Isang Maraming Gamit, Makulay na Pananim
SA ANONG bagay magkakatulad ang disel, pagkain ng baka, sabon, at margarina? Sa ilang bansa ang lahat ng bagay na ito ay ginagawa sa tulong ng halamang rape, na may matingkad na dilaw na bulaklak.
Ang makulay na kamag-anak na ito sa pamilya ng mustasa, tumutubo sa mga lugar sa Europa, Asia, at Hilagang Amerika, ay pantanging pinahahalagahan dahil sa mayaman sa langis na mga binhi nito. Hanggang 40 porsiyento ng rapeseed ay langis, na maaaring gamitin sa iba’t ibang paraan.
Ang karamihan ng langis ng rapeseed—marahil kasindami ng 90 porsiyento—ay ginagamit sa paggawa ng pagkain. Ito’y isinasama sa paggawa ng margarina, biskuwit, sopas, sorbetes, at mga kendi. Subalit ang langis ng rapeseed ay magagamit din sa paggawa ng disel na hindi gaanong nakapagpaparumi sa hangin, sa gayo’y nababawasan ang pinsala sa kapaligiran. Kapag nilantay, ang langis ay maaari ring gamitin upang langisan ang maseselan na makina, at pagkatapos na ito’y mapiga, ang sapal ay maaaring durugin at gawing kuwadrado na mayaman sa protina at kapaki-pakinabang bilang pagkain ng hayop.
Anong pagkarami-raming gamit na tanim! Totoo, masasabi natin ang nabigkas ng salmista: “Pagkasari-sari ang iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat.”—Awit 104:24.