Namamatay na mga Bahura ng Korales—May Pananagutan ba ang mga Tao?
ANG Internasyonal na Simposyum Tungkol sa mga Bahura ng Korales ng 1992 ay nag-ulat na ang mga tao ay tuwiran o di-tuwirang naging sanhi ng kamatayan ng 5 hanggang 10 porsiyento ng nabubuhay na mga bahura ng daigdig at na 60 porsiyento pa ang maaaring mawala sa susunod na 20 hanggang 40 taon. Ayon kay Clive Wilkinson ng Australian Institute of Marine Science, tanging ang mga bahura sa liblib na mga lugar ang medyo malusog. Ang pahayagang USA Today ay nagsabi na ang mga dakong may napinsalang “mga bahura ay kinabibilangan ng Hapón, Taiwan, Pilipinas, Indonesia, Singapore, Sri Lanka, at India sa Asia; Kenya, Tanzania, Mozambique, at Madagascar sa Aprika; at ang Dominican Republic, Haiti, Cuba, Jamaica, Trinidad at Tobago, at Florida sa mga bansa sa Amerika. Ang mga dahilan ng pagkasira ay iba-iba, subalit ang maraming populasyon sa tabing-dagat at ang maraming pagpapaunlad sa mga tabing-dagat ay mga salik na may bahagi ang lahat ng ito.”
Ang mga bahura ng korales ay normal na nabubuhay sa tubig-dagat na ang temperatura ay sa pagitan ng 25 at 29 antas Celsius, depende sa kanilang kinaroroonan. Subalit ang limitadong agwat ng temperatura para sa malusog na korales ay napakalapit sa nakamamatay na temperatura. Ang pagtaas ng isa o dalawang antas sa karaniwang pinakamainit na temperatura kung tag-init ay maaaring makamatay. Bagaman maaaring makilala ang iba’t ibang sanhi ng lokal na pagputi ng korales at ang kasunod na pagkamatay nito, maraming siyentipiko ang naghihinalang isang karaniwang pambuong-daigdig na dahilan ay maaaring ang pag-init ng globo. Ang magasing Scientific American ay nag-ulat tungkol sa konklusyong ito: “Ang mga ulat ng 1987 tungkol sa pagputi ng mga korales ay kasabay ng sumisidhing pagkabahala tungkol sa pag-init ng globo. Kaya nga, hindi kataka-taka na narating ng ilang siyentipiko at ng iba pang tagamasid ang konklusyon na ang mga bahura ng korales ay kahawig ng ibong kanaryo sa minahan ng karbón—ang unang pahiwatig ng pag-init ng temperatura sa karagatan sa buong globo. Bagaman waring ang mataas na temperatura ng lokal na tubig-dagat ang sanhi ng pagputi, ang pag-uugnay ng epektong ito sa pag-init ng globo ay hindi tiyak sa pagkakataong ito.”
Ganito ang sabi ng U.S.News & World Report: “Ang mga pagsusuri kamakailan sa Caribbean ay sumusuporta sa palagay na ang di-normal na mainit na mga karagatan ang nagpangyari sa biglang pagputi ng mga korales kamakailan.” Malungkot na inihambing ni Thomas J. Goreau, na namumuno sa Global Coral Reef Alliance, ang suliranin tungkol sa mga bahura sa umuunting masinsing kagubatan ng Amazon. “May ilan pa ring masinsing kagubatang matitira sa loob ng limampung taon,” aniya, “ngunit sa bilis ng pagkamatay ng mga bahura ng korales ngayon, hindi ito tatagal ng limampung taon.”
Pagkawasak sa Buong Daigdig—Maraming Dahilan
Sa kahabaan ng Baybaying Pasipiko ng Gitnang Amerika, hanggang 95 porsiyento ng mga korales ang namatay noong 1983. Ang katulad subalit hindi gaanong mapangwasak na pagputi ng korales ay nangyari na kasabay nito sa gitna at kanlurang Pasipiko. Malubhang pagputi ng korales ang humampas sa Great Barrier Reef ng Australia at sa mga lugar sa mga karagatan ng Pasipiko at Indian. Ang Thailand, Indonesia, at ang mga Isla ng Galápagos ay nag-ulat din ng pinsala. Mula noon, ang malawakang pagputi ng korales ay nangyari malapit sa Bahamas, Colombia, Jamaica, at Puerto Rico gayundin sa gawing timog ng Texas at Florida, E.U.A.
Isang pandaigdig na anyo ng pagkawasak ng mga bahura ang lumilitaw. Ganito ang sabi ng Natural History: “Sa lubhang maikling panahon na ang mga ecosystem ng bahura ay pinag-aralan, ang pagputi ng mga korales sa kasalukuyang lawak nito ay hindi pa kailanman nakita. Sinuri ni Peter Glynn, isang biyologo sa University of Miami, ang 400-taóng-gulang na mga korales sa lubhang namuting mga korales sa silangan ng Pasipiko at wala siyang nakitang katibayan ng kahawig na mga kapahamakan noon. Ang grabeng pagputi ng mga korales ay nagpapahiwatig na ang karaniwang pag-init ng panahon noong mga taon ng 1980 ay maaaring nagkaroon ng malubhang epekto sa mga bahura ng korales at maaaring hulaan nito ang hinaharap ng mga bahura kung ang pag-init ng globo ay hahantong sa mas mainit pang mga temperatura. Nakalulungkot naman, ang pag-init ng lupa at ang pagkasira ng kapaligiran ay halos tiyak na magpapatuloy at sisidhi pa, anupat gagawing mas madalas ang mga siklo ng pandaigdig na pagputi ng mga korales.”
Binanggit ng U.S.News & World Report ang malamang na isa pang dahilan: “Ang pagnipis ng ozone layer, na nagsasanggalang sa nabubuhay na mga nilalang mula sa nakapipinsalang radyasyon ng ultraviolet, ay maaari ring managot sa pagkamatay kamakailan ng mga bahura.”
Sa mga tabing-dagat, kung saan nakatira ang mahigit na kalahati ng populasyon ng daigdig, ang pagiging iresponsable ng tao ay lubhang nakapinsala sa mga bahura ng korales. Natuklasan ng isang pagsusuri mula sa World Conservation Union at sa United Nations Environment Programme na pininsala o sinira ng tao ang napakaraming bahura sa 93 bansa. Maraming nagpapaunlad na mga lugar ang nagbubuhos ng kanilang maruming alkantarilya nang tuwiran sa karagatan, anupat dinudumhan ito.
Ang mga bakawan, na nabubuhay sa tubig-dagat at sinasala ang mga dumi, ay pinuputol para sa gamit na kahoy at gatong. Ang mga bahura ay sinisira at kinukuha para gamiting materyales sa pagtatayo. Sa Sri Lanka at sa India, ang buong bahagi ng bahura ay giniling at ginawang semento. Ang malalaki at maliliit na barko ay naghuhulog ng angkla sa mga bahura o sumasadsad dito, anupat nadudurog ang mga ito.
Inilarawan ng magasing National Geographic ang nangyayari sa John Pennekamp Coral Reef State Park sa Florida: “Dinudumhan ng kanilang mga barko ang tubig at ang lahat ng naroroon ng mga produkto ng petrolyo at alkantarilya. Ang hindi bihasang mga opereytor ay bumabangga sa mga bahura. Sila’y nagkakalat sa dagat ng plastik na mga baso, mga latang aluminyo, bubog, mga bag na plastik, mga bote, at milya-milya ng buhul-buhol na pamingwit. Ang mga sukal na ito ay hindi nawawala—ito ay, sa katunayan, hindi maaaring sirain.”
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Sa kagandahang-loob ng Australian International Public Relations
[Picture Credit Line sa pahina 17]
Sa kagandahang-loob ng Bahamas Ministry of Tourism