pinakasilangang dako ng Inglatera. Noong ikalawang digmaang pandaigdig, ang bahaging ito ng baybayin ng Hilagang Dagat ay pinaapawan ng tubig upang salungatin ang posibleng pagsalakay ng Alemanya. Bunga nito, nagkaroon ng mga taniman ng tambo at dinagsa ng mga ibon sa latian ang pastulan. Sumidhi ang katuwaan noong 1947 nang apat na pares ng ibong avocet ang namugad dito, yamang ang uring ito ng ibon ay hindi nagparami sa Britanya sa nakalipas na 100 taon.

Di-nagtagal ang RSPB ang namahala sa lugar na ito, at ito ngayon ay isang lugar ng konserbasyon na may internasyonal na kahalagahan. Bukod pa sa mga taniman ng tambo, kabilang sa mga tirahan ng ibon ang mga lawa ng tubig na maalat-alat at tubig-tabang​—ang pinakamalaki ay tinatawag na Scrape​—mga graba, buhanginan, latian, parang, malumot na lupa, at mga kakahuyan ng mga punong nalalagas ang dahon at mga puno ng pino. Mahigit na 330 uri ng ibon ang naitala, 100 o higit pa sa mga ito ang nagpaparami sa reserbadong lugar. Ang napakaraming sarisaring buhay-ibon ay pangunahin nang dahil sa mga rutang pandarayuhan sa kahabaan ng baybayin sa gawing silangan, subalit may bahagi ring ginampanan dito ang bihasang pangangasiwa.

“Dumating ako rito noong 1975,” sabi sa akin ni Jeremy, “sapagkat ang Minsmere ay nagharap ng isang pambihirang hamon. Mula noong 1966 ang ibong avocet ay naging sagisag, at sa wakas naging logo, ng RSPB. Ang Minsmere ngayon ay nakikita ng marami bilang ang pinakamalaking reserbadong lupa ng RSPB, tumatanggap ng hanggang 80,000 bisita sa bawat taon.”

Ang Unang Hamon

“Ang aking interes ay napukaw sa paaralan,” patuloy ni Jeremy habang kami’y naglalakad. “Natutuhan ko ring lagyan ng anilyo ang mga ibon doon at pag-aralan ang pandarayuhan ng mga ibon. Noong dakong huli ng mga taon ng 1960, ako’y nakapaglagay ng anilyo sa pagitan ng 12,000 at 20,000 ibon sa isang taon bilang isang libangan. Pagkatapos, inanyayahan ako ni Chris Mead ng British Trust for Ornithology na sumama sa kaniya sa isang ekspedisyon sa Espanya upang lagyan ng anilyo ang mga nandarayuhang ibon sa ibayo ng Sahara. Ang lambat na ginamit ay isang pinong itim na lambat, iba-iba ang haba mula 6 hanggang 18 metro, na maluwang na nakabitin at maingat na inilagay na may mga punungkahoy sa likuran upang hindi ito makita ng mga ibon. Ang mga ibon ay hindi nasasaktan, at habang inilalabas ang mga ito mula sa lambat, isang maliit na pagkakakilanlang anilyo na yari sa Monel Metal, ang inilalagay sa palibot ng paa nito.a Ang pagpapalaya sa mga ibon ay isa ring sining. Ang isang naglalagay ng anilyo sa ibon ay hindi kailanman inihahagis ang kaniyang mga ibon sa himpapawid, gaya ng nakikita mo kung minsan sa telebisyon. Hinahayaan niya lamang umalis ang mga ito kung kailan nito gustong lumipad. Halimbawa, ang ibong sibad ay mangungunyapit sa kasuutang lana at lilipad lamang kapag ito’y handa na.

“Iyan ay isang kahali-halinang karanasan na pinagbakasyunan ko ng anim na linggo​—at dahil dito’y nawalan ako ng trabaho! Bunga nito, naipasiya kong huminto at itaguyod ang trabahong nagugustuhan ko​—ang pangangalaga sa kalikasan, lalo na sa mga ibon. Tuwang-tuwa ako nang ako’y anyayahan ng RSPB na sumama sa kanila noong 1967.”

Ang Kahalagahan ng mga Awit at Tawag ng mga Ibon

Paano mo nakikilala ang isang ibon? Kung minsan sa pamamagitan ng hitsura nito, subalit ang pagkilala sa pamamagitan ng awit, o tawag ng ibon, ay mas maaasahan. Ang kasanayan ni Jeremy sa bagay na ito ay kilalang-kilala. Ang dalubhasa sa kalikasan na si David Tomlinson ay may paghangang sumulat na si Jeremy ay “hindi lamang nakakakilala ng mga ibon sa pamamagitan ng kanilang awit, kundi talagang masasabi kong makikilala niya ang mga ito sa paraan ng paghinga nila ng hangin sa pagitan ng mga nota!”

“Ang mga ibon ay nag-uusap,” paliwanag ni Jeremy. “Ang bawat tawag ay iba ang kahulugan. Halimbawa, kapag may maninila sa paligid, ang mga ibong avocet, lapwing, golondrina de mar, at mga redshank ay pawang may kani-kaniyang sariling partikular na tawag, subalit ang bawat tawag ay nangangahulugan ng iisang bagay: ‘May sora sa paligid!’ Maaari akong magising mula sa mahimbing na pagkakatulog at agad kong malalaman kung nasaan ang sora, kung anong uri ng ibon ang tumatawag. Subalit huwag mong kaligtaang ang mga sora ay may matalas ding pandinig. Nagtataka kami kung bakit ang mga ibong tern ay hindi matagumpay na nakapagpaparami sa isang taon at natuklasan namin na isang sora ang nakikinig sa tawag ng mga inakay sa loob ng kanilang itlog bago pa ito mapisa. Sa oras na makita niya ang mga ito, kinakain niya ang mga ito!”

Ang Sining ng Pagmamasid ng Ibon

Ang isang magaling na tagamasid ng ibon sa Britanya ay makapagtatala ng hanggang 220 iba’t ibang uri sa isang taon. Ang mga twitcher, masugid na mga tagamasid na nagpapaligsahan sa pagtatala ng nakikitang pambihirang mga ibon, ay maaaring makakilala ng hanggang 320.b Ang balita tungkol sa isang nakitang pambihirang ibon ay mag-uudyok sa kanila na maglakbay sa ibayo ng bansa upang makita ito mismo. Si Jeremy ay mas kontento na. “Hindi ako maglalakbay ng mahigit na 16 na kilometro upang makakita ng isang pambihirang uri,” sabi niya. “Sa katunayan, tatlong beses lamang akong naglakbay upang makita: ang isang ibong nutcracker, buff-breasted sandpiper, at isang malaking ibong bustard, pawang sa loob lamang ng labing-anim na kilometro. Bagaman kilalang-kilala ko ang 500 uri ng ibon, natalos ko na kaunti lamang ang nalalaman ko tungkol sa lahat ng uri ng mga ibon. Alam mo, may mga 9,000 uri ng ibon sa buong daigdig!”

Habang itinututok namin ang aming mga largabista sa mga latian, ganito pa ang sabi ni Jeremy: “Wala na akong mahihiling pang mas maligaya o mas mabungang buhay, lalo na sa aking 16 na taon sa Minsmere!” Tumingin ako sa kaniya at nagunita ko ang kuwento na kalalabas lamang sa The Times, isang pahayagan sa London. Sabi nito: “Ang Minsmere ang kaniyang [kay Jeremy] sukdulang tagumpay, ang gusto niyang gawin sa kaniyang buhay.” Si Jeremy ay aalis sa Minsmere. Bakit?

Mga Binhi at ang Paglaki

Maaga nang araw na iyon, nasaksihan namin ang di-pangkaraniwang pag-aasawa ng avocet. “Ang lubos na kagandahan nito,” sabi ni Jeremy, “ay hindi maipalalagay na bunga ng basta pagiging buháy dahil sa ebolusyon. Subalit natatandaan kong inamin mga ilang taon na noon, nang ako’y tanungin kung ako’y naniniwalang may isang Diyos: ‘Ewan ko​—at hindi ko alam kung paano malalaman ito!’ Kaya nang ako’y himukin na suriin ang Bibliya, ako’y agad na sumang-ayon. Kaunti lamang ang nalalaman ko tungkol dito at inaakala ko na wala namang mawawala sa akin kung susuriin ko ang Bibliya​—at marahil kapaki-pakinabang pa nga ito. Ngayon, bunga ng aking natutuhan, aalis ako sa Minsmere upang maging isang buong-panahong ministro.”

Sa loob ng sampung taon si Michael, ang kapatid ni Jeremy, ay isang “payunir,” ang katagang ginagamit ng mga Saksi ni Jehova upang ilarawan ang kanilang buong-panahong mga ebanghelisador. Habang kami’y nakaupo at umiinom ng aming tsa, inilarawan ni Jeremy ang kaniyang mga plano na pagsama sa kaniyang kapatid. “Iginagalang ng lahat ng aking mga kasamahan ang aking pasiya,” paliwanag ni Jeremy. “Ang RSPB ay interesado at mapagmahal. Binigyan nila ako ng lubusang pagsuporta at inirekomenda pa nga ako para sa isang pambansang gantimpalang merito.”

Subalit alam ko na may ilang pagpuna.

Ang Pangangailangan Para sa Pagkakatimbang

“Karamihan ng mga tao ay sumuporta, subalit ang iba, nakalulungkot nga, ay waring may maling pangmalas sa aking trabaho dito,” sabi ni Jeremy. “Inaakala nila na ang pinakamalaking pananggalang sa espirituwalidad ay maging malapit sa kalikasan, ang pangangalaga sa buhay-iláng​—ang paggawa para sa pangangalaga nito. Sabi nila sa akin na ito ang magpapangyari sa iyo na maging mas malapit sa paraiso, kaya bakit ka aalis?

“Maliwanag, ang gawain ay may espirituwal na aspekto, subalit hindi ito katumbas ng espirituwalidad. Ang espirituwalidad ay isang personal na pag-aari, isang katangian na nangangailangan ng panahon upang linangin. Kasangkot dito ang pangangailangan na makisama at mangalaga sa Kristiyanong kongregasyon, upang magpalakas at mapalakas. Kung minsan nadarama kong para bang sinisikap kong gawin ang sinabi ni Jesus na hindi natin maaaring gawin​—maglingkod sa dalawang panginoon. Natalos ko ngayon na ang pinakaligtas na kapaligiran ay sa sentro mismo ng Kristiyanong kongregasyon, at ang paraan upang mapunta roon ay ang magpayunir!”

Mga Priyoridad ng Pangangalaga

“Ganito ang ibig kong sabihin. Ang pangangalaga bilang isang warden ay isang kahali-halina at kasiya-siyang karanasan, kahit na kung minsan ito ay nakasisiphayo. Halimbawa, ang polusyon dahil sa PCB at asoge sa tirahang ito ng mga ibon ay nasa nakababahalang antas​—at talagang hindi namin alam kung bakit ito nagkakaganito, gayunman inaakala naming dinadala ito ng mga igat.c Subalit anuman ang gawin ko upang lunasan ito ang pagkakatimbang ay lubhang natatakdaan. Walang taong matatawag na ekspertong ekologo. Lahat tayo ay nangangapa-ngapa, nag-aaral nang husto hangga’t maaari. Kailangan natin ng patnubay. Tanging ang ating Maylikha lamang ang nakaaalam kung paano tayo dapat mamuhay at pangalagaan ang lupa at ang saganang pagkasari-sari ng buhay.”

Matahimik, binuod ni Jeremy ang kaniyang mga damdamin: “Hindi ko inialay ang aking buhay kay Jehova upang iligtas ang buhay-iláng; kayang-kaya niyang pangalagaan iyan mismo. Sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian, titiyakin niya na ang buhay-iláng ay pangangasiwaan natin sa lahat ng panahon sa paraan na nais niyang gawin ito. Ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ang dapat unahin ngayon kung aking tutuparin ang aking pananagutan na pangalagaan ang aking kapuwa-tao.”

Nakita kong muli si Jeremy kamakailan. Tatlong taon na nang magkasama naming ginugol ang maligayang araw na iyon sa reserbadong lugar. Siya ngayo’y nakatira na walong kilometro ang layo mula sa kaniyang minamahal na Minsmere, maligayang nagpapayunir na kasama ng kaniyang kapatid. Subalit sinabi niya sa akin na sinasabi ng ilang tao na siya’y hindi pa rin nila maunawaan. Nauunawaan mo ba siya? Para kay Jeremy, ito lamang ay may kaugnayan sa mga priyoridad.

[Mga talababa]

a Ang Monel Metal ay isang halo ng nikel at tanso na napakatibay, hindi kinakain ng kalawang.

b Sa Estados Unidos, ang mga twitcher ay mas kilala sa tawag na mga lister.

c Ang PCB ay polychlorinated biphenyl, isang labí ng industriya.

[Kahon/Larawan sa pahina 17]

Isang Masidhing Kagalakan

Tanging 1 sa 10 katao lamang ang makakakita sa nightingale na naririnig nila, subalit minsang marinig, ang awit ay di-malilimot. “Ito’y dalisay na musika, kumpleto at buung-buo,” sulat ni Simon Jenkins sa The Times ng London. Ang ibon ay madalas na umaawit nang patu-patuloy​—ang isa ay naitalang umaawit sa loob ng limang oras at 25 minuto. Ano ang gumagawa sa awit na natatangi? Ang babagtingan (larynx) ng nightingale ay makagagawa ng apat na iba’t ibang nota nang minsanan, pati na ang mga akorde (chord) na tamang-tama ang musika. At ito’y magagawa na ang tuka nito ay nakasara o ang bibig nito ay punô ng pagkain para sa mga inakay nito. Bakit ito umaawit nang marubdob? Para sa lubos na kagalakan nito, sabi ng ilang tagamasid. “May hihigit pa bang kahanga-hangang paglalang kaysa sa babagtingan ng isang nightingale?” pagtatapos ni Jenkins.

[Credit Line]

Roger Wilmshurst/RSPB

[Larawan sa pahina 15]

Ang Scrape

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ni Geoff Welch

[Larawan sa pahina 16]

Itim-ulong golondrina de mar

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ni Hilary at Geoff Welch

[Larawan sa pahina 16]

Avocet

[Larawan sa pahina 18]

Sandwich tern

[Larawan sa pahina 18]

Redshank

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share