Paglalakbay sa Daigdig ng Naggagandahang Punungkahoy
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA
ANG Westonbirt, isang nayon sa Cotswolds sa Inglatera, ay kilala dahil sa arboretum (alagaan ng mga puno at halamang nililinang para sa siyentipiko at pang-edukasyong mga layunin) nito.a Ito ang isa sa pinakamatanda, pinakamalaki, at pinakamagandang lugar na tipunan ng mga puno at mga palumpong sa daigdig. Suriin nating mabuti ito.
Kagandahan at Kadakilaan
“Walang sinuman ang hindi maaantig dahil sa kagandahan, kadakilaan, at karingalan ng kalipunang ito,” ang sabi ni Hugh Angus, ang tagapangalaga. At kung ang pagbabasihan mo ay ang dami ng mga bisitang paulit-ulit na nagbabalik, waring tama siya.
Ang arboretum ay may 18,000 mga punungkahoy at palumpong, na kumakatawan sa halos kalahati ng 9,000 species at iba’t ibang uri na tumutubo sa mga Temperate Zone ng daigdig. Ang mga bisita ay malayang makapaglilibot sa 240 ektaryang lawak ng parke, subalit upang sila’y masiyahan nang husto, “hinati namin ang Arboretum sa apat na bahagi at iminungkahi namin ang angkop na mga panahon sa pagbisita sa bawat isa,” ang paliwanag ng opisyal na aklat sa paglilibot. Karagdagan pa, may pantanging mga bahaging nakatatawag-pansin, gaya ng Autumn Colour Trail, ang Hillier Cherry Collection, at ang Native Species Collection, pawang may mga paskil at nakamapa.
Kaayaayang mga Bagay ng Panahon
Ang siklo ng panahon sa Hilagang Hemispero ay kalugud-lugod na bagay ng kalikasan. Sa arboretum, ang bawat panahon ay may kaakit-akit na itinatampok. Ang taglamig ang pinakamagandang panahon upang mapahalagahan ang maraming pagkasari-sari ng conifer at upang makita ang magagandang hugis, nakatutuwang hilatsa, at nakagugulat na mga kulay ng mga nalagasang punungkahoy na walang kadahun-dahon. Di-magtatagal, itatanghal naman ng mga palumpong at mga punong namumulaklak kung tagsibol—ang mga azalea, camellia, cherry, magnolia, at mga rhododendron—ang karingalan nito, at ang animo’y alpombra ng ligaw na mga bulaklak ay nagdaragdag sa kagandahan ng kapaligiran.
Mababanaag naman ang katahimikan dahil sa madahong kapaligiran sa arboretum kung tag-init, bago ang botanikal na pagtatanghal ng ubod-gandang mga kulay kung taglagas. Halos 90,000 bisita ang nagkakalipumpon sa Westonbirt kung Oktubre upang makita ang kahanga-hangang pagtatanghal na ito, kung saan ito’y kilalang-kilala. Dito ang iba’t ibang uri ng maple ng Hapon, na may matingkad na kulay pula nito, ang umaagaw ng eksena.
Marami sa mas magugulang nang espesimen ng mga maple ng Hapon sa Westonbirt ay maaaring nagmula sa ibang bansa noong kapanahunan ng Edo, 1603-1867. Nakalulungkot naman, walang talaan ng Hapones na mga pangalan ng naunang mga uring ito. Ang mga maple ay hindi na gaanong naging popular sa Hapon karaka-raka pagkatapos na ito’y mapunta sa Europa, kaya ang natitirang naunang mga uring ito na inangkat mula sa ibang bansa ay hindi maihahambing sa Hapones na koleksiyon o sa mga nagmula sa alagaan ng halaman. Habang umuunti ang mas naunang mga maple ng Hapon, tinatamnan naman ng mga murang puno ang mga sabana. Halos ang bawat puno ay may dahong may iba’t ibang hugis at kulay. Ang mga puno ay lumalaki mula sa binhi na kinolekta mula sa matatanda nang puno ng maple, at ang mga ito’y pinipili dahil sa mga kulay nito sa taglagas. Upang maingatan at maliliman ang mga ito, ang mga maple ay itinatanim kasama ng magulang nang mga encina at conifer. Ito rin naman ay nagsisilbing tanawin ng mga kulay ginto at luntian na tila haligi ng sinag ng araw sa taglagas na nagpapaningning sa maple.
Siyentipikong Pamamanihala
Pinasimulan ang Westonbirt Arboretum bilang isang libangan lamang noong 1829 at kinuha ng British Forestry Commission noong 1956. Hindi lamang ang paglalaan ng libangan para sa publiko ang layunin. Ang totoo, ang pangunahing layunin ay makagawa ng siyentipikong koleksiyon na aangkop nang husto sa lokal na mga kalagayan. Sa dahilang ito, isinagawa ang pananaliksik tungkol sa mga pamamaraan ng pagpaparami, at ibinabahagi ang mga resulta—ang mga tagumpay at kabiguan nito—sa iba pang harding botanikal.
Ang Westonbirt ang nanguna sa sistema ng imbentaryo na naka-computer na nagtatala ng mga detalye tungkol sa bawat ispesimen—ang pinagmulan nito, ang paglaki mula sa binhi hanggang sa gumulang, ang mabuting kalagayan at anumang kagamutan sa sakit, at maging sanhi ng pagkamatay nito. Ang isa pang mahalagang ginagawa nito ay ang pagpaparami ng pambihira o di-pangkaraniwang species, kasali na yaong itinala ng International Union for the Conservation of Nature and Natural Resources na nanganganib na malipol sa likas na kapaligiran nito. Ang mga binhi ay kinukuha mula sa mapagkakatiwalaang pinagkukunan upang maiwasan ang pagpapalahi ng dalawang uri, at makukuha ang mga ispesimen sa iba pang mga arboretum.
Ang Westonbirt ay isa ring sentro ng edukasyon. May mga programa tungkol sa pagkilala sa puno, pahayag tungkol sa pagkalbo sa kagubatan, paglilibot na may lektyur, at mga palabas sa slide. Sa isang pantanging panahon sa isang taon, naglalaan naman araw-araw ng mga talakayang may mga larawan para sa bumibisitang mga batang mag-aaral.
Habang kami’y alumpihit sa paglisan sa arboretum, palibhasa’y pinagyaman ng di-makalilimutang karanasan, nadama namin ang pagnanais na magbalik muli upang masiyahan sa kadakilaan ng iba pang panahon. Ang paglalakbay sa magandang daigdig na ito ng mga puno ay nagbigay sa amin ng higit na kaalaman tungkol sa kadakilaan nito gayundin ang kahalagahan ng mga ito sa takbo ng buhay sa lupa.
[Talababa]
a Ito’y isang salitang hango mula sa salitang Latin na arbor, na nangangahulugang “puno.”
[Mga larawan sa pahina 17]
Itaas: Ang mga sipres ng Lawson
Gitna: Maple ng Hapon
Ibaba: Ang cedro ng Lebanon